Kabanata 14
S U N N Y
Bago pa ako makatugon sa sinabing iyon ni Alistair ay inakay na ako ni Bren sa mahabang lamesa ng dining room. Naiiling ito habang tinatapik ang balikat ko. Binigyan niya ako ng makahulugang tingin na para bang sinasabi niyang huwag ko na lang patulan.
Tumango lang ako. Wala naman talaga akong balak na patulan pa siya. Napagtanto kong mas lalo lamang kaming hindi magkakasundo kung palagi kaming magpapatulan na dalawa. Mas mabuti pa, hayaan ko na lang siya sa pagsusuplado niya. Magsasawa din magsuplado 'yan kapag napatunayan ko na sa kanyang karapat-dapat ako sa team na ito at talagang patutunayan ko iyon sa kanya.
"Masama nanaman yata ang gising," bulong ni Bren na may ngising nakakaloko.
Natawa ako at napailing na lamang. Loko talaga ang isang ito. Kaya imbes na mainis ay tumawa na lamang ako at nakibiro na din.
"Lagi naman yata masama ang gising niyan," sabi ko, mahina lang para hindi marinig ni Alistair na siya ang pinag-uusapan namin ni Bren.
"Sinabi mo pa." Sabay halakhak ni Bren.
Nang sulyapan ko si Alistair ay naabutan ko itong bumaling sa amin ni Bren, napaayos ako ng upo. Alam ko namang hindi niya rinig ang pinag-uusapan namin ni Bren, pero pakiramdam ko para pa din kaming nahuli na pinag-uusapan siya. Mabuti na lang at magaling itong si Bren. Nailihis niya agad ang usapan sa ibang bagay. Sinabayan ko na lang din siya hanggang sa tuluyan na kaming inignora ni Alistair.
Maya-maya pa ay natapos na din naman agad si Alistair sa niluluto niya. Isinalin niya iyon sa isang lalagyan at bago pa makakilos si Bren para kumuha ng mga kubyertos ay tumayo na ako para ako na ang gumawa noon.
"Ako na dito," sabi ko habang kumukuha ng mga kubyertos sa lalagyanan nito.
Hinayaan lang naman ako ni Bren at hindi na ako pinigilan pa.
"Ah, nasaan ang mga pinggan?" tanong ko kay Alistair dahil ito ang mas malapit sa akin.
Ang panget naman kung kay Bren pa ako magtatanong gayong halos nasa tabi ko na itong si Alistair.
Sus, kunwari ka pa, Sunny. Ang sabihin mo gusto mo lang talaga siyang makausap.
Sinulyapan ako sandali ni Alistair bago ito yumuko para buksan ang cabinet na may mga nakalagay na pinggan. Tatlong ganoon ang inabot niya sa akin ng walang sinasabi.
"Salamat," marahang sabi ko. Naghintay pa ako sandali na may sabihin siya pero nang mapansin kong wala na siyang balak kumibo ay bumalik na din ako sa malaking lamesa.
Sumunod naman siya dala-dala ang niluto niya. Inilapag ko ang mga pinggan sa lamesa at ganoon din ang ginawa ni Alistair sa niluto niya bago siya naupo sa kaharap naming upuan. Samantala, sinimulan naman nang sumandok ni Bren.
"Ayos. Mukhang solid 'to, tol, ah," anito at pinaglalagyan na din ang mga pinggan namin ng pasta na gawa ni Alistair.
S'yempre excited na akong matikman iyon. Gawa iyon ng crush at idol ko, eh. Sino bang ayaw matikman ang gawa ng taong gusto nila? Wala naman yatang may ayaw makatikim ng crush— ay! Este ng luto ng crush nila. S'yempre ako na bahala mag imagine na ako ang pinaglutuan niya kahit hindi naman talaga. Sabi ni Bren madalas naman talaga itong magluto kapag off nila manang.
Agad kong tinikman iyon matapos akong sandukan ni Bren. Hindi ko naiwasang mamangha sa sarap ng pagkakaluto niya ng pasta. Hindi ko akalain na totoo ngang masarap magluto ang supladong ito. Mukhang hindi nga nagsisinungaling si Bren nang sabihin niya kanina na si Alistair ang pinakamasarap magluto dito. Dahil unang tikim ko pa lang ay para na akong dinadala sa langit. Sabihin na nating oa ako pero masarap naman talaga. Papasa na siyang chef para sa akin kahit itong pasta pa lang ang natitikman kong luto niya. Kailan kaya ako matutong magluto ng ganito. Plus pogi points tuloy siya sa akin dahil dito.
Sinulyapan ko si Alistair na tahimik na kinakain ang sariling niluto. Kahit habang kumakain ang sarap pagmasdan ng lalaking ito. Napakagwapo at napakasarap parang luto niya. Hindi ko naiwasang mapangisi sa naisip ko. Ano ba naman ito. Kung ano-ano na lang ang pumapasok sa isip ko.
"Wala talagang kupas, tol. Sarap," ani Bren na tuloy-tuloy ang pagsubo sa pasta.
"Pwede nang mag-asawa."
Ngumiwi ako sa sinabing iyon ni Bren. Huwag muna di pa ako handa. Umiling-iling lang si Alistair sa kanya. Humalakhak si Bren.
"Bakit, tol? Ayaw pa pasakal?"
Bumaling si Alistair kay Bren at tinignan lamang ito ng may pagbabanta. Para bang pinapatigil na niya ito sa sinasabing kung ano-ano. Humalakhak lang muli ang mapang-asar na si Bren bago ipinagpatuloy na lamang ang kinakain. Muli kong ibinalik ang tingin ko kay Alistair at nang maabutan ko itong nakatingin sa akin ay ngumiti ako.
"Masarap nga. Saan ka natutong magluto?" subok kong kausapin siya pero iniwas niya lamang ang tingin niya sa akin at ibinalik sa kinakain.
Nakita kong nag-angat ng tingin si Bren sa akin. Hindi siguro niya inasahan na kakausapin kong muli si Alistair pagkatapos ako nitong sungitan kanina. Akala ko hindi na ako sasagutin ni Alistair kaya agad umawang ang mga labi ko nang bigla siyang magsalita.
"Kay mom."
Napangiti ako pero agad ko ding kinagat ang labi ko para pigilan ang sariling mangiti ng husto. Hindi ko pwedeng ipahalata na kinikilig ako dito. Baka kung anong isipin ng dalawa. Baka sabihin nababakla na ako kay Alistair dito.
"Talaga? Ibig sabihin masarap ding magluto ang mommy mo?"
Tinignan pa muna ako ni Alistair bago napipilitang tumango, tila ayaw nang sagutin ang tanong ko. Muli akong napangiti. Ramdam kong ayaw niya pa din sa akin pero nakakatuwa lang na kahit ayaw niya sa akin ay pinipilit niya pa ding sagutin ang tanong ko.
"Nasaan siya ngayon?" tanong ko ulit, pero nang makita kong umigting ang kanyang panga ay agad naglaho ang ngiti ko.
Mahina akong siniko ni Bren kaya nabalin sa kanya ang atensyon ko.
"Mahilig ka pala sa pasta, Rain?" ani Bren na makahulugang bumaling sa akin.
Agad kong nakuha na gusto niyang ibalin sa ibang bagay ang usapan, pero hindi ko alam kung anong dahilan. Bakit kaya? Anong meron? Pero sa itsura ni Alistair ngayon mukhang hindi nga din niya gustong pag-usapan ang tungkol sa bagay na iyon. Bakit naman kaya?
Sinakyan ko na lang din ang pag-iiba ng usapan ni Bren. Sayang naman. Akala ko makakausap ko na si Alistair ng mas mahaba ngayon. Hindi pa din pala. Mukhang nagkamali ako ng naitanong sa kanya. Ano kayang meron?
Natapos kaming kumain nang hindi na ulit umimik si Alistair. Siya ang naunang natapos kaya siya din ang unang lumubas ng dining room.
S'yempre sa sobrang kuryoso ko, agad na akong nagtanong kay Bren kung bakit parang biglang nairita si Alistair nang magtanong ako tungkol sa mom niya. May nangyari ba?
"Wala na ang mom ni Alistair. Matagal na. Sabi ni coach kamamatay lang ng mom ni Alistair nang pumasok siya sa team."
Oo nga pala. Si Alistair ang pinakamatagal na dito sa team. Nakasama niya pa noon iyong mga dating player ng Gladiators na iniwan na ang pro-scene at nagbago na ng career sa buhay.
Umawang ang mga labi ko sa pagkabigla sa sinabing iyon ni Bren.
"H-Hindi ko alam," sambit ko.
Tumango si Bren.
"Mukha nga."
Napakagat ako sa labi ko.
"Mukhang wala ka pa gaanong alam sa idol mo, ah. Matagal mo na ba talaga siyang idol?" Ngumisi si Bren pero ako, hindi ko magawang mangiti manlang kahit konti.
Nakokonsensya ako at naitanong ko pa iyon. Pinaalala ko lang sa kanya ang nangyari sa mom niya. Nakakahiya. Naiinis ako sa sarili ko at iyon pa talaga ang naisipan kong tanongin sa kanya. Imbes na mapalapit kami sa isat-isa baka mas lalo lang siyang umiwas sa akin at mairita. Hindi na nga maganda ang pakikitungo niya sa akin, mas lalo ko pang ininis. Baka tuluyan na akong hindi kausapin ng lalaking 'yon kapag nagkataon. O kaya naman baka mas lalo pa siyang maging masama sa akin nito.
Kaya naman agad akong nagpaalam kay Bren para puntahan at humingi ng pasensya kay Alistair. Kung alam ko lang talaga na patay na ang mommy niya, hindi talaga ako magtatanong ng gano'n. Malay ko ba naman kasing wala na pala ang mom niya. Tama nga siguro si Bren, ang dami ko pa talagang hindi alam tungkol kay Alistair. Nakakahiya, sinabi ko pa namang idol ko siya tapos wala naman pala akong ka-alam-alam tungkol sa kanya. Sobrang malihim naman kasi ng isang iyon. Ni hindi ko nga nalaman na namatay na pala ang mom niya. Bago pala siya makapasok sa Gladiators ay kamamatay lang ng mom niya. Kaya pala biglang sumama 'yong tingin niya sa akin kanina. Siguro mahal na mahal niya talaga ang mama niya tapos naalala nanaman niya ulit ito at dahil iyon sa akin.
Ang galing mo talaga, Sunny. Imbes na mapalapit ka sa kanya mas lalo ka lang gumagawa ng dahilan para kainisan ka niya. Napabuntong hininga akong pumasok sa kwarto namin nang hindi ko siya maabutan sa salas. Mukhang wala pa namang tao sa gaming room dahil nakapatay pa ang ilaw doon, kaya sa tingin ko bumalik ulit siya sa kwarto. Kakausapin ko lang sana siya para humingi ng pasensya.
Naabutan ko siyang nakaharap sa computer niya sa loob ng kwarto, naglalaro. Mas madalas ba siyang maglaro dito kaysa sa gaming room. O saka lang kapag wala pang tao doon?
Dahan-dahan akong lumapit sa kanya. Kinakabahan ako ng bahagya dahil hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya ngayon, pero bahala na 'to. Ang mahalaga makahingi ako ng pasensya.
Nang huminto ako sa gilid ng gaming chair niya ay agad siyang napalingon sa akin. Tumaas ng bahagya ang dalawang kilay niya pagkakita sa akin. Nilagay ko ang dalawang kamay ko sa likod ko at pinagsalikop ang mga iyon doon.
"What do you want?"
"Uh, busy ka ba?" maingat kong tanong.
Nagsalubong ang mga kilay niya tila nagsisimula nanamang mairita sa akin. Ang bilis namang mairita ng lalaking ito. Wala pa nga akong ginagawa dito, eh. Kinagat ko ang ibabang labi ko at bahagyang yumuko bago muling nagsalita.
"Uh... Hihingi lang sana ako ng paumanhin sa naitanong ko kanina. Pasensya na. Hindi ko naman kasi alam na—" agad niya akong pinutol. Tumaas ang kamay niya sa ere na para bang pinapahinto na ako sa pagsasalita.
Ang mga daliri ko sa likod ay nagkukurutan na ngayon. Damn! Ang hirap namang kausapin ng supladong ito. Parang laging may buwanang dalaw kung mag sungit. Hindi manlang ako pinatapos sa pagsasalita. Agad na akong pinutol.
"I don't need that. You can leave now," pasulpado niyang sabi bago muling ibinaling ang atensyon sa nilalaro.
Hindi ko maiwasang mapanguso. Humihingi na nga ng dispensa tapos ganito lang ang gagawin niya? Kahit kailan talaga ang lalaking ito! Kung hindi lang talaga siya gwapo! Hindi ko na tuloy alam ngayon kung paano ako nagkagusto sa masungit na ito! Grabe, lahat na yata ng klase pagsusungit naipakita na niya sa akin. Hindi ko alam kung anong mali sa akin at bakit sa akin lang siya ganito. Dahil ba bago lang ako? Iyon lang 'yon? Sapat bang dahilan iyon para maging masungit ka sa isang tao? Sa tingin ko kasi hindi naman.
Magiging masungit ka lang sa isang tao kapag may ginagawa itong hindi maganda pero ako, wala naman akong ginagawang hindi maganda sa kanya, ah. I mean... Meron pala kasi niloloko ko sila ngayon at pinapaniwala na lalaki ako kahit ang totoo babae naman talaga ako. Pero hindi naman niya alam iyon kaya imposibleng iyon ang dahilan kung bakit siya nagsusuplado sa akin.
Kinagat ko ng mariin ang labi ko bago muling naglakas loob na magsalita.
"Pasensya na talaga. Hindi ko naman sinasadya na ipaalala pa sa'yo iyon. Hindi ko kasi talaga alam."
"Did you hear what I just said? I said I don't need your apology. Makakaalis ka na."
Ngumuso ako at bahagya na ding naiirita sa inaasta niya. At dahil mabilis din akong mainis ay hindi ko na napigilang sagutin siya.
"Hindi mo naman ako kailangang paalisin ng ganyan. Pumunta ako dito para humingi ng pasensya. Kung galit ka at ayaw mo sa akin, pwede mo naman akong diretsahin hindi iyong ganito ang trato mo sa akin tuwing susubok akong kausapin ka."
Tinignan niya lamang ako ng malamig at hindi nagsalita. Pinigilan ko ang sarili kong mapairap. Inuubos talaga ng lalaking ito ang pasensya ko. Kahapon pa siya. Wala naman akong ginagawang masama sa kanya. Kung ayaw niya sa akin, eh di sabihin niya. Hindi 'yong ginaganito niya ako.
"Ano? Ayaw mo sa akin bilang bagong member niyo? Sabihin mo ng diretso hindi ganito."
"Isn't it obvious that I don't like you? Kailangan ko pa ba talagang sabihin iyon? Why don't you just stay away?"
Natigilan ako sa sinabi niyang iyon. Hindi ko 'yong inasahan. Kahit alam kong ayaw talaga niya sa akin, nagulat pa din ako na nagawa niyang sabihin iyon ng diretso sa harapan ko. Akala ko talaga hindi niya magagawang sabihin iyon.
I greeted my teeth. Matapang ko siyang tinignan ng diretso sa mga mata. Kung inaakala ng lalaking ito na uurungan ko siya nagkakamali siya. Hindi ako basta-basta aatras. Marunong din naman akong lumaban kahit na gustong-gusto ko pa siya.
"Is that so? Well, then I'm sorry. But this is also my room, so you can't just make me leave."
His jaw clenched. I smiled with triumph. Hindi ko alam kung bakit natutuwa pa ako na mukhang naasar ko siya sa sinabi kong iyon. Pumunta nga pala ako dito para humingi ng paumanhin sa kanya at makipag-ayos pero mas lalo lang yata lumala ang lahat. Pero hindi ko na 'yon kasalanan. Siya itong masyadong matigas. Wala naman akong ginagawa sa kanya pero ang sama-sama niya sa akin. Hindi naman pwedeng basta na lang akong magpapa-api sa kanya. Kailangan lumaban din ako, ano! Ako pa ba? Basta alam kong nasa tama ako, lalaban talaga ako. Hindi ako basta-basta nagpapatalo lalo na at alam kong tama naman ang ipinaglalaban ko.