013

2187 Words
Kabanata 13 S U N N Y Pagkatapos naming magkatuwaan ay tumulong ako kay Bren sa pagliligpit ng lamesang ginamit namin. Wala na kasi sila manang. Pinauwi na daw nila ng maaga para makapagpahinga na. Bagsak na iyong tatlo sa sala dahil medyo naparami sila ng inom. Kami lang nina, Bren, coach Ry at Alistair ang natirang gising pa. Pinagtulungan ni coach at Alistair ipasok isa-isa 'yong tatlo sa salas kaya kaming dalawa ni Bren ang naiwan dito sa labas para ligpitin ang lamesang ginamit namin. Mabuti na lang talaga at hindi ako madaling malasing. Hindi din naman kasi ako nagpakalasing talaga. Lagi akong may limitasyon sa sarili ko kapag umiinom kahit noon pa man. Lalo na ngayon. Hindi ko pwedeng hayaan ang sarili kong malasing. Baka mamaya kung ano pa ang magawa ko at mabuko pa nila ako na nagpapanggap lang akong lalaki. Katapusan na agad ng pangarap ko kapag nangyari iyon kaya hindi pwede. Nagsisimula pa lang akong abutin ang mga pangarap ko mahihinto na agad. Hindi pwede. Hindi ako papayag. Hinding-hindi ako magpapabuko. Gagawin ko ang lahat para maka-survive sa pinasok kong ito. Pumasok ako dito bilang lalaki at sisiguraduhin kong lalaki din akong aalis dito. Hinding-hindi nila malalaman na isa akong babae. Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng konting lungkot sa iniisip kong ito. Aminado naman ako na may parte sa akin na nakokonsensya sa ginagawa ko. Sino bang hindi makokonsensya? Idol ko itong mga niloloko ko, eh. Fan na fan ako ng Gladiators pero nagawa ko lang silang lokohin ng ganito? Nakakalungkot lang isipin, pero kahit ano pang isipin ko wala na din naman akong magagawa. Nandito na ako, eh. Hindi naman ako pwedeng basta na lang umalis dahil may kontrata pa akong pinirmahan. Hindi ko nga lang sigurado kung legal iyon dahil hindi naman pangalan ko ang nakasulat doon kundi ang pangalan ng kapatid kong si Rain. Kapag nagkataon baka madamay pa siya dito sa pinasok kong ito. Ayoko ngang umabot pa sa puntong 'yon. Saka itatakwil ako ng parents namin kapag nalaman nila ang tungkol dito. Aware naman akong hindi talaga tama itong ginawa ko. Maari akong makasuhan sa ginawa kong ito pero nandito na ako, eh. Wala naman siguro akong pagsisihan kung sakaling umabot pa sa gulo ang lahat ng ito. Ang importante nakapasok ako sa paborito kong team at makakasama ko na silang maglaro simula ngayon. Pero sana naman huwag na umabot pa sa puntong magkakabukuhan. Ayokong malaman nila na niloloko ko lang sila at kainisan nila ako. Pero kung sakali man na mangyari iyon, wala akong magagawa kundi ang tanggapin ang galit nila dahil niloko ko naman talaga sila. Ang bait pa naman nila sa akin. Tinanggap nila ako agad sa team nila. Si Alistair lang naman ang mukhang hindi pa ako tanggap pero naniniwala akong matatanggap din ako ng isang 'yon. Ako pa ba? Hindi kaya ako basta-basta na lang na sumusuko. Mapapaamo ko din ang suplado na 'yon. Pagkatapos naming magligpit ay nagpaalam na ako kay coach Ry at Bren, at pumasok na sa kwarto namin ni Alistair. Napakagat ako sa ibabang labi ko. Hanggang ngayon hindi ko pa din maiwasang kiligin kapag naiisip ko na maghahati kami sa iisang kwarto ni Alistair. Crush ko lang naman siya simula high school tapos ngayon roommates na kami. Loka-loka na ba ako? Kanina lang inis na inis pa ako sa kanya dahil ang sama niya sa akin tapos ngayon kinikilig nanaman ako sa kanya kahit wala naman siyang ginagawa. Napabuntong hininga ako. Hay naku, Sunny, baliw ka na nga talaga. Paano mo nagagawang kiligin sa ganitong klaseng sitwasyon? Pagpasok ko sa kwarto ay hindi ko siya naabutan sa kama niya kaya naisip kong baka nasa shower iyon ngayon. Naupo na lang muna ako sa kama ko habang hinihintay ko siyang lumabas galing sa shower. Maglilinis din kasi muna ako bago ako matulog. Hindi kasi ako nakakatulog ng hindi nagpapalit. Saka amoy alak na din itong damit ko. Hindi ako pwedeng matulog ng ganito. Kasama ko pa naman sa kwarto ang crush ko. Nakakahiya naman sa kanya kung matutulog akong ganito ang amoy. Pero teka nga lang! Hindi naman kami magtatabi, ah? Bakit iniisip ko ito? Napasabunot ako sa sarili ko. Ang gaga ko din talaga mag-isip, eh. Seryoso? Ganito ang iniisip ko? Kanina pa kung ano-ano ang pumapasok sa isip ko, kailangan ko na nga yata talagang magpahinga. Baka mamaya kung saan na makaabot ang naiisip ko. Ilang minuto pa akong naghintay bago lumabas si Alistair sa banyo. Ipinagpasalamat ko na may suot na siya ngayong puting t-shirt nang lumabas. Baka hindi ko nanaman mapigilan ang sarili ko kapag lumabas siya d'yan nang nakahubad nanaman, eh. Unang araw ko pa lang dito naka-ayuda na agad ako ng pandesal. Napangiti ako sa naisip kaya agad-agad akong umiling. Dirediretso na lang akong pumasok sa loob ng shower room para makapaglinis at makapagpahinga na din. Nakakapagod din palang magpanggap na lalaki. Pero parang nasasanay na din naman akong magsalita ng panlalaki. Mabuti na lang at bago ako makapasok dito sinanay ko na ang sarili kong magsalita ng ganito. Pinagtatawanan pa nga ako ni Silver dahil trying hard daw ako pero bakit umubra naman, ah. Hindi naman nila nahalatang babae talaga ako. Mabuti na lang may kakambal akong lalaki na kamukhang-kamukha ko. Sunod na araw ay medyo tinanghali na ako ng gising. Wala na si Alistair sa kama at maging sa shower room kaya paniguradong nasa labas na iyon. Tinignan ko ang oras at agad nagtungo sa banyo para maligo na muna bago lumabas ng kwarto. Itim na oversized shirt at pants ang napili kong suotin para sa araw na iyon. Kinuha ko ang phone ko bago ako tuluyang lumabas ng kwarto. Unang bumungad sa akin ang message ni Silver. Binuksan ko 'yon at ni-replyan. Nangangamusta lang ulit. Naninigurado kung ayos lang ba talaga ako dito. Hindi pa din yata siya makapaniwala na nakapasok ako dito ng hindi nabubuko na babae talaga ako. Sunod kong binuksan ang isa kong account. Sandali lang naman. Titignan ko lang kung nag-reply na iyong kalaro ko. Bukod kasi kay Silver may isa pa akong madalas na makalaro. Hindi ko nga lang ito personal na kilala pero madalas ko din siyang makausap sa social media account ko. Lalo na kapag naglalaro kami. Nakakausap ko siya doon ng mas madalas. Mahigit isang taon ko na ding kalaro ang isang 'yon pero hanggang ngayon hindi ko pa alam ang buo niyang pangalan at hindi ko pa din siya nakikita ng personal. Sa social media at mismong laro lang kami nagkakausap tapos dummy account pa 'yong gamit niya. Pero ayos lang naman sa akin kahit gano'n. Nag e-enjoy naman akong kalaro siya, eh. Saka masarap din siyang kausap minsan. Maloko kasi at mukhang masiyahing tao. Masaya siguro kasama ang isang iyon sa personal. Sayang at mukhang wala naman siyang balak magpakita sa akin sa personal pero ayos lang naman. Hindi din naman ako pwede magpakita sa kanya sa ngayon. Kailangan kong magpanggap na ako si Rain at si Sunny ang nasa ibang bansa ngayon. Kaya paano kami magkikita kung nasa ibang bansa nga ako kunwari? Malabo. Napangiti ako nang makitang tadtad ng messages niya ang inbox ko sa main account ko. Agad kong binuksan ang mga messages niya at mas lalo pang napangiti nang mabasa ang nilalaman ng mga iyon. Ace B: Hey. Ace B: Himala hindi ka online. Ace B: Tara g? Ace B: Hey, saan ka na? Ace B: Anong oras ka maglalaro? Ace B: Himala talaga hindi ka nag-online ngayong araw. Ace B: Ge, matulog ka na nga. Mabilis akong nagtipa ng reply sa kanya pero bago ko pa iyon mai-send ay may panibago namang message galing sa kanya ang pumasok. Ace B: Got you! Hoy, sinong ka-date mo kahapon bakit hindi ka nakapag-online? Natawa ako ng bahagya at binago ang naunang tinipa. Sunny Vasquez: Good morning din sa'yo. Sinend ko iyon with matching laughing emoticon pa. Ace B: Oh, yeah. 'Yan lang reply mo pagkatapos mong di mag-online ng isang buong araw? Muli akong natawa ng mahina. Parang sira talaga ang isang ito. Ano naman kayang masama doon? Kailangan ba palagi akong online, o kailangan ba magpaalam muna ako sa kanya kapag hindi ako mag o-online ng isang buong araw? Sunny Vasquez: May inasikaso lang. Simpleng sagot ko na lang. Ace B: Ano naman 'yan? May boyfriend ka na? Sunny Vasquez: Wala, ah! Alam mo namang isang lalaki lang ang gusto ko at medyo malabong maging kami no'n. Kaya paano ako magkakaroon ng boyfriend? Ace B: Anong medyo malabo. Malabo talaga. Hindi ka papansinin no'n. Suplado 'yon. Yep. Pati ang pagkakaroon ko ng crush kay Alistair ay nasabi ko nga sa kanya, sa sobrang palagay ng loob ko sa taong ito. Ewan ko ba. Ang gaang ng loob ko kapag kausap ko siya na para bang kilalang-kilala ko na siya kahit hindi naman talaga. Sa laro ko nga lang nakilala ang taong ito, eh. Ni surname niya hindi ko nga alam pero ganito na agad kalapit ang loob ko sa kanya. Siguro dahil marami kaming pinagkakasunduang mga bagay. Isa na doon ang paglalaro ng mga online games. Sunny Vasquez: Tsk! Alam mo ang kj mo. Ace B: Bakit? Umaasa ka talagang mapapansin ka no'n? Bago ko pa ma-replyan si Ace ay may umakbay na sa akin. Agad kong pinatay ang screen ng phone ko. "Ang aga niyang ka chat mo, ah? 'Yan ba 'yong babaeng nagugustuhan mo?" nakangising tanong ni Bren. Tumango na lang ako dahil baka usisain pa ako ng husto kapag sinabi kong hindi. Mausisa pa naman ang mga ito. Lalo na 'yong dalawang dahilan kung bakit nakagawa ako ng kwento na may nagugustuhan akong babae kahit wala naman talaga. "Miss mo na agad? Pwede mo naman dalawin 'yon. Pwede din naman siyang pumunta dito anytime basta huwag lang kapag may training tayo. Baka mapagalitan ka ni coach." "Wala naman akong balak na pabisitahin pa 'yon dito." "Bakit naman?" "Uhm, wala lang. Ako na lang ang bibisita sa kanya." Ngumising muli si Bren. "'Yan ganyan dapat. Hindi pwedeng ang babae lagi ang mag e-effort na puntahan tayo kung kaya naman natin silang puntahan. Pero akala ko ba hindi mo pa liligawan?" Napakagat ako sa labi ko. Hindi na natapos ang usapan na ito tungkol sa taong hindi naman talaga totoo. Gawa-gawa ko lang naman talaga iyon, eh, pero s'yempre hindi ko 'yon pwedeng sabihin kay Bren. "Hindi nga. Dalaw lang naman bilang kaibigan." Lumawak ang ngisi ni loko. "Iba ka talaga, idol!" Napailing ako. "Nga pala, nag-almusal ka na ba? Tara kain tayo! Tulog pa 'yong iba, eh. Ang lalakas ba namang uminom kagabi, eh. Parang wala ng bukas. Sinulit na nila kagabi dahil alam nilang matagal pa ulit bago sila makainom ng ganoon. Ayan tuloy hanggang ngayon bulagta pa din." Agad naman akong tumango kaya dumiretso na kami sa kusina ni Bren. Inasahan kong sila manang ang maaabutan namin sa kitchen ngunit nagkamali ako. Nakatalikod sa amin si Alistair na ngayon ay nakaharap sa stove at nagluluto ng kung ano. Agad din siyang napalingon sa amin nang marinig siguro ang pagdating namin. "Oo nga pala. Off nila manang ngayon, ano?" si Bren na nag dirediretso sa pwesto ni Alistair para tignan kung ano ang niluluto nito. Sandali lamang akong sinulyapan nito at muli na ding ibinalik ang tingin sa niluluto niya. "Mukhang masarap 'yan, tol, ah!" ani Bren bago muling bumaling sa akin. "Tara dito, Rain. Panoorin mong magluto si chef Ali. Ikaw ba marunong ka bang magluto?" Lumapit naman ako sa pwesto ng dalawa para sundin ang gusto ni Bren. Nang masulyapan ko ang niluluto ni Alistair ay bigla akong nakaramdam ng gutom. Tama nga si Bren mukhang masarap nga ang niluluto nito. Hindi ko akalain na marunong palang magluto ang lalaking ito. Kung sa bagay, may hindi ba alam gawin ang lalaking ito? Halos lahat naman yata kaya niyang gawin, eh. Mula noon ganyan na talaga siya. Magaling sa lahat ng bagay. At ngayon pati pala sa pagluluto magaling siya. "Marunong pero 'yong mga basic lang." "Uh, oo nga pala. Nasabi mo na nga pala 'yan." Humalakhak siya. "Alam mo ba, itong si Alistair ang pinakamasarap magluto dito bahay bukod kina manang s'yempre. Kapag off nila manang, tulad ngayon, siya talaga ang madalas na nagluluto ng pagkain namin dito, minsan ako o kaya si coach Ry. Depende kung sino unang kumilos. Pero mas madalas si Alistair talaga ang nagluluto kapag wala sila manang." "Ganoon ba?" Napangiti ako. Sumulyap ako kay Alistair na abalang-abala sa niluluto niya. Ni ayaw manlang kaming lingonin ni Bren. "Hindi ko alam na marunong ka din palang magluto," sabi ko, sumusubok na makipag-usap sa kanya. Pero nang bumaling siya sa akin ay alam ko na agad na hindi niya nagustuhan ang sinabi ko, base sa ekspresyon ng kanyang mukha. "Do I need to tell you everything about myself?" Bahagyang umawang ang mga labi ko sa naging tugon niya. Fvck! Ano bang problema ng isang ito sa akin? Wala naman akong sinabing masama, ah? Bakit nag-uumpisa nanaman siya ng away. Para bang sa tuwing nakikita niya ako ay biglang umiinit ang ulo niya sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD