007

2097 Words
Kabanata 7 S U N N Y Maya-maya lang ay bumalik na din si coach nakasunod sa kanya si Alistair na mukhang napilitan lang na lumabas ng kwarto. Pagpasok nila sa kusina ay nagtama agad ang tingin namin ni Alistair pero agad din akong nag-iwas dahil sa kakaibang titig na ibinibigay niya sa akin. Ano bang problema ng isang ito sa akin? Wala naman akong ginagawa sa kanya. Mula nang dumating ako dito parang ayaw na niya agad sa akin. Hindi kaya namumukhaan niya ako dahil ilang beses kong tinangkang magpakilala sa kanya noong high school. Imposible naman 'yon dahil ni hindi niya nga ako napansin kahit isang beses manlang noon. Saka kung namumukhaan niya man ako pwede kong sabihin na may kakambal akong babae, at siya ang babaeng iyon. Tutal nagpapanggap naman akong ang kakambal kong si Rain kaya samantalahin na natin. Kunwari ang kakambal kong si Sunny ang nasa ibang bansa ngayon, at ako na si Rain ang naiwan dito sa Pilipinas. Perfect! Ang galing mo talaga, Sunny. Planadong-planado ko na ito, hindi na ako pwedeng pumalpak pa. Hindi ako pwedeng pumalpak. Nandito na ako, saka pa ba ako papalpak? Naupo si Alistair sa upuang inilahad sa kanya ni Kean. Nakipag hi-five pa ito sa kanya na hindi niya naman pinatulan. Medyo napahiya tuloy si Kean doon. Gustong-gusto kong umirap. Napaka suplado talaga kahit sa mga matatagal na niyang kasama sa bahay. Hindi manlang marunong makisama. "Master, iinom daw mamaya, sasali ka ba?" kulit ni Kean kahit na hindi na nga nito tinanggap ang pakikipag-hi-five niya. "Hoy, loko 'to! Wala akong sinasabing ganyan, ah?" si coach na napapailing nanaman. "Coach, akala ko ba pwedeng uminom kapag may okasyon?" "Bakit, ano bang okasyon?" "Welcome party ni Rain," ani Bren sabay kindat sa akin. Natawa na lang ako sa isip-isip ko. Ginawa pa akong dahilan ng mga ito para lang makapag-inom. Ang kukulit talaga. Pumikit ng mariin si coach bago huminga ng malalim. "Fine, pero huwag kayong masyadong maingay o patitigilin ko talaga kayo kahit nag-uumpisa pa lang kayo. Saka bago kayo mag-inom, palipatin niyo muna si Rain sa kwarto niya at pagpahingahin niyo. Mamayang gabi na kayong mag-inom," bumaling sa akin si coach. "Okay lang ba sa'yo 'yon, Rain?" Agad akong tumango. "Yes, coach. No problem," I answered, smiling. "Tsk!" Agad akong napabaling kay Alistair at naabutan ko siyang umiling-iling habang nakatingin ng masama sa akin. Ang laki talaga ng problema ng isang ito sa akin. Sinimangutan ko siya. Anong akala niya porque idol ko siya ay pwede na niya akong ganiganituhin na lang? Hmp! Kung nakaka-turn off lang talaga ang pagiging suplado mo matagal na akong walang crush sa'yo! Naramdaman ko ang kamay ni Bren sa balikat ko. Tinatapik iyon. "Huwag mo na lang pansinin. May tama na ang isang 'yan," naiiling na sabi nito. Natawa ako ng bahagya pero agad din namang tumango. "Ayos lang sa akin. Hindi naman ako mabilis mapikon at iyakin. Parang 'yan lang." "That's good," aniya bago tinuon muli ang pansin sa kinakain. Muli naman akong napabaling kay Alistair na sinisimulan na ding kumain. Balang-araw, magiging mabait ka din sa akin kapag napatunayan ko na ang sarili ko sa team niyo. At talagang patutunayan ko ang sarili ko. Pagkatapos naming kumain ay kinuha ko na ang mga gamit ko at sinamahan ako ni Bren hanggang sa kwarto namin ni Alistair. Hindi ko maiwasang humanga sa linis ng buong silid nang pumasok kami doon ni Bren. Automatic na umangat ang magkabilang sulok ng mga labi ko nang makita ang kwarto na tinutulugan ni Alistair, na magiging kwarto ko na din simula ngayon. Unang pasok mo pa lang ay maiisip mo na agad na lalaki ang may-ari ng kwarto, dahil dadalawa lamang ang kulay na makikita mo doon. Itim at puti lang, pero hindi siya boring sa paningin. Actually, para sa akin mas masarap siyang tignan at mas maayos din. Hindi din madilim tignan ang kwarto kahit pa black and white lang ang kulay nito. Siguro dahil sa mga ilaw. Siniguradong maliwanag talaga ang mga ilaw para siguro kapag gustong mag-live sa loob ng kwarto ay maliwanag. Dalawa ang kamang naroon, isang puti at isang itim. Sa gilid ng mga iyon ay may tig-isang bedside cabinet. May nakapatong nang ilang gamit doon sa tabi ng itim na kama kaya naisip kong baka iyon ang kama ni Alistair. In fairness, kahit kagagaling lang niya dito kanina ang ayos pa din ng kama niya. Parang wala manlang itong kagusot-gusot. Walang bakas na may nahiga o naupo manlang dito. Parang nakakahiya namang magkalat sa kwartong ito. Napakalinis. Ang hilig sigurong maglinis ni Alistair. Sa pagkakaalam ko kasi sila ang naglilinis ng sarili nilang kwarto dito sa bootcamp, para hindi na din masyadong madami ang nililinis nila manang. Ibig sabihin si Alistair nga ang naglilinis ng sarili niyang kwarto. "Damn! Ngayon na lang ulit ako nakapasok dito, ah. Ang linis talaga ng isang 'yon sa kwarto. Kaya siguro laging nakakulong dito, walang ginawa kundi maglinis," tatawa-tawang sabi ni Bren habang inilalapag ko ang maleta ko sa tabi ng puting kama. "Ito ba ang magiging kama ko?" Paninigurado ko pa. Agad tumango si Bren na nasa hamba lang ng pinto. Hindi na siya pumasok dahil sabi ko kaya ko naman nang mag-isang ayusin ang mga gamit ko. Ang totoo ayos lang naman sa akin na may ibang nakikialam ng gamit ko, kung si Silver nga hinahayaan kong makialam sa mga gamit ko, ang mga idol ko pa kaya? Sadyang may mga bagay lang talaga silang hindi pwedeng makita sa mga gamit ko, dahil mabubuko ako kapag nagkataon. Malalaman nilang hindi talaga ako tunay na lalaki kapag nakita nila ang mga underwear ko. Kaya kailangan ko talagang magdoble ingat. Bahala na kung paano ko lalabhan at patutuyuin ang mga underwear ko. Madali lang naman sigurong gawan ng paraan 'yon. Bahala na. Kapag ginusto mo ang isang bagay paniguradong may paraan naman. Bahala na si batman. "Sigurado ka bang dito ka na?" ani Bren na hindi pa din ako iniiwan. Tumango ako habang nakangiti. "Oo naman. Bakit?" Napakamot siya sa batok niya. "Wala lang. Sinisigurado ko lang. Basta kapag may kailangan ka nasa kabilang kwarto lang ang kwarto namin ni Kean. Anytime pwede kang pumunta doon kung may kailangan ka." Ngumiti ako at tumango sa sinabing iyon ni Bren. "Thank you. Huwag kang mag-alala, ayos lang naman ako dito." Biglang pumasok si Alistair kaya napatabi ng konti si Bren na nasa pintuan pa din. Nagdirediretso si Alistair sa loob ng bathroom nang wala manlang sinasabing kahit ano. Nagkatinginan kami ni Bren. "Isipin mo na lang hangin 'yong kasama mo," nangingisi niyang sabi. Mahina akong natawa. "Ikaw talaga." "O sige na iwan na muna kita dito. Labas ka na lang mamaya para makapag-celebrate tayo, pero s'yempre magpahinga ka muna." "Sige, pero ayos lang naman na di na magpahinga. Hindi naman ako pagod." "Sabihin mo 'yan kapag natapos mo na ang pag-aayos ng mga gamit mo," aniya. "Oo nga. Sige, salamat talaga, Bren. Tawag na lang ako kapag nagkaproblema." Tumango siya. "Sure ka hindi mo na kailangan ng tulong?" Natawa ako. Hindi na kami natapos sa usapang ito. Tama nga ako, sa mga live nila lagi kong naiisip na si Bren ang pinakamabait sa kanila, at mukhang hindi nga ako nagkamali doon. Muling napakamot sa kanyang batok si Bren. "Sigurado nga ako," natatawa pa ding sabi ko. "Porque ba maliit ang ako at ang katawan ko tingin mo hindi ko na kaya 'to? Hinahamon mo ba ako, Bren? Gusto magsubukan tayo ng lakas dito," biro ko na tinawanan lang niya. "Huwag kang naghahamon ng ganyan, Rain, baka hindi mo ako kilala." Pinakita niya pa talaga ang biceps niya to prove something. Mas lalo akong natawa. "Wala man ako n'yan, kayang-kaya din kita. Baka hindi mo din ako kilala," laban ko, hindi maalis-alis ang ngiti sa labi.. "Aba, palaban ka nga, ah. Huwag kang mag-alala, hindi ako ang makaka-away mo dito. Baka iyong ka roommate mo pa," natatawang sabi ni Bren. "Hindi din uubra sa akin ang isang 'yon," biro ko ulit, nang biglang lumabas si Alistair mula sa banyo. Nagtama ang tingin namin pero ako na ang agad na nag-iwas. Ito nanaman ang malalamig niyang titig sa akin. Pero ayos lang, unang araw ko pa lang naman ito dito, magbabago din ang tingin niya sa akin kapag may napatunayan na ako sa kanya, at naniniwala akong magagawa ko 'yon. May mapapatunayan din ako sa kanya. Mapapatunayan ko ding kaya kong sabayan ang laro niya o nila. Muli akong bumaling kay Bren para tuluyan nang magpaalam. Nagpaalam na din ito at agad na umalis ng kwarto. "Close the door," sa mababang boses na sabi ni Alistair. Medyo nagulat ako doon dahil mula nang tumapak ako dito, ni hindi ko yata siya narinig na magsalita. Ewan ko. Basta kanina pa siya tahimik lang. Tumitingin siya sa akin pero wala naman siyang sinasabi. Napakadalang pa din pala talagang magsalita ng isang ito. Akala ko kahit papaano ay nagbago na siya. "Bingi ka ba? Sabi ko isarado mo ang pinto." May halon nang iritasyon sa kanyang boses nang sabihin iyon. Mabilis akong nagtungo sa pinto para isarado iyon tulad ng utos niya. "Pasensya na. Nagulat lang ako, nagsasalita ka pala?" Tangka kong pagbibiro, ngunit mas lalo lamang naging iritado ang hilatsa ng kanyang mukha. "Ah, nagbibiro lang ako. Ikaw naman…" Tumawa pa ako ng mahina pero hindi manlang siya nakisabay sa tawa ako. Ang sungit naman ng isang ito talaga, oh. Hindi manlang yata marunong ngumiti ang mokong na 'to. Ni hindi nga manlang pinansin ang sinabi ko at tinalikuran na agad ako at nagtungo sa kama niya para humilata. Napakagat ako sa labi ko habang pinagmamasdan siyang nakahilata doon na parang isang Greek God. My god. Kung ganito ba naman araw-araw ang masusulyapan ko parang ayaw ko ng umalis sa kwartong ito. Pwede bang dito na lang ako buong maghapon at lalabas na lang kapag nasa labas na din siya. Ano ba, Sunny! Hindi ka nandito para sa isang lalaki lang! Nandito ka para sa katuparan ng pangarap mo, hindi para makasilay sa high school crush mo na sinusupladuhan ka lang naman at hindi ka pa pinapansin. Tsk! Kung ayaw niya pala ako dito, bakit hindi niya sabihin, para makalipat na agad ako sa iba hanggat hindi ko pa naaayos ang mga gamit ko dito. "Ah, may mga rules ka ba dito sa kwarto? Baka lang kasi may mga hindi ka gustong ginagawa o pinapasok dito sa kwarto, sabihin mo lang para alam ko na agad," sabi ko pero wala manlang akong nakuhang sagot mula sa kanya. Nakita kong ipinikit niya lang ang mga mata niya na para bang walang naririnig. "Tama nga si Bren, para akong may kasamang hangin dito," wala sa sarili kong sabi pero halos pabulong lang naman kaya kampante akong hindi iyon narinig ni Alistair. "Ang gwapo na sana, suplado naman," bulong ko ulit sa sarili ko bago sinimulan ang pag-aalis ng mga gamit ko sa maleta. Habang inaayos ko ang mga gamit ko sa drawer na nasa side ng kama ko ay pabalik-balik ang tingin ko kay Alistair. Sinisigurado ko lang na wala siyang makikita sa mga gamit ko. Good thing na din na siya ang kasama ko sa kwarto. At least alam kong hindi niya pakikialaman ang mga gamit ko kasi sa akin nga wala siyang pakialam, sa mga gamit ko pa kaya? Kaya sa tingin ko mabuti na din itong ganito. Saka wala naman akong pakialam kahit buong araw niya akong supladuhan. Matagal ko naman nang tanggap na nagka-crush ako sa isang supladong lalaki, na hindi manlang yata marunong ngumiti o tumawa. Minsan tuloy naiisip ko kung gaano ka-boring ang buhay ng lalaking ito. Posible kayang may dahilan ang pagiging suplado niya. Kung anuman ang dahilan na iyon, kailangan kong malaman 'yon. Kahit magmukha pa akong pakialamera, wala akong pakialam. Basta aalamin ko 'yon. Gusto kong malaman ang tungkol doon. Gusto ko pa siyang makilala ng husto, gusto ko siyang maintindihan kung bakit siya naging ganito. Siguro naman may dahilan kung bakit parang palaging mainit ang ulo niya, di ba? Naalala ko noon ang kapatid kong si Rain, lagi ding mainit ang ulo niya noong naghiwalay sila ng girlfriend niya. Sabi ni mama ganoon daw talaga kapag may pinagdadaanan ang isang tao. Kung hindi emosyonal, mabilis naman uminit ang ulo at palaging suplado. Posible kayang babae din ang dahilan kung bakit ganito si Alistair. Imposible naman yata iyon. Mula high school ganito na siya, eh. Ano ba ito, Sunny. Pati ba naman ito ay pinag-aaksayahan mo pa ng oras. Malay mo ba kung ganito lang talaga siya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD