Kabanata 28
S U N N Y
Pagtapos namin kumain ay niyaya ko si Silver sa pool area ng bahay para walang makarinig sa pag-uusap namin. Kanina ko pa kasi nararamdaman na may gusto siyang sabihin pero hindi niya magawa dahil may iba kaming kasama. S'yempre may mga bagay kaming hindi pupwedeng pag-usapan sa harap ng mga ka-team ko. Ang hirap ding magpanggap bilang lalaki sa harap ng kaibigan ko na matagal ko ng kilala, simula bata pa ako.
Ewan ko. Naiilang akong umakto bilang lalaki sa harapan niya. Siguro dahil pakiramdam ko pinagtatawanan niya ang sitwasyon na mayroon ako ngayon.
"Paano nalaman ng Alas na 'yon ang pangalan mo?" Kunot noong tanong ni Silver habang nauupo sa wooden bench na malapit sa pool.
Naupo ako sa tabi niya nang nakakunot din ang noo.
"Hindi ko nga din alam. Nagulat at sobrang nagtaka din ako kagabi kung paano niya nalaman ang pangalan ko. Nagpakilala lang naman ako bilang si Rain tapos biglang sabi niya," huminto ako sandali para tumikhim at gayahin ang eksaktong sinabi ni Alas kagabi. Pati ang pananalita niya at kung paano niya sinabi iyon ay ginaya ko din.
"Sabi niyang gano'n! Eh di, s'yempre nagulat ako dahil first time ko nga lang makita siya ng personal tapos malalaman kong kilala niya pala ako. Kaya nakakapagtaka talaga. Paano niya ba ako nakilala? Saan? Pilit ko siyang inaalala pero hindi ko talaga siya maalala. Sa social media ko lang siya nakikita kapag may tournament pero hindi ko siya kilala ng personal. Isang napakalaking hiwaga para sa akin kung paano niya ako nakilala."
"Hindi kaya stalker mo 'yong gagong 'yon?" Seryoso at salubong ang kilay na tanong ni Silver.
Natawa ako ng bahagya.
"Sa gwapo no'n. Tingin mo magkakagusto sa akin 'yon? Saka para namang hindi mo alam kung gaano ka-playboy ang taong 'yon. Parang ikaw din 'yon. Kalahi mo 'yon, kaya for sure alam mo ang mag tipo ng babae no'n. Hindi no'n magiging tipo ang katulad ko. Saka paano niya ako makikila, eh kahit nga sa social media hindi kami friends no'ng taong 'yon."
Hindi nawala ang pagkakasalubong ng mga kilay ni Silver.
"Huwag na nga nating pag-usapan 'yon. Kapag nakita ko siya ulit susubukan kong magtanong kung paano niya ako nakilala, I mean s'yempre ang itatanong ko sa kanya ay ang kakambal ko kunwari."
Sandali akong tinignan lang ni Silver bago siya suminghap.
"Ako na lang ang kakausap."
Nabigla ako sa sinabi niya. Tinignan ko siya ng may ngisi.
"Bakit close ba kayo no'n?"
"Nagkakausap lang."
Ngumuso ako.
"Ang sabihin mo pareho lang kayong babaero kaya iisa ang circle of friends niyo."
Tinignan ako ni Silver na para bang kalokohan ang sinasabi ko.
"Kumusta ka nga pala dito? Okay naman ba ang trato nila sa'yo dito? Kung hindi magsabi ka lang."
Nagtaas ako ng kilay sa kanya.
"Bakit, anong gagawin mo? Maghahamon ka nanaman ng one on one."
"Oo pero hindi na sa laro. Ayain ko ng suntukan umapi sa'yo dito."
Umirap ako.
"Tumigil ka nga! Ayan ka nanaman sa kayabangan mo, eh. Saka maganda ang trato nila sa akin dito mula sa simula. Ang bilis ko nga lang silang nakasundong lahat. Maliban lang s'yempre kay Alistair. Alam mo naman ang lalaking 'yon, may pagkasuplado. Ang hirap kausapin at medyo may pagkamainitin ang ulo. Pero okay naman na kami ngayon. Noong mga unang araw ko lang dito ang medyo nahirapan akong pakisamahan siya kasi sobrang suplado talaga niya. As in. Para siyang babaeng may period kung magsungit, kahit wala naman akong ginagawa sa kanya."
"At pumapayag ka naman na ganon ang asal sa'yo ng tukmol na 'yon?" may iritasyong tanong ni Silver.
"Tukmol?"
Hindi ako makapaniwala na tinawag nitong tukmol si Alistair. Parang gusto ko tuloy matawa. Sinong mangangahas na tumawag ng ganoon kay Alistair? Walang iba kundi si Silver lang.
Napailing-iling na lang ako at hindi na tinangka pang tumawa. Mukhang hindi naman kasi nagbibiro ang kanyang mukha. Parang galit pa nga na hindi ko maintindihan kung saan galing. Ano naman kaya ang ikinagagalit ng lalaking ito?
"Bakit mo naman siyang tinawag na tukmol?"
"Bakit? Ayaw mong tinatawag kong gano'n ang crush mo?"
Umirap ako.
"Ayokong tinatawag mo siyang ganoon dahil baka mamaya may makarinig sa'yo d'yan at si Alistair naman ang makabanggaan mo."
"Ano naman ngayon? Tingin mo natatakot ako sa isang 'yon?"
Napailing ako. Ibang klase talaga ang angas ng lalaking ito. Hindi ko alam kung ano ba ang nagawa sa kanya ni Alistair para sabihin niya ang mga ito. Parang ewan 'tong isang ito. Wala namang ginagawa sa kanya 'yong tao pero sinasabihan niya ng kung ano-ano.
"Ang sabihin mo ayaw mo lang talagang sinasabihan ko ng ganoong salita ang crush mo. Bakit, nasasaktan ka para sa kanya? Tsk!" Iritado siyang nag-iwas ng tingin sa akin.
"Hindi ko alam kung anong nagustuhan mo doon sa kupal na 'yon. Wala namang emosyon 'yon. Ganoon ba ang mga tipo mong lalaki? Hindi ka ba naboboring kasama sa kwarto 'yon? Kinakausap ka manlang ba no'n?"
Hinampas ko ng mahina ang braso niya.
"Tumigil ka nga d'yan! Wala namang ginagawa sa'yo 'yong tao, kung ano-ano ang sinasabi mo sa kanya." Ngumuso ako.
"Bakit? Nasasaktan ka nga para sa kanya?" Ngumisi siya.
Sarkastiko ang ngisi na iyon kaya tinignan ko siya ng masama.
"Tanggol na tanggol ka do'n, eh mukhang hindi ka nga yata kinakausap no'n. Sinusupladuhan ka pa sabi mo," naiiling niyang sabi.
"Hindi ko naman siya pinagtatanggol. Ayoko lang na nagsasalita ka ng ganito sa kanya kahit wala naman talagang ginagawa sa'yo 'yong tao."
"Tsk! Sige lang ipagtanggol mo pa."
"Hindi ko nga pinagtatanggol ang kulit mo. Saka bakit ba ang init-init ng dugo mo kay Alistair? May naging atraso ba siya sa'yo noon na hindi ko alam?"
Supladong inilingan lang ako ng loko. Magsasalita pa sana ako nang biglang dumating si Bren para tawagin ako pero umalis din naman agad. Kailangan na naming mag training. Tumayo ako sa kinauupuan namin ni Silver, bago ko siya binalingan, hindi pa din naalis ang pagkakabusangot nito.
"Ano, panonoorin mo pa ba kaming maglaro?"
Suminghap siya at tumayo.
"Hindi na. Dadalaw na lang ulit ako. Tatawag ako mamaya. Mag message ka pagtapos ng training niyo."
Ngumuso ako at tumango na lamang. Ang daya din ng isang ito. Akala ko manonood siya sa laro namin. Hindi naman pala. Mukhang gusto na agad umalis, eh. May pupuntahan ba siya? Babae nanaman ba? Kung may pupuntahan pala siyang babae, bakit pa siya dumaan dito. Nakakainis din ang isang ito, eh. Hindi ko tuloy maiwasang magtampo kasi halos kadarating niya pa lang tapos aalis na siya agad. Hindi manlang siya nagtagal dito.
Pero wala naman akong magagawa kung iyon talaga ang gusto niya.
"Okay. Ihahatid na lang kita sa labas," walang ganang sabi ko.
Nagtaas siya ng kilay at tumayo na din. Inakbayan niya ako at ginulo ang buhok ko.
"Bawi na lang ako next time. Sabihan mo lang ako kung kailan ka pwedeng ilabas."
Umirap ako at sinimangutan siya.
"Makikipagkita ka lang sa mga babae mo, eh."
Umangat ang kabilang gilid ng kanyang mga labi at muli nanamang ginulo ang buhok ko.
"Kaka-miss 'yong mahaba mong buhok."
Umiling ako.
"Anong nakakamiss doon? Lagi mo nga akong sinasabihang bruha dahil sa buhok ko noon, eh."
"Kaya nga. Namimiss kong asarin kang gano'n." Humalakhak siya ng malakas.
Ang OA ng isang ito nakakainis!
Kinurot ko ang tagiliran niya at tinanggal ang pagkaka-akbay niya sa akin.
"Umalis ka na nga lang kung aalis ka. Nakakainis ka! Aalis ka na nga lang, mang-aasar ka pa."
"S'yempre sinusulit ko na, baka matagalan ulit bago kita maasar ng ganito, eh."
Namaywang ako.
"Ano bang nakakatuwa sa pang-aasar sa akin at sobrang enjoy ka yata?"
Tinawanan niya lang ako.