"Welcome to Barangay Maalon!" bungad ko sa mga turistang kakababa lang mula sa mga bangka na sinakyan nila. Hapon na at sila ang huling batch ng mga turista na dumating dito sa isla ngayong araw.
"Good day, sirs and ma'ams. I am your guide today, Matteo Onyx Chavez, at your service. You can give your luggages to our crew and I will gladly escort you to the Maalon Beach and Mountain Resort," sabi ko pa sabay talikod.
"Lakas ng pangangailangan ah. Buhay na buhay ka ngayon," bulong sa 'kin ng katrabaho at kaibigan kong si Cherry.
Palihim ko naman siyang siniko.
"Pare-pareho lang tayong gipit dito," bulong ko sa kanya.
"What sorts of food do you have here?" biglang tanong sa 'kin ng isang turistang foreigner.
Agad ko namang nginitian ‘yung turista. "Oh, we have a lot of fresh seafood here, sir. We have fish, crabs, shellfish, and. . . and hipon!" sabi ko.
Kumunot ang noo ng foreigner. "What's a hipon?" tanong nito.
Hinatak ko naman papunta sa tabi ko si Cherry. "Here, sir! This is a hipon! Eat the body, throw away the head!" sabi ko naman.
Hinambalos ako bigla ni Cherry sa ulo. "Gago. Dinamay mo pa 'ko sa saltik mo," singhal niya sa 'kin.
"Quits," sagot ko naman habang tumatawa.
Sinamahan na naming maglakad papunta sa resort 'yung mga turista. Buhay na buhay ang buong paligid lalo pa't nakaparami rin ng mga taong naglalakad. Mukhang hindi na ako mahihirapang kumbinsihin ‘yung mga turista kung gaano kasaya rito sa isla.
"We have banana boat rides, jet skis, kayaks, surfing and other fun activities here in the beach resort. For our mountain resort, we have mountain climbing, tree fall, zip line, and many others. You can refer to your tourist guidebook for the complete list of the adventures that you can experience here in our resort!" paliwanag ko pa sa kanila.
Nang makarating na kami sa lobby ng resort ay nagpaalam na kami sa kanila. "That's all for now, sirs and ma’ams! I will leave you to Ms. Jennica for your room reservations. See you around! Have a fun stay here in the Maalon Beach and Mountain Resort!" paalam ko.
Tatalikod na sana ako pero nag-abot sa 'kin ng pera 'yung ilang mga turista doon. "You are very lively and entertaining. Here, take this," sabi ng isang foreigner.
Ngumiti na lang ako. "I'm really sorry, sir, but I can't accept that. We have a unified tip system here in the resort, you see. Besides, it is our duty to keep you happy and entertained without expecting anything in return. Thank you very much but I really can't accept that," sabi ko.
"Okay. But still, thank you very much," sabi niya.
Tumango naman ako sa kanya bago ako bumaling kay Ate Jennica na receptionist dito sa resort. "Ikaw na ang bahala sa kanila, ate. Mauuna na kami ni Cherry," sabi ko sa kanya.
"Ikaw talaga. Grasya na tinanggihan mo pa," sabi niya.
Kumamot na lang ako sa pisngi ko. "Bawal naman talaga, ate. Mauuna na kami. Bukas ulit!" paalam ko.
Dumiretso na kaming dalawa ni Cherry sa locker room ng mga empleyado nitong resort.
"May lakad ka pagkatapos nito?" tanong niya sa 'kin.
Bumaling ako sa relo ko. "Uuwi na 'ko. Aalis 'yun sina tatay ngayong gabi. Kailangan ko pang tulungan si nanay sa bahay. Tsaka si Buknoy panigurado hahanapin ako noon," sabi ko.
"Nagpapahinga ka man lang ba?" tanong ni Cherry.
"Oo. 'Pag nasa bahay," sagot ko.
"'Pag nasa bahay? Sigurado ka? Tadtad ka pa rin kaya ng mga gawain kapag nandoon ka sa inyo!" sabad niya.
"Tinutulungan ko lang naman sina nanay at tatay. Nagpapahinga naman ako kapag napapagod na ako," sagot ko naman.
I am Matteo Onyx Olivio Chavez. Teo for short. 17. At kagaya nga ng parating sinasabi ng mga kaibigan ko ay wala raw expiration ang kasipagan ko.
Lumaki kasi ako na sanay sa mga gawaing-bahay. Hindi naman kami mayaman. Si Tatay Ely ay mangingisda at si Nanay Loida naman ay may pwesto sa palengke. May nakababata pa akong kapatid na si Bryan, na tinatawag nga namin na Buknoy.
Nairaraos naman namin ang pang-araw-araw namin pero kailangan talagang magtrabaho kung gusto naming makakain nang tatlong beses kada araw at mabili ang mga gusto namin. Hindi kami mayaman, pero hindi naman kami isang kahig, isang tuka kung mamuhay.
Kaya naman mula noong nakatapos ako sa high school ay naghanap ako ng mapagtatrabahuhan. Sakto naman na isang isla ang munisipyo namin at isa kami sa mga barangay na nasa tabing-dagat. Nag-apply ako sa resort na pag-aari ng mayor namin dito at natanggap ako. Kaya tuwing walang pasok ay nagtatrabaho ako doon. Halos tatlong taon na akong nagtatrabaho doon sa resort.
Sikat naman kasi ang lugar namin. Aside sa may magagandang beaches dito ay may mga nagtataasan rin na mga bundok. Kaya naman kung hindi naglalagi sa dagat ang mga turista ay nagsisi-akyatan naman sila sa mga bundok dito.
Kahit ayaw nina nanay at tatay na nagtatrabaho ako ay pinilit ko pa rin. Nagagawa kong mapag-aral ang sarili ko at nakakatulong pa ako sa ilang mga gastusin dito sa bahay. Lalo pa ngayon na kakasimula pa lang ng summer kaya talagang dagsa ang mga turista dito sa 'min. Kapag maraming turista, marami rin ang perang darating.
Madalas kaming sumalubong ng mga bagong dating na turista dito sa isla namin. Kung hindi naman ay nagsisilbi kami bilang mga tour guide. At kung minsan ay nag-aayos at naglilinis kami ng mga kwarto at cottages dito. All-around, ika nga.
At sa pagiging all-around worker ko ay mataas na rin ang sweldo na nakukuha ko. Hindi pa diyan kasama ang mga tip na binibigay ng mga turista na hinahati-hati ng mga crew dito. Iba kasi ang tip sa mga tour guide at iba rin ang tip sa mga naglilinis ng kwarto kaya kung maraming turista ay nakakarami rin ako.
Sabi nga ni tatay, daig ng masikap ang maagap. Kung maagap ka naman pero tamad ka ay wala ka pa ring patutunguhan. Pero kung masipag ka ay wala kang hindi kayang gawin at tapusin.
"May pang-tuition ka na ba sa pasukan?" tanong ni Cherry habang naglalakad kami pauwi. Papalubog na ang araw at napakaganda na ng tanawin sa paligid.
"Mayroon na. Nakapagtabi na ako. Nag-iipon naman ako ngayon para may pambaon ako sa pasukan," sabi ko.
Third year na ako sa June. Education ang kursong kinuha ko. Magkaklase kaming dalawa ni Cherry. May scholarship naman ako kaya kaunti na lang ang ginagastos ko, pero ayoko pa ring umasa masyado doon kaya nagtatrabaho pa rin ako.
"Alam mo ba ang ibig sabihin ng mga salitang "mag-enjoy," "mag-relax," o "magpahinga?" tanong ni Cherry.
"Bakit? Nag-e-enjoy ako sa trabaho. Nakakapag-relax ako sa bahay," sagot ko.
Napakamot na lang sa ulo niya ang kaibigan ko. "Ang ibig kong sabihin ay kung minsan ka naman bang nakapagpahinga nang wala kang ginagawa o iniisip man lang na ibang bagay?! Sige ka, tatanda ka niyan nang maaga, or worse, baka hindi ka magkaroon ng lovelife," banta ni Cherry.
"Wala akong habol sa lovelife na 'yan," sabi ko.
"Asus. Ang dami kaya ng nagpaparamdam sa 'yo sa school," sabi niya.
Huminga na lang ako nang malalim.
Well, may mga nagpaparamdam nga sa 'kin sa school. Tsaka sa 'min kasing buong pamilya at kahit sa mga tito at tita at pinsan ko ay ako lang ang nag-iisang maputi. Lahat kasi sa mga kamag-anak namin ay mga moreno't morena. Noong kabataan ko nga ay madalas akong tuksuhin na napulot lang daw ako nina nanay at tatay.
Another unique feature of mine are the freckles on my cheeks. Ako lang din ang may ganito sa buong angkan namin. Sabi nga ni Cherry at ng mga kaibigan ko ay nakakadagdag pa raw 'tong mga pekas ko sa pisngi sa appeal ko. I can't see their point though.
At sa buong angkan ng mga Chavez, ako ang pinakamababa.
Yeah, right.
Kaya hindi ako makasabay sa mga basketbolista kong mga pinsan. Isang buong team na 'yan. Close naman kaming lahat. Sadyang water boy lang talaga ang kaya kong gampanan tuwing nakikipaglaro sila.
"Pa'no ba 'yan, dito na 'ko," paalam ni Cherry pagkatapat namin sa bahay ko. “Hindi na ako tutuloy. Pakumusta na lang kina Buknoy at Tita Loida!”
"Sige. Bye. See you tomorrow!" paalam ko naman.
'Di naman nagkakalayo ang bahay namin nina Cherry. Isang kanto lang kami mula sa bahay nila. Malapit lang kami pareho sa dagat.
"BUKNOOOY!" tawag ko mula sa trangkahan ng bahay namin.
"KUYA TEO!" tawag naman ng kapatid ko mula sa loob ng bahay.
Humahangos na lumabas 'yung kapatid kong bilbilin. Agad naman siyang yumakap sa 'kin.
"Naging good boy ka ba? Baka naging pasaway ka na naman ha," sabi ko.
"Hindi po, kuya. Tinulungan ko po si nanay dito sa bahay," sagot niya.
"Sigurado ka?"
"Opo."
"Heto, binilhan kita ng paborito mong mamon para naman tumaba ka pa lalo," sabi ko habang kinukurot ang magkabilaang pisngi niya.
Matabang-mataba kasi si Buknoy.
"Thank you, kuya!"
Lumabas naman si nanay mula sa loob.
"Mano po, 'nay."
"Kumain ka na ba? Tara na't nagluto ako ng meryenda dito. Naghahanda na rin ako ng hapunan. Ang payat-payat mo na talaga," sabi niya.
"Busy po ako sa pagpapataba dito kay Buknoy. Si tatay po?" tanong ko.
"Pumalaot na. Baka bukas pa 'yun uuwi," sabi ni nanay.
Umupo ako sa may sala at naghubad na ng mga sapatos ko.
"Bukas ba papasok ka sa trabaho mo? Pupunta kasi ako sa bayan. Magbabayad ako ng kuryente. Walang kasama si Buknoy dito sa bahay," sabi ni nanay.
"Ako na lang po ang magbabayad. May sasamahan po kaming mga turista bukas sa bayan. Itago niyo na lang po 'yan na pera. Ako na po ang bahala," sabi ko.
"Teo, anak, ikaw ang dapat magtago ng pera mo. Hindi ka nga sa 'min humihingi ng pang-matrikula mo ikaw pa magbabayad nito-"
"'Nay, may naitabi na po akong pera para sa enrollment. Tsaka may scholarship naman po ako. Ako na po talaga ang bahala. Tsaka kaunti naman po ata ang babayaran natin," sabi ko.
"Ayos lang ba sa 'yo?"
"Opo. Gamitin niyo na lang po 'yan para sa pang-araw-araw nating gastusin dito," sagot ko.
Huminga na lang nang malalim si nanay. "Salamat, anak. Ang laki talaga ng naitutulong mo sa 'min ng tatay mo."
Yumakap naman ako sa kanya. "Nay naman, nagda-drama ka na naman…"
"Ikaw rin kasi. Hindi ka man lang nagpapahinga. Puro ka na lang trabaho" sabi niya.
"Para sa inyo naman ‘to ni tatay. Kahit kailan hindi po ako mapapagod na tulungan kayo. I love you, 'nay!"
"I love you, too, anak."
"Ako? Wala akong I love you?" muffled na sabi ni Buknoy. Punong-puno na ng mamon 'yung bibig niya.
Tumawa na lang kami ni nanay. “At siyempre, mas lalo naming mahal ang patabain naming bunso,” sabi ko sabay yakap sa kanila pareho.