CHAPTER 22

1337 Words
MIA'S POV B U M A N G O N . . . ako sa masakit na kasu-kasuhan at mainit na pakiramdam. Dahan-dahan akong gumalaw dahil pakiramdam ko ay mabubuwal ako sa bawat hakbang ko. Nakita ko ang putlang putla kong repleksyon sa salamin. Pilit na inayos ko ang sarili ko para hindi ako magmukhang bangkay sa harap ni Papa. Tiyak na mag-aalala 'yon at baka ipilit pang magpatingin ako sa doktor. Maya maya lang ay may kumatok sa kwarto namin ni Macey. "Mia, anak? Bangon na at mahuhuli ka sa trabaho," Si Papa iyon. Kahapon ng hapon ito nakauwi mula kina Kuya. "Bababa na po!" sagot ko at pilit na pinapasiglang boses. Agad din akong bumaba at inabutan kong nagtitimpla ng kape si Papa sa kusina. "Pa, bawal 'yan ah," sita ko dito. "Hindi 'to para sa'kin," sagot naman nito tsaka maingat na inagat ang tasa ng kape habang patuloy na hinahalo 'yon. "Eh para kanino po?" "Eh kanino pa? Eh di para sa'yo. 'Lika na, mag-almusal ka na," masigla nitong yakag sabay inilapag ang hawak nitong tasa ng kape sa lamesa at ipinaghila ako ng isang silya. Napangiti na lang ako. "Papa talaga. Hindi n'yo na dapat inaabala ang sarili n'yo sa mga ganitong bagay. Makakasama sa inyo ang maggagawa," sabi ko habang pumupwesto din naman sa silyang hinila nito para sakin. "Anak naman, paano naman naging mabigat ang pagtitimpla ng kape at pagbili ng pandesal sa kanto?" pagrarason nito Minabuti kong ngumiti na lang at wag nang sumagot pa para wag nang humaba ang diskusyon. "Okay ka lang ba anak? Parang medyo maputla ka," biglang tanong nito. Mabuti na lang at nabasa ko agad ang sunod nitong gagawin kaya bago pa man nito nagawang itaas ang kamay para sana sapuhin ang noo ko ay agad ko itong napigil. "Tinatamad lang akong pumasok Pa. Di ba nga sabi ni Macey, kapatid na ng Sabado ang Biyernes," pagpapalusot ko. "S-Sigurado ka ah," "Um-absent na nga lang kaya ako?" pagbibiro ko. "Gusto mo ba? Para makapagpahinga ka anak. Ako kakausap kay Primo. Tiyak ko---" "Joke lang! Si Papa talaga!" agad kong putol sa sinasabi nito sabay subo ng pandesal. Bakas pa rin sa mukha nito ang pag-aalala. Mukhang may sasabihin pa sana ito pero hindi iyon natuloy nang biglang dumating si Macey. "Haaaay! Talaga naman oo! Wala na talagang lalaking matino sa panahong 'to! Puro manloloko!" malakas at nagpupuyos nitong bulalas. Hindi pa nga ito ganap na nakakapasok ay dinig na namin ang mabibigat nitong yabag pati ang tila pagdadabog nito. Nagkatinginan kami ni Papa, kapwa nagtatanong sa asal ng bunso namin. "Macey! Nandirito kami sa kusina anak!" sigaw ni Papa. Kasunod niyon padabog na pagdating at dire-diretsong pag-upo ng kapatid ko sa silyang katapat ni Papa. "Ano bang ikinamumuryot mo ng ke-aga-aga?" tanong ni Papa rito. Pero imbes na sagutin ito ay ako ang binalingan ni Macey. "Ate, magsabi ka nga ng totoo..." Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan. Ano naman kaya ang gusto nitong aminin ko? "Nagkabalikan ba talaga kayo ni Kuya Primo o hindi?" seryoso nitong tanong. Nahinto ang akmang pagsubo ko ulit ng pandesal sa diretso nitong tanong na iyon. Nagpalipat-lipat din ako ng tingin dito at kay papa na kapwa matamang nakatingin sakin habang naghihintay ng isasagot ko. "H-Hindi nga kasi, kulit," pilit na pinakaswal kong sagot tsaka itinuloy ang pagsubo ng tinapay. Napapitlag kami ni Papa nang biglang pinukpok ni Macey ang lamesa gamit ang sarili nitong kamao. "So totoo nga 'yong balita na pakakasalan na ni Kuya Primo 'yong babaeng panadera na 'yon?!!" malakas na bulala ulit nito. Muntik pa akong mabulunan sa narinig ko kaya sunod-sunod ang naging pag-ubo ko. Agad naman akong inabutan ni Papa ng tubig tsaka tinapik-tapik ako sa likod. "Kelan lang ba niya naging jowa ang babaeng 'yon??? Ni hindi ko nga alam na may jowa pala siyang iba atp hindi ikaw!" pagpapatuloy ni Macey. Hindi pa ito nakuntento at tumayo na tsaka nagpalakad-lakad sa tapat namin ni papa habang nakapameywang pa. "Kung jojowa din pala siya ng iba, bakit ka pa niya sinuyo-suyo n'ong kauuwi pa lang ni Papa galing sa ospital?! Sinabihan pa man din namin siya ni Ate Clang na tutulungan namin siyang magkabalikan kayo, tapos malaman-laman ko may iba na agad???"" paglilitaniya nito na parang mas kausap ang hangin kaysa sa ako. "Macey--" "Tsaka, teka lang... di ba n'ong huling nandito s'ya inabutan ko pa kayong nag--" singit nito sabay imwinestrang tila nagtutukaang manok ang dalawa niyang kamay. Nang maintindihan ko kung ano ang tinutukoy nito ay agad akong napamulagat at agad na sinaway ang sutil nitong kamay. "Macey!" mariin kong paninita rito. Nakalimutan ba nitong nandoon si Papa??? Ang tinutukoy nito ay ang pagkakataong inabutan niyang ninanakawan ako ng halik ni Primo dito mismo sa kusina namin. "P-Pero di ba sabi niya pa n'on, next time sa--" Sa pagkakataong ito ay mabilis akong tumayo at sinaksakan ng pandesal ang walang preno nitong bibig para matahimik. "Kumain ka na lang! Gutom lang 'yan, hm?" saad ko habang pinandidilatan ito para ipaalala na kasama namin si Papa kaya mag-ingat ito sa mga sinasabi. Pero nayayamot na kinagat lang nito ang tinapay tsaka nginuya iyon. "Ah basta! I hate him officially, no going back! Kaya ikaw ate, wag kang marupok d'yan ah!" pagpapangaral nito sa akin. Dahil guilty ako sa paratang nito ay wala akong nagawa kung di samaan lang ito ng tingin. Pinanliitan ako nito ng mata. "Hmm, sinasabi ko sa'yo Ate. Lalo na at sa kanila ka nagtatrabaho ngayon. Baka mamaya..." "G-Gayak na ako at mali-late na ako dahil sa kaka-chismis mo!" pag-iiba ko tsaka agad na lumabas ng kusina bago pa man may maihirit na naman ang kapatid kong magaling. Pero pagkalabas ko pa lang ng kusina ay agad na akong natigilan nang makita ko si Travis na nakatayo sa labas ng pinto namin. Mukhang akmang kakatok pa lang ito sa nakabukas naman naming pinto nang makita ako kaya maging ito ay natigilan din. "Travis..." sambit ko sa pangalan nito. Bakas sa mukha nito ang halo-halong gulat, pagkalito at kaba. Pero bakit naman ito kakabahan? "M-Mia..." tawag din nito sa'kin. "Ang aga mo yata," komento ko sabay bumaba ang tingin ko sa malaking box na hawak nito. "A-Ahmm," tila asiwa nitong nasabi. "Ate! Sinasabi ko sa'yo, pag ikaw talaga---" bulalas ni Macey na sinundan sana ako mula sa kusina, pero agad na natigilan nang makita si Travis sa labas ng pinto namin. Kita ko ang awtomatikong pagsambukot ng mukha ng kapatid ko, pati ang biglang pagbabago ng mukha din ni Travis habang nakatingin din kay Macey. "Ano na naman bang ginagawa mo dito? Ke-aga-aga," iritadong tanong ng huli sa bisita. Napakunot ako ng noo habang nagpapalipat-lipat ng tingin sa mga ito. Heto na naman ang mga ito sa misteryosong awra sa pagitan nila. Lalo tuloy akong na-curious kung anong meron sa dalawang 'to. "S-Sorry...I was hoping to catch you bago ako pumasok," alangang tugon naman ni Travis. "Umuwi ka na. Pagod ako. Ba-boo!" matigas na taboy naman rito ni Macey sabay akmang pagsasarhan ito ng pinto. "Wait!" agad na pigil ni Travis sa pinto gamit ang isang kamay nito. Natigilan din si Macey. "I'll go...just come to the party with me," may pagsusumamong sabi ng bisita. Napataas ako ng kilay. Hindi ko alam na ganito na ka-close ang mga ito. "Ayoko!" pagmamatigas naman ni Macey tsaka muling umaktong isasara ang pinto, pero pinigil lang ulit iyon ni Travis. "Ang kulit mo din ano?! Pag di ka pa umalis, ipapa-pulis na talaga kita!" pagbabanta ng kapatid ko. "I'll go. I promise. And I also promise na hindi na kita aabalahin pa, basta pumayag ka lang na maging date ko sa Foundation event," hirit pa ni Travis sabay abot ng dala nitong box kay Macey. Sandaling natigilan ang huli. "Please?" Hindi kumibo ang kapatid ko at mukhang napaisip din. Maya-maya ay walang sabi-sabi nitong hinablot ang box mula kay Travis atsaka tuluyan itong pinagsarahan ng pinto. Binigyan ko ito ng makahulugang tingin pero inirapan lang ako nito tsaka ako nilampasan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD