KABANATA 8
“May problema ba?” pagtatanong ni Chaaya sa kanyang kapatid dahil ilang beses na siyang napabuntong hininga habang hawak-hawak niya ang de keypad niyang cellphone na tila may hinihintay siyang message.
“Ah, wala naman ate.” agap ni Suzzie tiyaka siya ngumiti. Naningkit ang mata ni Chaaya dahil alam niyang nagsisinungaling ang kanyang kapatid. Pinaypayan na ni Suzzie para lalong umapoy ang kanilang gamit na kalan dahil wala naman sila noong de gasul, hindi naman nila kaya bumili nang ganoon at hindi rin naman nila kaya ang papalit-palit na gasul kada buwan. Makakain na nila kung ano man ang ibabayad nila sa gasul.
“Yung totoo?” pagtatanong ni Chaaya sa kanyang kapatid tiyaka siya naupo kung saan nagpapaypay ang kanyang kapatid dahil nagsasaing siya ng kanilang kanin. May pinuntahan lang sa kabilang barangay ang kanilang mga magulang. Gusto sana nilang umangal dahil masama ang pakiramdam ng kanilang ina kahapon para makapagpahinga siya pero importante daw ang kanilang pupuntahan kaya naman wala na rin silang magawa kapag nakapagdesisyon na ang kanyang ina.
“Wala lang ate, ano lang,” ngumuso si Suzzie dahil nahihiya siyang mag-open sa kanyang ate. Alam niya naman na busilak ang kalooban ng dalaga at hindi siya maarte dahil kung ano man ang pinapakain nila at kung ano man ang pinapagawa nila ay wala siyang ano mang reklamo.
Dahil inaakala ni Chaaya na iyon na ang buhay niya noon kaya wala siyang karapatan na magreklamo o hindi gawin kahit na naninibago siya at mukhang hindi naman ganon ang nakasanayan ng kanyang katawan noon. Tiyaka isa pa, gusto niya rin makatulong sa kanyang mga magulang dahil kahit na halos mag-isang linggo pa lang silang magkakasama ay ramdam niya ang pagmamahal ng dalawang mag-asawa. Siguro nga at kuntento na sila sa buhay nila na ganito lang sa isla at hindi na sila nangarap pa ng marangyang buhay basta magkakasama lang sila ay ramdam na nila ang kasiyahan.
“Ano ba iyon?” pagtatanong ni Chaaya. Siguro ay ayaw lang magkwento ng kanyang kapatid dahil sa kalagayan niya. “Nawalan lang ako ng ala-ala pero hindi mawawala ang pagiging kapatid ko sa’yo. Pwede ka pa rin naman magsabi sa akin, sigurado naman ako na nagsasabi ka sa akin noon, tama?” pagtatanong ni Chaaya dahil habang inoobserbahan niya ang kanyang pamilya ay malapit ito sa isa’t-isa at nakakapagsabi ng mga hinaing nila sa buhay.
Napakagat sa labi si Suzzie dahil bigla siyang nakonsensya at hindi niya masabi ang totoo ay Chaaya. Pero alam naman niya na para din naman iyon sa kalagayan niya dahil nasabi naman sa kanya ng kanyang mga magulang na maselan ang ulo ng kanyang itinuturing na kapatid at baka kapag binigla siya ay hindi na niya maalala kung sino talaga siya at kung saan siya nanggaling. Ayaw naman niyang ipagkait sa kanyang ate Chaaya ang mga ala-ala niya. Kaya kahit na nakokonsensya siya sa t’wing ganitong mga pagkakataon ay wala siyang magawa kung hindi kagatin na lang ang kanyang labi para mapigilan niya ang kanyang sarili. Para din naman kay Chaaya ang kanilang ginagawa para may pag-asa pa na bumalik ang mga nawala niyang ala-ala.
Hindi rin naman sanay na magkwento si Suzzie sa ibang tao dahil si Lucas lang naman ang kaibigan niya simula pa noon. May mga nakakasama siya sa paaralan pero hindi ganon kalalim ang pagsasamahan niya sa iba na kaya niyang magbukas ng problema o ng sikreto. At hindi rin naman siya nag-open sa kanyang ina kapag may problema sila ni Lucas maliban na lang kung tanungin siya ng ina niya kapag napansin ni Susan na mukhang hindi nagkakasama ang dalawa.
“Hindi lang nagrereply si Senyorito Lucas ate, nag-aalala lang ako sa kanya dahil hindi sila ganon kalapit ng Senyora.” pag-kwento ni Suzzie kaya bahagyang napatango si Chaaya na para bang naintinidihan niya na kung bakit mukhang malungkot ang kanyang kapatid.
“May gusto ka ba sa Senyorito?” hindi rin alam ni Chaaya kung bakit niya naitanong iyon basta bigla na lang din lumabas sa kanyang bibig. Nasamid si Suzzie kahit na wala naman siyang iniinom o kinakain habang nagpipilit siya ng tawa dahil hindi niya inaasahan ang tanong ng kanyang tinuturing na kapatid.
“Ha? Ako?” pagtatanong niya habang nakaturo sa kanyang sarili kaya marahan na tumango si Chaaya. Wala na rin siyang magagawa kung hindi ipagpatuloy na lang kung ano man ang kanyang naitanong. “Bakit ko naman magugustuhan si Senyorito?” tumatawang tanong pa n Suzzie na tila hindi makapaniwala dahil sa tinanong ng kanyang ate Chaaya.
Dahil sa reaksyon ni Suzzie ay para bang nabigyan na ng kasagutan ang tanong ni Chaaya kahit na tanong lang din naman ang ibinatong sagot sa kanya ng kanyang kapatid. Alam na niya kaagad ang sagot kahit na hindi umamin ang kanyang kapatid. Tumango si Chaaya bago siya magsalita.
“Oo nga, bakit mo nga naman siya magugustuhan?” pagtatanong ni Chaaya dahil ayaw naman niyang pilitin ang kanyang kapatid na umamin. O baka nasa confuse o indenial na stage pa ito.
“Oo naman tiyaka ayoko na maging kumplikado ang sitwasyon,” nakanguso na sambit ni Suzzie dahil kilala na niya ang pamilyang Agravante. Mabait sila pero hindi niya lang sigurado sa Senyora. “Mababait naman ang mga Agravante kaso masyadong strict ang Senyora, mas strict pa siya sa padre de pamilya.” pagkwento nito kaya biglang napatango si Chaaya.
Hindi niya pa nakikita ang Senyor o kaya naman ay ang Senyora kaya curious siya sa itsura at maging sa ugali ng mga ito.
“Hindi mabait ang Senyora?” deretsahang tanong niya dahil doon din naman ang ikapupunta noon. Natawa si Suzzie dahil sa pagiging straightforward ng kanyang ate Chaaya.
“Mabait naman siguro siya,” wika ni Suzzie. Hindi siya ganon nagagandahan sa ugali ng Senyora pero ayaw naman niya itong sirain sa kanyang ate. “Pero mas mabait ang Mayor.” dagdag ni Suzzie. “Kahit na mukha itong suplado ay mabait ito sa personal at marunong makisama sa mga tao kaya rin siguro nakuha na niya ang loob ng mga tao dito sa bayan para mamuno siyang Mayor.” dagdag pa nito kaya dahan-dahan na tumango si Chaaya para itatak sa kanyang isipan ang mga nalaman niya tungkol sa kanyang kapatid.
“Ang nagmana sa Senyor ay si Lucas at ang nakaman ng kasungitan ng Senyora ay ang panganay na anak na si Senyorito Lucius,” agad na kumunot ang noo ni Chaaya sa sinabi ni Suzzie. Mukhang hindi siya makakasang-ayon sa sinabi ng kanyang kapatid kahit na hindi siya makaalala.
“Ha? Mukha namang mabait ang Senyorito Lucius, matulungin at marunong makisama sa tao,” natawa si Suzzie dahil sa sinabi ng kanyang ate Chaaya. Hindi maintindihan ni Chaaya kung bakit ganon ang tingin ni Suzzie kay Lucius. “Kanina nga tinulungan niya pa tayong makabenta!” agad na sabi ni Chaaya na tila pinagtatanggol ang Senyorito sa kanyang kapatid dahil hindi siya makapaniwala na nasabi ni Suzzie na masungit ang Senyorito gayong hindi naman siya ganoon.
“Maniwala ka sa akin ate, maging kami ni Senyorito Lucas ay nagulat na lang sa kanya kung bakit niya nagawa iyon. Eto ate,” umayos ng upo si Suzzie para masabi niyang maayos ang kanyang ichichika sa kanyang ate. “Huwag mong ipagsasabi kahit kanino ito ha?” paninigurado ni Suzzie dahil sa kanya lang din sinabi ni Lucas iyon at mukhang siya lang ang may alam.
“Wala naman akong mapagsasabihan,” sambit ni Chaaya dahil si Suzzie lang naman ang kausap nito at ang kanyang pamilya. Madalang lang niyang makausap ang mga trabahante sa mansyon kapag kailangan lang kaya wala naman siyang mapagsasabihan kung ano man ang ichichismis sa kanya ng kanyang kapatid.
“Iyang si Senyorito Lucius, hindi iyan mahilig sa palengke. Ayaw niya sa palengke.” kumunot ang noo ni Chaaya dahil hindi niya maintindihan kung bakit nasa palengke kanina ang Senyorito. “Ayaw niya sa maingay, mas gusto niya sa tahimik na lugar kaya nakakagulat lang na pumunta siya sa palengke kaina. Ang akala namin ay may emergency sa mansyon nila at sinusundo ang kanyang kapatid na si Senyorito Lucas o kaya naman ay ang pagbisita ni Mayor sa palengke pero siya lang mag-isa kaya kataka-taka, diba?” kung tama nga ang sinasabi ni Suzzie ay nakakapagtaka nga na bigla na lang siyang napadaan o napunta sa palengke kanina at kung saan pinaka-maingay pa na parte ng mga nagtitinda ng manok, baboy at iba pang mga sae foods.
“Pero hindi naman siya masungit kanina kahit na ayaw pala niya sa palengke,” agap ni Chaaya kaya hindi niya maintindihan kung paano magaspang ang ugali ni Senyorito Lucius gayong busilak na kalooban ang pinakita niya kanina sa kanila. “Kaya paano mo nasabing masungit siya?”
“Si Senyorito ay dito siya nag-aral hanggang Junior High School, noong Senior High School na siya ay lumipat na siyang mag-isa sa Manila para sa mamahalin at kilalang paaralan siya mag-aaral. Masungit na siya noon at hindi man lang pala-kibo. Wala man siyang kinakausap o nginingitian man lang sa mga tao dito. Siguro ganon na talaga siya dahil ganon na siya simula pa noong bata pa siya,” tahimik siyang nakikinig habang nagku-kwento ang kanyang kapatid.
“Sa Manila na rin siya nag-kolehiyo. Sa De La Salle siya nag-aral ng business!” may halong pagmamalaki ang boses ni Suzzie na tila ba siya ang nag-aral sa binata. Hindi niya lang maitago ang kanyang pagkamangha dahil nakaya ng utak at ng bulsa nila ang mag-aral sa ganoong kasikat at kamahal na unibersidad.
Sa pagbanggit ni Suzzie sa unibersidad ng Senyorito ay bahagya at pasimpleng napahawak si Chaaya sa kanyang noo. Hindi niya alam kung bakit kumirot na lang nang ganoong kasakit ang kanyang ulo pagkarinig niya sa unibersidad ni Senyorito Lucius. Hindi niya maiwasan magtaka kung bakit ganoon na lang ang naging reaksyon ng kanyang ulo pero mas minabuti pa niyang huwag na niyang isipin dahil habang nacu-curious siya kung bakit ay lalo lang sumasakit.
At hindi siya pwedeng ma-hospital dahil alam niyang kulang din sa pera ang kanyang mga magulang. Ang tanging maitutulong niya na lang sa mga ito liban sa pagpasok niya ng mga trabaho kung saan siya nilalagay ng kanyang ina ay ang huwag magkasakit dahil ayaw niyang mahirapan na naman ang kanyang mga magulang sa paghahanap ng salapi para maibayad sa doctor at mga gamot na kailangan niya.
“Pero bumalik siya isang araw dito sa isla kasama ang kanyang first love kaya naman naging masiyahin na ang Senyorito simula noon. Pero inayawan ng Senyora ang kanyang first love dahil sa…” hindi alam ni Suzzie kung dapat niya bang i-kwento sa kanyang kapatid iyon. “Hindi ko istorya iyon kaya wala akong karapatan mag-kwento, basta kalat sa buong isla, hindi lang sa bayan natin, kung gaano kagalit ang Senyora sa kanyang panganay na anak dahil sa pagpili nito sa babaeng mahal niya.”
“Hindi ba malapit ang Senyora at ang first love ni Senyorito Lucius?” pagtatanong niya. Baka nagkaroon lang ng hindi pagkaka-unawaan ang dalawa. Natawa si Suzzie sa tinanong ng kanyang kapatid.
“Hindi talaga sila magkakalapit dahil ayaw sa kanya ng Senyora. Naniniwala ang Senyora na mas deserve ng kanyang anak ang mas better pa keysa sa babae. Parang telenovela ang kanilang kwento dahil pinaglaban talaga ng Senyorito ang babaeng pinakamamahal niya.” naantig ang puso ni Chaaya dahil sa nairnig. Para nga siyang nakikinig ng mga telenobela sa radyo.
“Nasaan na ngayon ang babae?” hindi niya maiwasan na magtanong dahil hindi niya pa nasilayan ang babaeng mahal ng Senyorito. At nang una niyang nakita ito sa dalampasigan ay mukha siyang pilyo pero may nagmamay-ari na pala ng puso niya.
Gusto tuloy makita o masilayan ni Chaaya kung ano ang itsura ng babaeng kauna-unahang pinaglaban ni Senyorito Lucius sa kanyang mga magulang. Hindi siya makapaniwala na nangyayari ang lahat ng ito.
“Iniwan siya.” kaswal na sambit ni Suzzie tiyaka niya pinagkibit ang kanyang balikat. Hindi niya rin alam kung nasaan ang babae.
“HA?!” gulat na tanong ni Chaaya. Hindi niya lubos maisip na iiwan niya ang isang kagaya ng Senyorito. “Bakit daw?!” curious na tanong niya. Paano niya nagawang tanggihan ang binata?
“Bumalik sa first love niya ang babae, mas kailangan din naman niya iyon kaya nakasuporta lang si Senyorito sa kanya,” napanguso si Chaaya dahil ang akala niya ay nagpakasal ang dalawa. Hindi niya alam kung kailangan ba niyang maging masaya para doon lalo na’t paniguradong nasaktan si Senyorito.
“Magsimula noon ay masungit na ulit ang Senyorito, lagi na lang mainit ang kanyang ulo. Pinagbibigyan na lang siya dahil hindi halos ibagsak na rin ng Senyorito ang lahat maging ang kanilang kumpanya at maging ang kanyang katawan.” ngumuso muli si Suzzie bago niya ipagpatuloy ang kanyang kwento. “Hindi na siya lumaban dahil ang kasama niya sa laban ay bumitaw na.” hindi alam ni Chaaya kung bakit nakaramdam siya ng lungkot at simpatya sa binata.
“Iyon lang ang alam naming kwento, basta noong bumalik na ang Senyorito sa kanyang dating ekspresyon at ugali ay na-conclude na hiwalay na nga sila ng babaeng una niyang minahal.” Napatango ng pilit si Chaaya. Hindi niya alma kung bakit may kailangan pang ibigay bago ang kanilang break-up.
Natapos na ang sinaing ni Suzzie kaya naman kinuha niya na ito para mailagay na niya sa lamesa bago pa man dumating ang kanilang mga magulang. Hindi na nila pinaghanda ng ulam ang kanilang anak dahil nangako sila na may dala-dala na silang ulam.
Habang nag-aasikaso na si Suzzie sa loob ay nasa labas lang si Chaaya habang nakaupo sa upuan na kahoy habang nagmumuni-muni siya. Natatanaw niya ang dagat sa kanyang mga mata. Mukhang inaakit talaga siya ng mga alon dahil kahit na medyo malayo siya ay rinig niya ang pagragasa ng mga ito sa dalampasigan. Kaya naman tumayo na siya tiyaka marahan siyang lumakad papunta sa may dalampasigan. Mabuti na lang at malapit sa beach ang kanilang bahay.
Kahit na pakiramdam niya ay ito ang unang mga beses na ginagawa niya ang mga bagay na ginagawa niya ngayon ay mas pinili na lang niyang huwag na masyado pang isipin kung bakit ba hindi pamilyar sa kanya ang lahat—maging ang isla.