PROLOGUE
Sa likod ng larawan, maraming bagay ang hindi basta naipapaliwanag ng mga salita lamang. Sa likod ng mga ngiti, marami ang nagkukubli.
Halimbawa sa social media: akala ng lahat ay napaka-perpekto ng buhay ng kung sino-sinong mga taong nakikita natin sa ating mga newsfeed. Mga sikat na tao man, o mga personal nating kakilala. Akala natin wala silang mga pinagdaraanan sa buhay. Paano ba naman, puro magaganda ang pino-post nila. Para sa online space man lamang nila ay magmukhang maayos ang lahat. Bagaman sila ay basag na basag na talaga.
Aminin man natin o hindi, pag nakikita natin ang mga social media posts nila, laging lumalabas sa mga bibig natin ang mga salitang, "Sana all." Sabay tingin sa ating mga totoong buhay na nagmimistulang walang kwenta kung ihahambing sa mga buhay nila sa virtual world.
Dito talaga lumalabas ang ating pagiging mga best actor at best actress: ang pagiging malikhain nating palabasing napaka-perpekto ng ating mga buhay. Mag-po-post ng mga damit at sapatos na sinusukat natin sa mall, pero hindi naman natin totoong binibili. Akala mo nakapunta na sa ibang bansa, yun pala pinalitan lang ang background. Magpapakuha ng larawan sa harap ng isang malaking bahay na hindi naman pala talaga sa kanya. Madali nating maloloko ang iba, pero kahit kailan, hindi ang ating mga sarili.
Maski nga ang mga hitsura natin ay bigla na lamang gaganda at guguwapo pag napasadahan na ng camera filter at photo editing apps. Maliban siguro kung hindi filter at editing ang sagot sa hitsura mo. Kung wala kang budget, malamang, maghihintay ka na lamang ng milagro para mag-transform.
Ang mga dating imposible, nagiging posible na, salamat sa artificial intelligence. Kahit nga ang kasaysayan at katotohanan ay naba-baluktot na ng ilang tao para sa kanilang pansariling interes. Dahil dito, mahirap ang katotohanan sa panahon ng mga kwentong madaling paniwalaan.
Kung pwede nga lamang baguhin ang lahat ng pinagdaanan ko sa buhay, malamang, matagal ko nang ginawa. Sino ba naman ang ayaw magkaroon ng oportunidad para ayusin ang lahat ng masaklap na nangyari sa buhay na pilit nating tinatago sa likod ng ating masayahing personalidad? Ang tanong: posible nga ba?
Kagabi, habang nag-aayos ako ng maleta, nakita ko ang isang lumang larawan. Ako iyon, mga limang taong gulang. Nasa tabi ko ang dalawang taong umampon sa akin, nakangiti sila na parang ako talaga ang pinakamagandang nangyari sa buhay nila. Sa likod ng larawang iyon, may sulat-kamay si Mommy: βSa aming Penelope, Our Little Angel. 1990.β
Naiyak ako.
Dalawampung taon akong nawala sa lugar kung saan ako unang tinawag na anak. Dalawampung taon sa Japan, sinusubukang bumuo ng bagong pangalan, bagong mukha, bagong buhay na walang bahid ng nakaraan. Sa social media, ang ganda ng buhay ko roon. May magagandang litrato sa ilalim ng cherry blossoms, may mga ngiti sa harap ng Tokyo Tower. Pero sa likod ng mga larawang iyon, isang batang ampon pa rin akong natatakot na baka isang araw, malaman ng lahat na hindi ako karapat-dapat na mahalin.
Dalawampung taon ding pilit kinakalimutan ang lahat na para bang mayroon akong amnesia: pilit namumuhay na malayo sa kung ano man ang mga bagay na pilit kong iniiwasan. Na pilit itinatanim sa isip na matinding bangungot lang ang kung ano man ang masalimuot kong mga pinagdaanan.
Bumalik ako mula sa lupain ng sumisikat na araw. Sa ayaw ko man o sa gusto, handa man ako o hindi, may pagpipilian man o wala, kailangan kong bumalik.
Maraming nagbago sa dalawampung taon. Ang maliit na bayan na iniwan ko, hindi na ganoon kaliit. Halos hindi ko na nga ito makilala ngayon. Para akong natulog nang dalawampung taon at paggising ko, nagbago na ang lahat. Yung tipong hindi ko alam kung may babalikan pa nga ba ako talaga.
Ang mga taong iniwan ko, may kanya-kanya nang buhay: lahat ay matagumpay na sa kani-kanilang mga karera. May kanya-kanya nang pamilyang binuo at kinabibilangan. Nagagawa na nila ang mga bagay na dati ay pangarap lang talaga nila.
Samantalang ako, hindi ko alam kung saan ba ako nabibilang. Parang kahit saan ako lumingon ay sinasabi nilang hindi ako nababagay sa kanila.
May mga larawan akong hindi ko pa kayang tingnan sa ngayon nang walang bigat sa dibdib na nakadagan. Mga larawang nagpapaalala na minsan, naging masaya ako. Totoong masaya, hindi dahil sa filter. At may mga larawan akong pilit kong binubura, pero kahit anong edit ko, nananatili pa rin ang sakit sa likod nito. Kung kaya nga lang itong gawan ng paraan ng makabagong teknolohiya, baka umupa na ako ng sinumang magaling doon para ipa-bago ang gusto kong baguhin sa paraang mas magiging masaya ako at malaya mula sa kahit na anong pilit na gumugulo sa aking isipan.
Dalawampung taon kong tinago ang lahat sa likod ng mga nakakatawang mga banat, ngiti at tawanan. Pero ang tanong, hanggang kailan ko pa kayang magtago? Ganito na lang ba talaga ako habambuhay? Palagi na lang bang kailangan pagtakpan ang sakit na nararamdaman maski hindi ko na talaga kaya?
Ako si Penelope Montes, at ito ang aking kwento.