Sofia
Way back in 2005…
Matapos ang isang minuto bago mag-alas diyes ng umaga ay mabilis na nagsitakbuhan ang mga kaklase kong lalaki papalabas ng classroom. Maingay rin ang bagting ng bell ng eskwelahan. Hudyat kasi iyon na recess na namin ngayong umaga. Kaya samu’t saring kaganapan na naman ang nangyayari ngayon nang pakawalan kami ng teacher namin sa klase.
‘Yong iba ay nagsisigawan, ‘yong iba ay nagtatawanan o nagkukuwentuhan sa loob ng classroom, ‘yong iba naman ay naghahabulan sa labas, at kalimitan sa aming lahat ay kumakain ng baon naming meryenda na hinanda pa ng mga magulang namin sa bahay.
Tuwing recess, may baon akong dalawang sandwhich at isang choco-milk na inumin. Hindi ko maubos-ubos ‘yong sandwhich ko kasi ang laki-laki niyon. Kaya minsan ay pinapagalitan ako ni mommy pagkauwi ko galing sa school dahil nga sa hindi ko na naman naubos ang pagkain ko.
Tuwing lunch naman, dahil malayo ang bahay na tinitirhan ko sa school na pinapasukan ko, ay may dala na rin akong pagkain na inihahanda ni Mommy. Marami rin ang laman niyon kaya hindi ko nauubos paminsan-minsan. May balak yata si mommy na patabain ako, eh!
Habang nagku-kuwentuhan kami ng mga kaibigan at classmate kong babae sa loob ng classroom ay napansin kaagad namin ang kaklase naming si Jon na lumabas galing CR. Payat siya na bata at kayumanggi ang kanyang balat. Palagi siyang matamlay at palagi rin siyang tahimik sa isang sulok, sa isang upuan na katabi rin ng banyong kanyang pinanggalingan.
‘Yong upuan ko ay nasa row 1, column 1. Doon mismo sa pinakaunahan, malapit sa blackboard at desk ni Ma’am De Leon, ang adviser namin. ‘Yong kay Jon naman ay nasa row 4, column 5. Doon talaga sa pinakahuling upuan malapit sa CR.
Nang tingnan namin siya ng mga kaibigan ko ay iba-iba na ang sinasabi nila tungkol kay Jon, na ikinangiwi ko naman. “Hindi ko talaga alam kung bakit napunta ‘yang mahirap na ‘yan dito sa section A,” sabi no’ng isa kong kaibigang babae. ‘Mahirap’ ‘yong tawag nila kay Jon bilang panunukso.
“’Di ba nasa section C siya? Doon sa mga loser at mga kapwa niya mahihirap hahaha,” sabat pa no’ng maldita at spoiled na kaibigan ko na katabi ko lang din sa upuan. Sinabayan pa niya iyon ng pagtawa ng malakas.
Dahil sa panglalait nila kay Jon ay sumagot na ako sa kanila. Hindi ko na rin kasi matitimpi pa ang mga pinagsasabi nila sa bata kahit wala naman itong ginagawang masama sa kanila. “Nilipat siya rito sa section A kasi lagi siyang binu-bully sa section C. Kaya tigilan niyo na ‘yong panglalait sa kanya na mahirap siya.” Kahit ganoon ka-simple lang ang sinabi ko, feeling ko talaga ako ‘yong savior ni Jon.
“Eh totoo naman, eh. Mahirap si Jon. ‘Yong nanay niya ay nagtatahi lang ng basahan na ibinibenta lang dito sa school para pangbura ng blackboard. ‘Yong tatay naman niya ay mangingisda. Kaya kapag lumapit ka sa kanya, ang lansa-lansa niya, amoy isda siya,” sabi pa no’ng isang matapobreng babae na kaibigan ko. Apat kasi kami ngayon na pinag-uusapan si Jon.
Hindi na lang ako nakapagsalita pa kahit na naiinis na ako sa mga kasama ko. Bakit ba ayaw na lang nila tigilan si Jon? Hindi ba sila naaawa rito?
“Huy! Tigil na. Tama na. Baka marinig kayo ni Jon,” saway ko pa sa kanila. At tama nga ‘yong duda ko. Mukhang narinig nga kami ni Jon kasi bigla na lang siyang tumayo sa upuan niya, dala-dala ang bag niya, papalabas ng classroom. Mukhang pupunta na naman siya sa Science Garden para doon tumambay mag-isa.
“Ayan! Sabi ko sa inyo, eh. Tama na,” sabi ko pa sa kanila.
“Who cares! Dapat lang sa kanya ay mawala. Hindi siya bagay rito, ‘no!”
Dahil sa inis ko sa kanila ay napatayo na rin ako. Walang salita na lumabas ako ng classroom at hindi sinabi sa kanila kung saan ako pupunta. Dinala ko pa ‘yong lunch box ko. Ayokong kumain kaharap nila kasi grabe sila makapanglait sa tao.
Kahit na tinawag pa ako no’ng isa kong kaibigan at tinanong kung saan ako pupunta, hindi ko na lang sila pinansin pa. Dare-daretso akong lumabas ng classroom at biglang naisip kong puntahan si Jon para humingi ng sorry sa kanya dahil sa sinasabi ng mga kaibigan ko.
Pinuntahan ko siya roon sa Science Garden, malapit lang sa school court. Hindi ako nadismaya kasi nandoon talaga siya at nag-iisa. Patuloy pa rin siya roon sa pagsusulat sa notebook niya.
Kahit na kinakabahan ako ay pumasok pa rin ako sa Science Garden at nilapitan siya. Napansin niya na pumasok ako kaya napatingin siya sa akin mula sa kanyang likuran. Napatigil ako sa paghakbang at nahihiyang ngumiti sa kanya.
“Hi,” sabi ko pa. Kumaway pa ako sa kanya.
Hindi siya nagsalita. Walang reaksyon lang siyang nakatingin sa akin at mayamaya pa ay ibinaling na niya ang sarili roon sa ginagawa niya. Muli akong naglakad at tumabi kay Jon. Doon ko napagtanto na hindi naman talaga malansa ang amoy niya, eh. Sa totoo lang, ang bango niya. Amoy polbos. ‘Di ko talaga alam kung bakit sinasabi ng mga kaibigan ko na malansa ang amoy ni Jon. Nakakabwiset din sila!
Tahimik na napatingin ako sa ginagawa niya. Nakita ko na ginagawa niya pala ‘yong assignment namin sa Math. Tungkol iyon sa pagbabasa ng analog clock.
Nang makita ko na mali ‘yong sagot niya sa number 4, kaagad akong nagsalita. “Mali ‘yan. 1:48 pm ang sagot niyan. Hindi 1:45 pm.”
Doon siya napatingin sa akin habang nagtataka ang mukha niya. Siguro naging ganoon ang reaksyon niya kasi hindi siya makapaniwala na may taong lumapit sa kanya at tinutulungan siya sa pagsagot ng assignment niya. At ako iyon!
Matagal lang siyang nakatingin sa akin. Naroon pa rin ‘yong pagtataka. Napangiwi na lang ako at kinuha ‘yong notebook at lapis niya na sobrang liit tapos pudpod na rin ang pangbura. “Akin na nga. Tuturuan kit,” masaya ko pang sambit.
Nakita ko na halos mali-mali ‘yong sagot niya. Napailing ako at binago ‘yong mga sagot niya. Hindi pa nakaka-isang minuto ay tapos ko nang sagutan iyon at saka ko ibinalik sa kanya ‘yong notebook at lapis niya.
“Mali lahat ang sagot mo. ‘Yong mataas na arrow, nakatutok sa mga linya. Hindi roon sa mga number. Kaya magbibilang ka talaga para makuha mo ‘yong sagot mo.”
As usual, nakatingin lang siya sa akin. Ramdam ko ang pagkalito niya dahil sa sinabi ko.
Mukhang ‘di niya yata na-gets. Kaya muli ko siyang tinuruan. “Ganito ‘yan. Dito sa question number 2, nakatutok ‘yong maliit na arrow sa number 5. Ibig sabihin niyan ay 5:00 na iyan. Pero titingnan mo rin dapat ‘yong malaking arrow. Since nakatutok siya sa tatlong guhit matapos ang number 4, ang sagot niyan ay 5:23, hindi 5:20. Bibilangin mo kasi ‘yong guhit kung ilan. Dahil ‘yong number 4 ay equal na iyon sa 20 at may tatlong guhit pa, ipa-plus mo lang yon kaya naging 23.”
Dahil sa mahabang explanation ko, mukhang na-gets na niya ang ibig kong sabihin. Patango-tango na kasi siya ng ulo niya, eh. Tapos maya-maya, narinig ko na siyang nagsalita.
“S-Salamat.”
Medyo nagulat ako kasi ngayon ko lang narinig ang boses niya. Hindi talaga kasi siya pasalita, lalo na sa klase. Kapag tinatawag siya ni teacher, hindi siya sumasagot. Hindi rin siya nagpa-participate sa klase. Kaya parang pinag-iiwanan siya ng mga classmates ko.
“You’re welcome,” nakangiti ko namang sagot.
“Bakit ka nga pala nandito?” tanong niya sa akin.
“Wala lang. Malungkot ka kasi palagi kaya baka gusto mo ng kasama. Saka… g-gusto ko rin humingi ng sorry sa ‘yo sa panglalait na sinabi nila. Hindi kasi tama iyon, eh.”
Ngumiti si Jon sa akin. “Wala ka namang kasalanan. Kaya ‘wag ka na lang mag-sorry sa akin. Saka sanay naman ako sa pangbu-bully nila sa akin, eh.”
Umiling ako. “Naku! Hindi dapat ganyan. ‘Wag ka masanay. Sabi kasi ni mommy, masama ang mang-bully. Hindi ko nga alam kung bakit ka nila binu-bully kung alam nilang masama iyon.”
Hindi siya nagsalita. Nakita ko na niligpit na niya ‘yong notebook at lapis niya doon sa luma niyang bag na may cartoon character na printa. Tapos narinig ko na lang na tumunog ang tiyan niya. Mukhang gutom siya.
Sakto naman na dala ko ‘yong lunch box ko. Binuksan ko ‘yon at kinuha ‘yong isang malaking sandwhich. “Gusto mo?”
Mas lalo pa yata siyang nagulat sa pag-alok ko sa kanya ng tinapay. Nahihiya pa siyang kuhain iyon. “Binibigay mo sa akin?” tanong pa niya. Alam kong gusto niya kasi gutom siya. Pero nahihiya talaga siya, eh.
Tumango ako. “Oo. Sa iyo na lang ‘yan. May isa pa naman ako rito, eh.”
Mula sa pagtitig niya sa akin ay lumipat iyon sa sandwhich na inaabot ko sa kanya. Kahit na nagdadalawang-isip siya kung kukunin ba niya iyon o hindi ay mabilis kong kinuha ang kamay niya at ipinatong doon ang sandwhich. “Ang tagal, ah. Sa iyo na ‘yan. ‘Wag ka mahiya.”
Wala siyang nagawa kundi tanggapin ang alok ko sa kanyang pagkain. Dahan-dahan niyang binuksan ang tissue na nakabalot sa tinapay bago niya kinain ito.
“Salamat ulit. Hindi ko alam kung bakit ang bait mo sa akin,” sabi pa niya habang puno ng pagkain ang bibig niya.
“Bakit? Akala mo ba katulad din ako ng mga classmate natin na ibu-bully ka? Hindi, no! Saka, matanong ko lang, wala ka ba talagang kaibigan? Lagi ka kasing nag-iisa, eh.”
Umiling siya. Nilunok niya muna ang kinakain niya bago siya nagsalita. “May mga kaibigan ako sa bahay namin. Pero hindi sila rito pumapasok.”
Patango-tango naman ako. “Ganoon ba. Puwes! Ganito ang mangyayari. Dahil wala kang kaibigan, ituring mo na lang akong kaibigan, okay ba ‘yon?”
Napatigil siya sa pagnguya at napatingin sa akin. “Sigurado ka?”
“Oo naman. Ayaw mo ba?”
“Hindi naman sa ganun. Kasi… ngayon lang ako magkakaroon ng kaibigan dito, eh. At ikaw iyon.”
Napangiti ako sa sinabi ni Jon. Nakakataba ng puso ‘yong sinabi niya.
“Simula ngayon, ah, kaibigan mo na ako. Kaibigan na rin kita. Saka, wala ka bang dalang baon tuwing recess?”
Umiling siya. “Wala. Mahirap lang kami, eh. Walang pera sila nanay at tatay. May baon akong pera. Sampung piso. Eh, ang mahal-mahal ng pagkain sa canteen. Kaya umiinom na lang ako ng tubig kung gugutumin ako.”
“Ganun ba,” naaawa kong sabi sa kanya. Tapos biglang may naisip akong ideya. “Sige, ganito lang. Bukas, dadalhan ulit kita ng baon. Para sabay na tayong mag-recess. Okay ba sa iyo iyon?”
“Hala! Nakakahiya.”
“’Wag ka ng mahiya. Kaibigan muna ako, eh.” At doon na siya tuluyang napangiti sa akin.
“Ikaw bahala. Salamat ah.”
Nang tumunog ang bell hudyat na tapos na ang recess ay sabay kami ni Jon na umalis sa Science Garden at bumalik sa classroom. Halos yata lahat ng classmate ko ay nagulat no’ng makita nila na magkasama kaming dalawa. At mas lalong nagulat pa silang lahat no’ng nag-request ako kay teacher na gusto kong makatabi si Jon sa upuan ko.
Kahit si teacher ay nagulat. Pero mukhang alam na niya ang ibig kong sabihin kung bakit ko ‘yon ginawa. Kasi kahit si teacher ay naaawa rin kay Jon.
Kaya inilipat ni teacher si Jon sa tabi ko. ‘Yong kaibigan kong maldita na katabi ko, doon tuloy siya nakaupo sa upuan ni Jon na malapit sa CR. Dahil sa nangyari, naging magkaaway kami ng mga kaibigan kong ‘yon. Silang lahat hindi na ako pinapansin. Pero mabuti na lang nandiyan si Jon para maging bago kong kaibigan.
Simula niyon ay hindi na kami nagkahiwalay pa ni Jon. Naging matalik ko na siyang kaibigan. Lagi kaming classmate hanggang Grade 6, hanggang high school, at ngayong college ay same kami ng university na pinapasukan. Though, we are not the same course na kinukuha pero may oras kami na magkasama sa school.
Saka may sumpaan kaming dalawa sa isa’t isa noon pa man—na hindi kami mag-iiwanan kahit ano ang mangyari. Kung nasaan ako, dapat nandoon din siya. Kung nasaan siya, dapat nandoon din ako. Mukhang panghabang buhay na yata ‘tong pagkakaibigan naming dalawa, eh.
And speaking of pagkakaibigan, nag-iba nga lang ang tingin ko sa kanya noong 2nd year high school na kaming dalawa. I saw how he was very attractive and gentle during our high school days. Ibang-iba siya no’ng elementary pa kami.
Dahil nasa puberty stage kami niyon, nag-iba talaga ang hitsura niya lalo na ang kanyang pangangatawan. And I can say that he’s handsome enough. He’s an epitome of tall, dark, and handsome kumbaga. Pero inilihim ko na lang sa sarili ko na may gusto ako sa kanya. Naisip ko kasi na kapag nalaman niya ay baka mag-iba ang turing niya sa akin. Ayoko pa naman niyon. Kaya kahit hindi niya alam, pinaparamdam ko na lang sa kanya na mahal ko siya.
At sana hindi niya ako mahalata.
7:45 am nang bumaba ako ng hagdan galing sa kuwarto ko. Pagbaba ko ay kaagad akong pumunta sa dining room at nakita ko si Jon na kumakain doon ng agahan kasama sina daddy at mommy. Nag-good morning ako sa kanila at kaagad kong nilapitan si Jon.
“Jon, tara na!” pagmamadaling tawag ko sa kanya. Nakalugay pa yong basa kong buhok.
“Sandali lang. Kumakain pa ako!” sagot niya habang mabilis siyang kumakain.
Inanyayahan pa ako ni mommy na kumain muna ng breakfast. Pero dahil late na ako ay tumutol muna ako at saka ko hinila ang t-shirt ni Jon para tumigil na siya sa pagkain niya.
“Tara na! Male-late na tayo!”
Kahit umiinom pa siya ng juice ay mabilis na siyang tumayo, inilagay ang baso sa lamesa, at saka nagpaalam sa mga magulang ko na aalis na.
“Ingat kayong dalawa, ah!” narinig ko pang sabi ni mommy sa dining room bago kami makalabas.
At lulan sa second hand na motor na dala ni Jon, kaagad na kaming umalis para pumunta sa university na aming pinapasukan.
And… yeah… as a best friend!