Chapter 2: Chloe

2192 Words
Sa katititig sa lalaking iyon ay nakita ko ang dahan-dahan niyang pagngisi sa camera, rason para literal na manlaki ang ulo ko sa labis na takot. Ngunit ang background ay kakaiba sa nararamdaman ko, napuno pa iyon ng hiyawan. Kilig ang namutawi sa paligid nito, pati iyong babaeng reporter ay napangiti rin na akala mo ay hindi nakuha ang gustong ipunto ni Melvin. f**k! Hindi iyon nakakakilig. Manhid ba sila at hindi sila marunong makinig between the lines? Kilabot ang naramdaman ko sa mga katagang iyon, para itong bumulong ng itim na dasal at talagang mabilis kong pinatay ang TV. Nagkamali ako na maswerte ang babaeng iyon, sobrang malas pala niya. Geez. Parang ang laki naman ng kasalanan ng babaeng iyon at talagang nagpursige siya sa buhay. Ngayon ko lang natanto— mahirap nga palang magalit ang isang mabait na tao, partikular iyong mga tahimik. Siguro ay ganoon siya, kung titingnan kasi ay mukha itong hindi makabasag pinggan dahil sa pagiging prim and proper niya. Ngunit kung tititigang mabuti ang mukha nito, tila ba may nakapalibot na dark awra sa kabuuan nito. Silent but deadly. Gosh! Kinilabutan talaga ako sa sinabi nito. Well, kung sino man iyon ay advance RIP sa babaeng tinutukoy niya. Sana ay maka-survive siya sa oras na magkrus ulit ang landas nilang dalawa. Napahinga ako nang malalim, kasabay nang mabilis na paglipas ng araw, linggo, buwan at panibagong taon. Hindi ko na malaman kung anu-ano ang mga pinaggagagawa ko sa nakaraan ko dahil naging abala na rin ako sa pag-asikaso ng VISA ko. And yes, pabalik na ako ng Pilipinas. Sasabay na lang ako kay Mirko, since narito naman na siya. He's been here for the whole three months. Nakalulungkot mang isipin ay pina-admit nito si Tita Sylvia sa isang private mental hospital dito sa Australia. Sa kaparehong mental hospital din na pinanggalian ni Tyra noon. Hindi ko lang mawari kung ano ba ang naging istorya kung bakit humantong sa ganito, hindi ko rin kasi makausap nang maayos si Mirko dahil maging siya ay wala sa tamang huwisyo at palaging wala sa sarili. Kaya minabuti ko nang samahan at sabayan ito sa pagbalik niya ng Pilipinas. Ngayon pa nga lang ay kinakabahan na ako sa hindi malamang rason. Malakas ang pagkabog ng puso ko, tila ba may pahiwatig ngunit hindi ko naman matanto kung ano at para saan iyon. Hindi ko mapangalan, masyadong magulo ang utak ko. Naisip ko na lang din na baka dahil sa mga ginawa ko noon, hindi rin kasi malabong balikan ako ng mga kaklase ko dati na nagawan ko ng mali para gantihan ako. Jesus! Sana ay huwag naman. Nagbago naman na ako, kaya kong patunayan sa kanila iyon at kahit ilibre ko pa sila ng kung anong gusto nila. Malakas akong napabuntong hininga at marahang tinampal ang dibdib, ilang beses ko pang kinalma ang sarili. O baka dahil hudyat ito na rito ko na talaga makikita ang hinahanap kong ideal boyfriend? Wala sa sariling natawa ako sa loob-loob ko, saka pa mahinang sinapok ang ulo. As if magkaka-boylet ako sa Pinas, gayong napakapihikan ko. Dito nga sa Australia ay wala akong mapili, partida at naglalakihang mga pansedal at nagpuputiang balat, with brown eyes, amber eyes ay wala akong magustuhan. Sa Pilipinas pa kaya? Ano mang gawin kong paghahanap ng lalaking magiging boyfriend ko ay hindi ko magawa, para naman kahit papaano ay hindi ako outdated. Kahit man lang din iyong matitipuhan ko, para masabing may nagustuhan din ako sa tanang buhay ko. Natuyot na lang ang perlas ko, pero wala talaga. Katulad ng sinabi ko— hindi ko masikmura na pumasok sa isang relasyon. Ayokong maramdaman iyong sakit kapag nagmahal, lalo na ang pagiging brokenhearted na sinasabi ng karamihan. Sa totoo lang ay takot akong masaktan. Siguro nga ay baka tinatawanan na lang ako ng ilang kaibigan ko sa reyalisasyong mapanakit akong tao, pero takot na masaktan. Takot akong magantihan. "Ladies and gentlemen, welcome to Dela Vega International Airport. Local time is ten forty three in the morning and the temperature is 34.6 degree celcius." Napamulagat ako sa kinauupuan ko nang marinig ko ang announcement mula sa mga speaker na nakakabit sa iba't-ibang bahagi ng eroplano. Nilingon ko pa ang bintana na naroon sa gilid ko at totoo ngang nakapag-landing na ang sinasakyan naming airplane. "Nandito na tayo," sambit ko, bago binalingan si Mirko na naroon sa tabi ko. Gising naman na ito mula sa mahimbing niyang pagkakatulog sa ilang oras naming biyahe ngunit sadyang tahimik lang ito. Napahinga ako nang malalim nang makitang tamad siyang tumayo at nauna nang maglakad palabas. Mayamaya lang nang mabilis na umahon ang kaba sa kaninang natutulog kong puso. Kalaunan nang tumayo na rin ako at inayos ang sarili. Marami akong dalang bagahe, kaya nahirapan pa ako sa pagbaba. Kaagad kong binuksan ang phone ko nang makapasok ako sa Dela Vega International Airport. Nabanggit ko na kay Calvin ang pagdating ko kasama si Mirko, kaya ngayon ay expected kong hinihintay na niya kami sa labas. Sandali kong inayos ulit ang sarili. Suot ko ang black fitted trouser na tinernuhan ko lang ng halter neck top. May suot ako kaninang jacket, pero tinanggal ko rin dahil alam ko namang mainit dito sa Pinas. Hindi nga ako nagkamali dahil sa paglabas ko ng airport mula sa waiting area ay humampas sa mukha ko ang malakas na hangin, kasama nito ay ang mainit na simoy ng palagid na halos manuot sa balat ko. "Mirko!" unang bungad ni Calvin nang makalapit ito sa gawi namin. "How's Tita? Pasensya na, hindi ako nakasunod sa 'yo. I have a lot of works, you know—" "I know," anang Mirko na pinuputol ang mahabang paliwanag ni Calvin. Gusto ko pang matawa sa nakitang reaksyon ni Calvin, hindi ko lang magawa sa tindi ng pagkakaseryoso ng mukha ni Mirko, animo'y lalapa ito ng buhay kung kaya ay hindi ko na nagawa at sinarili ko na lamang. Well, hindi naman siya ganiyan dati. Hindi ko rin alam kung ano ang tunay na rason kung bakit nabaliw si Tita Sylvia, kaya minabuti ko nang umuwi rito para makitsismis. You know, tsismis is life. Wala kasi akong makausap sa social media, o kahit man lang sa chats patungkol dito. Hindi ko malaman kung maging sina Mommy at Daddy ba ay walang alam sa nangyari kay Tita Sylvia. Kaya mas mabuti nang makausap sila para hindi naman ako nagmumukhang tanga na kulang sa impormasyon. Nagulat pa kami ni Calvin nang lampasan kami ni Mirko, saka ito dere-deretsong naglakad patungo kung saan naka-park ang sasakyan ni Calvin. Nauna na siyang sumakay sa back's seat at padarag na isinarado ang pintuan. Kibit ang balikat kong sinundan ito, ganoon din si Calvin na tinulungan ako sa ilang dala ko. Buhat-buhat nito ang malaking maleta ko at dinala sa compartment ng sasakyan niya, rason para sundan ko siya roon. "Anong nangyari ba? Hindi mo naman sinasagot ang mga tanong ko sa chat," tanong ko rito habang nakapamaywang pa siyang pinapanood. "Mahabang kwento. For sure, kaya ka rin umuwi rito para makiusisa," aniya na para bang kilalang-kilala ako, kapagkuwan ay nilingon ako mula sa pagitan ng kaniyang leeg at balikat. "Tsismosa ka naman 'di ba? Dati ka ngang nataguriang Marites of the year." "Ang cheap mo naman. It is called socializing. Don't you know that?" maarteng wika ko dahilan nang pagngiwi niya. "Tsismosa pa rin ang tawag doon, masyado mo lang pina-social. Arte mo," palatak nito. "Geez. Hanggang ngayon ay short-tempered ka pa rin. Hello? Ako lang ito, ang maganda mong kapatid." Malakas akong tumawa ngunit kaagad ding natigil nang panggigilan ni Calvin ang pisngi ko. "Namumula ang pisngi mo sa sobrang init, hindi ka na sanay sa klima ng Pinas," tumatawang sambit niya at saka pa iniyakap ang dalawang braso sa ulo ko. "But anyway, na-miss naman kita kahit papaano." Umawang ang labi ko sa lambing ng boses nitong kapatid ko. Gosh! Kung tutuusin ay hindi naman kami ganoon ka-close, though okay naman kaming dalawa. Magkaiba kasi kami ng ugali, kaya madalas ay nag-aaway lang kami. Lalo na noong pariwara at rebelde ako, siya kasi ay isang mabuting anak na kayang sumunod sa utos nina Mommy at Daddy. Mabilis siyang mahawakan sa leeg, hindi katulad kong hahawakan pa lang ay kaagad nang kumakawala. Hindi rin ganoon kalayo ang agwat namin, isang taon lang at mahigit. Ganoon pa man ay hindi naman nawawala iyong bond namin bilang magkapatid. Well, wala lang talaga akong choice— kidding aside. "Hindi kita na-miss," pang-aasar ko at dali-dali pang tumakbo nang lumuwang ang pagkakayakap niya sa akin. Maagap akong pumasok sa loob ng back's seat upang tabihan si Mirko, kaya nagmukha tuloy driver si Calvin na ngayon ay ang sama ng tingin sa akin mula sa rear view mirror ng kotse nang makasakay siya roon. "Sa Corazon's Residence nga po, Manong," pang-uudyo ko pa kay Calvin dahilan para maghimutok ang mukha niya na labis kong ikinatawa. "No. Sa A&D Tower," biglang singit ni Mirko kung kaya ay saglit na nahinto ang malakas kong pagtawa sa ere. Magkasabay pa namin itong nilingon ni Calvin, nakahilig na ngayon ang ulo niya sa gilid ng bintana habang nakahalukipkip ang mga braso sa taas ng kaniyang dibdib. Pareho ring nakapikit ang mga mata nito. Wala sa sariling napangiti ako sa kawalan. Sa totoo lang ay naaawa ako kay Mirko, kahit sino rin naman dahil sa kalagayan niya. Bukod sa pagkabaliw ni Tita Sylvia ay namatay din si Tito Miguel dahil sa komplikasyon niya sa puso. Walang natira sa kaniya kung 'di ang anak nitong si Mikaela. Mirko is a single parent, though hindi naman sa kaniya ang bata. Adopted child si Mikaela sa kadahilanang iniwan siya ng kaniyang ina sa tapat ng pinto mula sa condo unit ni Mirko. Naiwan si Mikaela sa pangangalaga nina Mommy at Daddy. Tiyak ko ring matutuwa ang batang iyon kapag nakita niya ako, she's my bestfriend all right. Noong nasa Australia din ito ay siya ang madalas kong kausap. Aakalain mo ngang hindi bata kung umasta at magsalita si Mikaela. Matured siyang mag-isip at masasabi kong maayos itong pinalaki ni Mirko. That's why Mirko is indeed a perfect husband and father material. "Okay, A&D Tower," pag-uulit ni Calvin upang iparating na mas susundin niya si Mirko kaysa sa akin. Naging kibit na lamang ang balikat ko at hinayaan na lang din. Lumipas ang ilang oras, tahimik kami sa buong biyahe na hindi ko na namalayang nakahinto na pala ang kotse sa tapat ng nasabing building. Kaagad na binuksan ni Mirko ang pinto sa gilid niya, saka mabilis pa sa alas kwatrong bumaba. Hindi ganoon karami ang dala nitong bagahe at tanging dalawang bag lang na malaki ang bitbit niya at saka isang maleta. "Ihatid mo na," anang Calvin dahilan para napipilan ko itong nilingon. "Ako talaga?" sagot ko habang nanlalaki ang mga mata. "FYI, pagod kaya ako." "Okay, ako na lang." Maagap itong bumaba upang sundan si Mirko na dere-deretso ang pasok sa loob ng tower, inagaw pa nito ang maleta mula kay Mirko. Ako na lang ang naiwan sa loob ng kotse, kaya kaagad din akong bumaba. Nasa likod lang ako ng dalawa habang tahimik na nakamasid sa kabuuan ng paligid. Nang makapasok sa elevator ay siyang namayani na naman ang nakabibinging katahimikan. Hindi ko ba alam kung bakit pa ako sumunod. Well, trip ko lang din at wala naman akong magawa sa buhay. Gusto ko ring magtingin-tingin ng lalaki sa paligid para naman mabuhayan ako ng dugo. Pilit na pilit ko ang sarili na magkaroon ng interes sa mga lalaking nakakasalubong ko sa hallway, may ilang gwapo naman, pero hindi ko talaga magawang makita iyong dahilan para mas magustuhan ko sila. "Ang ganda pala rito, ano? Kapag pinalayas na naman ako sa bahay, dito na lang ako titira," palatak ko para kahit papaano ay may mapag-usapan kami. Hindi umimik si Mirko. Expected ko na iyon, pero itong katabi kong si Calvin ay parang walang pakialam at hindi marunong makiramdam. Nang walang balak na magsalita ay dinanggi ko ang braso niya, talagang hindi marunong makisakay. "Aray ko, Chloe!" singhal nito sa akin, saktong nagbukas ang pintuan sa elevator. Inapakan ko na lamang ang paa nito bilang ganti. Nauna nang lumabas si Mirko, rason para maagap ko itong sinundan, sa laki ng mga yabag nito ay mabilis lang namin narating ang condo unit niya. Kaagad nito iyong binuksan at deretsong pumasok doon. "Okay ka na ba rito?" tanong ko, tunog nag-aalala habang sinusundan pa rin siya sa kusina. "I'm fine. Kailan ba ako hindi naging okay?" asik nito, bago lumagok sa isang pitsel na kinuha niya sa ref. Napaismid ako. "Parang hindi tayo magkasama sa Australia at kung magpanggap ka riyan." Inirapan ko ito. Nang maibaba nito ang pitsel ay mahina siyang natawa na hindi naman tunog masaya, saka pa ibinaba iyon sa counter table na siyang kinalulugaran ko. Tiningnan ako nito, bago pilit ang naging ngiti sa labi. "Can I have a favor? Samahan mo ako sa kasal ni Venice at Leo. I need you as my companion."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD