CHAPTER TWO
“Siraulo ba siya?!” bulyaw ni Almyra direkta sa tainga ko dahilan para magising ang diwa ko.
Nandito kami ngayon sa tapat ng bahay ni ate Ester. Malalim na ang gabi at mahamog na sa labas. Umiinom si Almyra ng softdrinks at hindi niya maiwasan mainis habang binabasa ang breakup text message ni Martyn sa akin.
Sa maka-isang libong pagkakataon, nagbuntong hininga ako. Hindi pa rin tinatanggap ng sistema ko kung paano tinapos ni Martyn ang relasyon namin sa isang text message lang.
“So suffocating?! Wala namang sunog ah. Paano siya na-suffocate? Sunugin ko bunbunan niya,” dagdag pa ni Almyra.
Suminghap ako ng hangin.
“Hindi ko na alam, Almyra. May nagawa ba akong mali? Anong—paanong naging nakakasawa ako? May nasabi ba akong hindi niya nagustuhan? O may nakalimutan akong mahalagang bagay?”
“Kung ano man ang dahilan, hindi iyan. Kilala kita, wala kang ginagawang hindi dapat. Hindi ka nakakasawa, ang sarap mo nga kasama kung pwede lang kita jowain, baka nagpaka-tibo na ako. Limited at pinag-iisipan mo ang mga sinasabi mo kaya never ka may masasabing mali. At higit sa lahat, hindi ka nakakalimot. Oo, abnormal ka minsan pero kahit isang tuldok, wala kang nakakalimutan sa lahat ng bagay. Hello, may sakit kang pang-alien.”
“Ewan ko na talaga.”
“Thanks sa lahat niya mukha niya. Sadboi ampotek sisikmuraan ko iyan si Martyn kapag nakita ko.”
Napahilamos ako sa mukha ko at ginulo ang aking buhok. Sunod-sunod ang mabibigat na buntong hininga ko at maya’t-maya napapatingin si Almyra sa akin.
“Kung ako sa’yo ‘wag mo muna isipin iyan. Take chance na kausapin si Martyn at linawin niyo ang lahat. Hindi p’wedeng tapusin niya na lang ang lahat nang ganoon lang.”
“Ano pa nga ba? Wala akong choice. Kailangan ko talaga siya kausapin. Bukod sa akin, malulungkot din Dalton,” saad ko.
“Oo nga. Pero nasa’n na ba siya?”
“Ando’n sa loob. Pinapanood yung bagong bala na binili ko kanina.”
Nagbuntong hininga ulit ako.
“Wala ka na bang ibang alam gawin kun’di magbuntong hininga? Ano ka human tambucho?”
“Napakarami ko lang talaga iniisip,” sambit ko at yumuko.
Napatingala ako nang biglang tumayo si Almyra.
“Minsan advantage din na walang isip. ‘Di ako nakakapag-overthink.”
“Sira,” tawa ko at tumayo rin.
“Oh paano, anong oras tayo pupulas?” tanong niya.
“Hmm, anong oras ba simula no’ng pagwawalis?”
“Huh? Akala ko ba hindi mo papatusin ang pagwawalis ng mga kanal kasi may duty ka sa flower shop?” takhang tanong ni Almyra.
“Sus, alas onse pa naman ang duty ko kasi si Sheki ang opening.”
“E’di sasama ako! Magwawalis din ako. Malapit na birthday ni tita Ester kaya nag-iipon ako.”
“Sige ba, bring your own walis do’n,” sagot ko.
“Ang kuripot naman ng barangay. Pati ba naman walis. E’di alas sais tayo lalarga bukas?”
“Sige, sige. Papasok na ako. Matulog ka na rin para may energy ka magwalis,” tawa ko.
“Alas onse na ng gabi, kung alas singko ako gigising, six hours lang tulog ko? Haaay, mas gusto ko pa maging aso tulog lang kung kailan gusto tapos tahol-tahol kapag nasa mood.”
Napatawa muli ako.
“Bakit kailangan bilangin kung ilang oras ka matutulog?” natatawang tanong ko saka pumasok ng bahay.
Pagbukas ko ng pinto ay nakita kong nakabukas pa rin ang TV ngunit si Dalton ay nakahiga na sa upuan. Nakatulugan na niya ang palabas. Ikinandado ko ang pinto, nilinis ang lamesa saka nilapitan si Dalton. Umupo ako sa tabi niya at dahan-dahang ipinatong ang ulo niya sa aking hita. Marahan kong hinaplos ang mukha niya at hinawi ang buhok habang pinagmamasdan siya. Bata pa si Dalton, walang muwang sa lawak ng mundo. Kung ano ang nagaganap dito at mga sikreto sa likod ng lahat.
Napangiti ako nang gumalaw siya at bumaling pakabila. Ako na lamang ang mayroon siya at siya na lamang ang mayroon ako.
‘Wag ka mag-alala Dalton, para sa’yo, hindi susuko si ate.
Kinabukasan ay maaga pang inayos ko ang mga kakailanganin ni Dalton sa maghapon at inihabilin kay ate Ester. Hindi ko na siya ginising dahil mahimbing pa ang tulog niya.
Nagsimula kami ni Almyra na mag-walis ng kalsada at mga kanal. Tulog pa ang mga tao at iilan lamang ang mga nasa labas. Kung mayroon man, mga nagtitinda lamang ng pandesal, taho at puto.
“Mamsh, naalala ko lang, ano nga pala nangyari sa kaso ni tito? Nanalo ba kayo?” tanong ni Almyra habang nagwawalis sa gilid ng isang poste.
“Kailangan pa raw ng isa pang hearing para mas mapag-aralan ang lahat ng anggulo ng kaso. Pero base sa nangyari kahapon, malakas ang laban namin,” sagot ko habang abalang nagwawalis sa isang gilid.
“Magaling naman kasi ata yung abogado niyo?”
Nagkibit-balikat ako at hindi sumagot.
“Pero kung nag-aral ka ng abogasya, malamang tumba lahat ng kalaban mo. Paanong hindi eh lahat kaya mo i-memorize? Naalala ko pa nga no’ng gradeschool tayo palagi kang highest sa exams tapos kapag may ipapa-kabisado, easy lang sa’yo. Tatlong page, lima o kahit ata buong libro. Ang galing. Pakisalinan nga ako ng dugo baka sakaling tumalino rin ako,” saad na naman ni Almyra.
Natawa ako.
“Sira, kung pwede lang baka ipinamigay ko na ‘to noon pa man,” sagot ko.
“E’di… p’wede magpalahi? Baka sakaling… alam mo na,” sambit niya at pinagdikit ang dulo ng dalawang hintuturo. “Aeshia, anakan mo ‘ko please!”
Hinampas ko siya sa braso at tumawa siya nang malakas.
“Abnormal ka, nakakahiya,” reaksyon ko pa.
“Nakakainggit lang, ang talino mo para kang buhay na google. Sisiw lang sa’yo no’ng pinag-recite tayo ng table of elements. Pati ata atomic number at atomic weight alam mo. Saka natatandaan ko no’ng may special activity na kailangan i-narrate ang Alamat ng Ibong Adarna mula sa exposition hanggang resolution, shuta ka inangkin mo agad ang spotlight.”
Natawa na lamang akong mahina.
“Minsan hindi na ako naniniwala na may mali ka sa tests. Siguro sinasadya mo na lang magka-mali para maranasan maging shunga like me. Pero paano nga kaya kung nag-take ka ng law, baka ikaw pa naging top notcher sa bar exam. Tapos alam mo lahat ng batas mula sa Republic Act chemene hanggang Presidential Decree chemene, o ‘di ba bongga!”
Napailing ako. Napakalawak ng pag-iisip ng nilalang na ‘to.
“Sira, cheating kaya iyon,” sagot ko at ipinagpatuloy ang pagwawalis.
“Cheating?! Katalinuhan iyon. Naku, kung kasalanan naman pala maging matalino, napakainosente ko,” buwelta naman niya.
“That’s obviously cheating. I didn’t have to study unlike you all kaya pandaraya iyon. Hindi ko ginawa ang paghihirap na ginawa niyo at hindi iyon makatuwiran,” paliwanag ko at bigla naman napalingon ang gaga.
“Wow, english iyon ah. Kabisado mo na talaga ang dictionary. Pa-kiss nga.”
“Ewan ko sa’yo.”
“Pero somehow, nakuha ko ang point mo. Oh, somehow! Big word!”
“Kapag hinagisan kayo ng bomba, sabog kayo parehas.” Gulat kaming napalingon sa nagsalita.
“Konsi, sorry po. Nag-chichika minute lang naman kami. Para… alam mo na. Fun fun lang while walis walis the kadugyutan of the barangay,” sagot ni Almyra at napatawa ang lalaki sa harapan namin.
“No, okay lang naman. Nakakatuwa nga na nag-e-enjoy kayo magwalis. Oh paano, paparoon muna ako, basta hanggang alas dyis lang kayo ha, at tumuloy kayo sa barangay para makapag-mirienda at makuha niyo na rin ang bayad,” paliwanag ni konsehal.
“Sige po,” sagot ko.
“Noted, konsi. Ingat ka riyan ha, mamahalin pa kita,” sambit ni Almyra at napatakip ako sa bibig ko nang bigla akong matawa.
“H-huh?” tanong ni konsehal.
“Uh, ang sabi ko, ingat po kayo,” sagot ni Almyra. “Kasi ihahatid mo pa ako sa altar,” bulong pa niya.
Tumalikod ako nang hindi ko na napigilan ang tawa ko.
“Ah. K-kung gayon, ako’y aalis na,” paalam ni konsehal at ngumiti.
Ilang oras pa kami nagwalis at medyo malawak din naman ang nalinis namin. Hindi na rin nakakahiya na magpa-bayad. Sandali kaming dumaan sa barangay at kinuha ang bayad, binitbit naman ni Almyra ‘yong dalawang baso ng kape na pa-mirienda at ipinabalot ‘yong pandesal.
Naghiwalay na rin kami ni Almyra ilang sandali pa dahil magkaiba ang raket namin today. Duty ako sa flower shop at siya naman ay nag-makeup sa pageant.
Alas tres ng hapon, nagsimulang mag-ayos ng gamit ang kasama ko sa shop. Tapos na ang duty niya at pauwi na.
“Sana all pauwi na,” bulong ko.
“Huh?” tanong ni Sheki at nilingon ako.
Narinig ata yung sinabi ko.
“Nawa’y lahat makakauwi na.”
Natawa siya.
“Bakit ngayon ka lang nagsalita, Aeshia? Ilang oras napanis laway ko. Ngayon ka lang naging ganiyan katahimik. Kahit customers hindi ka masyado nakikipag-usap,” tanong niya.
“Mama mo, customer,” wala sa sariling sagot ko.
“Huh?”
“Ang sabi ko, baka pagod lang ako,” wala pa rin sa sariling sagot ko.
“Kailan ka ba hindi naging pagod eh lahat na ng raket pinasok mo.”
Hindi ako sumagot at nagbuntong hininga na lamang. Ako man sa sarili ko ay hindi alam ang tumatakbo sa isip ko. Maya-maya pa ay umalis na si Sheki, hindi na ata kinaya ang pag-snob ko sa kaniya.
Ilang oras ang lumipas at halos maubos na ang dugo ko dahil sa mga lamok. Sipsip nang sipsip sarap tampalin.
Tumayo ako nang pakiramdam ko’y kukuhanin na ako ng espiritu ng antok. Nag-sway-sway akong kaunti at nag-stretch. Mabuti na lamang at wala masyadong customers. Isinaayos ko ang mga bulaklak para maalis ang antok ko, nagwalis-walis at nagspray ng air freshener. Nagbasa rin ako ng mga sales from the past few days at nagpunas ng glass wall.
Pupungay-pungay ang mata ko habang nagpupunas ako ng glass wall nang may matanaw sa ‘di kalayuan. Isang kurap at nagising ang lahat ng pandama ko. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko.
“Martyn…” usal ko sa pangalan niya kasabay ng kusang pamumuo ng luha ko.
Ginusto kong tawagin siya. Ginusto kong habulin siya. No one knows how I wanted to stop every step he took. I wanted to talk to him and clarify every little thing.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, wala akong ginawa kun’di ang panoorin siyang lumalakad palayo sa akin. Kasabay nang pagpawi ko ng aking luha ay ang paglaho ni Martyn sa paningin ko.
Ilang oras din akong tulala at walang gana sa lahat. Wala akong gustong gawin kahit ang kumilos. Hanggang sa makauwi ako ay hindi ako nagsasalita.
Kinabukasan ay sinabi ni Almyra na may nahanap siyang raket na pang-isang linggo. Maaga raw ang simula kaya kailangan namin umalis bago pa man sumikat ang araw. Hindi naman niya sinabi kung ano ang gagawin basta sumama raw ako.
Narating namin ang venue at doon ko napagtanto kung ano ang gagawin namin. Sa malaking karatula pa lamang sa harap ay masasabing pangmalakasan ang raket na ‘to.
Rouge Magazine
2017
“Mamsh ready ka na ha. ‘Wag kang kabahan. Harsh magsalita yung baklang nag-pasok sa’tin dito pero dedma na. Sulit ‘to, promise,” sambit ni Almyra habang inilalatag ang mga gamit niya sa ibabaw ng lamesa.
Mahaba ang lamesa sa harapan namin at may salamin sa tapat nito. Sa bawat salamin ay may hindi mabilang na bumbilya sa paligid. Ikinalat ni Almyra ang make-up kit niya at itinali ang buhok.
“Okay, kayang-kaya iyan. Iaabot ko lang naman yung mga gamit sa baklang bundat na iyon ‘di ba?” tanong ko sabay turo sa isang lalaki sa sulok.
“Tanga, anong baklang bundat, sikat na make-up artist iyan. Two years na iyan nagme-makeup sa Miss Universe Philippines,” pagsita ni Almyra sa akin.
“Ah, kaya pala two years na hindi nanalo ang pinas,” sambit ko na ikinatawa ni Almyra.
“Sira, malaki talent fee natin dito. Basta kahit anong marinig mo sa kaniya dedma na.”
“Kapag naman iaabot ko yung mga gamit hindi siya nagmamadali ‘di ba?” tanong ko habang kumakamot sa likod ng tainga.
“Anong iaabot ang mga gamit? Kaya tayo nandito, dahil tutulong tayo mag-makeup. Ito ang one week raket natin. Abot, abot ka riyan, mama mo abot,” singhal niya.
“Loko ka hindi ako marunong mag-makeup!” sambit ko at umakyat ang kaba ko.
“E’di magkunwari ka. Easy,” sagot ni Almyra at kumindat pa.
“P-paano kung mabisto ako?”
“E’di ‘wag ka pabisto. Kaya iyan.” Binigyan naman niya ako ng tingin para palakasin ang loob ko.
Bago pa man makapagsalita ay lumapit na sa amin ang isang babae. Matangkad, maganda ang katawan at hindi maipagkakaila ang ganda. Awtomatikong ngumiti ako at hindi ko alam kung bakit.
“H-hi, ma’am! Good morning po,” bati ni Almyra sabay abot ng bag nito at ipinatong sa lamesa.
“Good morning, and… who are you two?” sagot nito at itinuro kaming dalawa.
“Uh, ako po si—”
“They’re the new members of the glam team, ma’am Fritz. This is Almyra and—what’s your name again?” putol ng lalaking nakasuot ng lime green na polo at jeans kay Almyra.
Kalbo ito at may kalakihan nga ang tiyan.
“Aeshia po,” dugtong ko.
“Oh, sila pala. Okay, hey there! I’m Fritz,” bati nito sa amin at ngumiti. “You got a nice name by the way,” sambit pa niya at ngumiti sa akin.
Nagsimula ang trabaho namin. Hindi lang si ma’am Fritz ang model na naroon ngunit siya ang tinututukan ng lahat dahil siya ang pinaka-mukha ng Rouge Magazine. Ang ilang models ay hindi ganoon binibigyan ng pansin.
May apat ding photographers ngunit dalawa ang nakalaan kay ma’am Fritz para raw sa isang photoshoot ay dalawang anggulo kaagad kada shot. Ayaw nila masayang ang oras nito.
“I kinda want more of blush right here,” mahinahong wika ni ma’am Fritz habang ako’y nanginginig sa pag-makeup sa kaniya.
Ako ang nag-aayos ng mukha niya, si Almyra sa buhok at ‘yong baklang bundat na tinatawag nilang Louie ay inaayos ang mga damit na naka-line up.
Wala akong background sa pag-aayos ng buhok, tirintas lang ang alam ko at hindi pa maayos. Ayaw ko naman pakialaman ang mga damit dahil mukhang mas mahal pa sa buong bahay namin ang isa sa mga iyon. Sa pagme-makeup naman ay wala akong karanasan. Isang beses pa lang ako nakapag-makeup at sa bangkay pa. Kaya no choice na.
“Like this, ma’am?” tanong ko habang marahang inilalapat ang brush sa upper cheekbone niya.
“Yeah, yeah,” pag-sang ayon niya at nang tumigil ako ay tiningnan niya ang magkabilang parte kung pantay ang kulay.
“For the lipstick, ma’am. Uh, alin pong shade?”
“You know what, I like the way you speak. It kinda reminds me of my younger sister.”
Napangiti ako.
“Thanks po, ma’am,” nahihiyang tugon ko.
“You’re cute as well, and I can sense matalino ka. Are you a college graduate?”
“Uh, hindi po ma’am,”
“Oh, so doing makeup is just your thing? Hindi mo siya pinag-aralan? Like professional degree?” tanong pa niya.
“Hindi po, raket lang po. Hindi nga po ako marunong eh,” napatakip ako ng bibig ko sa sinabi ko.
“Come on. You’re joking, aren’t you?”
“Hindi po, ma’am. Wala po talaga akong background sa pag-makeup. Nakinig lang ako sa briefing kanina plus, ,yong nakita ko kay sir Louie kanina while he’s doing the other model’s makeup,” paliwanag ko.
“You must be a fast learner! I’m amazed,” sambit niya at hinawakan ang kamay ko.
Ngumiti na lamang ako. Ang akala ko ay magagalit siya nang malaman niya na hindi professional ang nag-me-makeup sa kaniya.
Nagsimula ang photoshoot ni ma’am Fritz at kada posing niya ay makikita ang professionalism. Maayos ang naging coordination sa pagitan niya at ng dalawang photographers, halatang matagal na nila itong ginagawa.
Ilang oras pa at natapos na ang photoshoot. Nagsi-uwi na ang mga staffs, models, makeup artists at photographers. Si Almyra ay nagpaalam na dadaan pa siya sa karinderya para magligpit. Wala na akong lakas na maghugas ng pinggan sa karinderya dahil nabaguhan ako sa pagme-makeup.
Sandali akong bumili ng s**o’t gulaman saka naupo sa dulo ng platform sa fish port. Nasa harap ko ang mga barko na naka-angkla at mga yate. Sa likuran ko naman ay ang mga taong ginagawa ang kanilang normal na pamumuhay. Papalubog na ang araw at payapa ang lahat. Kumikinang ang dagat sa bawat pagtama ng kahel na sikat ng araw sa alon. Iginagalaw ko ang mga paa ko na parang nagduduyan habang hinihigop ko ang s**o’t gulaman.
May kung anong nagsasabi sa akin na huwag munang umuwi. Na kahit ngayon lamang, magpahinga ako.
Naupo lamang ako roon habang sinasalubong ang hampas ng hangin. Bawat alon na lumalapit ay nagdudulot ng kakaibang tuwa sa akin.
“Kung minsan, kapag hindi natin mahanap ang pahinga sa isang tao, kalikasan ang magbibigay,” bulong ko sa sarili ko.
“Kung pakiramdam mo wala ka nang makitang maganda, magmulat ka, nariyan ang kalikasan…”
Gulat akong napalingon nang marinig ang boses ng isang lalaki. Malamig ang boses niya ngunit ang init ng kaniyang paghinga ay dama ko sa aking balat.
Sa aking paglingon ay tunog ng camera ang narinig ko.
“…at ang sarili mo.”
Hindi ako nakapagsalita. Ibinaba niya ang camera na kanina’y tumatakip sa kaniyang mukha. Doo’y napagmasdan ko ang bawat detalye nito. Makapal at maitim na kilay, nangungusap na mga mata, mapula-pulang labi at ang taling niya sa gitna ng ilong.
Napalunok ako. Napakalapit ng mukha namin sa isa’t-isa.
“Look,” sambit niya sa pinakamalamig na boses na narinig ko.
Sandali niyang ginalaw ang camera at iniharap sa akin. Ako naman ay tila nawala sa sistema na wari’y nalulunod sa mga tingin niya.
“H-huh?” wala sa sariling tanong ko.
“Ang sabi ko, kung pakiramdam mo wala ka nang makitang maganda, magmulat ka, nariyan ang kalikasan…” ulit niya ngunit nakatingin lamang ako sa mga mata niya. “…at ang sarili mo.”
“Ako?” wala pa rin sa sariling sambit ko.
“Oo. Nature can be the best subject in a photograph but you… you are different. Look,”
Tiningnan ko ang camera at doo’y naka-flash ang mukha ko. A photo more on like a silhouette but every feature of my face could be clearly seen.
“Ang ganda,” sambit ko habang mabagal na tumatango.
“The subject or the photography?”
“—The photography.”
“—The subject indeed,” sabay na sabi niya.
Napalunok ako.
“You looked good with this candid shot huh. I’ll hand you the hardcopy tomorrow,” sambit niya at ngumiti.
Awtomatiko namang gumuhit ang ngiti sa labi ko.
“I’ll be going then,” paalam nito dahilan para tuluyang bumalik ako sa katinuan.
Tumayo siya at sa anong kadahilanan ay tumayo rin ako.
“Wait. You won’t be leaving without introducing yourself, will you?”
“Oh, don’t you know me yet?”
“You think I will ask if I do?”
He chuckled. There, I saw how his eyes wrinkled and I felt my knees shaking.
“You are indeed fun to be with. No wonder ma’am Fritz liked you that quick,” aniya.
Ngumiti ako at ramdam ko ang pag-init ng magkabilang pisngi ko.
“Thanks,” tipid na sagot ko habang pinipigil ang panginginig.
Sa ilalim ng lumulubog na araw, sa gitna ng lugar na walang kahit na anong kakaiba, nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na damdaming hindi ko naranasan kailanman. Iniabot niya ang kamay niya at ngumiti.
“Airon Hezekiah Joaquin.”