Chapter 6
Lallaine's POV
***
Isang linggo na ang nakalipas magmula nang huling beses na nakita ko si Marquez. Maganda na rin dahil at least hindi niya ako ginugulo. Lumaki rin ang school para sa aming dalawa at hindi kami pinagtatapo ng tadhana. Pero aaminin ko, na minsan habang naglalakad ako sa hallway ay iniisip kong makikita ko siya. Kaso hindi. Ewan ko ba kung bakit inaasahan ko pang makikita ko na naman siya. Siguro dahil sa huling beses namin na pagkikita. Nagu-guilty ako. Alam kong na-offend ko siya, na-disappoint ko siya dahil sa mga sinabi ko. Hindi ko naman iyon sinasadya. Hindi ko sinasadyang ihiya siya sa harap ng ibang tao...
Ipinilig ko ang ulo ko. "Focus sa notes, Lallaine," sabi ko sa sarili ko.
Nandito ako ngayon sa room, gumagawa ng parte ko sa group activity na ibinigay sa amin. Ang activity namin ay reaserch tungkol sa bullying. Ang nai-toqua sa akin ay ang paggawa ng essay. Dito dapat ako mag-focus, pero ang hirap lang kasing hindi siya maalala dahil sa bullying ang topic, which is ginagawa sa kaniya ng tatlong kumag sa araw na iyon.
"Tingnan mo itong babaeng 'to, ngangawa-ngawa tapos ngayon may boyfriend na," biglang sabi ng isang kagrupo kong si Antonette. Prente siyang nakaupo sa kaniyang desk sa tabi ko. Nang masilip ko ang ginagawa niya ay nakita kong nagso-social media lang pala siya. Akala ko ay nagre-research na dahil iyon ang naka-toqua sa kaniya. Hindi pala. Tst.
"Sino?" tanong ni Rafael, isa sa kagrupo ko.
"'Yong kapatid ni Marco, 'yong MVP. Heto oh, may boyfriend na. Isang linggo pa lang silang break ni Marquez."
"Ahh!" Tumawa si Rafael. "Hindi naman naging sila."
Napatingin ako sa kanilang dalawang nag-uusap. Usually kapag may pinagtsi-tsismisan sila ay hindi ako nakikialam, pero curious ako sa topic nila. Actually, curious ako dahil kay Marquez. Nang banggitin nila ang kapatid ni Marco at si Marco, alam ko na kaagad na ang tsimis tungkol sa last week na gulo ang topic nila. Bagay na hindi rin talaga mawala sa isipan ko.
"Hindi ba naging sila?"
"Hindi. Umamin lang 'yong babae na may gusto siya kay Nathaniel. E, magkaibigan na sila noon pa kahit na ahead si Nathan sa kaniya. Hindi naman siya iniwasan ni Nathaniel, hindi rin niya binago ang pakikitungo doon sa babae. Hayun, umasa na may mutual understanding na sila. Ito namang si Nathaniel, itinanggi na nanliligaw siya doon sa babae. Hayun, ewan ko kung bakit umiiyak. Kung dahil brokenhearted o dahil napahiya."
"Paano mo nalamant ang tungkol diyan?" tanong ko na. Pareho silang napatingin sa akin. Ngumisi si Rafael, at kahit hindi niya sabihin ay alam kong dahil for the first time ay sumali ako sa topic nila tungkol sa ibang tao. Kung tutuusin din ay parang sila lang talaga ni Antonette ang nag-uusap, at pareho silang napatingin bigla sa akin dahil may pakialam ako ngayon sa nangyayari sa mundo. Pero sa halip na sabihin pa ay muli siyang nagsalita bilang pagsagot sa akin.
"Classmate ko sa isang subject iyon, si Nathaniel. Nagkataon naman na nangyari ang confession sa harap ko, at nasa same subject din kami nang itanggi ni Nathaniel na may something sa kanila. Actually, ako rin ang nagtanong. Lagi kasing nakabuntot sa kaniya kaya nagtaka ako, akala ko girlfriend niya na kasi nga umamin na may gusto sa kaniya, tapos lagi pang nagagawan ng paraan ng babaeng iyon para makapasok siya sa building ng college. Kaso sabi niya hindi naman daw."
"E, gago pala si Marco, e, bakit siya nagagalit kay Marquez, e, kapatid lang pala niya ang gustong lumandi?" ani Antonette at umiling-iling.
"Ewan ko ba roon. Paniwalang-paniwala sa kapatid niyang pangarap mag-artista."
"Pati tuloy ang iba na nakakaalam ng tungkol sa away nila ni Marco sa garden ay masama ang tingin kay Marquez."
"E, hindi na rin kasi namin ikinalat ang totoong nangyari. Hindi naman kasi dapat big issue iyon, kung hindi nakialam pa si Marco. Dapat hinayaan niya na 'yong issue ng kapatid niya at ni Marquez, hindi niya alam na nagmumukha na siyang tanga."
Ibinaba ko lang ang tingin ko sa papel ko. Pinaglalaruan ko lang sa kamay ko ang ballpen ko habang nakikinig sa kanila. Hindi ko alam na iyon pala ang totoong nangyari, at isa ako sa mga nangja-judge sa kaniya. No wonder kung nasaktan ko nga siya sa mga pinagsasabi ko. Ang tanga-tanga ko.
"Ilang araw na ngang hindi pumapasok iyon, e, ewan ko kung papasok siya ngayon."
Muli akong napatingin kay Rafael. "Dahil sa pangja-judge sa kaniya ng mga estudyante?" kabado kong tanong. Sana ay hindi, dahil ayokong dahil sa pagpapahiya ko sa kaniya kaya hindi na siya pumapasok.
Tumawa ulit si Rafael. "Hindi, 'no. Wala naman siyang pakialam sa sinasabi ng ibang tao. Unfortunately, inatake kasi ang lola niya nang makitang may pasa siya, kaya hindi siya pumapasok dahil walang mag-aalaga sa Lola niya na sumama ang pakiramdam. Buti na nga lang pasa lang iyong natamo niya, kung nabugbog talaga siya ng barkada ni Marco, naku ayoko na lang isipin kung anong puwedeng mangyari sa matanda." Umiling-iling siya. "Anyway, Antonette, tigilan mo na nga 'yang social media, mag-search ka."
At nabalik na nga ulit ang atensyon nila sa activity na ginagawa namin. Habang ako ay halos matulala sa mga sinabi ni Rafael. Lalo akong nainis sa sarili ko dahil sa mga sinabi ko sa kaniya. Gusto ko tuloy pukpukin ang sarili ko, kung wala lang ako sa harap nila ay ginawa ko na ngayon mismo. Nakakainis, ang tanga ko.
Hanggang sa natapos namin ang activity namin at subject period na ulit namin. Halos wala ako sa sarili ko nang nagpunta ulit ako sa library. Binati ako ng librarian na mukhang araw-araw na akong inaasahan dito.
"Hindi ka ba talaga manghihiram na lang ng libro?" aniya sa banayad na boses, iniiwasan na gumawa ng ingay.
"Mas gusto ko pong magbasa rito, Ma'am Rica."
Ngumiti siya. "Sana marami pa sa kabataan ngayon ang katulad mo na nandito para magbasa at hindi maki-Internet lang. Bihira na lang din yata sa kabataan ngayon ang gustong magbasa ng libro. Mas gusto pa nilang nanonood na lang, o 'di kaya ay sumagap ng tsimis sa mga social media platform."
Tumango ako. "May mga bata nga po akong kilala na pansin ko, ang babagal magbasa, mga hindi sanay. Minsan mas alam pa nila ang foreign language kaysa sa Filipino."
Ngumiti siya sa akin. "Kaya kapag nakatapos ka na, gumawa ka ng libro na maeenganyo ang kabataan na basahin, gawin mo na ring Historical novel para at least ay may mapupulot silang aral na maa-apply nila sa eskuwelahan."
"Maaasahan ninyo po."
Tumuloy na ako sa loob at dumiretso ulit sa puwesto ko sa sulok. Napaisip tuloy ako. Kailangan ko pa bang hintayin na makapagtapos ako bago gumawa ng sarili kong nobela? Parang hindi na naman. Pero saan ko naman gagamitin kung sakali na magsusulat nga ako? At saan ko hahanapin ang oras ko kung abala na rin ako sa pag-aaral at trabaho?
Hinugot ko ang libro kong binabasa. Nasa book 2 na ako. Ito ang binabasa ko noong naabutan ako ni Marquez dito sa library, pero book 1 pa iyon. Umikot ang mga mata ko at pilit iwinaksi sa utak ko si Marquez. Pati ba naman sa binabasa ko ay siya pa rin ang maaalala ko?
Binuklat ko na lang iyon sa kung saan ko huling page at chapter na nabasa.
"Hindi mo pa rin tapos 'yan?"
Ilan minuto na akong nagbabasa nang bigla na lang may mahina pero baritonong boses ang sumulpot sa likuran ko. Nang nag-angat ako ng tingin ay nagulat ako nang makita ko si Marquez na may hawak na libro habang nakasandal sa shelf at nakatingin sa akin.
Kumurap-kurap ako at muling ibinalik ang tingin sa libro, pilit tinatago ang kislap na naramdaman ko sa dibdib ko nang makita ko siya. Sa huling beses naming pagkikita at napagsalitaan ko siya ng hindi maganda, talagang pinansin niya pa rin ako. Hindi ba siya galit?
"Book 2 na 'to," sabi ko, kunwari pa rin na malamig ako sa kaniya. Kahit ang totoo ay nahihiya lang ako sa kaniya kaya hindi ko siya kayang tingnan.
Mula sa gilid ng mata ko ay nakita ko siyang umupo sa gilid ko. Nakapaharap siya sa akin at nakasandal sa kabilang shelf. Dahil doon ay mas nahirapan akong pigilan ang sarili ko na tingnan siya. Pumikit siya at isinandal ang ulo sa shelf. Nang pumikit siya ay nakakuha ako ng lakas na loob na tingnan siya. Napansin ko sa mata niya ang puyat. Hindi naman maitim iyon, pero may bakas ng eyebag na kung iisipin ay mukha lang double eyelids. Sana lahat guwapo pa rin kahit puyat.
"Natapos ko na 'yan, at nahaluhog ko na ang buong library. Wala ang book 3 niyan dito."
Nagulat ako nang muli siyang nagsalita. Akala ko ay natutulog na siya. Muli siyang nagmulat ng mga mata at nahuli niya akong nakatingin sa kaniya. This time ay hindi na ako nakaiwas ng tingin sa kaniya. Ngumuso siya sa binabasa ko.
"Ayang binabasa mo, walang book 3 niyan dito."
Napatingin ako sa libro na hawak ko. "May book 3 pa 'to?"
Tumango siya. "Oo, trilogy iyan, e. Tungkol na sa kanila ng father niya ang next book."
Nanlaki ang mga mata ko. "Tatanggapin niya na si Romanov?"
Ngumisi siya. "Gusto mo ba spoil na kita?" Sumimangot lang ako. "Doon mo pa rin malalaman kung sino ang tunay niyang mate."
Lalo akong sumimangot. "Expected ko pa naman malalaman ko na. Patapos na ako, oh!" Ipinakita ko sa kaniya kung gaano na kakapal ang nababasa ko.
Tumawa siya. "Sobrang bitin kaya niyan," sabi niya at kinuha sa akin ang libro, pero siniguro niyang nakaipit ang isa niyang daliri para hindi mawala ang binabasa ko. "Ito ang first novel na binasa ko. The Mate's Betrayal."
"First?"
Tumango siya. "Mangga or comics lang kasi ang binabasa ko dati, kaso ang hirap maghanap ng mahihiram sa library na ganoon, kaya naghanap ako ng mababasa na iba. Na-curious ako rito, binasa ko. Unfortunately, hindi pa pala nare-release ang book 2. I had to wait for a year before the release. Then the book 3. Tatlong taon akong binaliw ng novel na 'to kakaisip sa susunod na mangyayari. Suwerte mo, tapos na ang buong trilogy nang binasa mo ang book 1."
Napatango ako. "Oo nga. Sana meron na rito ng book 3."
"Wala pang nagdo-donate, e." Ibinalik niya sa akin ang libro. Kinuha ko naman iyon at muling inipit doon ang high school ID ko.
"Ang malas ko pa rin pala."
Umiling siya. "Not really, kasi at least may kilala ka na merong isang set niyan. May mahihiraman ka pa," sabi niya sabay kindat sa akin.
Tumaas ang kilay ko at itinago ang ngiti ko. "Feeling pogi ka 'no?"
"Feeling lang ba? Totoo naman, ah."
Inilingan ko lang siya at natawa. Natawa lang din siya, pero siyempre pareho kaming walang boses. Baka mapagalitan kami ni Ma'am Rica, mahirap na. Unti-unti kaming tumigil sa pagtawa. Nang nakita kong mataman niya akong pinagmamasdan ay umiwas ako ng tingin. Naiilang ako.
"Bati na tayo?" bigla niyang tanong.
"Ha?"
"Hindi ka na galit sa akin?"
Naguguluhan na tiningnan ko siya. "'Di ba dapat ako ang magtanong sa 'yo niyan? Ako ang may mga nasabing hindi maganda sa 'yo, pinahiya pa kita."
Nag-isip siya. "Oo nga 'no," sabi niya saka ngumisi. "Okay lang, isang 'sorry mo lang, wala na 'yon."
Tumango-tango ako. "Sorry. Kanina ko lang nalaman ang totoong nangyari, sinabi ni Rafael. Hindi dapat kita agad ni-judge."
Natawa siya. "Loko talaga si Rafael. Usapan namin wala nang makakaalam, e."
"Bakit ayaw mo? Siguradong marami pang students dito sa school ang mangja-judge sa 'yo kung hindi nila alam ang tunay na nangyari."
Umingos siya. "Hindi naman sila mahalaga sa akin. Ang mahalaga ay naniniwala sa akin ang mga taong gusto kong maniwala sa akin. Maniniwala sa akin ang taong gusto ko." Tumingin siya sa akin nang direkta. "Ikaw, gusto ko..." Nanlaki lang ang mga mata ko habang nakatingin sa kaniya. "Gusto kong maniwala sa akin," dugtong niya at ngumiti. "Naniniwala ka ba?"
Ngumiti lang ako sa kaniya at dahan-dahang tumango. Napangiti siya, at dahil doon ay alam kong nakuha niya na ang ibig kong sabihin, na naniniwala ako sa kaniya. Inilahad niya ang kamay niya sa paggitan namin. Tiningnan ko iyon bago muling ibinalik sa mukha niya ang tingin ko.
"Puwede ko bang ipakilala nang maayos ang sarili ko?" Tumango lang ako. "Ako nga pala si Nathaniel Marquez, Nathan ang tawag sa akin ng Lola ko at ng mga kaibigan ko sa akin. Puwede mo na rin akong tawaging Nathan, tutal kaibigan na rin naman kita."
Tinanggap ko na ang kamay niya. Ang pagkakalahad ng kamay niya ay hindi 'yong formal shake hands, nakalahad ang palad niya, habang nakapatong ang mga daliri ko sa kamay niya.
"Lallaine Mercado, ako na ang magsasabi para hindi mo na silipin ang sa ID ko."
Natawa siya. Nakapatingin ako sa kamay namin nang haplusin ng thumbs niya ang ibabaw ng kamay ko.
Bakit ganito ang nararamdaman ko? May kung ano sa dibdib ko na hindi ko maintindihan. Kumakabog ang puso ko, at ang kamay ko, hindi ko magawang bawiin.
Ano ba 'tong nararamdaman ko? Bakit parang mali?