Ang Tulay at Ang Dila
NAKITA niya ang isang napakahabang pila ng mga taong hirap na hirap sa pagpasan ng malalaking palayok. Ang iba ay isa ang pasan. Ang iba ay dalawa na nakapatong sa magkabilang balikat. Ang karamihan sa mga ito ay may nakasabit pa sa magkabilang braso.
Nakita niyang kumikinang ang laman ng mga palayok. Napakaraming nagkikislapang alahas at mga ginto, at malalaking gintong barya. Nagkakahulog pa nga ang iba dahil umaapaw sa dami. Naglakad siya papunta sa unahan ng pila upang makita kung ano ang nasa harapan. Nanlaki ang mga mata niya. Tumutulay ang mga ito sa napakakitid na guhit na nagsisilbing tulay!
Ano'ng kalkula man ang gawin niya'y hindi niya maisip kung paano makatatawid ang mga ito lalo pa't may mabibigat na dala. Napatili siya, nang sunod-sunod na naglaglagan ang mga nasa bandang gitna ng tulay. Nasundan niya ng tingin ang ilalim ng tinatawiran ng mga ito, ang binagsakan.
Nahawakan niyang muli ang bibig upang pigilin ang isa pang pagtili. Ang binagsakan ng mga ito ay matatalim na mga batong matulis ang dulo. Tumatagos sa mga katawan ng mga nahuhulog. Ang hindi naman natuhog ay nilalatigo ng mga bantay na naroroon, at muling pinapupunta sa bundok ng mga ginto at mga alahas. Muling pagpapasanin ng mga malalaking palayok at pipila muli sa hulihan.
Napailing siya sa nasasaksihan. Lumakad uli siya at umikot sa kabilang bahagi ng tulay. Nakita niyang may nahulog din sa gawi dun. Nanginig ang buo niyang katawan sa nakita. Kumukulo ang malapot na likido sa tila ilog na nasa bahaging iyon ng tulay! Humihiyaw ang mga nakalublob habang unti-unting nalulusaw ang mga braso at mukha.
Mga taong ang dinidiyos ay pera. Mga taong ganid at mapag-imbot sa mga ari arian at kayaman ng iba gayong nag-uumapaw na ang nasa kanila. Mga taong ang kasiping sa pagtulog ay salapi!
Ang mga mayayamang nagmamay-ari ng malalawak na lupaing hindi na nga maliparan ng uwak ay naghahangad pang makuha ang mga lupang tanging kabuhayan ng mga pobreng magsasaka. Ang mga namumuhunan kuno at nagpapasasa sa dugo't pawis ng mga mangmang na walang magawa kung hindi pagtiisan ang kakarampot.
Ang mga mayayamang negosyanteng umaabuso sa mga manggagawang alam man ang kanilang mga karapatan ay hindi naman makalaban sa takot na mawalan ng trabahong pagkukunan ng makakain sa araw-araw. Kakarampot na nga ang suweldo ay wala pang tamang benipisyong natatanggap. Kakutsaba ng mga ahensiyang lagay ang palaging inaabangan.
Mga nagsasamantala sa kapwa taong kumakapi sa patalim makaraos lang.
Mga anak pawis na binigyan ng biyaya ngunit ang pinag-iinteresan pa ang biyaya ng iba.
Mga usurero at usererang sinasamantala ang pangangailangan ng kapwa. Tila mga lintang hanggang may masipsip ay sasaidin ang biktima. Patong-patong na ang tubo, at ang pinuhunan ay bumalik na ng ilang ulit ngunit ang gusto'y tumubo pa uli.
Mga nanlilinlang upang maipagbili ang mga produkto at kalakal na dinaya lamang.
Mga manloloko kumita lang ng salapi, ng maraming salapi.
Sila ang mga taong kapal ng nakasalansang salapi ang pamantayan ng respeto sa kapwa. Dito sa tulay, ang kahahantungan ng mga gaya nila.
Matapos masaksihan ang pagdurusa ng mga nakapilang may pasan-pasang palayok ay nagmamadali na siyang humakbang palabas.
Hindi na niya natagalan pa ang tilian at panaghoy ng mga kaluluwang nahuhulog sa tulay.
Balot pa rin ng sindak ang buo niyang katawan. Gusto na niyang lumabas sa nakapangingilabot na tanawing nakapalibot sa kanya. Malalaki ang ginawa niyang paghakbang, nagmamadali.
Binalikan niya ang pinanggalingan kanina. Natatandaan niyang sa gawing iyon siya nanggaling. Lakad takbo ang ginawa niya. Nang makita ang lagusan na pinasok kanina ay mabilis siyang tumuloy sa loob. Ngunit nagkamali siya. Hindi iyon ang lagusan palabas kung hindi isang bahagi ng bangungot na walang hanggan.
NAKARING siya nang tila sumisigaw pero pigil. Nagtayuan ang mga balahibo niya sa mga halakhakang nakapangingilabot sa pandinig. Tila may isip ang sariling mga paa. Lumakad siya pasulong, palapit sa pinagmumulan ng mga halakhakan.
Nangiwi siya sa nakita. Mga taong nakaluhod sa nagbabagang bato ang mahigpit na hawak ng dalawang dimonyong may buntot at sungay. Binabatak ng mga ito ang magkabilang gilid ng bibig nila. Sa harapan naman ay may isa pang dimonyong may hawak na pala. Puno iyon ng malalaking tipak ng bato at pilit na isinasalaksak sa loob ng kanilang bunganga. Pagkatapos ay bubuhusan ng kumukulong likido na ubod ng lapot. Mistula silang pinapakain ng mga ito; mga bato ang kanin at ulam, at ang malapot na likido ang tubig. Umuusok at nalalapnos ang mapatakan ng kumukulong likidong sinasalok ng dimonyo sa isang malaking kawa.
Kapag nalunok na ng taong nakaluhod ang lahat ng nasa bibig ay isusuka na niya iyong lahat. Pagkatapos ay babatakin uli ang kanyang bibig at isasalaksak ang mga batong isinuka niya.
Paulit-ulit. Paulit-ulit.
Ang iba naman ay nakaluhod at nakasahod ang baba sa isang malapad na batong nagbabaga rin.
Kahit hindi siya ang nakaluhod na 'yon ay tila nararamdaman niya ang hapdi sa nalalapnos nitong balat.
Nakita niya nang puwersahang hilahin ang dila nito na animo isang tali lamang, at pagkatapos ay ubod lakas na pinupukpok ng isang malaking maso. Uhog, luha, pawis. Halo-halo sa mukha nito. Ang impit na pagdaing, pag-ungol at pagkislot ng nagdurusang katawan ay mistulang palabas na ikinasisiya ng mga dimonyong naiahalakhakan.
Pagkatapos ay muling ipapasok ang dila nito sa loob ng bibig, at muling babaltakin at pupukpukin.
Paulit-ulit. Paulit-ulit.
Napahawak siya sa bibig, at napalunok nang maramdamang nakanganga na rin siya.
Sila ang mga taong sinungaling at manlilinlang. Mga huwad at nagpapanggap na propeta, o mesiah. Ginagamit ang angking katalinuhan upang mapasunod sa kanilang nais ang mga naniniwala.
Ang mga mahusay magsalita ng mga kasinungalingan nagagawang katotohanan para sa kanilang pansariling kapakanan.
Mga taong may matataas na tungkuling pinagkatiwalaan ng mga taong naniwala sa matamis nilang mga salita.
Mga taong may mataas na antas ng karunungan at kaalamangg ginagamit upang abusuhin ang kamangmangan ng kapwa
Mga huwad na saksing kasabwat ng mga taong nagtatakip sa paglabas ng katotohan upang maipasa ang kaparusahan sa ibang taong walang lakas upang makamtan ang katarungan.
Mga taong mahusay tumahi ng mga kasinungalingang kapani-paniwala, na nagiging sanhi ng mga kaguluhan at paglalaban-laban, ng pagkakahati-hati.
Mga taong may mabulaklak na dilang ginagamit upang lamangan ang kapwa.
Mga mapaggawa ng salitang walang ibang hangad kundi ang makawasak ng kaligayahan ng iba.
Dito sa lugar na ito ay pagbabayaran nila ang lahat.
Namimigat ang paa niya nang muling humakbang palayo sa lugar na puno ng walang katapusang pagtangis.