CHAPTER 7 - Kamunduhan at Pag-iimbot

1001 Words
Kamunduhan at Pag-iimbot SINIKAP niyang alalahanin ang daan kung saan siya unang nanggaling. Gusto na niyang makaalis sa lugar ng walang katapusang pagdurusa at paghihirap. Ayaw niyang manatili sa ganoong lugar. Sa talsik lamang ng kumukulong mantika at pagkapaso sa mainit na kaldero ay napapamura na siya. Sa 'di sinasadyang pagkagat sa dila at pagkakaroon ng singaw ay dumadaing na siya sa sakit. Lalo na siguro ang mga taong nakita niya. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad. Tila bumalik ang kanyang lakas sa kagustuhang makalabas. Nang makakita ng isa pang lagusan ay pumasok uli siya. Nagbabakasakaling iyon na ang hinahanap na madaraanan pabalik. "Oh, Diyos ko!"wmuli niyang nasambit. Habang titig na titig sa mga nasa loob. Nakita niya ang isang bundok ng mga lalaking hubu't hubad. Patong-patong na nakasalansan. Sa 'di kalayua'y may mga lalaking nakalatag ang walang saplot na katawan sa nagbabagang buhangin. Magkakahiwalay na nakagapos ang magkabilang mga kamay at paa ng mga ito. Ekis ang hugis. Nakita niya ang paglapit ng mga mababangis na hayop. Kahalintulad ng asong buto't balat ang itsura ng mga iyon ngunit dalawa ang ulo, at matatangkad. Nakalabas ang mga pangil sa naglalaway na bibig. Waring gutom na gutom ngunit hindi makalusob. Palinga-linga ang mga ito sa mga dimonyong bantay, naghihintay ng hudyat. At ang hinihintay ay dumating na. Kasunod nang paghampas ng latigo ay nagtakbuhan na ang mga ito papalapit sa mga nakagapos..Nagbabalyahan ang mga ito, nag-aagawang malapa ang kapirasong laman na nakalawit sa pagitan ng hita ng mga nakagapos. Humihiyaw ang mga lalaki sa tindi ng sakit na nararamdaman. Habang nahahalakhakan ang mga dimonyong nakapaligid sa kanila. Matapos ubusin ng mga hayop ang mga ari nila ay inalis sila sa pagkakagapos at kinaladkad palapit sa nagliliyab na siga, at saka inihagis doon. Matapos malapnos ang buong katawan ay iniahon uli at tila isang mahika na nabubuo uli ang kanilang katawan . Hihilahin sila at muling igagapos. Muling lalapain ang kanilang mga ari at muling itatapon sa apoy. Paulit-ulit. Paulit-ulit. Sila ang mga taong dayukdok sa tawag ng laman. Mga hayop na lumapastangan sa mga kababaihang walang kalaban-laban. Mga lalaking nagpasasa sa p********e ng mga paslit at walang muwang. Mga nilalang na hayok sa kamunduhan. Nabalot ng poot ang dibdib niya sa natuklasan. Naalala niya ang kahayupang dinanas sa kamay ng dimonyong kinakasama ng tiyahin niya. Kung ilang ulit siyang pinagsamantalahan nito. Nang magsumbong siya sa kanyang tiya ay siya pa ang lumabas na masama. Siya pa ang pinagbuhatan ng kamay. Ang halos kalbuhin at hubaran sa harapan ng mga kapitbahay nilang umuusyoso. Naniwala ito sa kasinungalingang sinabi ng kinakasama. Na siya ang unang lumapit, ang nagbigay ng motibo, ang tumukso. Pinalabas nitong siya ang makiri, ang makati. Nagtagis ang kanyang mga bagang nang muling manariwa ang masaklap na karanasan. "Hayop! Hindi ka man naparusahan sa ginawa mo sa akin. Kapag namatay ka. sa lugar na ito ang bagsak mo. Dito ay 'di ka makatatakas. Hindi ka makakawala. Lalapain ka rin ng mga hayop na tulad mo." HUMAKBANG na siya palayo. Nang makalabas ay luminga uli siya sa paligid. Hindi niya alam kung saan ihahakbang ang mga paa. Kung kakaliwa, o kakanan. Iisa ang itsura ng mga lagusang nakita at napasok na niya. Pare-pareho sa labas. Malalaman na lang ang pagkakaiba kapag napasok na. Subalit kailangan niyang makaalis. Kailangang makita niya ang lagusan pabalik sa itaas. "Bahala na. Hindi ako titigil hanggat hindi ko nakikita ang daan pabalik!" determinado niyang sabi sa sarili. Sinubukan niya ang isa pang lagusang nakita. Pumasok siya sa loob. Hindi na siya nagulat pa sa nakita. Alam na niyang sa loob ng bawat lagusan ay may mga kaluluwang pinahihirapan nang paulit-ulit at walang katapusan. Mga kaluluwang tumatanggap ng kaparusahang naaayon sa bigat ng nagawang kasalanan. Naiiling na lang siya habang pinanonod ang mga hubad na katawan ng mga babae at lalaking tantiya niya ay nagtatalik habang nilalatigo ng mga nanonood na dimonyo. Nakahiga ang mga ito sa malumot na bahagi ng umuusok na damuhan. Nakapalibot ang napakaraming ahas na may kumikinang na pangil. Tinutuklaw ng mga iyon ang magkatalik habang hinahagupit pa ng latigong may tinik. Nakikita niya ang pagtilamsik ng mga munting laman at pagtalsik ng dugo sa bawat paghalik ng latigo sa mga ito. Nakakangilo ang pagtatagis ng mga ngiping nagmumula sa mga kaluluwang dumadaing nang labis. Mga taong nangangalunya. Nakikiapid sa hindi niya asawa. Mga taong ang akala sa pagnanasa ay pag-ibig. Hindi alintana kung may masasaktan makamit lamang ang nais. Mga taong magkasapakat sa pagwasak nang pinag-isang pangako sa matrimonya ng kasal. Mga taong ang pag-ibig na regalo ng Diyos ay ginawang laruan. Natanawan pa niya sa isang panig ang napakahabang pila ng mga babaeng inaasawa ng mga dimonyo habang ang ibang parte ng katawan ay pinapatakan ng kumukulong likido. Pagkatapos ay pipila uli ito sa pinaka dulo at gano'n uli. Ganoon uli. Sa ibang panig naman ay nakahanay din ang napakaraming mga lalaking nakahubo. Ang nasa unahan ay pinauupo sa nagbabagang bato habang ang ari nito ay pinapatakan din ng kumukulong likido. Umaalingawngaw ang nakatutulig na panaghoy at tilian ng mga kaluluwa. Hindi na niya natagalan ang nakikita. Lumabas siya upang sumubok muli ng iba pang lagusang maaaring madaanan pabalik sa itaas. Napasukan niya ang isa pang lagusan. Nakita niya ang mga taong nakaunat ang braso at ang magkabilang kamay ay nakapatong sa matulis na bato. Nakita niyang ang mga kuko sa mga daliri ng mga ito ay isa-isang binubunot. Sumisigaw ang mga ito sa matinding sakit. Bumabaon sa balikat ang matulis na kuko ng dimonyong mahigpit na nakakapit. At pagkatapos ay pupukpukin ng ubod lakas ng malaking maso ang mga kamay upang bumaon sa matulis na bato. Nakapangingilabot ang sigawan ng mga ito. Halos mapuno na ng tilian ang kanyang tenga. Nanlalaki ang kanyang ulo at bahagyang nangalog ang katawan. Naalala niya ang ilang ulit na pangungupit sa pitaka ng tiyahin at ang pinakahuli, ay nang nakawin niya sa bag nito ang maraming perang baon niya nang araw na sumakay siya ng bus. Muli siyang lumakad palayo. Ipagpapatuloy niya ang paghahanap sa daan pabalik.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD