KULANG na lang ay lundagin ni January ang isandaang metrong layo ng bahay nila mula sa kalyeng nilalakaran. Pagod na pagod na siya at gusto nang magpahinga. Pero alam niya, pagkauwi ay aasikasuhin pa niya ang kakainin nila. Beinte-siyete anyos lang siya pero pakiramdam niya ay malapit na siyang mag-fifty years old.
Tatlong taon na mula nang mamatay sa isang aksidente ang kanyang ina. Dahil din sa aksidenteng iyon ay nalumpo ang kanyang ama. Kaya wala siyang choice kundi ang tumayong tagapagtaguyod ng mga kapatid niya. Konsolasyon na lang na kahit nalumpo ang kanyang ama ay malinaw ang isip nito at nakakapagdisiplina pa rin sa tatlo pa niyang kapatid. Iyon nga lang, madalas ay hindi ito pinapakinggan, lalo na ni Charlie na mahirap mang aminin ay maituturing na black sheep ng pamilya.
“Ate, dalian mo!” anang kapatid niyang si Janet na nakasungaw sa maliit na gate ng kanilang bahay.
Kasabay ng pagbilis ng mga hakbang ni January ay ang pagkunot ng kanyang noo. “Napaano si Tatay?” tanong agad niya. Palaging ang ama ang inaalala niya. Mula kasi nang malumpo ito ay naging sakitin na rin; may diabetes na ay may kung anu-anong komplikasyon pa. At ang kinatatakutan niya sa lahat ay ang sakit nito sa puso. Pinaalalahanan na siya ng doktor na traidor ang sakit sa puso kaya dapat nilang ingatan ang emosyonal na kalagayan ng kanilang ama. Makakasama rito ang magalit o ang magkaroon ng sama ng loob.
“Okay lang si Tatay. Si Kuya Charlie ang problema, as usual.” Nasa boses nito ang pagkayamot. At hindi niya masisisi ang kapatid kung parang nawawalan na ito ng respeto kay Charlie kahit mas bata ito nang dalawang taon. Mula pa noon ay problema na ang dinadala sa kanila ng kaisa-isa nilang kapatid na lalaki.
“Bakit na naman?” tanong niyang parang natriple na ang nararamdamang pagod.
“Tatlong beses nang tumatawag, hinahanap ka. Napa-trouble daw siya.” Pinaikot nito ang mga mata. “Na para bang ngayon lang siya napa-trouble.”
Napailing si January. “Alam ba ni Tatay?”
“Hindi. Halos pabulong na nga akong makipag-usap sa kanya sa telepono kanina. Alam kong mas mahihirapan si Tatay kung malalaman niya. Isa pa, made-depress lang siya. Lagi kasi niyang sinasabi na hindi na niya mapanindigan ang pagiging ama sa atin.”
“Tama na iyan,” saway ni January sa kapatid. Magtu-twenty years old pa lang ito pero kung magsalita minsan ay daig pa siya. Palibhasa ay parang dito na niya ipinapasa ang pagiging panganay kapag wala siya at busy sa kung anu-anong trabaho.
“Tatawag daw uli si Kuya Char—”
Noon umalingawangaw ang tunog ng telepono.
“Malamang siya na iyan. Ikaw na ang sumagot.”
Pumasok na si January sa bahay at nginitian ang ama na nanonood ng TV. “Sasagutin ko lang muna itong phone, `Tay,” aniya, saka dinampot ang aparato. “Hello?”
“Ate, mabuti naman at dumating ka na. I-rescue mo ako, ngayon na,” ani Charlie sa kabilang linya.
Kumunot ang kanyang noo kahit inaasahan na ang narinig. “Anong kalokohan na naman ang pinasukan mo?” mahina pero mariing tanong niya.
“Ate naman, mamaya ka na magsermon. Pumunta ka rito, magdala ka ng pera.”
“Charlie?!”
“Alam nating pareho ang pangalan ko, Ate,” pilosopong sagot nito. “Pumunta ka na rito. Magdala ka ng three thousand five hundred.”
“Wala akong pera!” nanggigigil na sagot niya pero hindi makasigaw dahil baka marinig siya ng ama.
“Ate, kapag hindi ka naglabas ngayon ng pera, lalong lalaki ang gastos. Sige na, pumunta ka na rito. Habang nagtatagal, lalong mamahal ang sisingilin sa akin dito.”
“Bakit ka nagbi-beer-house kung wala ka naman palang pera?” mahinang singhal niya.
Tumawa naman ito nang parang nakakaloko. “Ate, wala ako sa beer-house. Ibang lugar ito.”
KUNG nalagas ang mga ngipin ni January sa matinding pagtitiim-bagang ay hindi na siya magtataka. Hindi niya maipaliwanag ang galit na nararamdaman habang nakasakay sa jeep. Pagod na siya sa maghapong pagtatrabaho at humihingi na ng pahinga ang kanyang katawan pero kailangan pa niyang harapin ang problemang kinasasangkutan ni Charlie.
I don’t deserve this! nakakuyom ang kamay na sigaw niya sa isip. Naging mabuti siyang anak at kapatid kaya hindi niya maintindihan kung bakit para siyang isinumpa sa pagkakaroon ng kapatid na katulad ni Charlie.
Hindi ito d**g addict pero talamak din sa pagiging iresponsable. Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang nakiusap at nagmakaawa na magpakatino ito, pero para lang siyang nakipag-usap sa pader.
Ngayon ay “ire-rescue” na naman niya si Charlie. Alam ni January para na rin niyang kinukunsinti ang kapatid, pero kung hindi niya gagawin ay lalong lalaki ang problema niya. Hindi iyon puwedeng malaman ng kanilang ama dahil siguradong madadali ang buhay nito.
Umilap ang mga mata niya nang pumasok ang jeep sa kalye kung saan halos magkakasunod ang mga motel. Naroon sa isa sa mga iyon ang kanyang kapatid na ang lakas magdala ng girlfriend doon nang wala naman pala itong pera.
Nagulat pa siya nang marinig ang boses ng driver. “Miss, hanggang dito na lang. Magsasakay na ako ng pabalik sa Parang.”
Bumaba na si January, tumayo sa bangketa at huminga nang malalim. Pamilyar naman sa kanya ang lugar dahil naging estudyante siya sa PUP. Dati-rati ay bale-wala lang sa kanya ang magdaan sa kalyeng iyon. Binabasa pa nga niya ang malalaking karatula sa tapat ng bawat motel at inuusyuso pa ang mga pictures at promo na nakasulat doon. Pero sa buong buhay niya ay hindi pa siya nakapasok sa isang motel!
Huminga muna siya nang malalim bago uli humakbang. Hindi niya maunawaan ang nararamdaman nang mga sandaling iyon. Galit na galit siya kay Charlie. Bukod sa problemang dala nito ay inilalagay pa siya ngayon sa kahihiyan.
Kulang na lang ay isubsob ni January ang ulo sa bangketang dinaraanan. Pakiramdam niya, lahat ng tao sa paligid ay sa kanya nakatingin—at alam na papasok siya sa motel.
“Miss, mag-ingat ka sa pagtawid!” sigaw sa kanya ng isang lalaking nagmamaneho ng magarang kotse.
Nanlaki ang mga mata niya. Ni hindi niya namalayan na tumatawid na pala siya. Napatitig siya sa lalaki. Guwapo ito at mestisuhin. Sa dilim ng gabing iyon ay napansin niya ang kakaibang puti at kinis ng mukha nito.
“Hoy, Miss! Baka gusto mo nang ituloy ang pagtawid mo?” antipatikang sabi sa kanya ng babaeng noon lang niya napansing nakasakay rin sa kotse. “Inaabala mo kami.”
Napabilis ang mga hakbang ni January. Parang nakalimutan niya kung saan siya pupunta. Tinanaw niya ang umandar na kotse. At hindi niya alam ang iisipin nang lumiko iyon sa isa sa mga drive-in garage ng motel.
“Miss, bawal ang tambay rito. Baka mapagkamalan kang pickup girl.”
Nagulat siya sa nagsalita. Bellboy iyon ng motel na katapat ng kinatatayuan niya. Gusto niyang magalit at ipagtanggol ang sarili pero naisip niyang gawin na lang ang ipinunta roon. “Hindi ako pickup girl,” sabi niya. “May guest ba kayo ritong Charlie Martinez?”
Tinitigan siya ng bellboy. “Girlfriend ka ba o asawa? Confidential ang pangalan ng mga guests namin. Alam mo na, ayaw namin ng eskandalo. Saka ang ibang guests naman, hindi nagbibigay ng tunay na pangalan lalo at short-time lang naman ang stay rito.” Natural na natural ang pagbitaw nito ng mga salita, halatang sanay sa kalakaran ng negosyong iyon.
Tumikhim si January bago nagsalita. “Kapatid niya ako. K-kinapos siya sa pera kaya nandito ako ngayon para dalhin ang pambayad niya.” Sinabi niya ang numero ng kuwartong kinaroroonan ni Charlie. “Alam mo, nakakahiya itong ginagawa ko ngayon. Hindi naman ako moralista pero hindi ko rin naisip na tutuntong ako sa lugar na ito. Please, tawagan mo ang kuwartong iyan at sabihin mo sa kanyang nandito na ang ate niya.”
Pinatuloy naman siya sa lobby ng motel ng bellboy. Napangiti siya nang mapait. Mayroon din palang lobby ang mga ganoong lugar.
Ilang sandali pa siyang naghintay.
“Ma’am, magbayad na raw po kayo at umalis na kayo,” anang bellboy na kausap niya kanina.
Gumaan ang pakiramdam ni January dahil may simpatya sa boses ng bellboy sa paraan ng pakikipag-usap nito sa kanya, pero mabilis niyang nakalimutan iyon nang maisip ang ibig sabihin ng bilin ni Charlie.
“Pakitawagan mo uli siya at sabihin mong kakausapin ko,” nagpipigil ng galit na sabi niya.
Tumalima naman ito.
“O, Ate?” parang walang anumang sabi ni Charlie nang iabot sa kanya ng bellboy ang telepono. “Okay na kami, Ate. Alam ko namang hindi mo ako pababayaan. Mauna ka na. Bababa na rin kami ni Abigail. Nahihiya lang siya sa iyo kaya magpapahuli na kami nang kaunti.”
“Nahihiya sa akin?!” bulyaw niya na ikinagulat ng iba pang naroon sa lobby. “Kung talagang nahihiya kayo ay hindi ninyo dapat ginawa ito! Bumaba kayo ngayon din! Hindi ako magbabayad kapag hindi kayo bumaba. At wala akong pakialam kung ipakulong kayo ng may-ari ng motel dahil wala pala kayong pambayad!”
Biglang nawala si Charlie sa kabilang linya, alam niyang susunod ito sa kanya. Tahimik na ibinalik niya ang telepono.
“Puwede ko bang makita ang bill nila?” kalmadong tanong niya sa receptionist. Pinilit niyang huwag magpakita ng emosyon nang mabasa na halos beinte-kuwatro oras na nagkulong sa silid ang kapatid niya at ang girlfriend nito at napakarami ring pagkaing in-order ang mga ito.
Kinapa niya ang instamatic camera sa kanyang bag at inihanda. “Diyan ba sila manggagaling paglabas nila?” kaswal na tanong niya sa bellboy na kausap niya kanina.
Tumango ito.
Nang makarinig siya ng mga yabag ay agad na inilabas niya ang camera. Nang makilala ang parehang lumabas ng pinto ay pumuwesto na siya. Bago pa nakahuma ang sinuman sa dalawa ay na-picture-an na niya ang mga ito.
“Ate!” gulat na bulalas ni Charlie.
“Anong ate ka diyan!” asik niya. “Tumawag ka ng taxi at sabay-sabay tayong uuwi!” Isang malamig na tingin ang ipinukol niya sa babaeng katabi nito bago iniabot sa receptionist ang pera.
“Bakit naman kailangan mo pa kaming picture-an?” angal ni Charlie nang nakasakay na sila sa taxi.
“Ilang taon ka na, Abigail?” tanong niya sa kasama nitong babae.
“Twenty po.”
Napatango siya. “Hindi ka na menor-de-edad. Hindi na makakasuhan ang kapatid ko. Pero sigurado ako, hindi alam ng mga magulang mo na sumama ka kay Charlie sa motel, `di ba?”
Hindi na nito kailangang sumagot dahil bumakas agad ang guilt sa mukha nito. Halatang hindi naman mapakali ang kapatid niya.
“Ate, huwag na huwag mong ilalabas `yang picture. Masisira ako sa parents ni Abigail,” pakiusap nito.
Lihim siyang napangiti. Sabi na nga ba niya at magkakaroon din siya ng alas laban kay Charlie. Weakness nito ang girlfriend. Kung gaano ito kasutil sa kanyang pamilya ay ganoon naman ito kaamo sa pamilya ni Abigail.
“Madali akong kausap, Charlie. Basta ba ito na ang huling katarantaduhang gagawin mo, ituturing kong hindi ito nangyari.” Tinitigan niya ito pagkasabi niyon.
“Susubukan ko, Ate.”
“Gawin mo.” Muli niyang hinarap si Abigail. “Payo lang, mag-concentrate kayo sa kinabukasan ninyo hindi sa kung anu-anong kalokohan. Pati ako, idinadamay ninyo. Sa uli-uli, kung hindi n’yo mapigil ang sarili ninyong magpunta sa ganoong lugar, isipin n’yo muna ang consequences bago kayo pumunta rito.”
“P-pasensiya na po,” nauutal pang sabi ni Abigail.
“Sana naman ay hindi ka mabuntis nang wala sa panahon. Hindi ka kayang buhayin ni Charlie kung sa ngayon lang.” Ibinaling ni January ang tingin sa labas ng bintana. Hindi niya alam kung sinasabi nga ba niya iyon kay Abigail o sa sarili mismo. Dahil kung mabubuntis ito ni Charlie ay dagdag-responsibilidad din iyon sa kanya.