Present
"Hoy Rita! Gumising ka na riyan! Tanghali na!" umungol siya ngunit hindi nagawang magmulat ng mga mata, ni gumalaw man lang sa pagkakahiga.
Inaninag ni lola Azon si Margarette mula sa malamlam na ilaw. Nang makitang hindi ito bumangon ay muli itong nagsalita ng malakas.
"Rita, ano ka ba!"
Napilitang bumangon si Margarette.
"Eto na ho babangon na..." naghihikab niyang sabi. Nakapikit pa ang mga mata.
"Aba'y bilisan mo at marami pa tayong trabaho." Muling sabi nito sa mariing tinig at muling isinara ang pinto ng kwarto niya.
Agad hinanap ng mga mata ni Margarette ang orasan. Nasa ibabaw iyon ng bedside table niya. Alas tres y medya ng umaga!
Muli niyang ibinagsak ang katawan sa kama.
Ganoon naman talaga ang lola niya, kahit madilim pa'y sasabihing tanghali na. At sa tagal niyang pagtira sa bahay ng matatanda ay hindi pa siya nasanay sa gano'ng gawi ng lola niya. Nagkukulang siya sa tulog. Kahit pa alas otso pa lang ng gabi ay tulog na sila. Marahil dahil na rin sa pagod. Sa umaga ay pumapasok siya sa eskwela. Sa hapon pagkauwi ay deretso sa groserya na pag-aari ng lola niya at magtitinda hanggang alas siyete ng gabi. At kapag wala naman pasok ay magtitinda naman siya sa palengke sa bayan. Grocery items ang paninda ng lola niya kaya maraming bumibili dito. Mula pagkain ng mga bata o matanda, mula sa kakailanganin sa kusina, banyo at sa paglalaba ay kompleto sa paninda ang lola Azon niya.
Naglabas ng marahang paghinga si Margarette at muling pumikit.
Ang lola niyang si sss Lim Gonsalez, Madam Azon ang tawag ng karamihan. Singkwenta'y kwatro. Mataba ito. Dambuhala sa madaling salita. Maputi ito at makinis ang balat. Dahil may lahing Chinese. Nasa limang talampakan at dalawang pulgada ang taas.
Sa katandaan, aakalain mong malakas pa ito. Wala ng ginawa kundi linis dito, linis doon. May-ari siya ng grocery store sa kanilang barangay. Katunayan, siya ang kauna-unahang nagtayo ng pamilihan sa kanilang barangay at gumaya na lang ang ibang magtayo na rin ng tindahan.
Para kay Margarette, matapang ang kanyang lola, walang kinatatakutan. Mata pobre at mukhang pera. Lahat ng hindi magandang adjective ay nasa lola na niya. At lahat ng tao ay takot sa kanya. Ni walang makautang.
Gayunman, nagpapasalamat pa rin siya dahil kung wala ito ay sino ang kukupkop sa kanilang magkakapatid? Malamang ay hindi na rin sila makapag-aaral kung hindi sila dinala ng ina sa matatanda.
"Rita!" Muling sigaw ng matanda mula sa kusina na umalingawngaw sa kwarto niya.
Napaigtad siya ng bangon. Inihilamos ang mga kamay sa mukha at tinanggal ang morning stars sa mga mata. Inayos ang hinigaan. Hindi gugustuhin ng lola niyang makita ang makalat na kwarto niya at baka sa budega siya patutulugin mamayang gabi.
Isa pa iyon sanikinatutuwa niya sa matanda. Dahil babae ay binigyan pa rin siya ni lola Azon ng sariling kwarto.
Agad siyang nagtungo sa kusina. Nagtimpla ng kape at naupo sa silya.
Si Junior ay nasa tindahan, nag-aayos ng mga paninda. Dahil Martes bukas, magtitinda si Azon sa palengke, kasama si Rolly.
At ang bunsong kapatid ay natutulog sa kwarto ng matatanda. Nasa unang taon sa elementarya na ito.
Apat na taon mula ng mangyari ang pagtataksil ng ina, nagdesisyon si Lisa na umuwi ng Maynila at iwanan sila sa mga magulang ng papa nila.
"Bakit kailangang umalis ka pa, ma?" natanong niya sa ina bago sila nito dinala sa matatanda.
Nahinto sa pag-iimpake si Lisa at hinarap siya. "Magtatrabaho ako sa ibang bansa, Rita." Naiiritang sabi sa anak.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Pero bakit? Sino ang mag-aalaga sa amin?" Nagulat siya sa biglaang desisyon ng ina. Kung dahil sa hindi na dumadalaw si Nick sa ina o sa ibang dahilan ay hindi niya alam.
Ibinagsak ni Lisa ang maleta sa kama. "Ang dami mong tanong!" Puno ng iritasyon sa mukha na hinarap ito. "Pwede ba? Sumunod ka na lang!" Pinal at determinadong sabi nito.
Si Margarette ay walang nagawa sa desisyon ng ina. Mula noon, nanirahan sila sa malaking bahay ng lolo at lola niya.
Muli ay nanariwa sa isip niya ang mga nangyari. Apat na taon na pero sariwa pa sa puso at isip niya. Para bang kahapon lang nangyari.
Si Nick ang lalaki ng kanyang ina. Kilala niya ito dahil apo sa tuhod ito ni Luisito at kamag-anak ng papa niya.
"Wala ang papa mo sa tabi ko, Rita! At malay ko kung nambababae rin ang papa mo?" Wika ni Lisa na umismid.
Hindi makapaniwalang nakatitig si Margarette sa sariling ina. Dahil wala si Rufino at minsanan lang makauwi sa loob ng isang taon ay nagawa ng manlalaki ng kanyang ina? Gano'n na lang ba iyon? Hindi pa nasiyahan si Lisa, sa mismong pamamahay pa nila ito pinapupunta upang ipagpatuloy ang pagtataksil. Mas gusto na lang mamatay ni Margarette kapag naroroon ang Nick na ito. Isang taon nilang tiniis magkakapatid ang ginagawang gano'n ng ina. Mabuti na lamang ay wala pang isip ang kanyang bunsong kapatid.
Naputol ang pagmumuni-muni ni Margarette nang mula sa likod, naramdaman niyang lumapit ang matandang babae patungo sa kalan.
"Umuwi ka ng maaga mamaya, at magrerepake." Wika nito habang isinasalin ang daing na espada sa kawali.
Tumango siya. "Oho, lola." Sumimsim ng kape.
"Ayokong nalalaman na naglalakwatsa ka, Rita!" Pagpapatuloy nito, bahagyang lumakas ang boses. Para namang gawain niya iyon. Tumango siya ngunit hindi umimik.
Sanay na siya na tuwing umaga'y sermon ang inaabot niya sa matandang babae.
Nang matapos magluto si Azon, tinawag nito ang asawa. "Rolly! Kakain na!" Sadya nitong nilalakasan ang boses upang marinig ng asawa. Dahil may diperensya ito sa pandinig.
Napangiwi siya. Narinig niya ang pagtawag ng lolo niya kay Junior para kumain.
Si Rolando Gonsalez, kilala bilang Rolly sa lugar. Sa edad na singkwenta'y otso, matipuno pa rin ang pangangatawan. Nasa anim na talampakan ang taas. Kayumanggi. At hindi makikitaan ng kulubot sa balat.
Anak ito ni Luisito Gonsalez, ang nagmamay-ari ng hekta-hektaryang lupain sa buong Sto. Domingo.
Maliit na barangay lamang ang Sto. Domingo, sa probinsya ng Piat. Sa buong barangay, kilala ang pamilya ng Gonsalez dahil halos pag-aari ng mga ito ang buong lupain sa lugar.
At ang pamilya Gonsalez, ang nangungunang nagbibigay ng trabaho sa mga tao roon. Mayrooon silang palayan, tubohan at maisan. Sa madaling salita, pagsasaka ang pangunahing trabaho ng mga taga roon.
Napabuntong hininga si Margarette. Kung sana, hindi ma-pride ang mama niya'y mabibiyayaan din sila ng yaman ng mga matatanda.
Ang lolo niya ay mabait. Handa nitong ibigay ang palayan, kung marunong lang ang kanyang ama. Pero hindi.
Mas nais ni Rufino, ang papa niya, ang magtrabaho sa Maynila bilang security dahil mataas ang sahod. Ngunit nagtataka siya kung bakit hanggang ngayon ay wala man lang naipupundar ang mga magulang. Ni hindi nakapagpapadala ng pera sa matatanda para sa kanilang pag-aaral. Kaya tuloy sa kanila nabubunton ang galit ng mga ito.
Naputol sa pag-iisip si Margarette ng marinig ang boses ni Azon.
"Bilisan mong kumilos at baka mahuli ka sa eskwela. Para kang pusa kumain." Sabi ng matanda habang sumasandok ng pagkain. Pumunta sa silyon sa sala at doon kumain.
Sumandok na rin siya. Akmang susubo na siya ng pagkain ng may pumingot sa tainga niya. Kahit hindi niya tingnan, alam nitong lolo niya iyon.
Napaangat siya sa kinauupuan. "Aray! Masakit naman lolo!" Hiyaw niya habang sapo pa rin ang tenga. At ang isang kamay ay dinala sa braso ng kanyang lolo at pinagkukurot iyon.
"Arte! Hindi naman masakit." Sabi nito habang nakangiti ang isang sulok ng labi. Ngumuso siya sa matandang lalaki at tumigil sa pagkurot at naupong muli. Niyakap siya ng matanda mula sa likod niya at dinikit ang pisngi sa pisngi nito.
Napangiti ang dalaga at niyakap ang braso ng matanda. Higit pa sa lolo ang turing niya sa matanda. Dahil mas higit na malambing ang matanda kaysa ama nito.
Humalik sa tuktok ng ulo niya ang matanda. "Hayaan mo na ang lola mo at matanda na iyan." Sabi nito. Humiwalay sa pagkakayakap sa kanya at hinimas ang ulo.
"Alam ko naman iyon, lolo..." sagot niya at tumitig sa matanda na ngumiti.
Sumandok ang matanda ng kanin at ulam. At nagtungo rin sa sala. Naupo sa isa pang silyon na katabi ng inupuan ng asawa.
Si Junior ay kasunod ng matanda na naupo sa tabi niya. Hindi maipinta ang mukha. Salubong ang mga kilay.
Matiim niya itong tinitigan, "May problema ba?" Tanong niya.
"Wala." umismid ito.
Hindi niya malaman kung may galit iyon na may halong sarcasm.
Napailing siyang ibinalik ang konsentrasyon sa pagkain. Simula ng narito sila'y gano'n na lamang ang hitsura ng kapatid. Hindi naman ito nagsasalita. Kung kakausapin naman niya'y tila umiiwas ang kapatid.
Narinig niyang nag-uusap ang lolo at lola nila.
"Ang aga-aga pa, ginising mo na agad 'yong bata." Malumanay na sabi ni Rolly na hindi tumitingin sa kausap.
Umirap si Azon. "Ano ka ba? Ang layo ng eskwelahan niyan. Mahirap ang sakay, baka mahuli iyan sa klase." Paismid na sabi nito.
Hindi na muling nagsalita ang matandang lalaki. Alam na hahaba lang ang usapan. At matatalo lamang.
Si Junior ay mabilis na tinapos ang pagkain. Sinundan ni Margarette ito ng tingin. Tila may kakaiba sa hitsura nito. O baka imahinasyon lamang niya. Kilala ni Margarette ang kapatid, kadalasan ay gano'n ito kapag may problema sa babae. Napailing siya kasabay ng pagkibit.
Nang matapos maligo ni Junior ay sumunod naman ang dalaga. Madalas na magkasabay silang umaalis dahil iisang paaralan lang naman sila pumapasok.