Prologue

1585 Words
MALAKAS ang salsal ng t***k sa dibdib ni Sari. Kasing bilis ng t***k ng kanyang puso ang ginagawa niyang pagtakbo. Ilang hibla ng mahaba niyang buhok ang nalalaglag sa kanyang mukha habang patuloy sa pagtakbo. Hindi na niya alam kung gaano siya katagal na nasa loob ng kasukalang iyon. Bagamat madawag at may malalaking puno siyang nadaraanan ay nakikita pa rin niya ang dinaraanan sa tulong ng liwanag ng buwan. Hindi niya alam kung ipagpapasalamat niya na bilog ang buwan sa gabing iyon dahil ang sinag niyon ang nagbibigay tanglaw sa kanyang daraanan o mangingilabot dala ng nakakatakot na paligid… at higit sa lahat ay ang nakakapanghilakbot na nagaganap sa gabing iyon. Muling kumabog ang kanyang dibdib nang unti-unting magdilim ang daang tinatahak niya. Bahagyang bumagal ang takbo ni Sari. Saka niya natanto na unti-unti ring natatakpan ng makapal na ulap ang buwan. Nagpatuloy siya sa pagtakbo. Hingal na hingal na siya pero ayaw niyang huminto para magpahinga. Ni ayaw niyang isipin kung ano ang maaaring mangyari sa kanya kapag tumigil siya. Patingin-tingin din siya sa kanyang likod habang inaaninag ang dilim ng paligid. Tuluyang nagdamot ang liwanag ng buwan kay Sari. Tanda sa isang nagbabadyang kaganapan na hindi kaaya-aya. "Aaaaahhhhhhh!" Napahinto sa pagtakbo si Sari nang marinig ang malakas na sigaw na iyon sa di kalayuan. Sigurado siyang malapit lang iyon sa kanyang kinaroroonan. Mas lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Pakiramdam ng dalaga ay kakawala na ang puso at baga niya sa kinaroroonan ng mga iyon. Naramdaman niya ang pagpatak ng pawis sa kanyang mukha. Wala sa loob na marahas niyang pinunasan iyon. "Si Ryan ba iyon?" nanginginig ang tinig na namuwating tanong mula sa kanyang lalamunan. Tukoy ang isa niyang kaibigan at kasama sa grupong kinabibilangan niya. "Tulong! Tulungan niyo akooooo!" patuloy niyang narinig ang sigaw. Nakakapanghilakbot ang sigaw nitong pumuno sa buong lugar. Hindi niya mailarawang diwa ang dahilan ng pagsigaw nito. Wala siyang narinig na sagot pagkatapos niyon. Ni isang tunog sa paligid ay wala na siyang narinig pa. Napalinga-linga siya sa paligid at inaninag ang dilim ng paligid. Sunod-sunod siyang napalunok. "S-Si R-Ryan nga..." mas lalong nabahiran ng takot ang tinig ng dalaga. Umalis ka na Sari! Tumakbo ka ng tumakbo! Bilisan mo! Sigaw ng isang bahagi ng isip niya. Pinilit niyang kumilos upang makaalis sa lugar na iyon. Dahil sa kanyang pagmamadali ay hindi niya napansin ang malaking ugat na nakausli sa daraanan niya. Natalisod siya roon at diretsong bumagsak sa lupa. Kumawala ang mahinang pag-igik mula sa lalamunan ni Sari. Alam niyang may parte ng binti niya ang nasugatan. Natutop niya ang bibig. Pinigilan niyang makalikha ng ingay. Huwag kang tumunganga lang diyan Sari! Tumayo ka at umalis sa lugar na ito! Kahit nanginginig at umiiyak ay ginawa niya ang lahat upang makatayo. Hindi na niya ininda ang mga luhang pumatak sa kanyang pisngi. Kahit natutumba ay pinilit niyang tumayo at nagpatuloy sa pagtakbo. Wala na siyang pakialam kung tamaan siya ng mga sanga ng bawat punong madaraanan niya. O kung masugatan man siya. Ang importante ay makaalis siya sa lugar niya. Hindi niya sigurado kung sino pa ang mga nakaligtas sa mga kasama niya. Ni hindi niya sigurado kung buhay pa ang mga ito. Pero natatakot na siyang bumalik para alamin iyon. Isa lang ang nasisigurado niya – katapusan na niya oras na bumalik siya sa pinanggalingan. Nang walang ano-ano ay bigla siyang nawala sa kasukalan. Bigla ay nasa gitna na siya ng daan. Iglap ay tumigil si Sari sa mismong gitna ng daan. Bagamat lupa ay patag ang kalsadang kinaroroonan niya. Hindi siya pamilyar sa daang iyon. Hindi rin malawak o malaki ang daan. Sakto lamang ang dalawang sasakyan sa lawig niyon. Humihingal na nagpalinga-linga siya sa paligid. Tahimik na tahimik. Nakakatakot ang katahimikan. Tumingin siya sa kanyang kanan at maging sa kaliwa. Aling daan ang tatahakin niya? Kailangan na niyang magdesisyon… “Sari!” Biglang lumingon si Sari nang marinig ang pangalan niyang tinawag. Agad na nagliwanag ang mukha ng dalaga ng makita ang kanyang bestfriend. “Nisha!” Ilang metro mula sa kinatatayuan niya ay naroroon ang kaibigan. Agad siyang tumakbo palapit dito gayundin ang ginawa nito. Nang magtagpo ay agad silang nagyakap ng mahigpit. Pareho silang nag-iiyakan nang sila ay magkalas. “Akala ko ay wala ka na.” umiiyak na pahayag ni Nisha. Kagaya niya ay magulo rin ang itsura nito. Sumigok siya. “Ako rin. Kung ano-ano na ang naiisip kong nangyari sa iyo. Mabuti at ligtas ka.” “Teka, ikaw ba talaga ‘yan?” maluha-luhang binistahan niya ito. Natawang napapaiyak rin si Nisha. Pinagmasdan nila ang isa’t-isa. Saka muli silang nagyakap ng ilang sandali. “Anong nangyari sa mga kasama natin? Alam mo ba kung nasaan sila?” tanong niya pagkuwan. Sunod-sunod itong umiling. “H-Hindi ko alam. Basta noong magkahiwa-hiwalay tayo kanina hindi ko na alam ang nangyari sa kanila.” “Si Gray?” Umiling ito. Muling napaiyak. Sa pagkakataong iyon ay mas malakas. “Nisha?” nabahiran ng pagtataka ang tinig niya. “W-Wala na siya Sari. Wala na s-si Gray. K-Kitang kita k-ko…” bakas na bakas sa tinig ang anyo nito ang takot. “Anong ibig mong sabihin?” tila nagkaroon na siya ng ideya base sa reaksiyon nito. Nanlaki ang mga mata nito. “K-Kitang-kita ko… k-kung papaano kinuha ang puso niya ng mga nilalang na iyon.” Natutop niya ang dibdib. “Oh God!” kinabig niya ang kaibigan at muling niyakap. Isa lang ang ibig sabihin niyon. Patay na si Gray. Nanghina siya sa nalaman. “Kailangan nating makaalis sa lugar na ito Sari.” Naging alerto na ulit ang mga mata nito sa paligid. Tumango siya. “Oo. Aalis tayo rito.” Ngayon ay mas lumakas ang loob niya. Ganitong nalaman niyang buhay ang kanyang kaibigan at kasama niya ngayon ay mas lalo siyang nagkaroon ng pag-asang makaligtas. “Tara na.” naghawak-kamay sila. Nagdesisyon na silang tahakin ang daan sa kanilang kaliwa pero sabay din silang napatigil sa paghakbang ng makita ang isang mataas na pigura ilang metro ang layo sa kanya. Base sa bulto ng pigura ay mukha iyong lalake. Parang estatwa lang ang bulto pero pareho nilang alam na hindi iyon tao. Iisa ang nasa isip nila pagkakita sa pigura. Hindi nila maaninag ang mukha niyon dahil madilim sa bahaging kinaroroonan nito bukod pa sa may takip ang mukha ng pigura. Nakasuot rin ito ng hoodie at natatakpan ang ulo. “Sari…” ramdam niya ang panginginig ng kaibigan. “Huwag tayong maghihiwalay Nisha…” Nang magkatinginan sila ay alam na nilang ang kailangan nilang tahaking daanan ay ang pasalungat sa kinaroroonan ng lalaki. Pero may isang bulto ang muli nilang nakita. Ilang metro rin ang distansiya sa kanila at mas malayo sa distansiya ng matangkad na pigura sa kanila. “Sari!” Nahimigan niya ang tinig ng kasintahan. “Sam?!” “Ako ito Sari.” Nagkatinginan sila ni Nisha. Parehong nagliwanag ang mukha nila. Akmang pupuntahan na nila ang nobyo niya nang may mangyari. Halos hindi niya namalayan. Sa isang kisap mata lang ay biglang nawala si Nisha sa tabi niya. Bahagya nalang niyang naramdaman ang tila pagdaan ng hangin sa kanyang harapan. “Nisha?” naguluhan siya. Tahimik na ang paligid. Nasaan na ang kaibigan niya? Nalito si Sari. “Nisha!!!” umalingawngaw sa paligid ang tinig niya. Nagpaikot-ikot siya dahilan para maliyo siya. “Sari!” Saka lang niya ulit naalala ang kasintahan. Palapit na ito sa kanya. Pero bigla itong tumigil at napatingin sa likuran niya. “Sam… si Sari…” “Layuan mo siya Sari.” Napalingon si Sari sa mataas na pigura nang magsalita ito. Pamilyar siya sa tinig nito. Naglalakad na ito palapit sa kanila. Bakit ganon? Hindi naman ito sumigaw pero parang dinig na dinig niya ang boses nito. Parang nasa tabi nga lang niya nang magsalita ito. “Ikaw ang lumayo sa amin!” sigaw ni Sam. “Sari. Huwag mong hahayaang makalapit ang malignong iyan sa iyo! Tumakbo ka na dito sa akin.” Halata sa boses ng nobyo ang takot sa pigurang papalapit sa kanya. “Please babe! Ano pa bang ginagawa mo?!” Bigla siyang nalito. Palipat-lipat ang tingin niya sa pigura at kay Sam. Sa huli ay napagkit ang tingin niya sa pigura. Dapat ay tumakbo na siya patungo sa kanyang kasintahan subalit tila inugatan ang kanyang mga paa. Hindi siya makakilos. Tila ba hinihipnotismo siya ng di nakikilalang pigura. Hanggang sa tuluyan itong makalapit sa kanya. “Sari! Please! Kumilos ka na riyan!” dinig niya ang natatarantang boses ni Sam pero nawala na ang atensiyon niya rito. Nasa harap na niya ang pigura. Isang hakbang ang pagitan nila. Napaangat ang mukha niya. Matangkad ito. Di hamak na matangkad sa kanya. Hindi pa rin niya maaninag ang mukha nito. Pero pakiramdam niya ay nagtatama ang kanilang mga mata. Hanggang sa tanggalin nito ang takip sa mukha. Nanlaki ang kanyang mga mata. Dinig niya ang malakas niyang pagsinghap. “I-Ikaw…” “Sa akin ka sasama…” malalim at malagom ang boses nito. Nagtayuan ang mga balahibo niya. Nakapagtataka. Dahil sa halip na matakot ay tila may haplos ang malamig nitong tinig sa kanyang pakiramdam. Bahagya nalang niyang naramdaman ang pagkabig nito sa kanya. Bago pa niya namalayan ay nasa bisig na siya ng pigura. Yakap siya nito sa beywang. At hindi na nakatapak ang mga paa niya sa lupa. Ramdam niya ang paghampas ng hangin sa kanyang katawan. Biglang naliyo si Sari… hanggang sa tuluyan siyang mawalan ng malay…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD