Chapter 1

1239 Words
HUMINTO ang kulay itim na Pajero sa harap ng isang hindi naman kalakihang grocery mart. Sa tabi niyon ay tumigil naman ang isang kulay itim rin na kotse na Honda Civic na bagong-bago pa base sa kintab niyon. Halos sabay pang namatay ang makina ng dalawang sasakyan. Unang bumukas ang pinto sa passenger seat sa Pajero at iniluwa niyon ang isang lalake na may head phone na nakasukbit sa leeg nito. Base sa itsura nito ay isa itong pangkista mula sa pananamit hanggang sa suot na sapatos. Nagsunod-sunod na ang bukas ng mga pinto ng sasakyan at lumabas ang mga laman niyon. Habang sa tabi ng driver’s seat ng kotse ay nanatiling nakaupo si Sari at isang lalaking guwapo na siyang nasa driver’s seat. Sandali silang nag-usap ni Sam – ang kasintahan ng dalaga. “Babe, are you sure ayaw mong bumaba? More than an hour pa tayong magbibiyahe. Baka may kailangan ka pang bilhin. Remember, ilang araw tayong nasa isla.” Mahabang paalala ng nobyo sa kanya. Bago pa makasagot si Sari ay kusang bumukas ang pinto sa tabi niya. Sabay silang napatingin doon. “Tara na Sari. May kailangan pa tayong bilhin.” Ani Nisha. Ang kanyang pinakamatalik na kaibigan. Kasama nila ito sa kotse at sa likod ito nakaupo katabi ang kasintahan naman nitong si Gray. Nauna nang bumaba ang dalawa kanina. Marahil ay bumalik ang kaibigan nang hindi pa siya lumabas ng sasakyan. “Hindi raw siya bababa.” Si Sam ang sumagot para sa kanya. “Tinatamad na akong bumaba, Nisha.” Pagrarason niya sa kaibigan. Mahaba na kasi ang ibiniyahe nila at gusto nalang niyang umupo. Sa tingin naman niya ay wala na siyang kailangang bilhin pa dahil naka-ready na ang lahat ng kailangan niya sa inimpakeng gamit. “Ha? Ano ka ba? Halika na.” hinila na nito ang kamay niya. Napapangiting nagkibit-balikat nalang si Sam sa kanya. Nagpahila na rin siya sa kaibigan dahil alam niyang wala na siyang magagawa habang si Sam ay lumabas na rin ng sasakyan. Naglalakad na sila papunta sa grocery mart. Sumabay sa kanila si Calai. Ang isa pang kasama sa kanilang grupo at kaibigan din. Boyish ang itsura nito sa pananamit. Maiksi ang buhok pero may magandang mukha. Sa likod ng maluwang nitong t-shirt at wide pants at nakatago ang isang seksing katawan. Sigurado rin sila ni Nisha na straight itong babae. “Nasaan na sina Shantal?” tanong ni Nisha kay Calai. “Nauna na sa loob. Si Loloy ang nakita kong kasama niyang pumasok kanina.” Sagot ni Calai na nakaagapay na sa kanila. Nakatingin ito sa isang pares na nasa unahan lang nila. Sina Ryan at Kendra. Magkasintahan ang dalawa. Kasama rin nila at katropa. Nagkatinginan sina Sari at Nisha nang mapansin nilang nakatingin nanaman si Calai kay Ryan. Sa Pajero nakasakay ang tatlo kasama ng iba pa. “Baby, sabi ko hintayin mo ako. Hindi mo ako hinintay.” Sabay-sabay silang lumingon sa likuran nang marinig ang boses ng isang lalaki. Nakahabol ito sa kanila. Nakita ni Sari na nakasunod na rin sa kanila si Sam. Kasabay naman nito si Gray. Napasimangot si Calai. “Puwede ba Martin, tigilan mo ako sa pagtawag-tawag ng baby. Baka gusto mong maupakan na ng tuluyan.” May bahid ng pagkadisgustong sabi nito. Sa halip na matakot ay ngumisi pa si Martin. “Ikaw naman, hindi ka na nasanay sa akin. Ayaw mo ba ng baby? O baka naman my labs ang gusto mong itawag ko sa iyo. Alam ko namang kahit nagsusungit ka ng ganyan sa akin e crush mo rin naman ako.” Mahabang palatak pa nito. Minulagatan ito ni Calai na tinawanan lang ng lalaki. Hindi lingid sa kanila ang pagsintang pururot ni Martin kay Calai. Pero pareho nilang alam ni Nisha na walang pag-asa ang lalaki sa kaibigan nila dahil may ibang gusto si Calai. Nagpatuloy na sila sa paglalakad hanggang sa makapasok sila sa grocery mart. Siya kasama ang kanyang mga kaibigan ay tutungo sa maikling bakasyon. Sa loob ng ilang araw ay mananatili sila sa isang isla. Pagpasok sa loob ng grocery ay kanya-kanya na silang kuha ng mga kailangan nila. Ang ibang mga gamit at kailangan nila tulad ng pagkain, toiletries at iba pa ay nabili na nila. Additional nalang ang bibilhin nila sa grocery na iyon tulad ng snacks o kung anuman ang magustuhan nila. Wala na siyang maisip na bibilhin kaya nag-ikot-ikot nalang siya. Abala siya sa pagtitingin ng mabibili nang mabangga siya sa isang matigas na bagay. Tumama ang ulo niya roon dahilan para masapo niya ang noo. “Aray!” “Careful Miss.” Dinig na dinig niya ang malagom at malamig na tinig na iyon. Sa tingin niya ay mahina lang ang tinig pero buong-buo iyon sa kanyang pandinig. Dalawang salita lang iyon pero para bang napakasarap ng pakinggan. Kasunod niyon ay naramdaman niya ang isang bagay na tila sumapo sa kanyang beywang. Wala sa sariling sumulyap siya at nakita niya ang isang braso. Napangangang nag-angat siya ng mukha. Sinalubong siya ng isang mataas na bulto. Hindi pa yata umabot sa balikat nito ang taas niya. Hindi sobrang laki ng katawan nito pero mukha itong malakas base sa nararamdaman niyang aura na nagmumula rito. Sigurado na siyang sa dibdib nito siya bumangga. Nang tingnan niya ang mukha nito ay kung bakit tila nadismaya siya nang hindi makita ang itsura nito. Naka-dark sun glasses ang lalaki. Nakasuot ang hood ng suot nitong kulay itim na jacket at sa ilalim niyon ay may sombrero pa itong suot. Nakasuot din ito ng face mask. Siya yata ang nainitan sa itsura nito. Tapos na ang Covid-19 kaya ayos lang na huwag nang magsuot ng facemask. Pero may mangilan-ngilan pa ring nagsusuot. “P-Pasensiya na…” aminado naman niyang kasalanan niya dahil hindi siya nakatingin sa dinaraanan niya. Hindi niya nakikita ang mukha nito pero pakiwari niya ay nagtatagpo ang kanilang mga mata. Na para bang tagos-tagusan ang tingin nito sa kanya. “It’s alright. Sa susunod lang Miss titingin ka na sa dinaranan mo. Baka sa susunod hindi na ako ang makabangga mo.” Patag at walang emosyong turan nito. Naramdaman niya ang pagkawala ng braso nito sa kanyang beywang. Nakakapagtaka. Bakit parang biglang lumamig ang pakiramdam niya? Hindi na siya nakapagsalita. Iniwan na siya nito. Tila nahihipnotismong nasundan niya ito ng tingin hanggang sa makalabas na ito ng grocery mart. Napaiktad pa siya nang may tumapik sa kanyang balikat. “Babe?” “Sam!” “Are you okay?” takang-tanong nito. Hindi kaagad siya nakasagot. Muli siyang napatingin sa labas ng grocery. Salamin ang dingding niyon kaya kita ang labas. “Sari?” muling pukaw nito sa kanya. Ibinalik na niya ang tingin sa nobyo. “Ah… wala… m-may nabangga lang ako. Hindi kasi ako nakatingin sa dinaraanan ko.” mahinang sagot niya. Pero ang totoo ay hindi na nawala sa isip niya ang lalaking nakabangga. Umakbay ang kasintahan sa kanya. “Okay ka na ba? May bibilhin ka pa ba?” Itinaas niya ang hawak na basket na wala sa loob na kinuha lang niya kanina. May laman iyong ilang piraso ng chocolate at sitsirya. “Okay na ako. Tara na sa counter.” “Alright.” Paglabas ng grocery ay hinanap pa ni Sari ang bulto pero hindi na niya ito nakita pa. Para kang ewan Sari! Naghahanap ka sa isang taong hindi mo naman kilala. Inalis na niya sa isip ang lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD