“NISH, mauna na ako sa sasakyan ha.” Medyo malakas na sabi ni Sari. Bahagya pa siyang sumulyap sa salaming nakadikit sa dingding.
Nasa loob silang magkaibigan sa comfort room na kanugnog lang din ng grocery mart na pinasok nila kanina. Nagbawas lang sila ng tubig sa katawan. Nauna siyang natapos at nasa isang cubicle pa ang kaibigan. Nanggaling na rin doon ang ibang mga kasama nila.
“Okay!” ganting-sagot ni Nisha.
Lumabas na siya ng comfort room. Naglalakad na siya pabalik sa kanilang sasakyan nang mapansin niya ang isang batang babae na pasalubong sa kanya. Nakasuot ito ng short na pambahay at blouse na pambahay rin. Mahaba ang itim nitong buhok na medyo magulo. Naka-tsinelas ito gayunpaman ay maayos ang itsura nito. Napansin niyang maganda ang bata. Maputi sa karaniwan at malaman ang katawan. Sa tingin niya ay nasa edad sampu ito pataas.
Medyo mabagal itong maglakad. Akala niya ay lalagpasan na siya nito nang magkatapat sila. Subalit tumigil ito sa harap niya. Awtomatikong napatigil din siya sa paglalakad.
“Miss… baka meron po kayong pagkain diyan. Gutom na gutom na po kasi ako.” Mahina at tila nahahapong usal ng bata sa kanya.
Kumunot ang noo ni Sari. Saka niya napansin ang dalawang kamay nitong nakahawak sa tiyan nito. Na para bang may iniinda itong sakit roon.
Hindi kaagad siya sumagot. Saglit siyang nagpalinga-linga sa paligid kung may kasama ba ang bata. Pero mukhang wala itong kasama. Wala kasi itong kasunod o anumang indikasyon na may kasama ito. Ibinalik niya ang tingin dito saka ito niyuko.
“Bata, wala ka bang kasama?” mahinahon niyang tanong dito.
Umiling ito. Titig na titig sa kanya. Maganda ang mga mata ng bata. Nangungusap at malalantik ang mga pilik-mata.
“Nasaan ang mga magulang mo?”
Hindi na ito nakasagot dahil muli nitong hinawakan ang tiyan. Napansin na rin niya ang bahagya nitong pagngiwi. Kasunod niyon ay pareho nilang narinig ang pagkalam ng sikmura nito. Tila napapahiya namang nagyuko ang bata.
Nakaramdam ng awa at pag-aalala si Sari. Mukhang hindi ito nagda-drama lang. Hindi kagaya ng ibang pulubi sa lansangan na ginagamit ang pamamalimos upang makapanloko ng tao. Hindi niya nilalahat ang mga ito subalit hindi rin niya magagarantiya na ang lahat ng ito ay totoong pulubi. O totoong dapat tulungan.
Umuklo si Sari at masuyong ngumiti sa bata. “Mukhang gutom ka na nga. Sige. Sumama ka nalang sa akin. Bilhin natin kung anong gusto mong pagkain.”
Bahagyang tumango ang bata saka namilog ang mga mata. “T-Totoo po?” mukhang hindi ito makapaniwala.
Nakangiti pa ring tumango-tango siya. “Oo naman. Halika na. Para makakain ka na.” Tumuwid na siya ng tayo.
“Maraming salamat po.” Tuwang-tuwang sabi ng bata pero hawak pa rin ang tiyan.
Magkaagapay silang bumalik sa grocery mart. Ngayon lang niya nakilala ang bata pero magaan na kaagad ang loob niya rito. Siguradong papatok itong maging artista kung mabigyan lamang ng pagkakataon.
“Ano palang pangalan mo?” naalala niyang itanong nang malapit na sila.
“Lira po.” Magalang nitong tanong. Maya’t-maya rin ang pagsulyap nito sa kanya na napapansin niya. Lihim siyang napapangiti.
“Lira. Napakagandang pangalan. Tiga saan ka Lira? Tiga rito ka lang ba?”
“Doon po ako sa kabilang kanto nakatira.”
“Kung ganon ay naglakad ka mula sa inyo hanggang dito?” curious niyang tanong. Na-curious din siya kung nasaan ang mga magulang nito.
“Opo.” Naging matipid ang sagot nito na nahimigan ni Sari. Pinili niyang huwag na munang magtanong dito.
Pagdating nila sa pinto ng mart ay siya na ang nagbukas niyon. Sumunod ang bata sa kanya sa loob.
“Sige Lira. Kumuha ka kung anong gusto mong pagkain. Ako ang bahala.” Masuyong wika niya sa bata.
May ngiti sa labing tumango ang bata. Nakasunod lang siya rito habang namimili ito ng pagkain. Isang sandwich ang kinuha niya at ipinakain na rito para maibsan na ang gutom nito. Pinamili rin niya ito ng mga tinapay at kung anong magustuhan nito.
Marahil kung sa ibang pagkakataon ay hindi niya iyon gagawin. Nagbibigay siya sa mga namamalimos at nanghihingi sa kanya subalit hindi kagaya ng ganitong ipinamili pa niya ng pagkain. Hindi naman siya mayaman para tulungan ang buong kapos-palad.
Subalit tila may nagbubulong sa kanya na tulungan ang batang ito. Na para bang nagkukusa ang isip, katawan at puso niya sa nais gawin para rito.
Ilang minuto rin ang lumipas at nasa harap na sila ng counter. Nag-uusap din sila ng kung ano-anong bagay habang namimili ito. Nang mabayaran ang kinuha nito ay niyaya na siya nitong lumabas. Saka niya naisip ang mga kaibigang naghihintay na rin sa kanya. Siguradong hinahanap na siya ng mga ito. Ni hindi niya namalayan ang oras.
“Sige Lira, umuwi ka na sa inyo ha. Mag-iingat ka.” Aniyan pagkuwan.
Maganda na ang ngiti ni Lira. Mukhang nakabawi na ito sa gutom kanina. Kipkip nito ang isang malaking plastic na naglalaman ng mga pinili nito. Kahit marami iyon ay mukhang malakas ang bata at tila balewala lang rito ang bitbit. Nagulat pa nga siya ng sabihin nito ang edad kanina. Siyete anyos lang pala ito pero mukha nang lagpas sampu ang edad. Mataas ito sa edad nito. “Maraming salamat po ulit Ate Ganda. Hindi ka lang po sobrang ganda. Ang bait-bait mo pa po.” Magiliw na nitong sambit. Naging Ate Ganda na ang tawag nito kanina simula ng pumasok sila sa grocery mart.
Matamis niya itong nginitian. “Teka, kaya mo bang bitbitin iyan hanggang sa inyo. Mag-tricycle ka nalang kaya.” Himig-concern na usal niya.
“Kaya ko na po ito Ate Ganda. Magaan lang po ito sa akin.”
Mukhang nakabawi na talaga ito sa pagkagutom kanina. Lumiksi na kasi ang itsura at galaw nito. Kahit yata makipagmarathon ito ng takbo ay kayang-kaya na nito.
“Sige. Maiwan na kita riyan ha. Hinahanap na rin kasi ako ng mga kasama ko. Kumain ka ulit at baka gutom pa ‘yang tiyan mo.”
Bumungisngis si Lira na ikinangiti ni Sari. Magaan talaga ang loob niya sa bata. May parte niya ang nanghihinayang dahil hindi na niya ito makikita.
Nang may maalala siya. “Teka, ito pandagdag mo pambili ng pagkain mo.” Dumukot siya ng ilang daan sa sukbit niyang sling bag. “Pasensiya ka na ha. Iyan lang ang kaya ko eh.” Iniabot niya rito ang pera.
Atubiling tanggapin iyon ng bata. “Naku. Sobra na po itong bigay ninyo.”
“Wala ‘yan. Heto. Kunin mo na.” Idinutdot niya ang pera sa harap nito.
Nahihiyang inabot ng bata ang pera. Parang maiiyak pa nga ito. Nagdikit ang mga kamay nila. Naramdaman niya ang lamig ng balat nito. Bahagya pa siyang napaiktad sa lamig niyon. Mainit naman pero bakit malamig ang kamay nito? Napansin din niya ang pagsasalubong ng kilay nito.
“Lira, bakit?” takang-tanong ni Sari.
Mas lalo siyang naguluhan ng bigla itong sumeryoso. “Huwag na po kayong tumuloy sa pupuntahan ninyo.” Mababa ang tinig na turan nito.
“Ha?”
Mas lumapit ito sa kanya. “Mamasyal po kayo diba? Sa isang isla po kayo pupunta.”
Napakurap siya rito. “Oo. P-paano mo nalaman?”
“Huwag na po kayong tumuloy doon.”
Hindi na maipinta ang mukha niya. “Bakit mo nasabi iyan?”
“Marami pong mamamatay.”
Natulala siya rito. Ewan niya pero may kasamang babala ang tono ng bata. Kung bakit ay nagtayuan ang mga balahibo niya sa katawan. Kung sabihin ni Lira ang mga salitang iyon ay tila totoo ang mga sinabi nito. Na para bang sigurado itong mangyayari iyon.
“H-Hindi kita maintindihan Lira…” namutawi sa bibig niya. Nagulumihanan siya.
“Lira!”
Sabay silang napalingon. Napalayo ang bata sa kanya. Palapit ang isang babae. Nahinuha na niyang ito ang nanay ng bata. Malaki ang hawig nito kay Lira. May pagmamadali sa lakad ng babae at bakas sa mukha ang matinding pag-aalala.
“’Nay!”
Ilang metro palang ay nagsalita na ang babae. “Ano bang ginagawa mo rito? Kanina pa kita hinahanap.”
“Nagugutom na po ako eh.” Nalukot ang mukha ni Lira. Nakalapit na ito sa kanila.
“Kayo ho ba ang nanay ni Lira?” agad niyang tanong. Tumutok ang tingin niya sa mukha nito. Agad niyang napansin ang resemblance sa mukha nito at ni Lira. Maganda rin ang babae. Medyo losyang lang ito pero maganda ito lalo kung mag-aayos. Marahil ay matanda lang ito sa kanya ng ilang taon.
Napatingin sa kanya ang babae.
“Ate Ganda, siya po ang nanay ko. Nay, si Ate Ganda. Binilhan niya ako ng pagkain. Tapos binigyan niya pa ako ng pera oh.” Itinaas ni Lira ang supot ng mga pinamili.
Mukhang nawindang ang babae. “Diyos ko pong bata ka! Ang layo layo na ng narating mo. Nakaabala ka pa.” nahihiyang bumaling ito sa kanya. “Pasensiya ka na sa anak ko ha.”
“Wala ho iyon. Ahm… may itatanong ho sana ako…” may pag-aatubili niyang sabi.
Nagtanong ang mga mata ng babae.
“E.. may third eye ho ba ang anak ninyo?”
Kumunot ang noo nito. “Third eye?” tumingin ito sa anak. Hindi napansin ni Sari ang pag-ilap ng mata ng babae.
“May sinabi ho kasi siya sa akin.” Ikinuwento niya ang napag-usapan nila ng bata.
Hindi niya alam kung guni-guni lang niya ang nahimigang tono sa tinig nito ng sumunod na magsalita. “Kuuu.. huwag kang maniwala dito kay Lira. Kung saan-saan lang talaga nakakarating ang imahinasyon ng batang ito.” Kinabig nito ang anak. “Alam mo na, bata pa.” paliwanag nito pero naroon na ang hesitasyon. Saka lang niya napansin ang pag-ilap ng mga mata nito.
Hindi alam ni Sari kung para saan ang hindi magandang kutob na naramdaman sa dibdib.
“Pero nahulaan ho niyang pupunta kami sa isang isla.”
Tumuwid ng tayo ang babae ang sumeryoso. “Miss, halos lahat ng dumadaan dito ay nagpupunta sa mga isla. Maraming isla ang nakapalibot sa lugar na ito. Hindi mahirap hulaan kung saan kayo pupunta. Kaya huwag ka ng magtaka.” Parang may gusto pa itong sabihin pero mukhang piniling huwag nalang magsalita. Pagkatapos ay tumikhim ito.
Tumikhim din siya. “Ganoon ho ba…” sumulyap siya kay Lira na nagsimulang ngumata ng tinapay.
“Siya… kami ay aalis na. Maraming salamat Miss at pasensiya ka na ulit sa anak ko. Naabala ka pa niya.” malumanay na nitong paalam. Kinuha nito ang hawak ni Lira at ito na ang nagbitbit.
“Wala hong anuman. Magaan din ho kasi ang loob ko sa anak niyo.”
Tumango nalang ang babae. Gumanti siya ng tango. Kumaway din si Lira sa kanya. Naglakad na ang mag-ina palayo. Pero bumitaw si Lira sa ina at bumalik sa kanya. Kinimbatan siya nitong yumuko.
“May sasabihin ka?” magaang tanong niya rito.
Tumango ito. Yumuko naman siya saka ito bumulong.
“May magiging boypren ka po.” Mahinang sabi nito.
“Sari!”
Sabay silang napalingon nang tawagin ang pangalan niya. Palapit na si Sam sa kanila.
“Siya?” itinuro niya ang nobyo.
Umiling si Lira. Inalis ang tingin sa kanyang nobyo. Saka muling bumulong sa kanya. “Di hamak na mas guwapo po diyan ang magiging boypren mo.” Saka ito humagikhik. Nasa mga mata ang katuwaan.
Nagsalubong ang mga kilay ni Sari. Bumitaw na ito sa kanya. Kumaway ito habang papalayo. Nakalapit naman si Sam sa kanya.
“Sino sila?” tanong ni Sam habang nakahabol ng tingin sa mag-ina.
“Ah… mga bagong kakilala.” Mahinang sagot niya. Nakatingin sa mag-ina partikular sa bata. Hindi nawawala sa isip ang huling sinabi nito.
Binalingan na siya ng nobyo. “Kanina ka pa namin hinihintay. Akala ko kung saan ka na nagpunta.”
Hinarap na rin niya ito. “Kung gayon ay tara na.” Hindi na niya binanggit sa nobyo ang napag-usapan nila ng bata. Gusto niyang balewalain ang mga sinabi sa kanya ni Lira. Pero may parte niya ang nagsasabing dapat siyang mag-ingat. Higit doon ay ang sinabi nitong magiging boyfriend daw niya. Sino kaya iyon? At di hamak daw na mas guwapo sa kasalukuyang nobyo? Totoo kaya iyon? Kung gayon ay maghihiwalay sila ni Sam?
Lihim niyang ipinilig ang ulo. Hindi niya dapat iniisip ang mga bagay na iyon. Pakiramdam tuloy niya ay nagtataksil siya sa nobyo. Marahil ay sadyang malikot lamang ang imahinasyon ni Lira. Ikalma mo ang isip ang kalooban mo Sari…Wala kang dapat ipag-alala. paalala pa niya sa sarili.