"Tulong... tulong..." tuloy pa rin si Lorena sa panaghoy. Halos ibulong nalang niya sa hangin ang ibang mga salitang lumalabas sa kanyang bibig dahil sa sakit at galit na nararamdaman sa mga sandaling iyon. "Aaaah... demonyo... hayup..."
Hanggang sa biglang bumukas ang pinto. "Anong nangyayari rito?" Tanong ni Joaquin. Agad itong sumugod at pinagsusuntok ang kuyang si Julio. "Putang ina mo kuya! Bakit mo 'to ginawa kay Lorena!" Umiiyak ito habang walang tigil sa paghampas ng matitigas na kamao.
"Wag kang tanga Joaquin! Ginagamit ka lang ng putang yan!" Nakuha pang sumagot ni Julio. Hindi nito pinapatulan ang nakababatang kapatid.
"Hindi puta si Lorena!!! Tarantado ka! Binubuhay kita kahit palamunin at batugan ka! Ito pa ang igaganti mo sa akin at sa babaeng pinakamamahal ko!" Sa pagkakataong iyon ay gumanti na si Julio. Isang malakas na suntok at natumba si Joaquin.
"Naging palamunin at batugan ako nang dahil sayo Joaquin! Pinakain kita at pinag-aral noong nawala ang mga magulang natin! Pero anong ginawa mo?! Pinakulong mo ako! Noong nagtulak ako ng shabu ikaw pa na kapatid ko ang nagsuplong sa akin sa mga pulis! Naging ex-convict ako ng dahil sayo!" Himutok ng nakatatandang lalaki. Ngayon niya lamang nalaman ang ganong kwento sa pagitan ng magkapatid. Ngunit wala siyang pakialam. Demonyo. Hayop pa rin ang tingin niya kay Julio.
"Pero mali 'yon kuya! Mali 'yon!"
Dagling lumabas ang lasing na si Julio ng bahay. Kagyat namang tinuon ni Joaquin ang atensyon sa kanya. "Heto ang damit mo. Magsuot ka na Lorena. Sorry sa ginawa ni kuya ah. Sorry Lorena." Para itong batang umiiyak at humihingi ng tawad.
"S-sorry? Sorry? Dyan kayo magaling na mga lalaki sa paghingi ng sorry. Binaboy ako ng kuya mo Joaquin! Masahol pa sa baboy!" Bulalas niya habang unti-unting tinitipon ang natitirang lakas.
Niyakap naman siya nito. "Tama na. Tama na. Alam mo namang lahat gagawin ko sayo eh! Anong gusto mong mangyari? Ipapakulong natin si kuya..."
"Bitawan mo ko. Bitawan mo ako!"
Marahan itong umalis sa pagkakayapos. Katahimikan ang sumunod na namayani. Tanging pagtangis ang maririnig sa dalawa.
"Ipakulong mo ulit ang kuya mo." Binasag ni Lorena ang katahimikan. "Kung pwede nga lang mamatay na siya eh. Tapos dalhin mo ako sa Maynila. Doon ako magbabagong buhay."
"Oo Lorena gagawin ko yan!" Agad nitong tugon. "Magbabayad si kuya sa ginawa niya sayo. Tapos magpapakalayu-layo na tayo. Sa Maynila ang gusto mo? Sige doon tayo pupunta."
"Walang tayo Joaquin."
"A-ano?" Nauutal na tanong nito sa kanyang tinuran.
"Walang tayo. Hindi kita kailanman minahal. Ihahatid mo lang ako sa Maynila at hahanapan ng matutuluyan pagkatapos ay maghihiwalay na tayo ng landas. Kahit na anino mo ay ayaw ko nang makita." Nakatulala lang siya habang sinasambit ang bawat masasakit na salita. Umiiyak siya ngunit wala nang pumapatak na luha. Naubos na. Nasaid na.
"P-pero bakit Lorena? Okay lang naman sa akin na hindi mo pa ako mahal ngayon."
"Hindi pa mahal? Hindi kailanman kita mamahalin. Wala na akong mamahalin pa sa buhay ko. Wala na. Kinamumuhian ko kayong lahat na mga lalaki. Pare-pareho kayo." Hindi na niya alintana kung mawasak man niya ang puso ng binata. Wala na siyang pakialam.
"P-pero iba ako sa kanila... handa akong tanggapin ka ng buung-buo. Wala akong pakialam kahit ano pa ang nakaraan mo. Wala akong pakialam kahit nababoy ka na ng ibang tao." Lumuhod pa ito sa kanyang harapan.
Binaba niya ang ulo upang makita ito. "Ikaw ang nagdala sa akin sa demonyong si Julio. May kasalanan ka pa rin sa akin Joaquin. Gayunpaman naging kaibigan naman ang turing ko sa iyo. Hanggang doon nalang iyon. Kahit iyon gusto ko nang tapusin. Nasasabi mo lang ang mga bagay na iyan dahil bago palang pero darating ang panahon na isusumbat mo sa akin na madumi ako... na nababoy na ako. Hanggang kailan mo kaya kakayaning mahalin ang isang tulad ko? Kaya bago pa man tayo mapuno ng galit Joaquin. Tapusin na natin ito. Dalhin mo ako sa Maynila. Kalimutan mo na ako. Magbabagong buhay ako at magpapatuloy para makaganti sa mga sumira sa pagkatao ko. Hahanapin ko ang anak ko. Ikaw naman humanap ka ng babaeng mas karapat-dapat sayo. Mabuti kang tao. Marami dyan ang magmamahal sayo."
"Ngunit ikaw ang gusto ko! Ikaw ang mahal ko!"
Pinilit ni Lorena'ng tumayo. "Hindi ko kailangan ng pagmamahal mo. Bukas na bukas luluwas tayo ng Maynila." Saka siya lumakad patungo sa kanyang silid at doon nagkulong.
"Aaaaaaaah!" Muli siyang tumangis. Tanging ang kanyang unan ang kanyang naging kakampi. Niyakap niya iyon ng mahigpit sa pag-asang kahit papano ay maiibsan ang sakit sa kanyang puso na tumatagos sa kanyang kaluluwa. Bumalik lahat ng mga pagdurusang pinagdaanan niya mula pa noon sa kanyang pamilya at kay Ruben. "Habang nabubuhay ako. Hindi ako papayag na ako lang ang magdurusa. Babangon at babangon ako upang pagbayarin kayo. Tanging ang anak ko lamang ang magpapatigil sa akin. Si Irene lang. Ang makapiling ko lang siya." Hanggang sa siya'y tuluyang nakatulog at pansamantalang nakalimutan ang lahat.
Kinabukasan ay maagang lumuwas pa-Maynila sina Lorena at Joaquin. Magkatabi sila sa bus pero walang kumikibo. Malayo ang tanaw ni Lorena habang nakadungaw sa salamin na bintana. Alam niyang mas marami pa siyang pagdadaanan sa magulong lungsod. Pero ano ba ang hindi niya kakayanin? Wala na.
"Dito ako nakatira. Maliit na apartment lang ito. Walang kwarto. Cr lang at lababo. Dito ka na tumira. Bayad na ito ng pang isang taon para sa iyo." Sambit ni Joaquin pagkapasok nila sa kanyang bagong tutuluyan.
"Di ba sabi ko ayokong magsama pa tayo." Naitugon niya. Hindi na ito nakasagot pa dahil may kumakatok sa pintuan. Binukas nito ang pinto. Tatlong pulis ang tumambad sa kanila.
"Joaquin Borja?" Tanong ng isa sa mga pulis.
"Ako nga po."
"Inaaresto ka namin sa salang pagpatay kay Julio Borja."
Laking gulat niya sa narinig. "Sandali lang ho!" Lumapit siya rito habang pinoposasan. "Joaquin bakit mo yun ginawa? Paano? Kailan?"
"Kagabi. Pinupot ko siya gamit ng unan habang natutulog. Inaasahan ko na ito na may huhuli sa akin. Ako mismo ang tumawag sa pulis kanina bago tayo umalis. Wala naman akong planong tumakas. Makukulong na rin ako dahil kay kuya. Nakaganti na siya sa akin." Blangko ang mga mata nito. Kalmado ang boses ngunit halatang malungkot ang tono.
"Joaquin. Patawarin mo ako. Patawad. Hindi kita nagawang mahalin. Napakarami mong ginawa para sa akin." Kahit gaano pa siya magpakabato sa sandaling iyon ay naluha pa rin si Lorena. "Maraming salamat."
"Paglabas ko sisiguraduhin kong mapapasaakin ka na Lorena. Tandaan mo yan. Lahat gagawin ko para mangyari iyon." Saka ito tumitig sa kanya nang buong pursigido. Halu-halong emosyon ang nasa mata nito. Hindi na tulad ng dati. May galit na iyon. Maraming lungkot.
Saka na ito kinuha ng mga pulis. Masakit man ay nagpatuloy si Lorena. Nakahanap siya ng trabaho bilang isang cashier sa supermarket sa Ermita. Kung minsan ay nagkikita sila ng kaibigang si Betty.
"Ang ganda naman ng bestfriend ko!" Bungad niya pagdating ni Betty sa Jollibee kung saan sila kakain ng hapunan. Biyernes iyon at parehong tapos na ang kanilang shift.
"Maliit na bagay naman Lors!" Saka siya nito tinapik sa kanyang balikat. Kagyat din siya nitong niyakap. Lagi na siya nitong niyayakap magmula noong ikwento niya ang nangyari sa kanila nila Joaquin at Julio.
"Kumusta ang trabaho?" Tanong niya.
"Ayos naman! Hindi nauubusan ng mayayaman na kliyente ang hotel namin. Nakakapagod maging receptionist don! Sana talaga tumaas na ang posisyon ko! Tapos heto pa Lors!" Tila bigla itong na-excite. "Na-meet mo na yung big boss namin! Si Sir Sae Yoon! Ang gwapo talaga! Oppa talaga! Kinabahan nga ako eh. Feeling ko nagba-blush ako habang nakatingin sa kanya. Parang nagkatotoo ang kdrama sa harapan ko!"
"Gusto kong pumasok sa Asian Primera Hotel." Walang anu-anong sambit niya.
"Huh? O-okay Lors!" Halatang nagulat naman ito. "Pero baka janitress lang ang ma-offer nila sa iyo ah. Hindi ko sure."
"Papasok ako bilang receptionist tulad mo." Walang kurap niyang saad.
"Ah eh huh? Mahigpit sa Asian Primera, Lors. Five star hotel yun. College graduate lang ang kinukuha nilang receptionist at dapat BS HRM o yung mga kaparehong kurso."
"Alam ko naman yun Bets. Pero dudugain ko ang mga papeles ko. May alam akong magaling na pagawaan ng pekeng dokumento rito sa Maynila. Inaral ko na lahat. Napuntahan ko na rin yung lugar. Kailangan ko nalang ng tulong mo."
Pursigido siya. Wala siyang sinayang na mga araw nang makarating siya ng Maynila. Kahit nagtatrabaho na siya ay umiisip pa rin siya ng paraan kung paano mas makakaangat upang maisakatuparan ang mga plano niya.
"Lors natatakot ako sayo. Paano kung mahuli ka? Baka madamay pa ako. Tsaka ano ba talaga ang plano mo?" Nag-aalalang tugon ng kaibigan.
"Kailangan kong makapasok sa isang lugar kung saan maraming mayaman. Doon ako muling magsisimula."