***
"Sige, Meygan, stalk pa more," sabi ni Jai sa kaibigan habang nakaupo sila sa isang pabilog na mesang sementado. Nasa garden sila noon, sa likod ng silid aralan nila. Bawat classroom kasi roon ay may kanya-kanyang garden na inaalagaan ng mga estudyante.
"Ano ba, share ko lang iyong mga post nina Jayden Chi at Cailer Tan," sagot ni Meygan na hindi pa rin iniaalis ang paningin sa laptop nitong nakapatong sa mesa.
"Ano? Hindi pa rin ina-accept iyong friend request mo 'no. Kaya share lang nagagawa mo dahil friends only lang nila ang p'wedeng mag-like o com— arayy! Ano ba?!" angal ni Jai nang tampalin ni Meygan ang ulo niya.
"Dapat lang 'yan sa'yo! Lagi mo na lang akong ginaganyan pagdating kina Chi at Tan! Umamin ka nga, may gusto ka sa kanila 'no? At nagseselos ka sa akin," nanlalaki ang matang sabi rito ni Meygan.
Sandaling napamaang si Jai sa kanya.
"Sinasabi ko na nga ba eh! Totoo nga!" reak ni Meygan.
Doon na napahagalpak ng tawa si Jai habang hawak-hawak ang tiyan niya.
"Hoy! Huwag mo akong idaan sa tawa, Jaileen Gwang ha!"
Lalo pang tumawa nang tumawa si Jai na ikinainis na ni Meygan. Nang mahalata ni Jai ang pagkainis ni Meyagan ay umayos na ito ng upo ngunit halatang pinipigil lang nito ang tawa.
"Ano?! May gusto ka nga sa kanila?" parang maiiyak na sabi ni Meygan.
Alam naman ni Meygan na maraming maaring magka gusto kina Chi at Tan. Pero parang ayaw tanggapin ni Meygan na ang bestfriend niya ay isa sa mga iyon.
"P'wede ba, Meygan Go?! Wala akong gusto sa kanila! Kaya nga ako natawa, 'di ba?" pigil muli ang tawang sagot ni Jai.
"Eh bakit kontra ka nang kontra?" nakalabi ng tanong ni Meygan.
"Sinasabi ko lang naman 'yong totoo. Saka, bakit ba kasi hindi ka na lang gumawa ng i********: o twitter account mo? Mas active roon sigurado sina Chi at Tan. Once na naka follow ka pa sa kanila roon, mas malaya mong makikita iyong mga post nila. Hindi tulad diyan sa f*******: na ang mga pina-public posts lang nila ang nakikita mo," paliwanag pa rin ni Jai.
"Hmmmm... pag-isipan ko muna," sabi ni Meygan na patuloy sa pagkalikot sa laptop nito.
Bigla namang inagaw ni Jai ang laptop kay Meygan at pinakialaman ito.
"Jai! Ano ba!" nanlalaki ang mga matang sabi ni Meygan.
"Sandali lang," sagot lang ni Jai.
Pinabayaan na lang naman ito ni Meygan sa pag-aakalang may hinahanap lang ang kaibigan. Lumipas ang ilang sandali at nagsalita si Meygan.
"Jai, tara na nga muna sa canteen. Nagugutom na 'ko eh," anito.
Hindi umimik si Jai at maya-maya ay ibinalik na nito kay Meygan ang laptop.
"O ayan, tingnan mo. Ginawan na kita ng twitter at i********: mo ha! Diyan mo na i-stalk sina Tan At Chi. Na-follow ko na rin sila gamit 'yang ginawa kong account mo. At siyempre, na-follow ko na rin iyong akin gamit pa rin 'yang account mo. Siyempre dapat pati ako i-follow mo rin, 'di ba," may paarte at mahaba pang pagkakasabi ni Jai.
Gulat na gulat naman ang reaksiyon ni Meygan dahil sa ginawa ng kaibigan. Tumayo naman si Jai at kinuha na ang bag nito.
"Huwag ka ng mag inarte riyan, ha. Ikaw na nga itong tinulungan eh. Halika na dali, kain na tayo lapit na rin iyong last subject natin," parang walang ano mang sabi ni Jai at nagpatiuna ng naglakad.
Wala namang nagawa si Meygan kundi sumunod na lang sa kaibigan niya.
--
Lumihis sa bibig ni Meygan ang tinidor nitong may spaghetti na isusubo na sana niya kung hindi lang dahil sa biglang pagsiko ni Jai sa kanya.
"Ano ba, Jai?!" napalakas ang boses na sabi ni Meygan.
Napakamot naman si Jai sa tagiliran ng mata niya sa lakas ng boses ni Meygan at bahagya pa siyang may tiningnan sa mga estud'yanteng nakapila para bumili sa canteen. Nasa loob na kasi sila ni Meygan at kumakain na rin sila.
"Ikaw talaga, Jai, nakakainis ka na ha!" patuloy ni Meygan.
Pinanlakihan naman ito ng mata ni Jai pero pinanlakihan din siya ni Meygan ng mata bilang pagtugon.
"Hindi ba alam mo namang pag kumakain ako seryoso ako at ayoko ng ginugulo lalo na't gutom ako?!"
Hindi pa rin naman makaimik si Jai at napapatingin na lang siya sa mga estud'yanteng nasa ibang mesa rin dahil napapatingin na rin ang mga ito sa kanila dahil nga sa lakas ng boses ni Meygan.
"Pasalamat ka talaga at kaibigan kita!" ismid ni Meygan bago muling hinarap ang pagkain at nagsimulang isubo ang spaghetti.
Bukod kina Tan at Chi, ang isa pang kinahuhumalingan ni Meygan ay pagkain. At ayaw niya ng naaantala siya sa pagkain lalo na kung gutom siya.
"P'wede bang maki table? Puno na kasi halos la—"
"Grrrr... amo bha, 'di umpo kha lam," halos 'di maintindihan na sagot ni Meygan sa boses lalaking nagtanong sa kanya. Halos puno kasi ang bibig nito kaya ganoon ang paglabas ng bawat kataga sa bibig niya. Ni hindi rin ito nag abalang lingunin kung sino ang boses lalaking umupo sa harapan niya. Ang alam niya lang, mula sa kanyang nanlalabong peripheral vision, may mga kasama pa ang lalaking iyon na umupo sa harapan ng kinauupuan nila ng kaibigan niya.
Sunod-sunod na ubo naman ang itinugon ni Jai sa inasta ni Meygan habang bahagya pa siyang tumagilid at tinakpan ang bibig habang umuubo. Dinampot naman ni Meygan ang orange juice sa lamesa na kay Jai nakatingin. Ininom niya ito bago nagsalita.
"Uy, ok ka lang ba riyan, Jai?"
Nilingon siya ni Jai na parang 'di maipinta ang mukha at marahang tumango na may kasamang pilit na ngiti. Nagkibit-balikat si Meygan at muling bumaling sa spaghetti na nasa harapan niya. Nagpaikot siyang muli sa tinidor at isusubo na sana nang mapaangat ang tingin niya sa kaharap na nagpaalam na makikisalo sa mesa nila. Nanlaki ang mga mata ni Meygan habang nakatutok ang tinidor nito sa bibig niya na nakabuka rin, hindi niya na nagawang ituloy na isubo iyon nang makita niya kung sino ang nasa harapan niya. Nakatingin din ito sa kanya at binigyan siya ng isang friendly smile at waring natutuwa ito sa nakitang katakawan niya kanina, si Cailer Tan!
Pakiramdam ni Meygan ay biglang nag-init ang buong mukha niya. Parang nanigas na rin ang panga niya dahil nanatili itong nakanganga dahil nga susubo dapat siya kanina. Ang kamay nitong nakahawak sa tinidor ay parang nanigas na rin at ayaw ng gumalaw pa.
"M-meygan..." alanganing tawag ni Jai sa kaibigan.
Palihim namang napapangiti ang mga kasama ni Cailer na ka-team nito sa basketball. Dalawa lang ang kasama ni Cailer, si Justin na mas matangkad sa kanya ng one inch at si Jerry naman na medyo chubby at mas mababa lang nang konti kina Cailer at Justine. Parang nahulaan nilang natameme si Meygan sa ka-g'wapuhan ni Cailer kaya nagkaganoon bigla ang babae.
"Miss? Okay ka lang?" samantalang si Cailer naman ay waring nag-alala sa inasta ni Meygan. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa gumagalaw si Meygan idagdag pang pulang-pula na ang mukha nito.
"Miss?" muling untag ni Cailer at hinawakan pa nito ang kamay ni Meygan na may hawak pa ring tinidor at nakaangat pa rin sa bandang bibig nito.
Bigla namang napa-pikit si Jai sa ginawa ni Cailer. Para kasi sa kanya, wrong move ang ginawa ni Cailer. Magpapalala lang iyon sa nangyayari kay Meygan!
'D'yusko, ibalik niyo na po ang kaibigan ko' hiling ni Jai sa isipan nito.
"Malamig siya, baka kailangan siyang madala sa clinic," napatayo pa si Cailer sa kinauupuan nito.
Ang mga kasama naman ni Cailer ay parang bigla ring sumeryoso ang mukha. Hindi na nga naman normal ang ikinikilos ni Meygan.
"Ha? Naku hindi, ako na bahala sa kaibigan ko," awat naman ni Jai sa suhestiyon ni Cailer na dalhin sa clinic si Meygan.
Hinawakan ni Jai ang kamay ni Meygan at tinanggal ang tinidor na hawak nito. Naramdaman nga ni Jai ang panlalamig ng kamay ni Meygan at tulala pa rin ito sa kinauupuan ni Cailer kahit pa tumayo na roon ang lalaki. Pinunasan pa ni Jai ang noo ni Meygan na pinamumuuan na ng pawis na malamig.
"Are you sure? Baka napa'no na —"
"Yeah, sure ako," sagot ni Jai na pilit pinakikitaan ng ngiti si Cailer habang inaayos nito ang bag nilang dalawa ni Meygan.
Itinayo na nito si Meygan na tulala pa rin at siya na rin ang nagbitbit sa bag ng kaibigan. Iginiya niya ito palabas sa canteen habang inaalalayan. Nilingon niyang muli sina Cailer at nakita niyang nag-uusap ang tatlo habang nakatanaw pa rin sa kanila. Napailing si Jai, ang alam niya kasi napansin ng dalawa kanina na nagkaganoon lang si Meygan nang nginitian ito ni Cailer Tan.
"Meygan... ano ka ba naman," nasabi na lang ni Jai sa kaibigan na tila wala pa rin sa sarili.
--
"Ms. Gwang, bakit pareho kayong wala ni Ms. Meygan Go kahapon dito sa subject ko? At ngayon ikaw lang ang pumasok, nasaan si Ms. Go?" tanong kay Jai ng teacher nila nang hapong iyon.
"Ma'am, sorry po, nagka-sakit lang po bigla si Meygan kahapon tapos hinatid ko po siya sa dorm kaso hindi ko po maiwan agad dahil ang taas po ng lagnat niya hanggang ngayon kaya 'di pa rin siya nakapasok," paliwanag ni Jai.
Hindi naman na muli pang nag usisa ang teacher nila. Nang mag-uwian na ay dali-dali ng pinuntahan ni Jai ang kaibigan.
"Jaiiii!" biglang salubong ni Meygan sa kanya nang bumungad siya sa pintuan.
Niyakap siya nito habang umiiyak
"Teka, bakit ka ba umiiyak?" takang tanong ni Jai.
Inakay nitong makaupo si Meygan sa upuang naroon.
"Nakakahiya!!!" atungal ni Meygan na parang bata at doon na naintindihan ni Jai ang inakto nito.
"Siraulo ka kasi! Pinandidilatan na kita kahapon hindi mo man lang na-gets," sermon naman nito sa kaibigan.
"Ano? Bakit? May naging usapan ba tayo na kapag pinandilatan mo ako, ibig sabihin nandiyan o parating si Cailer? Wala naman ah!" sagot ni Meygan.
"Ha-ha, nakakatawa," kunwa'y inis na sabi ni Jai.
Maya-maya ay umakyat si Meygan sa kama nito at humiga nang nakatalikod kay Jai.
"Naku, Meygan! Tigilan mo 'ko ha. Hays! Grabe ka, 'yong ganoong nginitian ka lang ni Cailer, nanigas ka na roon sa kinauupuan mo tapos inapoy ka pa ng lagnat! Ibang klase!" Nameywang na sabi ni Jai.
Bigla namang humarap si Meygan at idinungaw ang ulo para makita si Jai sa baba mula sa kinahihigaan niya.
"Anong gagawin ko? Ganoon ang epekto niya sa akin! Ayoko na siyang makita sa malapitan at ayoko na rin pa lang ngingitian niya! Tama ng nakikita ko siya sa malayo habang naglalaro siya. Ayoko na. Ayoko ng maulit 'yong nangyari kahapon!" para pang buong-buo ang loob nang sabihin iyon ni Meygan...