TATUM'S POV
"Tatum!"
Nilingon ko ang sumigaw ng pangalan ko at nakita si Simon, subalit hindi nito kasama si Ivana.
"Nasaan si Toose?" Tanong niya at napatingin sa paligid pero hindi niya nakita kahit na anino ni Toose.
"Dumiretso na sa classroom. Papunta kasi ako ng cafeteria para bumili ng maiinom, gusto mong sumama?" Alok ko rito at hindi man lang siya nagdalawang-isip na tumango kaya naman nagsimula na kaming naglakad patungo sa cafeteria.
"Wala ka ba talagang naaalala sa akin? Nakakalungkot naman, umuwi pa naman dito para sa kasunduan natin pero hindi mo pala ako naaalala." Malungkot ang boses nito habang nagsasalita. Nakayuko rin ito at pinagsisipa ang mga maliliit na bato na nadaraanan niya.
"Pasensya na talaga." Tagos sa puso kong paghingi ng tawad dahil nalulungkot siya ng dahil sa akin. "Ang naaalala ko lang ay nasa hospital ako at tadtad na ng tubo ang iba't ibang bahagi ng katawan ko." Pagkukwento ko pa rito.
Tumango-tango lang siya pero halatang disappointed siya.
"Teka, ano nga pala yung kasunduang tinutukoy mo?" Pag-iiba ko ng usapan na ikinahinto niya sa paglalakad at ngumuso.
"Hindi bale na, baka isipin mong hinahabol lang kita ng dahil doon." Tangi niyang sagot na tinawanan ko.
"Sasabihin mo lang naman."
Umayos ito ng tayo at diretso akong tinignan sa mata na sinalubong ko naman. Ilang saglit lang ay tumalikod na ito sa akin at napapadyak na para bang isang bata.
"Nakakahiya, kalimutan mo nalang iyon."
Sheyt, bakla ata ang loko.
"Sabihin mo na." Pangungulit ko rito. "Ganito nalang, ibulong mo nalang sa akin para tayo lang ang makakaalam." Suhesyon ko. Hell, may nakilala na akong tatapat sa pagiging-isip bata ko.
Napaisip ito sa suhesyon ko at halatang nagdadalawang-isip pa siya.
Bigla nalang nitong hinila ang braso ko at yumuko upang itinapat ang kaniyang labi sa aking tenga, palibsa'y matangkad siya.
"Nagkasundo tayo na pagdating o paglipas ng sampung taon ay gagawin mo akong boyfriend mo." Mahina nitong bulong sa akin at agarang lumayo.
"Sinabi ko yun?" Hindi makapaniwala kong tanong at napakamot sa aking batok. "Teka, ilang taon nga ulit tayo ng sabihin ko ang mga katagang yun?" Muli kong pagtatanong sakaniya.
"Seven." Diretsahan nitong sagot na nginiwian ko. "Pero bata pa tayo nun at nakalimutan mo na yun kaya mas mabuti pang kalimutan ko narin ang bagay na iyon." Dagdag niya at nginitian ako ng tipid.
Iba ang sinasabi ng mga mata niya sa mga salitang lumabas sa bibig niya.
Napabuntong hininga ako at napakamot sa aking kanang kilay. "Napakalandi ko pala noong bata ko." Bulalas ko na tinawanan nito. "Pero ang sabi ng mama mo ay seryoso akong bata noon, ibig sabihin ay seryoso ako sa mga binitawan kong salita noong araw na iyon."
"Hayst, hayaan mo na yun." Usal nito at hinawakan ang kamay ko. "Tara na at baka malate pa tayo sa klase."
Hinila niya ako pero nagtungo sa direksyon papunta sa eskwelahan pero hinila ko naman siya patungo sa cafeteria. Panay lang ang pang-aasar ko sakaniya habang naglalakad kami.
Pareho kaming bumili ng malamig na coke kahit na malamig ang klima at umagang-umaga. Bukod pala sa pareho kaming isip bata ay pareho rin kaming may saltik.
Nang tumunog ang bell ay nag-unahan kami sa pag-ubos ng coke. Panay ang pagngiwi niya dahil hindi niya kayang inumin ito ng diretsahan habang ako naman ay malakas na napadighay dahil sa diretsahan kong paglagok nito.
Pagkatapos namin roon ay hinatid niya ako kahit na nadaanan lang namin ang classroom niya, iba pala ang section nito.
"Woah, muntik ng malate si Miss Class President!" Pang-aasar sa akin ni Flint ng makaupo ako sa silya ko. Nilingon ko naman ito at binelatan siya.
"Miss President?"
"Yes po ma'am?!" Agaran kong sagot at napatayo pa.
"Lumapit ka rito at ianunsyo ito sa buong klase." Wika ng aming guro kaya naman agaran akong naglakad palapit sakaniya at kinuha ang papel na inilahad nito sa akin.
Taimtim ko muna itong binasa at tumango-tango.
"Okay class! Tumahimik na kayo at makinig sa class president!" Sigaw ng guro kaya nagsiayos na ng upo ang lahat at napunta sa akin ang atensyon nila.
"Nakasaad rito na magkakaroon tayo ng kumpetisyon, isang pageant na pinamagatang Mr and Miss Oreo. Dalawang estudyante ang lalahok, syempre isang babae at lalaki, sa bawat seksyon at gaganapin na ito paglipas ng apat na linggo." Anunsyo ko na sinimulang pagbulong-bulungan ng mga kaklase ko.
Sino ba naman ang hindi masasabik lalo na't pinaaga pala ang pagtanghal ng Mr and Miss Oreo ng Oreo Academy. Maraming magaganda, gwapo, mayayaman, at mga sikat na estudyante rito kaya palaging nagiging maganda ang kinalalabasan ng mga kompetisyon lalo na kapag ganitong klaseng kompetisyon.
"Gamitin niyo ang oras na ito upang pag-usapan ang plano niyo." Dagdag pang anunsyo ng guro at muli akong tinignan. "Tamara, ikaw na ang bahala sakanila at may meeting pa kami." Bilin nito na tinanguan ko at nagpaalam na kaming lahat sakaniya.
Hinintay muna namin siyang makalabas ng silid at nagpokus na sa aming gawain.
"Sisimulan natin ang botohan ng magiging Miss Oreo." Anunsyo ko at nag-unahan silang magtaasan ng kamay. "Isa-isa lang. Sige miss Sarrah Choi."
Sinenyasan ko si Flint na lumapit sa akin na sininghalan niya pero agaran rin naman itong nagtungo sa harapan kasama ko. Hinarap nito ang blackboard upang maghanda sa isusulat niyang pangalan ng mga kandidata't kandidato.
Siya ang sekretarya ng klasrum namin kaya dapat lang na gawin niya ang tungkulin niya gaya ng paggawa ko sa tungkulin ko.
"Miss president, I nominate Candice Peralta as miss Oreo." Saad ni Sarrah kaya agarang isinulat ni Flint ang pangalan ni Candice sa board.
"Oo tapos si Kiko ang ipartner niyo!"
"Haha! They're both idiot."
"Nakakatawa pero ayokong bumagsak ang section natin."
"Quite!" Sita ko sakanila na agaran naman nilang ikinatahimik. "Okay, next."
"Tatum!"
Nilingon ko si Flint at tinaasan siya ng kilay na nginiwian nito.
"I mean Miss President, I nominate miss Miles Grey and Toose Lincoln as our pair representative." Wika niya.
"Ano bang pinagsasasabi mo? Hindi ka pwedeng bumoto o magnominate kaya manahimik ka nalang diyan." Sita ko naman sakaniya na ikinanguso nito.
"Tama siya!"
"Miss President, si Toose at Miles nalang!"
"Oo nga, Miss President!"
Napangiwi ako dahil nagsimula nanaman silang mag-ingay at sabay-sabay na nagbibigay ng komento kaya halos mabingi na ako.
"Oo na, oo na. Sino ang may gustong gawing kandidata at kandidato sina Toose Lincoln at Miles Grey?" Tanong ko na ikinataas ng kamay ng lahat maging si Flint. "Pero sigurado ba kayo? Isang beses lang sila pwedeng sumali sa ganitong contest, payag kayo?" Paninigurado kong tanong sakanila.
Muli nanaman silang nagbulong bulungan hanggang sa sabay-sabay silang sumigaw sa akin ng oo. Sinamaan ko naman sila ng tingin dahil nagtalsikan pa ang mga laway nila.
Matapos ang botohan ay nagsimula naman kaming nagplano sa iba pang gawain. Merong nagpresintang gumawa ng costume ng dalawa at nagkaniya-kaniya na sila ng gawa pero mabuti nga't maayos ang lahat.
Nakaupo lang ako sa teacher's chair habang isa-isang binabasa ang suhesyon nila.
"Hoy, bakit ka pumayag na gawin akong kandidato niyo?" Reklamo sa akin ni Toose na halatang napipikon sa nangyayari.
"Rule number 1, ate dapat ang itawag mo sa akin. May dalawa ka ng utang at hindi ko iyon nakakalimutan." Saad ko at pinaglaruan ng aking daliri ang hawak kong ballpen. "Isa pa, hindi ako pumayag dahil nandito lang ako upang sundin ang gusto ng iba at panatilihin silang maayos. Isa pa ulit, minsan ka lang sasali sa ganitong patimpalak kaya naman lubos-lubusin mo na habang highschool ka pa. Hindi mo mapapansin na baka bukas ay nasa college ka na at hindi ka na makakapagsaya gaya ng ganito." Mahaba kong lintana.
Suminghal ito kaya naman napatingin ako sa direksyon ni Miles at nakita itong abala sa pakikipagkooperate.
"Umiiwas na nga ako sa gulo pero heto kayo't pinagtutulakan pa ako palapit sakaniya." Pabulong niyang wika subalit sapat iyon upang marinig ng aking munting tenga.
Umiiwas sa gulo? Ang ibig niya bang sabihin ay nakadikit kay Miles ang gulo? O siya mismo ang gulo?
Tama! Naaalala ko noong inabutan ako ng nalukot na papel si Toose na nanggaling kay Flint. Nabanggit rin nito ang 'pupuntahan niya si Miles' tapos umuwi siyang may pasa sa mukha. Imposible namang si Miles ang may gawa nun dahil isa siyang babae, hindi ganun kalala ang magiging kalabasan kung manununtok ang babae, well depende kung ako ang kaaway mo.
"Tammy, sinusundo ka ni kamatayan." Bulong sa akin ni Flint kaya naman napatingin ako sa pinto at nakita si Simon.
Tinignan ko naman ang wristwatch ko at napagtantong break time na.
"Ligpitin niyo na ang mga gamit niyo at mag break muna." Anunsyo ko at iniligpit na ang gamit ko. Kinuha ko rin ang bag ko sa upuan ko bago lumabas ng classroom habang naiwan ang iba dahil abala palang sila sa pagliligpit.
"Pwede ba akong sumabay?" Tanong ni Simon na tinanguan ko.
"Oo naman." Sagot ko na nginitian nito.
Mula sa gilid ng aking mata ay nahagip ko si Toose kaya naman nilingon ko ito. Mabilisan kong hinawakan ang uniporme nito at hinila siya pabalik.
"At saan mo balak pumunta? Naaalala mo bang may mga rules tayo na dapat mong sundin?" Pangangaral ko rito na ikinasinghap niya.
"Oo na! Ang ingay mo, nakakairita ka." Reklamo nito at tinabig ang kamay ko sabay ayos ng nalukot niyang uniporme.
Napangiti nalang ako sa isinagot nito. Bakit pakiramdam ko napaka makapangyarihan ko sa araw na ito?