Ang tanawin sa Roxas Boulevard ay ang karaniwang traffic sa umaga. Ingay ng busina ay almusal. Mga taong nagkakandarapa sa pagmamadali para hindi ma-late sa trabaho. Mga nagbababaan sa kotse, taxi, uber, jeepney at bus. Tanawin sa may Manila Bay nama'y mga nagjo-jogging na matatanda at mga taong pinapasyal ang kanilang aso, at pataihin ang mga ito sa damuhan. Dati rati'y maraming cigarette vendors at maririnig ang takatak ng kanilang kahoy na lalagyan, ngayon ay tila nagsiwalaan na sila, napalitan ng mga nagtitinda ng cellphone charger, plastic para sa lisensya, bob heads na aso, at kung anu-ano pang mga abubot-kotse.
Sa isang lumang office building sa downtown Manila, lumabas ng elevator sa 9th floor si Andy suot ang paboritong leather jacket. Ngayo'y bitbit ang itim na leather briefcase at ang kanyang pinasukang opisina ay may nakalagay na sign sa labas na:
Maverick Private Investigators.
9:45 ang sabi sa wall clock. Pagpasok ni Andy ay dinig niya agad ang kakaibang takatak—at ito'y ang keyboard ng computer ni Marissa, ang 40-something niyang sekretarya. Isang matandang dalaga. Hindi sa ito'y pihikan, malas lang talaga sa lovelife.
"Good morning, boss Andy," bati ni Marissa.
"Good morning."
Mula sa maliit na pantry ng opisina ay sumilip si Vic, ang 30-something na messanger at over-all errand boy.
"Good morning, boss!"
"Good morning, Vic," balik ni Andy.
Katamtamang laki ang office, isang malaking open area na may apat na office desks. Sa magkabilang sulok ay para kay Andy at ang partner niyang si Tony. Sa gitna, ang mesa ni Marissa. Ang mga kagamitang makikita rito ay filing cabinets, book cases, desktop computers, telepono, TV, at radyo.
"Wala pa si Tony?" tanong ni Andy habang nilapag ang briefcase niya sa taas ng kanyang office desk.
"Wala pa, boss," sagot ni Marissa.
Naupo si Andy at chineck ang kanyang desk calendar.
"May mga tawag ba habang wala ako?"
Isinuot ni Marissa ang kanyang antipara at binasa ang nakasulat sa kanyang steno notebook.
"Tatlo," balita ni Marissa. "Si Mrs. Arevalo, follow-up sa kaso niya, Ms. Chan, follow-up din, at isang Colonel Greg Laxamana. Hindi sinabi kung tungkol saan."
Napasandal si Andy at napa-isip.
"Laxamana..."
Kilala niya ang huling pangalan. Pamilyar ito. Lumapit si Vic dala ang tasa ng kape sa platito. Typical na sidekick si Vic, maitim, payat, at may nakakatuwang expresyon sa mukha. Hindi tulad ni Marissa na may taray ang kilay at matalas kung makatingin. Isang mataray na manang.
"Kape nyo, boss."
"Salamat, Vic."
"Nag-iwan ng numero. Return call daw," basa pa ni Marissa sa kanyang steno.
Tumayo ang sekretarya at inabot kay Andy ang maliit na piraso ng papel kung saan niya sinulat ang nasabing numero. Tinignan ni Andy ang numero at nag-iisip kung tatawagan ito. Sa mesa, umuusok ang mainit na kape, kinuha niya ito at hinipan habang inaalala ang Colonel Laxamana na ito.
Maya-maya'y bumukas ang pintuan ng opisina at pumasok si Tony, ang partner ni Andy na private investigator. Masaya itong makita si Andy.
"O, pare, dumating ka na pala?" sabi ni Tony habang nagtanggal ng jacket at sinabit sa likod ng sandalan ng upholstered na office chair. "Kumusta trip mo? Nahanap mo ba 'yung nagtagong asawa?"
"Sa kumbento sa dulo ng walang hanggan," walang ganang sagot ni Andy.
Natawa si Tony habang naupo. Malalim ang boses ng matangkad at matipuno na P.I. Edad 50s at dating PNP. Maayos ang hitsura nito at malinis ang gupit.
"Kumbento? Talaga?"
Tumango si Andy. Nasa mukha niya ang larawan na siya'y napagod sa paghahanap kay Ben Aglipay, ang nagtagong asawa sa kumbento sa Tarlac.
"Okay lang 'yan, pare," kunswelo ni Tony. "Ayos naman bayad sa 'yo eh. Kung kasinggaling lang kita sa mga missing persons, makikipagpalit ako sa 'yo eh."
Ngumiti si Andy, "Alam naman ng lahat na ikaw ang Expose King."
Tumawa uli si Tony at binigyan ng kape ni Vic.
"Salamat, Vic," sabi nito, at bumaling sa sekretarya, "Marissa, dumating na ba 'yung mga insurance records na nirequest ko?"
"Pinadala na daw sa LBC, siguro maya-maya darating na 'yon," sagot ng sekretarya.
"Good. At ah, pwede bang tawagan mo si Dr. Antonio," dagdag ni Tony habang ini-start up ang kanyang desktop PC.
Tumango si Marissa, pinick-up ang landline phone at nag-dial.
Nasa malalim na pagmumuni pa rin si Andy. At naalala na niya si Colonel Laxamana, pero iniisip niya kung ano ang kailangan nito, pagka't ilang taon na niya itong hindi nakikita o nakakausap. Lumingon siya kay Tony na nagche-check na ng kanyang e-mails.
"Tony, naaalala mo ba si Greg? Greg Laxamana?"
Napaindak si Tony.
"Oh! Si Greg? Yung classmate mo. Colonel na ata ngayon. Bakit?"
"Tumawag daw. Hinahanap ako."
"Matagal mo nang 'di nakita 'yun 'di ba? Ano daw kailangan?"
"'Yun ang 'di ko pa alam," pagtaas ng kilay ni Andy.
"Baka malaki 'yan, pare. Military eh."
Sumingit sa usapan si Marissa.
"Boss, nasa line na si Doc," inform niya kay Tony.
"Okay, transfer mo."
Simula na ng araw. Business. Busy-ness. Si Tony sa telepono, si Marissa sa computer. Maging si Vic ay may inaayos na mga papeles sa maliit niyang office table malapit sa xerox machine. At si Andy—may misteryo sa mukha na hindi na niya mapipigilan. Dinampot niya ang papel na may numero ni Colonel Laxaman at dinial ito sa kanyang landline. Isang ring pa lang ay may sumagot na.
"Hello! Greg! Si Andy ito."
"Andy, pare, long-time no-see! Kumusta na?" sabi ng boses sa kabilang linya.
"Mabuti naman, pare, tumawag ka daw. Ano ba'ng atin?"
"Kailangan na kailangan ko ang tulong mo, pare," sabi ni Colonel Laxamana sa kabilang linya. "Pwede ba tayo mag-usap in person? Siguro, in 30 minutes? Nasa area lang ako."
"O-oo. Sure!" sagot n Andy.
"Okay, pare. Ite-text kita kung saan," balik ng colonel.
"Okay, pare."
"So, see you!"
"Okay," sabi ni Andy at natapos ang kanilang tawagan.
Nagtataka si Andy sa pagiging urgent ng usapan, ni walang small talk. May kutob siyang mahalaga ito. Tumayo siya, kinuha ang kanyang leather jacket at naglakad paalis.
"Marissa, lalabas lang ako."
"Okay, boss," sabi ni Marissa habang may sinusulat sa notebook niya.
Sumenyas si Andy kay Tony, na busy sa kausap nito sa telepono at tumango na lang sa kanya.
#
Sa basement parking ng building lumabas ng elevator si Andy, at naglakad tungo kung saan nakapark ang kanyang pick-up truck. Bago pa siya makasakay ay may text message si Colonel Laxamana, na ininform siya kung saan sila magkikita. Sumakay si Andy sa sasakyan pero bago niya i-start ang makina ay kinuha muli ang cellphone at hinanap ang message thread nila ni Pauline, ang 18-year old na anak niyang babae.
Malalayo ang agwat ng dates ng usapan nila. Ang last na message ni Pauline ay: I'M OK! Ang last na message ni Andy ay: How is your studies? Hindi pa ito nire-replyan, at 2 days ago na ang message.
Nag-type si Andy ng bago:
Study Hard. Take care.
Tinabi niya ang cellphone sa upuan at saglit na nag-isip. Kinuha niyang kanyang wallet at binuksan ito at tinignan ang litrato ni Pauline. Tatlong taon na ang litrato, 15-years old pa lang si Pauline dito, maganda siya at naka-smile. Hinugot ni Andy ang picture at tinignan ang likuran—sa nakasulat na dedication. Love you, Dad, ang sabi.
Napangiti si Andy. Noo'y halos araw-araw silang nakakapagusap o nagte-text ni Pauline, ngayo'y madami na ang dalawang reply sa isang linggo. Biglang dinaanan ng lungkot si Andy at sa kanyang kalooban, hinahanap-hanap niya ang masasayang araw ng lumipas. Noong hindi pa sila naghihiwalay ng kanyang asawa at sila ni Pauline ang center ng kanyang buhay.
Binalik niya ang litrato at ini-start ang makina, at nag-drive paalis.
NEXT CHAPTER: "Ang Kaso ng mga Nawawalang Tao"