Prologue
Maliwanag ang kalangitan ng partikular na gabing ito. Hindi tulad sa siyudad, dito sa probinsiya ay kita mo ang payong ng mga bituin sa kalawakan, lalo na't kakaunti ang mga ulap. At kung susuwertihan ka't napatingala ay baka matiyempuhan mo pa ang mga shooting stars. Masarap ang simoy ng hangin dito na hindi abot ng polusyon.
Callejon, Quezon Province.
Ang mahabang kalye na lupa tungo ng punong bayan ng Callejon ay nababakuran sa magkabila ng malayang taniman. Iilang kubo sa malayo na patay na'ng mga ilaw dahil nagsitulugan na ang mga nakatira roon. Ang oras ay kalaliman na ng gabi, at ang tanging maririnig ay mga kuliglig at mahinang palo ng hangin sa sanga't dahon ng mga puno.
Iyon, at ang tunog ng bakal.
Sa nasabing kalye, nakaparada sa tabi ang isang jeepney na karga ay mga prutas na galing sa karatig na bayan ng Daigdigan. Dalawang nilalang, ang driver at pahinante ay nagpapalit ng gulong. Sa bigat ng kanilang karga, ay bumigay ang isang gulong. Sila'y na-flat-an sa malubak at mabatong daan. At ang tunog na bakal ay ng tire wrench sa pagkalas ng nut sa tornilyo.
Pinagpawisan sila sa pagpapalit nguni't natapos nila ang gawain at nagsisakayan at lumarga na uli tungo sa bayan ng Callejon.
Maingay ang makinang diesel ng jeepney, pati na ang butas-butas na tambutso nito kaya't gumagawa ng ingay na umistorbo sa payapang gabi. Kapuwa nagsindi ang dalawang sakay ng kanilang sigarilyo at masayang nagsipituhan ng awitin para labanan ang antok.
Nang malapit na sila sa bayan ay nakarinig sila ng ingay mula sa kalawakan. Kakaibang tunog na hindi sila pamilyar at ang pakiwari nila'y baka isang eroplano. At ito'y lumalakas habang papalapit.
At biglang na lamang nagliwanag ang kalangitan. Kasinliwanag ng isang libong bumbilya at nabalutan nito ang paligid. Napahinto ang jeepney at lumingon ang dalawa sa langit para lamang masilaw at takpan ng kamay ang kanilang mga mata. Aninag nila sa kalawakan ang malaking bagay na nakalutang sa ere at dito nagmumula ang kakaibang liwanag. Hindi ito karaniwang eroplano, anila.
At dumating sa kanyang kasukdulan ang liwanag at ang buong bayan ng Callejon ay inako nito. Nakasisilaw at nakabibingi ang ugong ng bagay na nakalutang sa himpapawid.
At bigla-bigla na lamang, ay nawala ang liwanag kasabay ng paglaho ng misteryosong bagay at bumalik muli ang katahimikan.
At makikitang wala na ang driver at pahinante ng jeepney.
Sila'y naglaho na parang bula.
#
Kinaumagahan.
Ang liwanag ay gumapang mula sa likuran ng bundok tungo sa taniman. Tungo sa punong bayan at nailawan ang sign kung saan nakasulat ang pangalan ng bayan: Callejon, Quezon.
Sa daanang lupa, naroon pa rin ang naiwang jeepney.
Dumaan ang kalabaw na sakay ang matandang magsasaka at nagtaka na makita ang jeepney na wala ang may-ari. Nakita niya na ang susi ay nakasaksak pa sa ignition, at ang panindang mga saging ay naroon sa likuran at hindi nagalaw.
Lumingon ang matanda sa paligid, nakiramdam, nakinig, at nang walang nakitang tao ay dumukot ng isang piling at itinago sa kanyang sako. Nakiramdam muli siya at dahil wala pa ring tao, ay kumuha pa ng isang piling, at mabilis na pinagpapalo ang tagiliran ng kanyang kalabaw para dalian itong umusad.
Nang malapit na sa sign ng bayan, ay nagbalat ang matanda ng saging at kumain. Mataba ang saba at matamis. Nadaanan niya ang unang kubo at hindi nagtaka na sarado ito, pagka't alas kuwatro y medya pa lang ng umaga, malamang ay tulog pa ang mga ito. Nguni't ang mga sumunod na mga kubo ay bukas ang mga pintuan, nguni't walang tao. Kadalasan tuwing siya'y napaparito, ay may ilan na ang nagsisiga na ng mga tuyong dahon at nagwawalis sa kanilang bakuran. Nguni't sa araw na ito ay wala.
Palingon-lingon ang matanda at tumataas na ang kanyang kuryosidad. Nagbalat pa siya ng isang saging para ilagay sa sikmura.
Pagdating niya sa palengke ay doon na siya lubusang nagtaka. Pagka't alam niyang maaga pa sa tilaok ng manok ay dapat bukas na ito at naghahanda na. Minsan nga'y alas-tres pa lamang ay nagbubukas na ang palengke. Nguni't, ngayo'y wala ni isang anino. Sarado pa ang mga tablang takip at hindi pa naaalis. Dito talaga ang sadya niya, para bumili ng patuka ng manok, pero nasaan ang mga tao?
Nagkakamot ng ulo na bumaba ang matanda mula sa kalabaw at sumilip sa loob ng palengke at walang maaninag sinuman. Sinubukan niya ang ibang mga gusali.
Sa tindahan, sa bakery, sa karinderya, sa barberya. Wala ni isang kaluluwa.
Tumakbo siya sa plasa. Sa police station, sa barangay hall, wala ring tao. Nagpa-panic na siya. Siya ba'y namamaligno? Siya ba'y buhay pa? Kinurot niyang sarili at umaray.
Tumakbo siya sa mga bahay-bahay at nagkakakatok. Nang walang sumagot siya'y nagsisisigaw hanggang sa siya'y namaos. Nguni't walang sumagot sa matandang magsasaka.
Bumalik siya sa kanyang kalabaw na para bang tuliro.
Wala ni isang mamamayan sa bayan ng Callejon.
Ang buong bayan ay tila naglaho.
NEXT CHAPTER: "Si Andy Madrid, Isang Private Investigator"