Chapter 5

2889 Words
Sa lansangan, hindi pwedeng mahina ang loob mo. Kailangan palagi kang nakahandang lumaban sa kahit anong pagsubok. Kaya sa kabila ng takot at pangamba, kahit alam kong dehado ako sa napakaraming aspeto, pinangunahan ako ng kagustuhang matulungan si Zavier. Winasiwas ko ang hawak na mahabang kahoy sa mga bouncers habang nakapikit. Hindi ko alintana kahit halos dalhin na ‘ko ng bigat nito. Pagdilat ko’y nakita ko ang pagkabigla nila at mabilis na pag-atras sa takot na matamaan. Maging si Zavier ay dumistansya sa hawak ko. Sinigurado ko namang nasa likod ko siya kaya tumayo ako sa harapan niya. Hinarap ko ‘yong mga bouncers na halos doble ng katawan ko ang lapad. Dumoble ang kabog ng dibdib ko at napalunok ako nang mapagtanto ito. “Subukan niyo lang saktan si Zavier! Lagot kayo kay Mang Lito!” sigaw ko sa kanila, nakaturo pa rin ang hawak na kahoy. Ginamit ko na ang pangalan ng boss nila para masindak man lang sila pero lalo lang lumukot ang mukha nila. Sa gilid ng mga mata ko’y nakita kong mabilis na tumayo ang mga tauhan ni Zavier. Naisip kong pantay na ang dami namin sa mga bouncers kaya naman mas lumakas ang loob ko. Lalo ko pang inilapit sa mga bouncers ang hawak kong kahoy. Ayon lang ay hinawi ng isa sa kanila ang mga kamay ko. Nabitawan ko tuloy ‘yong kahoy at bumagsak ito sa sahig. Tumama pa ito sa isang paa ‘ko kaya napangiwi ako sa sakit. “E siraulo ka pala!” sigaw ng kaharap kong bouncer sabay hakbang ng isa palapit sa ‘kin. Idinikit niya ang kanyang hintuturo sa noo ko at tinulak-tulak ito. “Katiting na nga lang ‘yung utak mo, hindi mo pa gamitin. Umalis ka na bago ka pa madamay dito,” dagdag pa niya. Umigting naman ang panga ko dahil sa pambabastos niya sa ‘kin. Pahampas kong hinawi ang braso niya kaya nahinto ang ginagawa niya. At kahit madilim, matalim ang tinging ipinukol ko sa kanya bago taas-noong nagsalita. “Akala niyo ba hindi makakarating kay Mang Lito na ninanakawan niyo rin ng pera si Zavier?!” pananakot ko. Alam ko naman kasi kung anong habol nila sa isang mayamang negosyanteng tulad ni Zavier. Lalo na’t gawain na nilang magnakaw ng pera sa boss nila. Hindi malabong gawin nila ito sa iba. Bahagya akong tumingin sa likuran ko para malaman kung ayos lang si Zavier. Nakita kong nakatayo pa rin naman siya sa likod ko, seryoso ang tingin sa ‘kin. Lalo tuloy bumilis ang kabog ng dibdib ko. Nakakanerbyos naman kasi ‘yung mga tinginan niya. “Kami pa ang mananakit e siya ‘tong nagdala sa ‘min dito!” reklamo nung isa pang bouncer. Natatandaan kong isa siya sa mga bouncers na nakaharap ko kagabi noong tinulungan ko sina Marikit at Nonoy. At kung iisipin ng mabuti, parang nakikita ko na sila sa Pleasure Point noon. Nagsalubong naman ang kilay ko sa nalaman. Kung si Zavier ang nagdala sa kanila sa eskinitang ito… ibig sabihin ba… sila talaga ang inaabuso ngayon? Nagkamali ako ng intindi sa sitwasyon? Lilinawin ko sana ito nang may humawak bigla sa braso ko. Pagtingin ko’y si Zavier pala ito kaya hindi na ako nagprotesta pa. Sumenyas siya sa mga tauhan niya bago ako isinama paalis sa eskinita. Hindi ako nagpumiglas at sumunod sa kanya papunta sa likod ng kanyang kotse. Dito’y may nagiisang poste ng ilaw na mukhang malapit nang mapundi dahil patay bukas. “Sandali lang! Bibilhin mo na ba ‘ko?!” hindi ko napigilang itanong. Napasinghap ako nang isandal niya ‘ko sa likod ng kotse. Nag-angat ako ng ulo at sandaling nasilaw sa ilaw. Ngunit dahil tumayo si Zavier sa harapan ko, naharangan niya ito at ngayon ay medyo aninag ko lang ang madilim niyang tingin sa ‘kin. Napalunok naman ako. Halos ‘di ako makahinga dahil dito. "Do you have any idea when to mind your own damn business?" tanong ni Zavier, mariin ang bigkas sa bawat salita. Tila nauubos na ang pasensya niya sa ‘kin. Araw-araw ba naman akong sumulpot sa harapan niya. “Tinutulungan lang naman kita,” sagot ko dahil ito naman ang totoo. Kahit na alam kong wala naman akong naitulong. Mukhang nakagulo pa ako sa pagpasok ko sa eksena. Lalong nagsalubong ang kilay ni Zavier. “Mukha bang kailangan ko ng tulong mo?” malalim at malamig ang boses niya. Nanlamig tuloy ang buong katawan ko. “Kanina, oo… akala ko kasi—” “Kung akala mo, dahil sa ginawa mo, magbabago ang isip ko tungkol sa pagbili sa ‘yo, nagkakamali ka,” pagputol niya sa ‘kin. “You can beg and plead all you want, but my decision is final." Kinilabutan ako sa kanyang sinabi. Pero hindi ko hinayaang mapatahimik ako nito. Ayaw kong magkaroon siya ng ibang interpretasyon sa ginawa ko kahit alam kong buo na ang isip niya tungkol sa ‘kin. “Alam ko naman ‘yon. At hindi kita tinulungan dahil doon. Gusto ko lang gawan ka ng pabor. Pasasalamat. Dahil kasi sa pera mo, nabili ko ‘yung sapatos na gustong-gusto ni Marikit – ‘yung batang babaeng kasama ko.” Natigilan ako nang mapapikit si Zavier ng mariin bago yumuko. Napahawak pa siya sa batok niya na para bang ayaw na niyang makinig pa sa paliwanag ko. May kirot akong naramdaman sa dibdib ko. Tulad lang kasi siya ng ibang tao. Para sa kanila, kahit anong sabihin ko ay walang kwenta. At pagkalipas ng ilang segundong katahimikan, muling nag-angat ng tingin si Zavier at nagsalita. “I don’t need any favor from you, Maymay—” “Natandaan mo ‘yung pangalan ko!” Nabuhayan ako ng loob dahil sinong mag-aakalang natandaan niya ang pangalan ko? Kaya kahit hindi dapat ay napangiti ako. Nakita kong sandaling lumambot ang ekspresyon ng mukha ni Zavier, ngunit mabilis din itong naglaho nang kumunot ang noo niya. “If there's anyone you should be concerned with, it's yourself alone,” pagtatapos niya sa usapan namin. Pakiramdam ko may iba pa itong ibig sabihin. Pero dito na kami natapos dahil umalis na siya sa harapan ko. Susundan ko sana siya nang makita kong lumabas na galing sa eskinitang pinanggalingan namin ‘yong dalawang tauhan niya. Naglakad ang mga ito papalapit sa kanya. Seryoso ang kanilang mukha nang tumango sa kanilang boss. At para bang kabisado na nila ang gagawin, binuksan ng isa ang likod na pinto ng kotse at pinasakay dito si Zavier. Sumunod din naman silang dalawa bago pinaharurot palayo ang kanilang sasakyan. Akala ko papunta pa lang sila sa loob ng Mariposa District ngunit umiba na sila ng daan. Mukhang kung ano man ang pinunta nila rito ay maagang natapos. Nakakadismaya lang dahil hindi man lang kami nagkaroon ng maayos na pag-uusap ni Zavier. Nang mawala na sa paningin ko ‘yong kotse nila, nagpatuloy na ‘ko sa paglalakad papuntang Sampaguita street. Hindi ko nga lang napigilan ang kuryosidad ko at napasilip sa eskinitang iniwan nila. At agad akong nagsisi dahil muntik na ‘kong mapaupo nang makita ko ‘yong mga bouncers sa sahig. Hindi ko alam kung buhay pa ba sila pero hindi sila kumikilos. Mukhang kung ano man ang nangyari sa kanila ay gawa ng mga tauhan ni Zavier. Ngayon ko napatunayang tama si Zavier na hindi niya kailangan ng tulong ko. Natakot ako at nagmadali papunta sa Sampaguita street. Sinubukan kong kalimutan ang mga nangyari kahit na malinaw na malinaw ito sa isip ko. *** Sa sumunod na araw, nagpatuloy pa rin kami sa ruta ng panlilimos namin. Hindi nga lang ako nagpaiwan noong hapon dahil wala nang dahilan para magpakasubsob ako sa panlilimos. Nabili ko naman na ang regalong ipinangako ko kay Marikit. “Ang ganda ng sapatos ko ‘di ba? Regalo ‘to ni Ate Maymay sa ‘kin!” Narinig kong pagmamalaki ni Marikit sa mga kasama niyang bata. Napangiti naman ako dahil mukhang masayang-masaya siya sa regalo ko sa kanya. Kulay pulang sapatos ito na may puting tali. Kahapon pa niya kasi ito bukambibig. Tapos ay halos ayaw na niya itong hubarin dahil suot pa rin niya ngayon. Nandito kami sa Las Rosas Circle. Gabi na at kakatapos lang namin umikot sa buong ruta namin sa Mariposa District. Palagi kaming nagpapahinga rito bago umuwi. Kung kaya ay hinihintay naming matapos ang pagronda ng mga awtoridad sa bawat kalsada bilang parte ng trabaho nila. Kung tutuusin kasi ay bawal talagang manlimos dito sa Mariposa, napagbibigyan lang kami dahil wala naman silang magawa sa katigasan ng ulo namin. Wala rin namang nagrereklamo kaya hindi nila alam ang ikakaso sa ‘min. Basta hindi kami nakakaabala sa mga establisyemento rito ay ayos lang. Kapag naman natapos na sila sa pagronda, kung minsan ay nakakabalik pa kami sa panlilimos. Pero karaniwan ay hindi na namin ito nahihintay dahil masyado nang malalim ang gabi. Takot din kaming mahuli ng mga ito dahil imbes na dalhin sa presinto, kinukuha lang nila ‘yong napaglimusan namin. Nakaupo lang ako sa malamig na semento, nanunuod ng pagsasayaw ng ibang mga kasama kong Marasubwa, nang tabihan ako ni Dayang. “Ano na naman ang tsismis mo?” tanong ko agad dahil alam ko na ang ibig sabihin ng mga tinginan niya. Natawa naman si Dayang bago nagseryoso. “Narinig mo na ba ang usap-usapan dito sa Mariposa?” “May bago na naman ba kayong pinagkakainteresan?” puro kasi lalaki ang nakikita ng halos lahat ng mga kaedaran kong Marasubwa. Kahit na kung tutuusin ay wala kaming panahon sa mga ganitong bagay. Umiling agad si Dayang. Sumeryoso ang ekspresyon ng mukha niya. “Natagpuan sa isang eskinita ‘yung mga bouncers sa Pleasure Point. Bugbog sarado! Dinala sila sa ospital kagabi.” Huminto ako sa paghinga nang maalala ang nasaksihan ko. “Maymay? Okay ka lang?” Binukas-sara ko ang mga mata ko kay Dayang. “Ah talaga? Nakakatakot talaga rito sa lugar na ‘tin,” simpleng komento ko na agad niyang sinang-ayunan. “Oo! Kaya ikaw, magdoble ingat ka na rin. Hindi natin alam kung isang beses lang ba pwedeng mangyari rito ‘yung nangyari sa kanila. Baka bigla, isa na pala sa ‘tin ‘yung matagpuang patay. Alam mo namang ‘di mahalaga ang buhay ng pulubi para sa ibang tao,” puno ng pangamba ang mukha ni Dayang. Ramdam ko ang pag-aalala niya. Ngunit gusto ko mang sabihin sa kanya ang alam ko, ayaw kong mas maging kumplikado pa ang sitwasyon. Kaya naman nanatiling tikom ang bibig ko. Napatingin naman ako sa paligid ng circle. At dito kumunot ang noo ko nang mapansing nawala sina Marikit at Nonoy. Pero nandito pa ang mga nanay nila. Binaling ko naman agad ang tingin ko sa direksyon ng Pleasure Point. Nagbakasakaling makikita ko sila rito. At tama nga ako! Nakita kong patawid ang dalawa sa club na ito! Mukhang hindi pa talaga sila natuto. “Sandali lang,” sabi ko sa kaibigan. Tumayo na agada ko at nagmadali para habulin ang mga bata. Baka kasi mapagkadiskitahan na naman sila ni Mang Lito. Nauna nang tumawid ‘yong dalawang bata. Hindi ko inalis ang tingin ko sa kanila nang sumunod ako. Ayon lang ay nalaman kong malaking pagkakamali ang ginawa ko. Paano’y may ilaw ng kotse akong nakita sa kaliwa ko. Malakas din ang tunog ng busina nito. Napapikit ako ng mariin at bago pa tumama sa ‘kin ‘yong kotse, may humaltak sa braso ko. Tumama ang katawan ko sa matigas nitong dibdib. “Salamat po!” mga ilang beses kong sinabi habang nakayuko. Pag-angat ko ng ulo ay nakita ko si Zavier. Nanlaki ang mga mata ko. Samantalang seryoso at malamig pa rin ang tingin niya sa ‘kin. "How can you be so f*****g careless with your own life?!" sigaw niya. Para bang galit na galit sa ‘kin kahit wala naman akong ginagawang masama sa kanya. Parang nalaglag naman ang puso ko sa pagsigaw ni Zavier. Hindi ako nakapagsalita dahil sa mga mata niyang halos tumagos sa kaluluwa ko. Mahigpit pa ang hawak niya sa braso ko. Sa likuran niya’y nakita kong nakaantabay ang mga tauhan niya. Mukhang papunta na naman sila sa club. “Ayun! Mayroon doon!” Napatingin ako sa bandang likuran ni Zavier at dito na halos lumuwa ang mga mata ko. Nakakita kasi ako ng dalawang pulis na nagpapatrol. Napalingon ako sa direksyong tinitingnan nila at nalaglag ang panga nang makita sina Marikit na may kausap na foreigner. Mukhang nakapanglimos pa sila kahit na bawal! Aalis na sana ako para sabihan ang mga bata, kaya lang humigpit ang hawak ni Zavier sa braso ko. Napabalik tuloy ang tingin ko sa kanya, walang nagbago sa lamig ng pagtitig niya sa ‘kin. “Kailangan ko nang umalis,” sabi ko sa kanya. Kaya lang ay hindi pa rin niya binitawan ang braso ko. Pero wala naman siyang sinasabi. Nakakunot lang ang noo niya sa harapan ko. Tumikhim naman ako at naalala ang sinabi niya kanina kaya binalik ko ito sa kanya. “Mind your own damn business, ‘di ba?” sabi ko ng nakangiti, ginaya ko maging ang pagkakabigkas niya ng salita kaya medyo nilakihan ko ang boses ko. At mukhang nagulat siya sa sinabi ko kaya lumuwag ang hawak niya sa braso ko. Sinamantala ko naman ito. “Bukas na lang ulit! Salamat!” mabilis kong saad at dito na pinuntahan ‘yong mga bata. “Takbo!” sigaw ko kina Marikit at Nonoy. Napalingon sila sandali sa ‘kin at mabuti mabilis nilang naintindihan ang sinabi ko kaya mabilis silang tumakbo. Kabisado naman na namin ang mga pasikot-sikot sa kalsadang ito kaya mabilis naming natakasan ang mga awtoridad. Naghahabol kami ng hininga nang makarating sa kalsada malapit sa tinitirhan namin. Kaya naman walang nagtangkang magsalita. At habang mabilis ang paghinga at t***k ng puso ko dahil sa pagtakbo. Naalala ko si Zavier. Pati na rin ang pagtulong niya sa ‘kin. Kung tutuusin ay hindi naman niya ‘yon kailangang gawin. Hindi ko rin inasahang gagawin niya ‘yon. Tuloy ay kahit sinabi na niyang ‘di na magbabago ang isip niya, nabigyan pa ‘ko ng dahilan para magpatuloy pa rin. Malapit na kami sa tinitirhan namin nang makarinig kami ng tunog ng sasakyan ng bumbero. May nakita rin kaming kulay pulang liwanag sa langit. Kinutuban na ‘ko ng masama nang makitang may malaking usok din galing dito. May alaalang rumehistro sa isip ko kaya para akong binuhusan ng malamig na tubig. Nanginig ang buong sistema ko. Ilang lakad pa ay tama nga ako sa masamang kutob. Nasusunog ang tinitirhan namin! Ito ‘yong pabahay na tulong lang ng gobyerno sa tulad naming katutubo na nagpunta rito sa Maynila. Pakiramdam ko nagunaw ang mundo ko dahil sa lahat ng pwedeng masunog hindi ko maunawaan kung bakit ‘yong bahay pa namin. Saan na kami pupulutin nito ngayon? Naalala ko bigla ang sinabi ni Mang Lito. Pumait ang panlasa ko. Hindi ko alam kung aksidente lang ba ang sunog o sinadya. Kung sinadya, kaninong plano kaya ito? May kinalaman din ba ang gobyerno – paraan ba nila ito para mapaalis kami? Kasunod namin ay dumating na rin ang ibang mga kasamahan namin. May ilang gustong sumugod sa apoy para isalba ang kanilang mga gamit. Pero pinigilan sila. Mukhang sa lakas at laki rin kasi ng apoy ay malabo nang may maisalba pa kaming gamit. Naestatwa naman ako sa kinatatayuan ko habang pinapanuod ang pagapula sa apoy. Hindi ko napigilan ang pagbuhos ng luha ko. Naisip ko ang mga aklat na inipon ko at iba pang gamit na kahit mumurahin at napulot ko lang ay mahalaga sa ‘kin… Hindi ko alam kung bakit nangyayari sa mga Marasubwa ang kamalasang ito. Hindi naman kami masamang tao katulad ng ibinibintang ng iba… sadyang naiiba lang ang itsura at pamumuhay namin. Dahil sa sunog, pinalipat muna kami ng organisasyong may hawak sa ‘min sa isang basketball court na matatagpuan sa labas lang ng Mariposa District. May tinayong mga tent dito, ang ilan ay tulugan na gawa sa karton o ‘di kaya tela. Dito muna raw kami pansamantala habang hindi pa naaayos ang lilipatan namin – iyon ay kung magkakaroon pa. Mas lalo namang nanliit ang tingin ko sa sarili dahil sa nangyari sa tinitirhan namin. Pakiramdam ko gusto na talagang burahin ang lahi namin. Napanghinaan ako ng loob dahil dito kaya hindi ako nakasama sa panlilimos ng halos tatlong araw. Ganuon din naman ang iba kong mga kasamahan. Sadyang may malalakas ang loob tulad nina Dayang at Puraida na sige pa rin sa paggawa ng nakasanayan. Itos naman kasi talaga ang kailangan naming gawin para mabuhay. Nakahiga lang ako ngayon sa loob ng malaking karton na ginawa naming tulugan. Masama ang pakiramdam ko kaya ayaw kong bumangon. Ilang sandali nga lang ay nakarinig ako ng ingay galing sa iba kong mga kasama. Ang alam ko’y may magpapadala ng mga pagkain at damit sa ‘min ngayong araw. Kaya naisip kong baka ito ang dahilan ng saya nila. Ngunit dahil walang gana at interes sa kahit anong bagay, pumikit lang ako at sinubukang bumalik sa pagtulog. “Galing lahat ng mga ito kay Mr. Zavier Marcello Santiesteban.” Napadilat ako ng wala sa oras dahil sa pangalang narinig ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD