Chapter 4

2830 Words
“May nakain ka bang panis at gusto mong hiramin ang damit ko?” pang-aasar ni Dayang sa ‘kin. Napailing na lang ako sa kalokohan niya. Kanina ko pa paulit-ulit na tinitingnan ang dibdib kong hindi ganuon kalakihan kumpara sa kanya. “Ayos lang ba?” tanong ko pa ulit sa kanya. Nagtaas ako ng tingin at tumayo ng diretsol. Sinigurado kong makikita niya ng mabuti ang itsura ko. Pinahiram niya sa ‘kin ang isa sa mga itim niyang tube. Tapos ay ipinares ko ito sa maigsi kong denim shorts. Ipinuyod ko rin ng isa ang buhok ko para malinis akong tingnan. Hindi ko rin kasi nahugasan ang buhok ko ngayong araw dahil nagawa ko na ito kahapon. Limitado lang kasi ang tubig na binibigay sa tinitirhan naming barong-barong. At pinaghahatian pa ito ng lahat. Payat ako kaya hindi ako sigurado kung nagmukha akong walis tinging sa suot ko. Bukod pa rito’y hindi naman ako maputi at ganuon kakinis tulad ng iba. Hindi talaga ako nagsusuot ng ganito pero naisip kong subukan ngayon. Baka sakaling kapag nagbago ako ng ayos, makuha ko ang interes ni Zavier. Baka mapagbago ko rin ang isip niya tungkol sa pagbili sa ‘kin. Syempre ay kailangan kong sumubok ng iba’t ibang paraan. “Bagay na bagay! Para kang modelo!” pagsuporta ni Dayang sa ‘kin. Naningkit naman ang mga mata niya pagkatapos. “Para pa rin ba ‘yan sa Amerikano?” nanunuksong tanong niya. “Gusto ko lang subukang magbihis ng ganito,” pagsisinungaling ko. Para hindi na humaba ang pag-uusap namin tungkol kay Zavier. Gusto ko lang matigil ang panunukso niya sa ‘min. Lalo na’t iba naman kasi talaga ang habol ko kay Zavier. Gusto ko lang na iligtas ako nito sa miserable kong buhay. “Sige. Sabi mo eh,” balik naman ni Dayang sabay taas ng isang kilay, halatang ‘di kumbinsido. Ganito na lang ang pagtataka ni Dayang sa paghiram ko ng damit dahil matagal na niya ‘kong pinagsusuot ng ganito pero ‘di ako pumapayag. Kumbinsido kasi siyang kapag ginawa ko ito, mas marami kaming malilimos sa araw-araw. “Tara na nga, baka kanina pa sila naghihintay sa ‘tin,” sabi ko naman sabay hila kay Dayang palabas ng bahay. Ang totoo’y hindi ako kumportable sa suot ko. Kaya nga panay ang hila ko sa tube pataas. Pero nilakasan ko ang loob ko dahil alam kong kailangan ko itong gawin. Katulad ng dati ay nagsimula pa rin kaming manlimos sa Sampaguita Street. Ayon nga lang, nang sumama na kami sa ibang pulubi, agad silang napatingin sa ‘kin. Ang ilan ay nalaglag pa ang panga. “Ikaw ba ‘yan, Maymay?” tanong ng isa sa kanila, gulat na gulat sa ayos ko. Agad namang uminit ang mukha ko. Lalo akong nailang sa mga tingin nila. Hindi ko alam kung hinuhusgahan ba nila ‘ko o hinahangaan. Tumirik ang mga mata ko bago nagsalita. “Ay naku! ‘Wag niyo na nga akong pansinin. May mga tao roon oh,” sabi ko sabay turo sa harap ng hotel. May grupo kasing palabas galing dito. Sabay-sabay silang napatingin sa direksyong tinuro ko. At mabuti na lang napunta na rito ang atensyon nila. Kaya naiwan akong mag-isa pagtawid nila rito. Nakahinga naman ako ng maluwag kahit papaano. Pumikit ako sabay patong ng isang kamay sa dibdib, animo kinukundisyon ang sarili. Ramdam ko ang malakas na t***k ng puso ko nang magsalita. “Maymay. Ngayong gabi lang ‘to. Susubukan mo lang. Kapag nakita ka na ni Zavier, bukas pwede ka nang bumalik sa dati mong ayos.” Pagdilat ko’y nagpalinga-linga ako sa paligid, nagbakasaling makikita ang sasakyan ni Zavier, at nang mabigo’y nagpatuloy na sa paglalakad. Dahil sa suot, imbes na makapanglimos ay ako ngayon ang umiiwas sa mga taong tumitingin sa ‘kin. Ako ang naiilang sa kanila. Ako na nga ang nilapitan noong dalawang Koreanong nakasalubong ko. Nag finger heart sign lang ako sa kanila, tapos ay nagbigay na agad sila ng pera. Mukhang tama nga si Dayang. Kapag ganito ang suot namin, mas mabibigyan kami ng pansin. Hindi ko tuloy mapigilang isipin ang maaaring maging reaksyon ni Zavier kapag nakita ako. Sana pati siya ay magkainteres sa ‘kin. Sana makita niyang may halaga rin naman ako. Dahil halos si Zavier lang ang laman ng isip ko, bawat itim na kotseng makita’y, tinitingnan ko ang likuran. Kapag kasi may sticker, alam kong iyon ang hinahanap ko. Nakahanda na ‘kong tumakbo at humabol dito. Pero sa pagdaan namin sa Sampaguita Street, ramen house, at iba pang establisyimento, nabigo akong mahanap ang kotse ni Zavier. Pagdating sa Las Rosas Circle kung saan tanaw ang Pleasure Point, hindi ko rin nakita ang hinahanap ko. Kaya tuloy bumagsak ang balikat ko nang maisip ang posibilidad na hindi na bumalik pa si Zavier dito sa Mariposa District. “Akala namin may sakit si Maymay kaya hindi sumama sa panlilimos kaninang umaga? Aba’y gusto lang yata maging fresh!” komento ng nanay ni Nonoy. Natawa at nailing na lang ako nang sang-ayunan siya ng iba naming mga kasama. Ang totoo’y hindi ako nakasama noong umaga sa panlilimos sa mga jeep dahil kumirot ng sobra ang tyan ko. Nagkapasa ako dahil sa pagsikmura at pagsipa sa ‘kin kagabi. Kaya nilaan ko na lang talaga ngayong gabi ang lahat ng lakas ko. Kung nanlimos pa kasi ako kaninang umaga, baka ‘di ko na kinaya pang tumuloy ngayon. Mas mahalaga pa naman ang bawat gabi ko sa Mariposa dahil kay Zavier. “Sina Marikit at Nonoy po pala?” tanong ko dahil hindi ko sila makita sa circle. Karaniwan kasi ay naglalaro lang silang dalawa rito kasama ang iba pang mga bata. “Ay naku! Nagpunta sa Pleasure Point. Doon daw manlilimos. Ewan ko ba dun kay Marikit. Gustong-gustong bumili ng sapatos kahit wala namang mapaggagamitan. Sayang lang sa pera imbes na ipangkain,” reklamo ni Puraida na nagpasalubong ng kilay ko. Balak ko sanang surpresahin si Marikit tungkol sa sapatos niya. Kaya hindi ko pa sinasabi sa kanyang may pera na ‘ko pambili nito. Pero mukhang dahil sa pagtatago ko, gumagawa siya ng paraan ngayon para tulungan ako kahit ‘di naman kailangan. Kaya naman nagpunta agad ako sa Pleasure Point. Nakita ko pa si Lola Sabel na nakaupo sa dating pwesto. Halos nakapikit na habang may hawak na gamit na cup noodles. Inilibot ko ang mga mata sa paligid ng club, sinubukang hanapin ang dalawang bata. Pero kinutuban ako ng masama nang hindi ko sila makita rito. At nakumpirma ‘kong tama ang kutob ko nang pag-akyat ko sa hagdanan, bumukas ang pinto ng club. Mistulang nalaglag ang puso ko nang makita kong bitbit ni Mang Lito ang dalawang bata sa magkabilang braso. Halos kaladkarin niya ang mga ito palabas ng club. Lumalaban ang mga ito sa kanya pero masyadong mahigpit ang hawak niya. “Marikit! Nonoy!” tawag ko at agad silang napatingin sa ‘kin. “Ate Maymay!” mangiyak-ngiyak na sigaw ng dalawa. Parang nawawasak ang puso ko. Sinubukan nilang lumapit sa ‘kin. Kaya lang ay humigpit ang hawak ni Mang Lito sa mga braso nila. Nanlamig ang buong katawan ko pag-angat ng isang dulo ng labi ni Mang Lito habang marumi ang tingin sa ‘kin. Sinuyod ng mga mata niya ang buong katawan ko mula ulo hanggang paa. “Maymay! Mukhang handang-handa ka na talaga. Tatanggapin mo na ba ang inaalok ko sa ‘yo?” tanong ni Mang Lito, mapaglaro ang tono. Ngunit wala akong balak pansinin ang tanong niya. “Bakit hawak mo sila?” seryosong tanong ko. Sina Marikit at Nonoy ang mahalaga ngayon. Kumunot ang noo ni Mang Lito. Nadepina ang linya ng katandaan. “Pumasok sila sa club at nagnakaw sa kaha ko. Ngayon, hindi sila pwedeng umalis nang hindi binabalik ang pera ko.” Bumaba ang tingin ko sa dalawa na sabay pang umiling, may luha sa mga mata nila. “Imposible ang sinasabi mo. Hindi sila magnanakaw,” sabi ko kay Mang Lito. Kilala ko ang mga batang ito. Ilang taon ko na silang kasama kaya malabong mangyari ang binibintang sa kanila. “Pero ‘wag kang mag-alala. Hindi naman sayang ang punta mo rito. Pwede kong palagpasin ang ginawa nila pero may kapalit.” “Anong kapalit?” Nakita ko ang hindi mapirming mga mata ni Mang Lito. Lalong umikot ang tyan ko dahil hindi ako kumportable sa tingin niya sa dibdib ko. “Ikaw. Ikaw ang magbabalik ng perang ninakaw nila. Pagtatrabahuhan mo ‘yon sa club ko.” Hinigit ko ang hininga ko. Pumait din ang panlasa ko. Gusto niya ‘kong magtrabaho sa club niya para magbigay ng aliw sa mga kalalakihan. Pero alam niyang matagal ko na itong tinanggihan – pareho kami ni Dayang. Kahit minsan naman kasi ay hindi ko naisip maging pokpok kahit hirap ako sa buhay. Hindi ko kayang pumatol sa kung kani-kanino. “Hindi nila ninakaw ang pera mo. Kaya wala akong kailangang bayaran,” sagot ko sa kanya bago nagtangkang lumapit. Kukuhanin ko na sana sina Marikit at Nonoy sa kanya. Ayon lang ay dito saktong lumabas ang mga bouncers ng club na agad akong hinarang. Sa laki ng pangangatawan nila, napaatras ako bigla. Muntik na ‘kong matumba sa hagdanan nang may humawak sa beywang ko. Napapikit ako sandali dahil sa kirot na naramdaman sa pagtama ng kamay nito sa bandang tyan ko. Tsaka lang ako lumingon para malaman kung sino ito. Umawang ang labi ko, hinigit ko rin ang hininga ko nang salubungin ako ng kulay asul na mga mata ni Zavier. Para akong nalunod dito sandali bago niya ‘ko itinayo ng maayos. Nakita ko ang mabilis na pagbaba ng kanyang tingin. Pagkatapos ay nagsalubong ang kanyang kilay. Ito ang nagpabalik sa ‘kin sa reyalidad. Bahagya kong idinistansya ang sarili kay Zavier. Napayuko rin ako at nakaramdam ng hiya sa itsura. Halata naman kasi sa reaksyon niya na hindi niya nagustuhan ang ayos ko ngayong gabi. Mukhang lalo siyang nakumbinsing ‘wag akong bilhin. Napalunok ako bago binalik ang tingin kay Mang Lito na talagang ayaw pa ring bitawan ang mga bata. “Mr. Santiesteban! Come inside! They are already waiting for you in the VIP room,” nakangiti si Mang Lito nang kausapin si Zavier gamit ang matigas na Ingles. Pero pagbaling ng tingin sa ‘kin ay agad na nagseryoso. “May mga asungot lang akong kailangang asikasuhin dito. Susunod din ako sa loob.” Tumingin naman ako kay Zavier na diretso lang ang tingin sa pinto ng club, blanko ang ekspresyon ng mukha. Susubukan ko sana siyang kausapin nang maglakad na siya papunta rito. ‘Yong dalawa niyang tauhan ay parang mga robot na sumunod sa kanya. “Kailan ka magsisimulang magbayad ng ninakaw nila?” tanong ni Mang Lito kaya nabalik sa kanya ang tingin ko. Para bang hindi niya narinig ang sinabi ko kanina. “O kung gusto mo, ibenta ko na lang ang mga batang ‘to.” Napasigaw ang dalawa dahil mas humigpit ang hawak sa kanilang mga braso. Ang papayat pa naman nila kaya halos buto na lang ang nahahawakan sa kanila. “Matagal pa ba ‘yan?” Narinig ko ang malamig at malalim na boses ni Zavier. Tuloy ay sumenyas si Mang Lito na pumasok na ang mga bouncers niya para samahan ito. At dahil nawala ang atensyon nila sa amin, kinuha ko itong pagkakataon para lapitan si Mang Lito. Dito ko siya sinampal ng malakas. Ang lakas ng tunog nito kaya tuloy natigilan ang lahat. Kahit si Zavier. “Oo, pulubi kami. Pero hindi kami magnanakaw,” mariin ang bigkas ko sa bawat salita. Nilakasan ko ito para marinig din ni Zavier. “Ano bang pinagmamalaki mo?!” galit na sigaw ni Mang Lito sa ‘kin. At akmang gaganti siya nang sabay siyang kinagat nina Marikit at Nonoy sa magkabilang kamay. Napabitaw tuloy siya. Dito tumakbo ang mga bata palapit sa ‘kin at yumakap. Ramdam ko ang takot nila habang mangiyak-ngiyak na sinabing hindi sila ang nagnakaw ng ibinibintang ni Mang Lito. “Pumasok lang kami para manlimos.” “Tapos bigla na lang nila kaming binuhat palabas.” Matalim ang tinging ipinukol ko kay Mang Lito. Ramdam ko ang pag-akyat ng dugo ko sa ulo. “Bago mo kami pagbintangan, bakit hindi mo muna unahin ang mga tauhan mo? Baka harap-harapan ka nang ninanakawan, ikaw itong tatanga-tanga.” Naalala ko pa ‘yong isang bouncer nila na naengkwentro ko. Kung nagawa kami nitong nakawan, hindi malabong gawin din ito ng iba pa nitong kasamahan. Nang tingin ko ang mga bouncers niya ay umigting ang panga nila. Para bang balak pa ‘kong saktan oras na buksan ko ang bibig ko. Pero mukhang hindi kumbinsido si Mang Lito kaya naglakad pa siya papalapit sa ‘kin. Hinawakan niya ‘ko sa baba at sinigurado niyang nakatingin ako sa kanya. Hindi naman ako kumurap. “Malapit na kayong mapaalis dito sa Mariposa. Kaya kung ako sa ‘yo, magsisimula na ‘kong magmakaawa,” pananakot niya sa ‘kin. Kinilabutan ako at nakaramdam ng kaba pero hindi ko pinahalatan. “Magmamakaawa ako. Pero hindi sa tulad mo.” “I don't have all f*cking day for your childish games, Lito. So wrap it up,” seryosong saad ni Zavier. Hindi pa pala siya pumapasok sa club. Dito ako nakakita ng takot sa mga mata ni Mang Lito. Agad niya ‘kong binitawan. Lumapit siya kay Zavier. Mukhang mas may kapangyarihan nga ito sa kanya. Mas lalo akong nabigyan ng dahilan para dikitan si Zavier. Nauna nang pumasok si Mang Lito kasama ang mga tauhan niya. Pinanuod ko namang sumunod sa kanila si Zavier, maging ang mga tauhan nito. Pero bago ito pumasok, hinigit ko ang hininga ko nang makita ang gilid ng mukha nito… Umangat kasi ang isang dulo ng labi ni Zavier bago tuluyang pumasok sa loob ng club. Para akong biglang naubusan ng hininga. “Ate Maymay, ‘di ka ba giniginaw?” tanong ni Marikit sa ‘kin na nagpabalik sa ‘kin sa sitwasyon ko. Pinaypay ko naman ang kamay ko sa mukha na hindi ko alam kung bakit biglang uminit. Ngumisi ako sa kanilang dalawa nang mahimasmasan. “Kanina pa nga eh. Tara, ujwi na tayo,” sabi ko at dito na sila hinawakan paalis sa Pleasure Point. “Nanlilimos daw kayo para bumili ng sapatos?” tanong ko pa. Yumuko naman si Marikit bago sumagot. “Oo, ate. Gusto ka sana naming tulungan ni Nonoy.” Napangiti naman ako. “Hindi na kailangan! Bukas na bukas. Bibili tayo ng sapatos. Tsaka ikaw din, Nonoy. Baka may gusto ka. May ipon na ‘ko kaya wala na tayong problema sa pambili,” pagyayabang ko. At dito sila napatalon pareho sa tuwa. Nangiti na rin tuloy ako nang makita ko ang masaya nilang mukha. Sa mga ganitong bagay na lang ako nakakaramdam ng saya sa kabila ng hirap ng buhay namin. Kinabukasan, pagkatapos manlimos sa mga jeep ay nagpunta agad kami sa bilihan ng mga sapatos. Katulad ng naipangako ko ay nabili ko ang sapatos na gusto ni Marikit. Pagkain naman ang gusto ni Nonoy para sa kanila ng nanay niya at napagbigyan ko rin ito. Ang natirang pera ay naisipan kong itabi sakaling may kailanganin kami bigla. “Thank you, Ate Maymay!” tuwang-tuwa si Marikit nang yakapin ako ng mahigpit. Suot-suot na niya ‘yong sapatos na binili namin. “Iingatan mo ‘yan ah,” bilin ko pa sa kanya sabay yakap pabalik. Dumiretso naman na kami sa Sampaguita Street dahil lumubog na rin ang araw. Sabay na naglalakad sina Nonoy habang nakasunod ako sa kanila. Nagmamadali kami para hindi mahuli sa iba. “Kung takot ang boss namin sa ‘yo, kami hindi.” Natigilan ako nang makarinig ng boses sa bangketa. Pansin kong may itim na kotse rito, may sticker ng agila. Bumilis ang kabog ng dibdib ko dahil alam kong nandito si Zavier! “I'll ask you again, are you absolutely f*cking sure you want to mess with me?” boses ito ni Zavier kaya sinundan ko ang pinanggalingan nito. Dahan-dahan naman akong naglakad at dito natanaw ang makipot na eskinita. Napatakip ako ng bibig nang makitang kaharap ng apat na bouncers ng club si Zavier na kasalukuyang naninigarilyo. Nasa sahig ang dalawang tauhan nito, hindi ko lang maaninag kung anong ginagawa o kung may malay ba sila. Pero mukhang mag-isa lang si Zavier ngayon kaharap ang mga lalaking 'di hamak na mas malalaki ang katawan sa kanya. Napalunok ako. Nakakita ng kahoy sa sahig. Alam kong isang sipa lang sa ‘kin ay lilipad ako. Pero mas ayos pa rin ang dalawa laban sa apat. Kaya naman nilakasan ko ang loob ko. Dahan-dahan akong lumapit sa kahoy. Pagkatapos ay pinulot ko ito, at ilang sandali pa, tumakbo ako ng nakapikit papunta sa direksyon ng apat na bouncers! “HOY! LAYUAN NIYO SI ZAVIER!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD