Chapter 3

2713 Words
Alam kong dapat katakutan si Zavier – lalo na ng isang pulubing tulad ko. Hindi ko naman kasi siya lubos na kilala. Ang alam ko lang ay mayaman siya. Siya rin ang may-ari ng Mariposa District. Isang pitik lang niya, pwede akong mabura sa lugar na ‘to. Pero alam ko ring mas dapat akong tumaya sa kanya dahil sa parehong dahilan. Aanhin ko ang takot at kabang nararamdaman ko sa kanya kung mas nakakatakot at nakakakaba ang buhay ko araw-araw sa lansangan. Mabuti na lang at kumapal na rin ang mukha ko dahil sa kahirapan. Kaya kahit alam kong nakukulitan na sa ‘kin si Zavier, ay sige pa rin ako sa paglapit sa kanya. Dahan-dahan kong binaba ang naka-peace sign kong mga daliri na natutunan ko sa ilang Koreanong pinaglilimusan namin. Pinagdikit ko ang labi ko habang pinapanuod ang mistulang pag-usok ng ilong ni Zavier habang seryoso ang tingin sa ‘kin. Alam ko namang wala siyang interes sa tulad ko. Ano naman kasing mapapala niya sa pagbili sa ‘kin? Pero nagbabakasakali pa rin akong may kaunting pag-asang mapagbago ko ang isip niya. Wala akong balak sumuko. Hanggang nagpupunta siya rito sa Mariposa District ay patuloy akong susubok. “Bilhin mo na ‘ko. Kung kailangan mo ng katulong, pwede ako. Madali naman akong matuto,” sabi ko pa kay Zavier. Nakita ko namang lalong nadepina ang lukot sa noo niya. At akmang magsasalita na sana siya nang makarinig kami ng ringtone. Mukhang may tumatawag sa kanya. Nakita ko ang pagpindot niya sa kanyang cellphone. Sinagot niya ang tawag at naglakad siya papalayo sa ‘kin bago nakipag-usap sa tumawag sa kanya. Dito lang ako nakahinga ng maluwag. Masama pa rin ang tingin sa ‘kin ng mga tauhan niya pero bumalik na sila sa pagiging estatwa. “Maymay!” Narinig kong may tumawag sa ‘kin. Paglingon ko ay si Dayang pala ito, nakatayo sa kabilang kalsada. Tinatawag na niya ‘ko dahil ako na lang ang nahuli sa ‘min. At malamang gusto na rin niyang makitsismis dahil nakita niyang magkausap kami ni Zavier. Mainit kasi ito sa mga mata ng mga kasama ko ngayon. Bumalik naman ang tingin ko kay Zavier nang makita kong natapos na siya sa pagsagot ng tawag. Lalapitan ko sana siya para kausapin ulit. Ayon lang ay nilagpasan niya ‘ko – para bang bigla akong naglaho sa paningin niya. Halos mabangga niya ‘ko makapasok lang siya kaagad sa loob ng kanyang kotse. Pansin kong mas sumeryoso rin ang kanyang mukha. “Ano kayang nangyari dun?” bulong ko sa sarili nang umandar na ang sasakyan at halos lumipad ito. Napabuntong-hininga naman ako. Sana ay bumalik pa siya rito sa lugar namin. *** Hapon ulit nang maiwan akong mag-isa sa sakayan ng jeep para manlimos. Katulad ng dati ay humabol ako sa isang jeep na papuntang Sampaguita Street para rito na bumaba pagkatapos. Nakaupo ako sa sakayan at babaan ng mga pasahero, nagbibilang ng mga baryang naipon ko sa panlilimos. Pero nang mabuo ko ito ay nadismaya ako dahil alam kong hindi pa rin ito aabot pambili ng sapatos ni Marikit. Naiinis pa rin ako sa tuwing naaalala kong nanakawan kami. Napabuntong-hininga ako. Bumagsak din ang balikat ko. At nang maalala kong ito na ang huling jeep ko ngayong araw, naisipan kong kantahin ang isa sa mga kanta ng tribo namin. Oo’t ginagawa naman namin ‘to pero madalang lang. Alam naman kasi namin ang tingin ng mga tao rito sa Maynila pagdating sa lahi namin. Makarinig lang sila ng ibang lengguwahe ay akala mo alien na kami sa mga paningin nila. May ilan namang kinukuha itong dahilan para magbigay, nakukumbinsi na totoong Marasubwa nga kami. Habang kumakanta, hindi ko napigilan ang sarili alalahanin ang pamilya ko. Kung gaano kapayapa ang buhay namin noon. Pero nagbago lahat pagkatapos ng trahedya… Siguro’y ilang isang minuto’t mahigit din akong nakakanta. Huminto kasi ang jeep para magbaba ng pasahero kaya kinailangan kong magbigay ng daan. Kinuha ko itong pagkakataon para punasan ang luhang tumakas sa gilid ng isang mata ko. Pagbaba ng pasahero ay dito ako pumasok sa loob ng jeep. Binawi ko ang mga envelope na binigay ko sa kanila at naghanda na rin akong bumaba sa susunod na pagliko. Pansin kong may kasunod kaming itim na kotse. Pero nang tumingin ako rito ng diretso ay bigla itong nauna sa jeep na sinasakyan ko. Napakibit-balikat naman ako. Lunes ngayon kaya naman alam kong tulad kahapon ay hindi ganuon karami ang tao sa Mariposa District. Pero desidido akong mapaglimusan lahat ng mga taong makikita ko. Mas determinado ako ngayon. Kaya naman imbes na dumiretso agad sa Sampaguita Street, umuwi muna ako sa amin at naligo. Nagbihis ako ng kahit papaano’y maayos na t-shirt at shorts. Sinigurado ko ring mabango ako at nakihingi ng pabango ni Puraida. Para naman hindi ako layuan agad ng mga tao. Bukod pa rito, naisip ko rin kasi na baka magtagpo na naman ang landas namin ni Zavier. Magandang makita niya ‘kong maayos at mabango. Baka sakaling bilhin na niya ‘ko. Alam kong malabong magpakita ulit sa lugar namin si Zavier. Lalo na’t sunod-sunod na araw na siyang nagpupunta rito. Mukhang hindi naman taga rito ang tulad niya. Malamang doon siya nakatira sa parte ng Maynila na may matataas na gusali at pribado para sa mga mayayaman. Pero mas maganda nang handa. Dahil nauna na ang mga kasama ko, mag-isa lang akong naglibot simula sa Sampaguita Street. Ilang minuto pa lang akong naglalakad, may nakita akong dalawang babaeng maputi at singkit ang mga mata. Mukhang mga Haponesa. Nabuhayan ako ng loob at agad na lumapit sa kanila. Papasok pa lang sila sa hotel. Wala akong sinabi, basta kinalabit ko sila. Inilahad ko ang palad ko sa kanilang harapan. Nang magkatinginan sila ay natuwa ako nang may isang naglabas ng wallet. May inabot itong pulang papel. Pagkakuha ko, pinagdikit ko ang dalawang palad ko sabay yuko sa kanila para magpasalamat. Nabuhayan ako ng loob dahil maganda agad ang simula ng panlilimos ko ngayong gabi. Mukhang sinuswerte ako. Kaya naman nang maiwang mag-isa ay bahagya akong napatalon. Napakislot din ang katawan ko sa tuwa. Nagpatuloy ako sa ramen house. May lalapitan sana akong customer na kalalabas lang dito, nang matigilan ako. Paano’y nakita ko na naman ‘yong lalaking nagnakaw ng pera namin! Agad akong lumapit sa kanya noong paalis na siya ng restaurant. “Hoy, magnanakaw!” sigaw ko na kumuha agad ng atensyon niya. Hinarap niya ‘ko at nakita ko na naman ang maangas niyang mukha. Taas-noo akong naglakad papalapit sa kanya kahit kalahati lang ako ng lapad ng katawan niya. Nakalukot agad ang mukha niya nang magsalita. “Ako ba ang tinatawag mong magnanakaw?” malalim ang boses niya nang magtanong. Halatang sinusubukan akong takutin. “Oo. Ikaw. Akala mo ba nakalimutan ko na ang pagtakbo mo sa pera namin? Iba rin talaga ang mga magnanakaw ‘no? Pati pulubi kinukuhanan ng pera,” sabi ko na sinadya kong lakasan para marinig ng ibang kumakain sa ramen house. Para naman mahiya siya sa ginawa niya. Pinandilatan naman niya ‘ko. Akala yata niya ay magpapasindak ako. Naglakad siya papalapit sa ‘kin. At bago pa niya ‘ko magawang saktan, inunahan ko na siya para makaganti. Tinalon ko ang buhok niya, sinigurado kong marami akong buhok na madadakot ng kamay ko. At pagkatapos ay hinila ko ito pababa. “Panot! Ibalik mo ang pera namin!” sigaw ko. Narinig ko ang reaksyon ng mga kumakain. Alam ko namang wala silang balak mangielam, kaya hindi na ako naapektuhan pa nang sa gilid ng mga mata ko, nakita kong may mga cellphone na nakatutok sa ‘min. Ginagawa kaming katatawanan imbes na awatin. Noong una’y tinulak ako ng lalaking kaharap ko. Muntik na akong mapabitaw dahil sa lakas niya pero lalo kong hinigpitan ang hawak sa buhok niya kaya napasigaw siya sa sakit. “Ang kapal ng mukha mo nakawin ang pera namin! Kaya hindi ka tinutubuan ng buhok! Panot!” sigaw ko pa. Halos mamaos ako. At dahil sobrang nasasaktan na siya, dito niya ako sinikmuraan. Napabitaw ako, bumagsak sa malamig na semento, at namilipit sa sakit. Inasahan ko naman nang mangyayari ito, pero syempre iba pa rin talaga kapag nangyari na. Kahit malakas ang loob ko, alam ko namang mas malakas siya sa ‘kin dahil lalaki siya at malaki ang pangangatawan. Napapikit ako ng mariin habang iniinda ang sakit. Napayakap ako sa sarili. “Tang*na! Kala mo sinong malinis. Pulubi ka lang! Salot kayo sa lugar na ‘to!” sigaw niya. At para bang hindi pa sapat ang ginawa niyang pagsikmura sa ‘kin ay sinipa pa niya ‘ko ulit sa tyan. Napapikit ako ng mariin. Pero kinagat ko ang labi ko para hindi ako makagawa ng kahit anong ingay. Ayaw kong mas matuwa pa siya kapag narinig ang pagsinghap ko. Wala akong nagawa nang makita kong inayos niya ang kanyang buhok at naglakad na siya papalayo. Kuntento na ‘kong nasabunutan ko siya kahit alam kong imposible nang mabalik ang pera ko. Nasa semento pa rin ako nang maging mabilis ang mga pangyayari. May dumaang humaharurot na sasakyan. Naiwasan ako nito pero nagtuloy-tuloy ang andar sa lalaking nakaengkwentro ko. Hindi ito nakaiwas at nabangga. Tumilapon ang katawan nito sa ere, gumulong muna sa ibabaw ng kotse bago bumagsak sa sahig. Napasinghap ang lahat ng mga nakasaksi sa nangyari. At mayroong mang gustong tumulong doon sa lalaking nabangga, bandang huli ay wala rin namang lumapit. Sa tagal ko sa Mariposa, alam kong karamihan sa mga tao rito, ayaw na naaabala ng ibang tao ang buhay nila. Kaya bilang lang sa daliri ang tutulong sa ‘yo rito. Kung may kapalit kang mabibigay, paniguradong lahat ay magtataas ng kamay. Sabi nga nila, wala nang libre sa panahon ngayon. Kahit pagtulong ay may kapalit na. Umatras ang sasakyang bumangga roon sa lalaki, lumipat lang ito ng daan at nagpatuloy sa pag-andar na para bang walang nangyari. Naiwang nakahiga sa semento ‘yong lalaki, sinusubukang tumayo pero mukhang masama ang tama kaya hindi makakilos. Nagulat ako sa nangyari. Pero pasensya na dahil wala akong awang nararamdaman para sa kanya. Hindi rin siya ang binigyang pansin ko kung hindi ‘yong sasakyang bumangga sa kanya. Nakita ko kasi ang pamilyar na sticker sa likod nito – ‘yung agila – sasakyan ba nila Zavier ‘yung bumangga sa lalaki? Ibig sabihin ay nandito sila! Nagmadali akong tumayo kahit masakit pa rin ang sikmura. Inayos ko ang sarili ko, nainis dahil nadumihan ang damit ko. Parang sayang tuloy ang pagligo ko. Sinigurado ko munang maayos ako bago ako nagmadaling maglakad papunta sa direksyong tinahak ng sasakyan. *** Nakarating ako sa Las Rosas Circle dahil sa paghahanap ko sa sasakyan ni Zavier. Dito ko nakitang magkakasama ang ibang mga kalahi ko. Tumakbo papalapit sa ‘kin sina Marikit at Nonoy. Napangiwi lang ako nang yumakap si Marikit sa beywang ko dahil sa nangyari kanina. Kumikirot pa rin kasi ito at alam kong magpapasa. “Akala namin hindi ka na darating, Ate Maymay!” sabi ni Marikit. Tipid naman akong ngumiti sa kanya. “Ako pa ba? Pinagiipunan ko kaya ‘yung sapatos na pangako ko sa ‘yo. Hindi pwedeng ‘di ako manlimos,” sabi ko sa kanya. Pero kasabay ng pagsasalita ko’y paglibot ng mga mata ko sa nakapaligid na establisyimento sa circle. Katulad ng inaasahan ko, namataan ko ang sasakyan nila Zavier na naka-park na naman sa Pleasure Point. Umangat ang isang dulo ng labi ko, natuwa dahil nandito na naman siya. Humarang nga lang si Dayang sa harapan ko kaya agad kong ginawang blanko ang mukah ko. “Mukhang regular na ‘yung Amerikano sa Pleasure Point ah,” sabi ng kaibigan ko na nagpasibangot sa ‘kin. “Regular agad? Hindi ba pwedeng naniningil lang ng utang?” balik ko. Tingin niya kasi ay babae ang ipinunta ni Zavier sa club. Gayong parang wala naman sa itsura nitong interesado ito sa mga bayarang babae. “Ay sus. Selos ka naman. Type mo ba?” pang-aasar ni Dayang. Naningkit ang mga mata niya. Alam niya kasi ang paglapit-lapit ko kay Zavier. Pero hindi ko sinabi sa kanyang sinusubukan kong ibenta ang sarili ko kaya ngayon iniisip niyang may gusto ako rito. “Alam mo, Maymay. Okay lang naman mangarap. Pero imposibleng pumatol sa tulad natin ang Amerikanong ‘yon. Malabong magkainteres siya sa 'tin. Kaya ngayon pa lang, imbes na iniisip mong magustuhan ka nya. Subukan mo na lang manlimos ng pera. Tutal naman nagkaharap na kayo.” Ito ang huling sinabi ni Dayang bago siya bumalik sa mga kasama namin. Sumunod na rin sa kanya ang mga bata. Kaya naiwan akong nakatayo at nakatitig sa club. Huminga ako ng malalim dahil sa mga sinabi ni Dayang. Pareho lang naman kasi kami ng iniisip. Pero natigil lang ako sa pag-iisip nang makita kong lumabas si Zavier sa club. May kalayuan ang pwesto ko sa circle. Pero hinigit ko ang hininga ko nang makita ko ang pagbaling niya ng tingin sa direksyon ko. Hindi ko alam kung nagkataon lang ito o ‘di kaya namalikmata lang ako. Agad din kasi niyang iniiwas ang tingin niya. Sinuot niya ang kanyang itim na shades. Nagkataon o namalikmata man, sapat na ito para mabigyan ako ng pag-asa. Nagmadali ako papuntang Pleasure Point, at bago pa tuluyang isarado ni Zavier ang pinto ng kanyang kotse, hinawakan ko na ito. “Bilhin mo na ‘ko, please,” bungad ko dahil alam kong wala siyang oras para sa ‘kin. Kailangan ko na siyang diretsuhin kaagad sa pakay ko. Nakaupo na sa likod ng kotse si Zavier, at katulad ng dati ay nagsalubong ang kilay niya. “Libre lang! Dalhin mo na ‘ko. Ngayon din mismo. Hindi naman ako matakaw. Matipid din ako sa tubig at kuryente. Masunurin ako sa batas,” sunod-sunod ang pagsasalita ko nang makita kong naglabas siya ng wallet. At akala ko’y sasabuyan niya ulit ako ng pera nang iabot niya ito ng maayos sa ‘kin ngayon. “Sapat na ba ‘yan para lubayan mo na ‘ko?” tanong niya pagkaabot ng pera. Binukas-sara ko ang mga mata ko dahil dito. Hinawakan ko naman ang inaabot niya bago siya sinagot. “Malaking halaga 'to. Pero gusto ko pa ring sumama sa ‘yo. Kahit saan,” sabi ko pa. Ngayong pwede ko na siyang kausapin ng Tagalog ay mas madali para sa ‘kin sabihin ang habol ko. Umigting ang panga ni Zavier, babawiin pa sana ang perang inaabot pero hindi ako bumitaw. “Pero pwede ko pa rin namang tanggapin ito. Marami ka namang pera. Siguradong barya lang sa ‘yo ‘to,” sabi ko pa. Kahit seryoso ang tingin ni Zavier sa ‘kin ay nagawa ko pa ring ngumiti sa kanya. Sabi kasi ng mga kasama ko noon, nakakakumbinsi raw ako kapag ngumingiti dahil lubog na lubog ang dimple sa kanang pisngi ko. Ayon lang ay lalong nagsalubong ang kilay ni Zavier nang makita ang dimple ko. Bumaba ang tingin niya sa bandang tyan ko na marumi dahil sa pagsipa nung lalaki sa ‘kin kanina. Pinagpag ko pa tuloy ito gamit ang isang kamay ko. Pero nakita kong lalong dumilim ang awra niya kaya kinabahan ako. Bibitawan ko na sana ‘yong perang inaabot niya nang mauna siyang gawin ito. Sumenyas siya sa tauhan niya at dito ako nito pinaalis sa pinto. Sinarado na nito ang pinto ng kotse at wala akong nagawa nang umalis na naman sila. Napabuntong-hininga tuloy ako. Siguro muntik ko nang mapagbago ang isip ni Zavier kung hindi ako ulit nagmukhang gusgusin sa harapan niya. Napatingin naman ako sa perang hawak ko at napangiti. Sobra-sobra na ito para mabili ko ang sapatos ni Marikit! Napatalon ulit ako at napakislot. Kulang na lang ay mapasayaw ako sa tuwa. Pero bigla akong kinutuban ng masama. Kaya mabilis kong itinago sa loob ng bra ko ‘yong perang bigay ni Zavier. Baka kasi malaglag na naman o ‘di kaya may magtangkang magnakaw. Panay tuloy ang tingin ko kaliwa’t kanan pagbalik ko sa circle. Nakapagdesisyon na ‘ko. Bukas ay gagayahin ko naman ang pananamit ni Dayang. Baka sakaling makuha ko ang pansin ni Zavier sa ganitong paraan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD