Pangarap kong matakasan ang pagiging pulubi. Kaya nga ilang beses akong sumubok magtrabaho noon. Pero parang kahit anong gawin kong pagsusumikap, walang nangyayari – walang pag-asang magbago ang buhay ko.
Hindi naman ako nakapag-aral katulad ng iba. Walang edukasyon sa pinanggalingan ko. Hindi kasi ito magagamit dahil halos pangingisda at pagsisid lang ang hanapbuhay ng mga Marasubwa noon. Kaya hindi madaling makaahon sa kahirapan.
Kung pwede lang kaming bumalik sa lugar namin ay matagal na naming ginawa. Kaya lang ay imposible. Pinapatay kasi kami roon sa hindi namin malamang dahilan. Maswerte na kami dahil nakaligtas kami… hindi tulad ng iba, hindi tulad ng buong pamilya ko.
Kaya nga hindi ko na inintindi pa ang galit ko. Nagmadali akong pulutin ang mga perang nagkalat sa basang semento bago pa ito makuha ng iba. Naubos na ang hiya sa katawan ko dahil sa hirap ng buhay.
Lumapit na rin si Lola Sabel at tumulong sa ‘kin. Nang matapos, hinayaan ko na sa kanya ‘yong ilang perang nakuha niya. Masaya naman akong tumakbo papunta sa Savor Ramen House kung saan nakita ko sina Marikit at Nonoy. Mukhang hinintay pa talaga nila ‘ko dahil wala na ang ibang kasama namin.
“Makakabili na tayo ng sapatos mo!” masayang balita ko kay Marikit sabay pakita ng perang bigay nung Amerikano. Dito naman niya ‘ko niyakap sa tuwa.
“Pwede rin tayong bumili ng noodles?” tanong naman ni Nonoy at tumango agad ako.
“Syempre naman! Bili na tayo ngayon,” sabi ko at lalapit na sana kami sa tindera nang harangin kami nito. Bukas at malawak ang kainan na ito. Doon lang kami sa tapat nito, sa kalsada, palaging tumatambay. Pero ngayon kasi ay papasok sana kami sa loob.
“Hay naku. Nandito na naman kayo! Bawal dito!” pagtaboy ng tindera sa ‘min. Marahil akala niya’y manlilimos kami sa mga customers nila.
Humugot ako kaagad ng pera at ipinakita ito sa kanya. “Bibili lang kami ng noodles. Masyado kang papansin,” untag ko. Wala akong balak magsungit pero nauna siya. Ubos na ang natitira kong pasensya ngayong araw.
Nakita ko naman ang pag-usok ng ilong nung tindera. At ayaw sana niyang tanggapin ang inaabot ko nang marinig niya ang pagtikhim ng Intsik na may-ari ng restaurant na nakabantay sa kanya. Ang yabang-yabang niya kasi, utusan lang naman siya rito.
“Take out ‘yan. ‘Wag mong kalimutan ‘yung sukli,” sabi ko pa. Inirapan ako nung tindera bago kinuha ang pera ko at umalis. Binalik ko naman ang tingin sa mga bata para mawala ang inis ko.
Humanap kami ng bakanteng lamesa at naupo rito habang naghihintay ng binili namin. Inilabas ko ‘yong perang sinaboy nung Amerikano, isa-isang inayos at tinupi bago binulsa. Halos limang libo rin ito kapalit nung mga rosas.
“Anong kulay ng sapatos gusto mo?” tanong ko kay Marikit. Malawak ang ngiti sa labi ko nang mapunta ang tingin sa likuran niya. Napatitig ako sa nakahintong itim na sasakyan sa kabilang kalsada. Nakabukas ang bintana nito sa upuan ng pasahero at nakakita ako ng usok ng sigarilyo.
Kinilabutan ako nang makita ang mukha ng pasahero. Siya kasi ‘yong Amerikano sa club! Wala siyang suot na shades kaya nakita ko ang mga mata niya. Matalim ang tinging ipinukol niya sa direksyon ko.
“Ate Maymay?”
Muntik na ‘kong mapatalon sa tawag ni Marikit. Binukas-sara ko ang mga mata ko nang tingnan sila ni Nonoy.
“Ah bakit? Ano nga ulit ‘yon?”
“Sabi ko, hindi ko na kailangan ng sapatos. Bili na lang tayo ng pagkain bukas,” sabi ni Marikit. Naantig naman ang puso dahil sa kanyang sinabi. Sa murang edad, alam na niya kung gaano kahalaga ang pera lalo na para sa tulad namin.
“Kasya naman ‘to pambili ng pagkain bukas. Bili pa rin tayo ng sapatos mo. Basta gigising ka ng maaga,” bilin ko sa kanya. Nag-aalangan naman siyang tumango.
Muli akong tumingin sa kalsada at dito nakitang wala na ‘yong sasakyan nung Amerikano. Huminga ako ng malalim at napaisip kung guni-guni ko lang ba ito. At kung hindi, bakit parang pinapanuod ako nito?
Pero sabagay, hindi naman na ‘to mahalaga. Malamang hindi na ito bumalik sa Mariposa sa mga susunod na araw. Ang tagal din naman kasi bago niya naisipang magpunta rito.
Lumapit na sa lamesa namin ‘yong tinderang nakasibangot pa rin. Inabot niya sa ‘min ang order namin at sukli. Itatabi ko na sana sa bulsa ko ‘yong pera nang matigilan ako dahil wala itong ibang laman.
Walang laman ang bulsa ko! Dapat nandito ‘yong perang pinulot ko kanina!
Tumingin ako sa sahig pero wala namang nahulog. Sunod kong tiningnan ‘yong lamesang katabi ng amin. May lalaking mukhang bouncer na nakaupo rito. Mukhang doble na siya ng edad ko.
Tatanungin ko pa lang sana siya nang tumayo na siya at nag-iwan ng pera sa lamesa. Paalis na sana siya nang hawakan ko ang braso niya. Tiningnan niya ‘ko kaagad ng masama kaya binitawan ko siya.
“May nakita ka bang pera sa sahig?” diretsong tanong ko.
“Sa tingin mo ba hahawakan ko ‘yung pera mo?” tanong nito sabay pagpag sa braso niyang nahawakan ko, animo nadumihan.
Nagtiim-bagang ako, ramdam ang pag-akyat ng dugo sa ulo ko. Nagtatanong lang naman ako pero todo depensa siya kaagad. Halatang may tinatago.
“Kuya, balik mo na ‘yung pera namin. Pinaghirapan namin ‘yan—”
Natawa siya. “Pinaghirapan? Nanlimos lang naman kayo. Baka nga galing pang nakaw ‘yung sinasabi mong pera!”
Naagaw na ang atensyon ng ibang customers pero nagbingi-bingihan lang sila.
Kinuha ko naman ‘yong perang iniwan nung lalaki sa lamesa. Basa ito – mukhang isa sa mga napulot ko kanina bago bumuhos ang malakas na ulan. Kaya naman lalong tumindi ang kutob ko na siya ang kumuha ng pera namin.
At dahil mukhang hindi madadaan sa maayos na usapan ang lalaking ‘to, lumapit ako sa kanya at sinimulan ko siyang kapkapan. Sobrang kinakabahan ako pero nagpakatatag ako. Hindi naman kasi para sa ‘kin ang perang ‘yon.
“Anong ginagawa mo?!”
May nakapa ako sa bulsa niya. Pero bago ko pa ito makuha ay tinulak ako nung lalaki papalayo. Sa sobrang lakas, tumama ako sa lamesa. Tumumba ito kaya tumapon sa sahig ‘yong pancit na binili namin, kumalat dahil nabuksan ‘yong supot.
“Ate Maymay!” sigaw ng mga batang kasama ko.
Kinuyom ko ang mga palad ko sabay tayo. Tumakbo na ‘yong lalaki pero hinabol ko siya sa ulan. Ayon lang ay wala akong nagawa noong pumasok na siya sa Pleasure Point. Mukhang dito siya nagtatrabaho at ayaw kong makita si Mang Lito kaya hindi ako tumuloy.
Dahil dito’y wala akong nagawa kung hindi bumalik ng bigo sa restaurant – basang-sisiw at butas ang bulsa. Hindi ko na napigilan ang pagbuhos ng luha ko, umagos ito sa pisngi ko kasabay ng ulan.
***
Ngayong nasa Mariposa District na kaming mga Marasubwa, nasa pangangalaga kami ng gobyerno. Sinusubukan naman nila kaming tulungan – nariyan ang paminsan-minsan nilang pagpapakain, pagpapapunta ng mga estudyante para pag-aralan ang lahi namin at magbigay ng kunwaring tulong, at kung anu-ano pang programa. Pero lahat ng ito ay hindi permanenteng solusyon.
Dahil sa nangyari kagabi, mas naging desidido akong takasan ang pagiging pulubi.
“Ayaw mo bang umuwi muna at magpahinga? Magpupuyat na naman tayo mamaya,” nag-aalalang saad ni Dayang, bakas ang pagod sa kanyang mukha dahil halos maghapon na kaming bilad sa araw. Tuwing tanghali at hapon kasi, sumasabit kami sa mga jeep at sa mga pasahero nanlilimos. Pagkatapos ay nagpapahinga kami sandali bago manlimos sa gabi sa kalsada.
Pero determinado akong madagdagan ang limos ko sa kabila ng pagod.
“Didiretso na ‘ko mamaya,” sabi ko sa kaibigan at hindi na niya ‘ko pinigilan pa. Umuwi na ang mga kasama ko pero naiwan ako sa sakayan ng jeep. Lahat ay pinasok ko, isa-isa kong kinalabit ang mga pasahero, at kahit mabilis ang takbo ng jeep ay humahabol at sumasabit ako.
“Totoo bang parte sila ng sindikato?” Narinig kong tanong ng isang pasahero habang nakaupo ako sa dulo ng jeep, sa mismong babaan ng tao.
Ito na ang huling jeep na paglilimusan ko. Papunta na ito sa Sampaguita Street.
Hindi naman na bago sa ‘kin makarinig ng mga gawa-gawang kwento tungkol sa amin. Kung hindi parte ng sindikato ay hindi raw kami totoong Marasubwa.
Pero nanatiling tikom ang bibig ko. Kahit naman kasi magpaliwanag ako, walang maniniwala sa ‘kin.
Paghinto ng jeep, bumaba ako para bigyan ng daan ‘yong pasaherong bababa. Kaya lang bago pa man ako makabalik sa dating pwesto ay humarurot na ‘yong jeep palayo. Muntik na tuloy akong masubsob kung hindi ko nabalanse ang sarili. Mabuti na lang at malapit na ‘ko sa Sampaguita Street. Madilim nga lang ang eskinitang pinagbabaan sa ‘kin.
Kakalubog lang kasi ng araw. Nagmadali na lang akong maglakad hanggang sa makarating ako sa pamilyar na kalsada sa ‘kin.
Nasa b****a na ‘ko ng Sampaguita Street nang may mapansin akong pamilyar na kotseng nakaparada sa bangketa. Natandaan ko ito dahil sa sticker sa likod ng sasakyan na mukhang agila.
Agad bumilis ang kabog ng dibdib ko. Nabuhayan ako ng loob dahil akala ko talaga hindi na babalik ‘yong Amerikano rito sa lugar namin!
Oo’t sasakyan niya ‘to. Imposibleng magkamali ako dahil bibihira ang kanyang sasakyan sa lugar namin.
Agad akong lumapit dito. Dumiretso ako sa likod na bintana. Sinubukan ko itong silipin pero sobrang dilim. Hindi ko makita kung may tao ba sa loob—
Biglang bumaba ang bintana ng kotse. Napaatras ako kaagad. Nakita ko ‘yong Amerikano pati mga tauhan niya. Seryoso ang mga mukha nila at pare-pareho pa ring nakasuot ng itim na shades.
“Ah h-hello po,” nautal pa ‘ko bago naiilang na kumaway. “Nice to meet you, again… Sir…?”
Hinintay kong sagutin ako nung Amerikano kung anong itatawag ko sa kanya. Sawa na kasi akong tawagin siyang Amerikano.
At akala ko hindi niya ako papansinin nang humarap siya sa ‘kin. Nahinto ang paghinga ko.
“Zavier.”
Sa wakas alam ko na kung anong pangalan niya!
“Maymay,” pakilala ko naman kahit hindi niya tinanong. Umangat ang magkabilang dulo ng labi ko. “Ah why… you—here?” Napapikit ako ng mariin. Nakakahiya. Dahil sa pagod, hindi ako nakapagbaon ng maraming Ingles. Gusto ko lang naman malaman kung bakit nandito na naman siya.
Hindi ko mabasa kung anong iniisip o nararamdaman niya dahil sa suot niyang shades pero nakaharap siya sa ‘kin. Kaya sinubukan ko pa ulit magsalita. “You… good?” Kumunot ang noo ko pero ngumisi at nag thumbs up pa ‘ko sa kanya.
Biglang pumasok sa isip ko ang posibilidad na nandito siya dahil sa inalok ko kahapon. Dito ako pumalakpak ng isa.
“You buy me!” masayang sigaw ko sabay turo sa kanya at sa sarili ko. Inulit ko pa ito na para bang sarili ko na ang kinukumbinsi ko.
Ayon lang ay mukhang hindi siya natuwa. Napahawak kasi siya sa labi at napayuko. Muling tumaas ang bintana hanggang sa wala na naman akong makita sa loob ng sasakyan.
Kakatukin ko pa sana ito nang umandar na ang sasakyan papasok sa Mariposa District. Napakamot na lang tuloy ako sa ulo nang maiwang mag-isa.
Ganuon ba talaga kahirap intindihin ‘yong Ingles ko? Ano kayang ginawa nila rito sa madilim na bangketa at talagang tumigil pa sila?
Nagkibit-balikat na lang ako. Basta ngayon, alam ko na ang pangalan ng Amerikanong ‘yon.
“Zavier.”
***
Sa sumunod na araw, sinobrahan ko ulit ang oras ng panlilimos ko sa hapon. Pagkatapos ay dumiretso na ‘ko sa Sampaguita Street para samahan ang ibang mga pulubi mag-ikot. Ayon nga lang, dahil Linggo ng gabi at wala masyadong tao rito, nagdala ako ng libro.
“Tigilan mo na nga ‘yang pagbabasa mo. Wala ka namang paggagamitan,” pag-agaw ni Dayang sa librong hawak ko. Mabilis ko naman itong binawi sa kanya.
“Pagbigyan mo na ‘ko. Alam mo namang libangan ko ‘to,” sabi ko sa kanya. Pakiramdam ko ginto ang nahahanap ko sa mga basurahan kapag nakakakita ako ng libro – kahit anong klase pa.
Kagabi ko pa binabasa ‘yong isang nobelang napulot ko. Nakasulat ito sa Ingles kaya naisip kong baka makatulong ito kahit papaano para maayos ko ang pagsasalita ko sa ganitong lengguwahe. Nakakaintindi na kasi ako pero hirap pa ako sa pagbuo ng mga pangungusap lalo na kapag kinakabahan.
Tuloy-tuloy lang kami sa paglalakad nang mapansin ko ‘yong sasakyan ni Zavier malapit sa isang malaking hotel dito. Mukhang naging pamilyar na rin si Dayang dito kaya tinuro pa niya sa ‘kin. Kahapon ay nasa Savor Ramen House naman kasi ito.
“Siguro naniningil siya ng upa,” hula ni Dayang sa ipinunta ni Zavier sa hotel.
“Kung upa lang ‘yan, sa tingin mo ba mag-aaksaya talaga siya ng panahon magpunta rito ng personal?” Ito naman ang opinyon ko. “Tingin ko, naniningil siya ng utang.”
Bumilog ang bibig ni Dayang bago tumakbo nang may makitang may lahi ‘di kalayuan sa ‘min. Naiwan naman ako sa harap ng hotel, nakatitig pa rin sa sasakyan ni Zavier.
Alam kong makulit ako pero ayaw ko siyang tigilan. Hangga’t nakikita ko siya rito sa Mariposa, hihilingin ko nang hihilingin na kuhanin niya ‘ko. Kahit alam kong posibleng masama siyang tao, hindi ko pa rin maalis sa isip ko ang posibilidad na siya lang ang nag-iisang pwedeng magligtas sa ‘kin sa buhay ko ngayon.
Kaya naman huminga ako ng malalim at dire-diretsong naglakad papunta sa sasakyan ni Zavier. Nakita ko na naman ‘yong dalawang tauhang lagi niyang kasama. Napailing na lang ang dalawa sa ‘kin pero hindi nila ‘ko pinagtabuyan katulad noon.
“Magandang gabi mga kuya. Naghapunan na ba kayo?” tanong ko pero diretso lang ang tayo nila. Sinusubukan nilang magpanggap na hindi ako naririnig.
At dahil wala pa naman ang taong pinunta ko, naisipan ko muna silang kulitin habang naghihintay. Tumayo ako sa harapan nila at bahagyang tumalon-talon. Aba’t hindi sila kumukurap. Mukhang ‘di talaga nila ‘ko nakikita sa suot nilang shades.
Hindi tulad ni Zavier, mukhang Filipino ang dalawang tauhang kasama niya. Artistahin din ang mukha nila at malaki ang pangangatawan. Pero dahil mukha silang mga poste, nakaisip ako ng mapaglilibangan.
May halaman malapit sa ‘min at pumitas ako ng mahabang dahon. Pagkatapos ay nilapitan ko ‘yong isa sa kanilang may bigote at plakadong kilay.
Dinikit ko braso niya ‘yong dulo ng halaman. Pero dahil nakasuot ng suit ay hindi siya kumibo. Ngumisi naman ako at sunod itong idinikit sa bandang ilong niya. Umigting ang panga niya pero ‘di naman niya ‘ko inaway. Kaya tuloy nagkunwari akong aalis na pero likuran niya ang sunod kong naging puntirya.
Natawa ‘yong bodyguard bago ako hinarap ng nakasibangot. Tumakbo naman ako papalayo nang subukan ako nitong lapitan. Nagpaikot-ikot kami sa sasakyan nila hanggang sa tumama ang mukha ko sa matigas na dibdib. Nakaamoy ako ng pang mayamang pabango.
Pag-angat ko ng ulo ay nakita ko si Zavier. Nakakatakot ang awra niya nang makaharap ko. Mistulang lumamig ang paligid at tumigil sa pag-ikot ang mundo.
"How long do you plan to stand there like a goddamn statue?" seryosong tanong niya kaya lumayo agad ako. Inayos niya ang kanyang polo na nagusot ko bago tumikhim.
Dito ako tumayo ng maayos sa harapan niya, inalala ko ang ilan sa mga linyang nabasa ko sa libro.
“Small world!” nakangiting saad ko. At dahil wala siyang shades ngayon, naningkit ang mga mata niya.
“What do you need from me this time?” Magsasalita pa lang ako nang unahan na niya ‘ko. "Don't tell me you're f*cking asking me to buy you again?"
Agad akong tumango ng nakangiti. “I can't live without you,” sabi ko pa kaya lalong nagsalubong ang kilay niya.
“When the hell are you gonna stop bothering me?"
“Until you buy me?”
"Never gonna happen.”
“You're making a big mistake, Zavier." Pinagdikit ko ang labi ko dahil muntik na ‘kong matawa sa tono ko. Pwede na yata akong mag-artista dahil pang telenobela ito.
"You've got to be shitting me."
“Well, you know what they say. Follow your dreams, no matter what." Bubuka pa lang ang bibig niya nang may maalala pa ‘kong magandang linya sa libro kaya inunahan ko siya. “Don’t worry! It’s not you, it’s me.” Tinapat ko ang isang kamay sa dibdib sabay iling ng malungkot.
Sinapo niya ang isang kamay sa mukha bago ko narinig ang marahas niyang buntong-hininga. Pinagdikit ko naman ang labi ko nang muli niya ‘kong harapin.
“I’ve been here in the Philippines for over five f*cking years. Nakakaintindi at nakakapagsalita ako ng Tagalog. Kaya magsalita ka ng normal.”
Natapik ko siya sa braso dahil nakahinga ako ng maluwag sa nalaman.
“Sanay ka naman pala! Hindi mo agad sinabi. Muntik nang dumugo ‘yung ilong ko,” natatawang sambit ko bago ko naalala kung sino ang kaharap ko. Humakbang tuloy ako ng isa paatras at ngumisi kay Zavier bago nag-peace sign.