Chapter 7

3308 Words
“Maymay, sigurado ka bang ‘di ka sasama sa ‘min? Magpapaiwan ka talaga rito?” puno ng pag-aalalang tanong ni Puraida. Ilang beses ko nang nasagot ang tanong niya sa loob ng isang Linggo. Ngunit mukhang nagbabakasakali pa rin siyang magbabago ang isip ko. Marami na rin akong nakausap tungkol dito – nariyan sina Dayang, Marikit, at mga volunteers ng barangay, pero iisa lang ang sagot ko: Hindi ako babalik sa pinanggalingan ko – sa Mindanao na orihinal na tirahan ng mga Marasubwa. Maraming ipinangako ang gobyerno sa amin – katulad ng ligtas na tirahan, kabuhayan, at suportang pinansyal. Kaya nga hindi nakapagtatakang lahat ng Marasubwa ay napapayag nilang bumalik. Kahit si Lola Sabel na tutol noon ay nagbago ang isip. Ako lang talaga ang matigas sa desisyon ko. Ako lang sa amin ang nagpaiwan sa Mariposa District. Ang kondisyon lang ng barangay sa ‘di ko pagsama, hindi ako pwedeng manlimos ulit katulad ng dati o ‘di kaya tumira sa kalsada. Huhulihin na nila talaga ako kapag ginawa ko pa ito. Nangako naman akong susunod sa kanilang gustong mangyari. Nagsabi pa ‘kong maghahanap ng trabaho – kahit na hindi ko alam kung saan magsisimula. Basta hindi ko gustong bumalik sa Mindanao katulad ng iba. Nakapila na ang mga pulubing Marasubwa sa basketball court, naghihintay sa bus na maghahatid sa kanila sa sasakyang Ro-Ro. Nakita kong umiiyak ang kaibigan kong si Dayang, hindi ako matingnan dahil naiinis ng sobra sa desisyon ko. Si Marikit naman ay mugto pa rin ang mga mata at para bang naubos na ang luha habang yakap-yakap ang nanay. Gusto man nilang samahan ako, may mga pamilya silang ‘di kayang iwan. At naiintindihan ko naman sila. Hindi ko rin sila pinipilit. Simula noong nakatungtong ako sa Maynila, itinatak ko na sa isip kong mag-isa ako. Lahat ng mga tao sa paligid ko ay panandalian lang. Ibig sabihin ay darating ang panahon na mawawala rin sila. “Ang sama mo, Maymay. Pagkatapos ng lahat ng mga pinagsamahan natin, ganito na lang tayo maghihiwalay?” reklamo ni Dayang na halos ‘di ko maintindihan dahil sa paghikbi niya. Ramdam ko ang pangingilid ng luha sa mga mata ko. Tulad niya’y nasasaktan din naman kasi ako. Pero mas kaya kong itago ang nararamdaman ko para lang maging madali sa kanyang umalis. “Magkikita pa rin tayo. Hindi man agad-agad pero alam kong darating din ang panahong ‘yon,” sabi ko kahit na wala akong tiwalang mangyayari ang sinasabi ko. Pagkatapos nila akong iwan dito, hindi ko alam kung saan na ako pupulutin. Pero kailangan kong maging matatag. Hindi ko siya gustong sabayan sa puntong ‘to. Bigla namang yumakap at nagpabuhat si Marikit sa ‘kin. Parang pinipiga ang puso ko lalo na nang makita kong suot niya ang regalo ko sa kanyang sapatos. Hindi siya makapagsalita dahil sa paghagulgol kaya ako na lang ang bumulong sa kanya. “Kapag malaki ka na, ibibili ulit kita ng sapatos. Tapos dadalhin kita sa mga pasyalan,” sabi ko kaya lalong humigpit ang yakap niya. Malapit nang bumagsak ang luha ko. Kaya naman mabuti na lang at dumating na ang mga bus. Umandar na ang pila. Bumalik na silang dalawa at dumistansya ako para panuorin sila. “Mag-iingat kayo. Maraming salamat sa lahat.” Ito ang huli kong sinabi sa mga kasama ko. Niyakap nila ako isa-isa. At habang naglalakad sila papasok sa bus, hinawakan ko ng mahigpit ang suot kong makinang at malamig na capiz shell. Suot ko ang kwintas kong gawa sa manipis na kadena na ginto ang kulay at may isang malaking pendant na hugis-puso – gawa sa malaki at kumikinang na capiz shell. May ganito rin ang kapatid kong babae, magkatulad ang disenyo. Nakangiti akong kumaway sa mga kasama ko hanggang sa umalis na ang bus. Ngunit nang maiwan na akong mag-isa ay tsaka bumagsak ang balikat ko, tila bumigat ang pakiramdam ko. Kasabay nito’y naglaho ang ngiti sa labi ko. Hindi ko alam kung pagsisisihan ko ang hindi pagsama sa kanila, pero hindi ko maatim bumalik sa lugar kung saan pinatay ang buong pamilya ko. Mula sa basketball court, dahil maaga pa naman ay naglakad-lakad ako sa Mariposa District. Bitbit ko ang isang malaking plastic bag na naglalaman ng mga gamit ko – mga damit at ilang libro na binigay sa ‘kin. Sa paglalakad ay sinundan ko lang ang dati naming ruta. Tirik ang araw kaya bukod sa nagbabadyang luha sa mga mata ko ay pinagpapawisan ako. Sa unang mga minuto ay nagawa kong pigilan ang luha ko. Ngunit nang mapatingin ako sa ilang bahagi ng kalsada at nakita ko ang imahe ng mga kasama ko noon – lalo na sa lugar kung saan kami madalas tumambay at magkatuwaan, parang gripong bumuhos ang luha ko. Ngayon ko napatunayang napakarami pala naming alaala sa lugar na ‘to. Pinili kong mamahinga sa Las Rosas Circle. Sumilong ako sa isang puno rito. Tahimik at malinis lang ang lugar na ito ngayon dahil wala na ang mga palaboy na tulad namin. ‘Di kalayuan sa pwesto ko ay tanaw na tanaw ko ang Pleasure Point. Nakita kong papasok sa loob si Mang Lito, maaga pa pero baka naghahanda lang silang magbukas para mamayang gabi. Bumuntong-hininga ako bago inihilamos ang dalawang kamay ko sa mukha. Ang init ng buong mukha ko ngayon at uhaw na uhaw din ako. Iniisip ko kung may malalapitan pa ba ako rito sa Maynila pero wala naman akong kamag-anak o kakilala rito. ‘Yung mga kaibigan ko ay katulad ko rin at ngayon nga ay bumalik na sa lugar namin. Kung may kilala man akong masasabi na natira rito sa Mariposa District, iyon ay si Zavier lang. Si Mr. Zavier Marcello Santiesteban na alam kong wala namang interes sa tulad ko. Marahil ay nakailang buntong-hininga pa ‘ko bago nagkaroon ng magandang ideya. Napatingin ulit ako sa Pleasure Point. Saktong lumabas si Mang Lito at napunta sa direksyon ko ang paningin niya. Nagtagpo ang mga mata namin, ngumisi na para bang alam na niya kung anong pinagdadaanan ko. At nang parang ‘di pa nakuntento, naglakad siya papalapit sa ‘kin. Hinigit ko ang hininga ko. Inihanda ko ang sarili sa paglapit niya. Alam kong sa puntong ‘to, kailangan ko nang itaya ang lahat para mabuhay. *** Desperada na kung desperada. Pero gagawin ko ang lahat ngayon para manatili sa Maynila. Alam kong wala akong oras na dapat aksayahin kaya mabilis akong kumilos at nagdesisyon. “Suotin mo ‘to. Tapos mamaya, mag-aabot ka lang muna ng mga inumin at pagkain sa customers,” walang ganang saad ni Sasha sabay bato sa ‘kin ng hawak niya. Isa siya sa mga bayarang babaeng matagal na rito sa Pleasure Point, marahil ay nasa early 30s na ang edad. Sinabihan siya ni Mang Lito na magturo at mag-asikaso sa ‘kin lalo na’t bago lang ako rito. Maganda sana siya, mukhang Koreana, ngunit sobrang sungit. Buksan ko lang ang bibig ko, parang mali na agad sa kanya. Napalunok ako nang makitang manipis at medyo masikip na uniform ang pinapasuot niya sa ‘kin. Tatanungin ko sana kung may iba pang size ito nang maunahan niya ‘ko. “Bakit? May problema ba?” Nakataas ang kilay ni Sasha sa ‘kin. Umiling lang ako bilang tugon sabay punta sa banyo bago pa siya may masabi. Hindi ko alam kung kaya kong suotin ang binigay niyang uniporme. Sigurado kasing litaw ang pusod ko sa kulay puting t-shirt na may nakasulat na PLEASURE sa bandang dibdib, at halos hanggang singit lang yata ang haba ng maong shorts lalo na sa taas ko. Pero wala naman akong magagawa. Parte ang pagsusuot ng damit na ‘to sa pinasok ko. Oo’t nandito ako ngayon sa Pleasure Point. Tinanggap ko ang trabahong matagal nang inaalok ni Mang Lito sa ‘kin – ang maging waitress dito sa club na may sideline bilang bayarang babae. Kapalit nito’y sweldo at bubong na matitirhan. Hahayaan daw niyang dito ako tumuloy sa Pleasure Point pansamantala habang nag-iipon ako ng pang-upa. Kaninang hapon ay kinausap ako ni Mang Lito sa circle. Alam niya ang nangyari sa mga Marasubwa at inalok niya ulit akong magtrabaho sa kanya. Nilunok ko na ang pride at hiya ko, hindi ako nagatubiling tanggapin ito. Kaya nga kinagabihan ay pinagsimula na niya agad akong magtrabaho. Bagong ligo ako dahil ito ang utos ni Sasha pagdating ko sa club kanina. At ngayon, pagkabihis ko ng uniporme nila. Tiningnan ko ang sarili sa salamin. Hinigit ko ang hininga ko nang makitang masyado ngang hapit ang suot ko. Kahit hindi kalakihan ang dibdib ko ay nadepina pa rin ito lalo na’t kita ang pusod ko. Kahit anong hila ko pababa ng shorts ay talagang lagpas sa kalahati ang kita sa hita ko. Bigla ko tuloy naalala si Dayang dahil ganito siya manamit. Nag-aalangan akong lumabas ng banyo at nang makita ako ni Sasha, tiningnan lang niya ‘ko mula ulo hanggang paa. Hindi ko mabasa kung anong iniisip niya. Basta pinasunod niya ‘ko sa sa makeup room kung nasaan ang iba ko pang makakasama sa trabaho. Dito’y naabutan kong maliit na kwarto lang ito na may malaking salamin sa pader. May baklang kasalukuyang nag-aayos ng isa sa mga babaeng nakaharap sa salamin. Samantalang ang iba ay nakaupo lang at naghihintay sa isang tabi. Nag-angat sila sandali ng tingin sa ‘kin bago bumalik sa pakikipag-usap sa isa’t isa. Ginaya ko naman sila at naupo ako sa kabilang dulo ng mahabang upuan. Mukhang dito inaayusan lahat ng mga babae rito sa club. Naghintay ako hanggang sa ako na ang ayusan. Tahimik lang ako sa pwesto ko, pero ramdam ko ang pagbabago ng ihip ng hangin dahil sa pagdating ko. Pag-alis ni Sasha, nahalata ko sa mukha ng mga babaeng makakasama ko sa trabaho ang pagkadismaya. Marahil dahil magiging katulad na nila ako. Bukod sa pinagbubulungan at pinagtatawanan nilang mabaho at marumi ako dahil sa pagiging pulubi ko, pinag-uusapan din nilang imposibleng may pumatol sa ‘king lalaki sa club na ‘to. Masyado raw akong “cheap” at “low-quality” – ilan lang ito sa mga masasakit na salitang narinig ko sa paglipas ng bawat segundo. Mabuti at makapal na ang mukha ko para magpaapekto pa sa kanila. Nakakalungkot lang isiping kailangan pa talaga nilang mambaba ng kapwa para lang tumaas ang tingin nila sa sarili. Sila na nga itong mapuputi at may magagandang katawan pero parang hindi pa rin sila kuntento. Tiniis ko na lang lahat ng mga naririnig ko hanggang sa ako na sa wakas ang aayusan. Ako ang pinakahuli kaya ako na lang ang naiwan sa kwarto kasama ng baklang mag-aayos sa ‘kin. Pansin ko ang kulay ube niyang buhok at hikaw sa bandang ilong. Medyo kabado ako dahil mukha siyang mataray. “Anong pangalan mo, sis?” tanong niya sa ‘kin na ‘di ko inasahan. “Maymay po,” mabilis kong sagot na tinawanan niya. “Jusko! ‘Wag mo na ‘kong i-po. Just call me, An. Short for Andrew.” Tumawa siya ng malakas bago ko pa makuha ‘yong joke. Ngumiti naman ako pabalik. “Ang chaka naman ng name mo. Masyadong mahaba pang club. Ang sabihin mo sa kanila, tawagin kang Maya!” Maya? Sabagay. Pwede naman akong magkaroon ng nickname. “Anong bet mo? Nakataas o nakabagsak ang hairlaloo?” tanong pa ni An. Dahil naiinitaan ako, pinili ko na lang ang nakataas na ayos ng buhok. Nag-iwan lang siya ng ilang hibla sa bandang harapan para hindi masyadong simple ang mukha ko. Nakatikom lang ang bibig ko habang inaayusan ako ni An. Hindi ko rin kasi alam kung ano ang dapat sabihin lalo na’t unang beses kong maayusan ng ganito. “Ay naku, Maya. ‘Wag mong isipin ‘yung mga pinagsasasabi ng mga ‘yon,” pagbasag ni An sa katahimikan. “Insecure lang sila dahil alam nilang pure Pinay na tulad mo ang hanap ng mga foreigners dito!” Napangiti naman ako dahil alam kong pinapagaan lang ni An ang loob ko. Mukhang tahimik lang siya kanina pero narinig din niya lahat ng mga panlalait sa ‘kin ng mga kasamahan ko. “Tama naman sila. Walang-wala ako kumpara sa kanila,” pag-amin ko. Ano ba naman kasi ang laban ng isang pulubing tulad ko. Bigla naman akong tinapik ni An sa balikat na medyo napalakas kaya halos mangudngod ako. “Ay sorry! Ikaw naman kasi! Self-confidence is key to beautiness!” bulalas niya. “Isipin mo na lang, ikaw itong nasa lansangan pero mas makinis pa ang mukha mo sa kanila. Pak na pak! Paano na lang kapag inalagaan mo pa ang sarili mo simula ngayon? Nate-threaten lang sila sa ‘yo kasi mga hipon sila!” Nahihiya ako sa mga magagandang bagay na sinabi ni An tungkol sa ‘kin. Hindi ako masanay-sanay makarinig ng ganito. Pero malaking tulong naman ang mga sinabi niya para kahit papaano ay mapakalma ako. Kinakabahan kasi talga ako sa unang araw ko sa Pleasure Point. Nang matapos na si An sa paglalagay sa ‘kin ng makeup, pinagsuot niya ‘ko ng itim na choker bago pinaharap sa salamin. Dito ko hindi nakilala ang sarili. Maganda naman ang ayos sa ‘kin pero hindi lang ako sanay. Makalapal kasi ang makeup niya, lalo na sa bandang mata na may makapal pang pilikmatang muntik nang magpatulog sa ‘kin kanina. “Oh, ‘di ba? Gandarabels! Galingan mo sa first day mo! Malaking magbigay ng tip ang mga customers dito. Basta always smile,” payo pa ni An bago ako tuluyang lumabas ng makeup room. Huminga ako ng malalim at sinubukang hanapin si Sasha sa paligid. Siya lang daw kasi dapat ang susundin ko. Ngunit dahil nagsimula nang pumasok at magsulputan ang mga customers sa club, naging pahirapan para sa ‘kin ang paghahanap sa kanya. Madilim sa loob ng Pleasure Point, nagbabago-bago pa ang kulay ng mga ilaw. Masakit sa mata at ulo lalo na’t sinamahan pa ng malakas na tugtog. Pero mukhang hindi ito pansin ng mga taong masayang-masaya pa sa pagpunta sa lugar na ‘to. Naghihintay ako kay Sasha nang may kumalabit sa ‘kin. Paglingon ko’y sinalubong ako ng umiilaw na tray na may lamang mga bote ng beer. Inaabot ito ng isa sa mga kasamahan kong babae. “Bigay mo ‘to dun. Hindi ‘yung patayo-tayo ka lang dyan.” Muntik na niyang bitawan ‘yong tray kaya napilitaan akong hawakan ito. May tinuro siyang lalaking mag-isang nakaupo sa isang lamesa sa bandang gitna ng club bago ako iwan. Alam kong hindi ko ‘to dapat ginagawa. Pero ang sabi naman niya iaabot ko lang ito kaya ginawa ko na. Matanda na ‘yong lalaki, marahil doble ng edad ko. Nakakagulat na nagpupunta pa siya sa ganitong lugar. Ngumiti ako katulad ng bilin ni An at nilagay sa lamesang kaharap niya ang mga beer. Pagkatapos ko itong gawin ay paalis na sana ako kung hindi ako nito biglang hinawakan sa pang-upo ko. Agad kong ipinalo sa kamay nito ‘yong tray na hawak ko. Napaaray ito kaya napatingin din ang ibang customers sa ‘min. Nagulat din ako sa ginawa ko dahil ‘di ko ito napag-isipan ng mabuti. Mistulang umangat ang dugo sa ulo ng lalaki nang humarang sa harapan ko si Sasha. Agad niyang pinakalma ang customer. Sinenyasan ako nitong umalis na gamit ang kamay niya sa likod. Kaya naman sinunod ko agad ito. Dahil nagmamadali pabalik sa pinanggalingan ko, hindi ko inasahan nang may mabangga akong customer na kakapasok lang ng club. Agad akong humingi ng tawad pero halata ang inis nito habang inaayos at pinapagpag ang suot na itim na suit. Hinigit ko ang hininga ko nang maisip kong baka si Zavier na ito. Pero nang mag-angat ako ng tingin, nakita ko ang panot nitong ulo at nadismaya. May mga kasama rin itong bouncers at nagtuloy-tuloy ang mga ito paakyat sa ikalawang palapag. Ang narinig kong usap-usapan noon sa labas, mga VIPs daw ang dinadala rito – o mga mayayamang customers na bukod sa alak at pagkain, may order na babae. Maisip ko pa lang ito ay nasusuka na ‘ko. Hindi ko alam kung kakayanin ko bang tumagal dito. Lalo na ang magbenta ng aliw katulad ng iba… Kung simpleng paghawak pa nga lang sa ‘kin ay hindi ko na makaya. “Hindi ba’t sabi ko, ako lang ang susundin mo?” bungad ni Sasha sa ‘kin sabay hawak sa braso ko. Hinila niya ‘ko pabalik sa labas ng makeup room. “Bigla kasi akong inabutan—” “Simpleng instruction lang hindi mo masunod. Kaya sinabi ko na kay Mang Lito na ‘wag kumuha ng pulubi,” sabi pa ni Sasha na parang sumaksak sa dibdib ko. Isinabunot niya ang isang kamay sa buhok bago nagpatuloy. “Tutal nagmamarunong ka. Puntahan mo ‘yung mesa roon na may apat na lalaki,” sabi ni Sasha. Akala ko kasi ay magiging waitress lang ako ngayong gabi pero pagtingin ko sa mesang tinutukoy niya ay parang mga manyak na tambay ‘yong mga lalaki rito. Napalunok ako. Bago pa ako makatanggi ay iniwan na ‘ko ni Sasha. Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Naisipan ko nang umatras pero naalala ko ang dahilan ng pagpasok ko sa lugar na ‘to. Ang totoo’y isang bagay lang ang pinunta ko rito. Si Zavier. Kung gabi-gabi siyang nagpupunta rito, kahit walang kasiguraduhan ay umaasa akong magpupunta siya rito ngayong gabi. Kung ang pinupunta niya rito ay bayarang babae, gusto ko sanang ipakita sa kanyang kaya ko rin namang maging tulad nila kung bibigyan niya ‘ko ng pagkakataon. Mas gugustuhin kong sumama sa kanya kaysa manatili sa lansangan o dito sa club na ‘to na parang impyerno para sa ‘kin. Ngunit sa paglalim ng gabi ay unti-unti akong nawawalan ng pag-asa. Pakiramdam ko ay ako mismo ang humanap ng sarili kong kulungan. Nilakasan ko ang loob ko at naglakad na papunta sa lamesang tinuro ni Sasha sa ‘kin. Hindi ko alam kung anong mangyayari pero tuloy-tuloy lang ako papunta rito. Bahala na kung saan ako dalhin ng kapalaran ko. Ayon lang ay masyado ko yatang naituon ang pansin ko sa lamesang gustong puntahan kaya hindi ko na naman napansin ang paparating galing sa pinto ng club. Hiyang-hiya ako dahil nakabangga na naman ako ng customer na kakapasok lang. Agad akong yumuko. “Pasensya na po!” bulalas ko. Pag-angat ko ng ulo, ikinabigla ko nang makita si Zavier! Binukas-sara ko pa ang mga mata ko. Akala ko’y namamalikmata lang ako. Nanlaki sandali ang mga mata ni Zavier, animo nagulat nang makita ako. Pagkatapos ay lumukot ang noo niya. Malamig at seryoso ang tingin niya sa ‘kin na para bang ‘di natuwang makita ako. Kabaliktaran naman ang naramdaman ko nang makita siya. Para akong nakahinga ng maluwag dahil kanina ko pa siya hinihintay. Umawang ang labi ko para magsalita nang may biglang humaltak sa braso ko bago ko pa ito magawa. “Kanina ka pa nila hinihintay!” sigaw ni Sasha sa ‘kin. Hinila na niya ‘ko palapit sa table habang pilit kong nililingon si Zavier. Nakita kong nahinto siya sa pinagbanggaan namin, sinundan ng tingin ang direksyon ko. “Magbabayad kami ng malaki kung sasayaw ka sa ibabaw ng mesa namin,” sabi nung isang lalaki sa lamesa na agad sinuportahan ng mga kasama niya. Nagulat naman ako lalo na nang pumalakpak sila. Sinangayunan pa ito ni Sasha na pilit akong tinutulak para gawin ang gusto nilang mangyari. Hindi ako nakahinga nang pagtingin ko kay Zavier, kinakausap na siya ni Mang Lito pero nasa akin pa rin ang matalim niyang tingin. Parang biglang tumigil ang oras at nawala ang mga tao sa paligid namin. Parang wala siyang ibang nakikita bukod sa ‘kin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD