Umihip ang malamig na hangin galing sa hardin. Binalot ng katahimikan ang buong sala kung nasaan kaming tatlo. Magkatabi kami ni Zavier sa mahabang sofa, habang nakaupo naman sa single couch si Andeng. Katulad ng inaasahan, hirap itong tingnan kami ng diretso… tila hindi kumportable pagkatapos ng natuklasan. Pagtingin ko naman kay Zavier, kumpara sa normal na ekspresyon ng mukha ay mas seryoso siya ngayon. Kung hindi ka sanay, kikilabutan ka pa rin dahil sa malamig niyang tingin. Ayaw pa sana niyang paawat kanina pero siya rin ang kusang tumigil nang mapagtantong hindi ko kayang suklian ang mapusok niyang halik. Paano ko naman kasi ito magagawa kung nag-aalala ako sa kapatid ko? Mabuti nga at inabutan pa namin si Andeng sa sala. Hindi ko nga lang maisip kung paano sisimulan ang pag-uus

