Nakapikit ako pero gising ang diwa ko. Ilang minuto na akong ganito. Paano ba naman kasi ako makakatulog pagkatapos ng mga sinabi ni Zavier sa ‘kin? Ayos lang daw kung hindi pa ako si Maya, nakatulong ako sa party, interesado siya sa akin, at higit sa lahat ay hindi ko kailangang bumalik sa Mariposa. Maraming bagay ang tumatakbo sa isip ko – mga bagay na lalong nagpapasakit ng ulo ko. Natigilan lang ako nang marinig ang pagbukas ng pinto. Hinigit ko ang hininga ko nang masundan ito ng mga yabag na papalapit sa akin. Ilang minuto rin niya akong iniwang mag-isa sa kwarto para makapagpahinga pero hindi naman ito ang ginawa ko. Binasag ni Zavier ang katahimikang bumabalot sa kwarto nang magsalita siya sa wakas. “Eat then drink your medicine. You can just go back to sleep once you’re done.”

