BAGONG PAMILYA

1402 Words
(CARAMEL'S POV) Napaupo na lamang ako sa gilid ng kalsada. Wala na akong pagkain. Magtitiis na lamang ako sa gutom. Matutulog ako nang walang laman ang sikmura. Kailangan kong masanay na nandito na ako sa langsangan nakatira. Napabuntong-hininga ako habang nakatingala sa langit. Kung hindi namatay si Inay baka masaya ako ngayon. Siguro hindi ganito ang magiging buhay ko. Siguro nasa eskuwelahan pa rin ako ngayon at hindi natutulog sa malamig na semento o lupa. Sana panaginip lang ang lahat ng ito. Sana matapos na rin ang mga paghihirap ko. Ramdam ko ang lamig ng lupa sa aking likuran. Wala na rin akong sapin dahil nasira na ang kumot na ginagamit ko. Pumikit ako at pilit na nagpahinga. Ngunit hindi nagtagal, may narinig akong malakas na boses. “Gumising ka diyan, pulubi!” Malakas na sigaw ng isang babaeng kilala ko. Napadilat ako. Ang tindera ng panaderya ang nakita ko sa aking harapan. “Buwisit ka, pulubi! Napagalitan ako ng amo ko dahil sa iyo!” Hinawakan niya ang braso ko at marahas akong hinila. “Ate, tama na po…” pakiusap ko habang nangingilid ang luha sa aking mga mata. “Kung akala mo hindi kita papalampasin dahil napahiya ako sa amo ko, nagkakamali ka! Buti na lang at nakita kita!” Agad niya akong itinulak sa putikan. “Halos matanggal ako sa trabaho dahil sa iyo! Tandaan mo, pulubi! Kapag nakita kitang bumili ulit sa panaderya, hindi lang iyan ang aabutin mo!” Pagkatapos ay tinalikuran niya ako. Nang tuluyang mawala ang babae, lalo akong nanghina. Napaupo ako sa putikan habang nanginginig ang buong katawan ko sa takot. Ayoko na... Bakit napakaraming pagsubok ang dumarating sa akin? Habang pinipigilan ko ang aking mga luha, may narinig akong boses mula sa aking likuran. “Ineng… okay ka lang ba?” Dahan-dahan akong lumingon. Isang ginang ang nakatayo sa likuran ko. Hindi na ako halos makagalaw sa panghihina. Maya-maya, biglang dumilim ang aking paningin. “Ben, dalhin natin ang bata sa ospital!” Iyon ang huling narinig ko bago tuluyang pumikit ang aking mga mata. Unti-unti kong narinig ang mga boses sa paligid ko. “Dok, kumusta po siya? Ayos lang po ba siya?” Narinig ko ang boses ng isang babae at kausap ang Doctor na tinawag nito. “Maraming pasa ang bata. Ano bang nangyari sa kanya Ma’am?” “Hindi ko rin alam. . Sa tuwing dumadaan ako sa kalye, nakikita ko siya. Gusto ko siyang lapitan noon pa man, pero palagi siyang napapaligiran ng mga taong umaapi sa kanya. Wala siyang kalaban-laban,” anas ng babaeng ‘yon. Sa aking pagkakatanda ay siya ang tumulong sa akin. “Inay…” Hindi ko alam kung bakit iyon ang unang salitang lumabas sa aking bibig. “Inay, huwag mo akong iwan." May kakaibang init akong naramdaman sa aking mukha. “Inay… hirap na hirap na ako.” Pilit kong hinahanap ang Inay ko kahit nasa panaginip lamang ako. Ngunit wala talaga. Maya-maya, may marahang humaplos sa aking buhok. “Iha…” Hindi ko alam kung sino iyon. “Huwag kang mag-alala. Nandito ako para alagaan ka. Hindi na kita ibabalik sa kalye.” Hindi ko alam kung panaginip lamang ba ang lahat. “Dadalhin kita sa bahay ko,” narinig kong sabi ng babae. Maya-maya, may isang lalaki namang nagsalita. “Ma'am Emelia, baka magalit si Nathan kapag nalaman niyang nagdala kayo ng bata sa bahay.” “Hindi naman kailangang malaman ni Nathan.” “Pero, Ma'am…” “Kawawa ang batang ito. Gusto ko siyang bigyan ng panibagong pag-asa.” “Ma'am, paano naman si Miranda? Alam mong maselan siya sa mga bata. Hindi natin kilala ang batang ito.” “Hindi ako papayag na masaktan ulit ang bata.At kung may manakit sa kanya, ako mismo ang haharap!” Galit na sabi ng babaeng tumulong sa akin. Hindi ko na narinig ang sumunod nilang pag-uusap dahil muli akong nakatulog. Unti-unti kong minulat ang aking mga mata nang muli akong magising. Napatingin ako sa paligid. “Nasaan ako?” Agad kong nakarinig ng boses sa tabi ko. “Iha, nasa ospital ka. Dinala kita rito.” Napatingin ako sa babaeng nasa tabi ko. Natatandaan ko siya. Bago ako mawalan ng malay ay ito ang lumapit sa akin. “Sino po kayo? Ano po ang kailangan ninyo sa akin?” Nahiya akong yumuko. “Hindi ako masamang tao. Gusto ko lang tumulong. Puro pasa ang mukha mo at may sugat ka sa labi. Iha, ako nga pala si Mrs. Emelia Gages. Tawagin mo na lang akong Ma’am Emelia.” “Maraming salamat po, Ma'am Emelia.” Napayuko ako. “Gusto ko na pong lumabas ng hospital. Nag-alala ako. Baka magalit sa akin ang mga kasama ko roon sa kalye. May ipinag-uutos po sila na dapat kong gawin, tulad ng pamamalimos. Baka saktan ulit nila ako kapag hindi ako nakapagbigay ng pera sa kanila." Napakunot ang noo ni Ma'am Emelia. “Iha, ano ang pangalan mo?” “Caramel Gazum po. Wala na po akong mga magulang. Pumanaw na po si Inay. Pati po ang tiyuhin ko, wala na rin. Pinalayas po ako ng asawa ng tiyuhin ko sa sarili naming bahay.” Napailing si Ma'am Emelia. “Grabe pala ang nangyari sa iyo, Caramel.” Napayuko ako. Hinaplos niya ang aking buhok. “Huwag ka nang mag-alala, iha. Aalagaan kita na parang tunay na anak.” Napatingin ako sa kanya. “Pag-aaralin din kita.” Muli siyang ngumiti. “Sa bahay ko, magiging parang prinsesa ka. Wala nang mananakit sa iyo.” Agad akong napaluha. “Hindi na po ba ako babalik sa lansangan?” “Promise, Caramel. Hindi ka na babalik doon. Sa mansyon ka na mamalagi.” “Ma'am Emelia… baka ayaw po sa akin ng mga kamag-anak ninyo. Ayoko pong maging dahilan ng problema ninyo. Pulubi lang po ako.” “Iha, ako ang bahala sa iyo. Huwag kang matakot.” Nang marinig ko iyon, parang may kaunting pag-asa na muling sumibol sa puso ko. “Puntahan ko muna ang doktor para ma-discharge ka na.” Tumayo si Ma'am Emelia at lumabas ng silid. Maya-maya, lumapit sa akin si Mang Ben. “Caramel, tama ang desisyon ni Ma'am Emelia. Mas ligtas ka sa mansyon. Ben, itawag mo na lang sa akin,” sabi niya. “Opo, Mang Ben.” Napangiti si Mang Ben. “Napakabait ni Ma'am Emelia. Mag-isa lang sa bahay si Ma'am Emelia. Si Ma'am Miranda, bihira lang pumunta sa mansyon. Kaya huwag kang matakot.” Agad akong nagpasalamat kay Mang Ben. Mayamaya pa’y dumating ang doktor at si Ma’am Emelia. Sinabi ng doctor na puwede na akong lumabas. Ngunit ipagpatuloy ko lang ang pag-inom ng gamot. May ointment din na ilalagay sa mga sugat ko. Lumapit sa akin si Ma'am Emelia at inalalayan akong tumayo. “Maraming salamat po sa inyo. Kung hindi ninyo ako nakita sa kalye, baka hanggang ngayon nandoon pa rin ako…” “Hindi ka na babalik doon. At ayaw kong may manakit pa sa iyo. Matuto ka ring ipagtanggol ang sarili mo, Caramel.” Nahihiyang tumango ako sa Ginang. Paglabas namin ng ospital, nakita ko ang isang magandang kotse na nakaparada. Mabilis kaming sumakay sa sasakyan. “Caramel, gusto kong ituring mo akong Ina.” Halos maiyak ako sa sinabi nito. Hanggang sa mahigpit ko siyang niyapos. Panay ang pasasalamat ko rito. Hindi ako makapaniwala. “Matagal ko nang gustong magkaroon ng anak. Nang makita kita, parang natupad ang matagal ko nang hinihiling…” Bulong ni Ma’am Emelia. Nang makarating kami sa bahay ni Ma'am Emelia, napanganga ako pagkapasok namin sa loon. Napakalaki ng bahay. Nakakalula ang ganda. MAY nakita rin akong swimming pool. Totoo ba ang lahat ng ito? “Caramel, magiging bahay mo na rin ito.” Pagkatapos ay hinawakan niya ang kamay ko. “Tara na. Alam kong gutom ka na. Alam kong hindi ka pa kumakain.” Pagpasok namin sa mansyon, sinalubong kami ng mga katulong. “Magandang gabi po, Ma’am Emelia.” Huminto si Ma’am Emelia sa harap nila. “May ipapakilala ako sa inyo. Siya si Caramel. Aampunin ko at magiging anak ko na rin.” Napatingin silang lahat sa akin. “At kapag nalaman kong may nanakit sa anak ko, hindi ko iyon palalampasin. Maliwanag ba?” “Opo, Ma’am Emelia.” Parang panaginip lang ang lahat ng ito. Sana’y huwag na akong magising pa. Magaan ang loob ko kay Ma'am Emelia.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD