PALABAS na ng campus si Madison nang makitang nakaupo sa isang bench ang malungkot na si Yohan kasama si Althea. Lumapit siya sa mga ito at naupo sa tabi ni Yohan.
“Hayaan mo na ‘yun. Puwede ka pa namang sumubok ulit next year, hindi ba?” aniya rito sa mababang boses. She was almost sure he didn’t make it.
Lumingon sa kaniya si Yohan at sumilay ang isang matamlay na ngiti sa mga labi nito pero hindi ito kumibo.
“Ang kulit mo kasi eh. Bakit ba ang painting na iyon pa ang naisip mong i-present?” biro niya rito.
“What’s wrong with the Angel Incarnate?” pagkuwa’y inosente nitong tanong.
“Wala. Actually, Angel Incarnate is a masterpiece! Nilikha ni LDV iyon galing sa puso niya. Hindi commissioned project o pabor para sa kung sinong hari noong panahon ng renaissance. Nagkataon lang na napunta iyon sa kamay ng isang taong hindi karapat-dapat.”
“So you also believe that? You mean, naiintindihan mo ang presentation ko? You see the connection of that painting to Adam and Eve?”
“Of course! Malinaw naman ang logic mo. Tulad ni Eve ay natukso rin si Leonardo ng isang serpent, ng isang little devil sa katauhan ni Andrea Salai. Sa totoo lang, sumagi rin sa isip ko ang painting na ‘yan kahapon. Kaya lang ay hindi ko alam kung makakaya kong bigyan ng justice ang obra. Paano bang iguhit ang…ang bagay na iyon nang hindi ako mapapahiya?”
Nagkatawanan silang tatlo pagkaalala sa ‘bagay na iyon’ na laman ng Angel Incarnate.
“You know what guys, ang galing niyong dalawa! Pareho kayong mag-isip ha. Ako kasi, ni hindi ko napagtuunan ng pansin ang Angel Incarnate. Since it was rumored to have been painted by Salai, instead of Leonardo, out na siya sa list ko.”
“It was an interesting part of Leonardo’s history. Hindi ko mapigilan ang sarili kong alamin lahat ng tungkol doon,” tugon niya na napapangiti.
“Just like Yohan. Ang dami din niyang alam tungkol kay LDV. Kahit mga kuwentong wala na sa internet at mga libro, alam niya. Magtapat ka nga sa amin, reincarnated soul ka ni LDV ano, Yohan?”
Muli silang nagkatawanan.
“But seriously, alam mo ang kuwento ng painting na iyon, hindi ba?” pagkuwa’y baling ni Madison kay Yohan. “Bakit naisipan mong iyon ang i-present? Hindi ka ba nag-worry na baka magwala si Dean Cortez oras na makita iyon?”
“Of course, I was expecting that kind of reaction from her.”
“What?” Natakpan niya ang bibig sa pagkagulat sa sinabi nito. “Don’t tell me…”
“Wait,” pakli ni Althea. “Hindi mo ba alam na walang interes na mapasama sa La Squadra si Yohan?”
Kuntodo iling siya. Ang alam niya’y pare-pareho silang tatlo na umaasam na mapabilang sa La Squadra.
“Parents ko lang ang may gustong mag-aral ako dito sa SLDVP. Mula’t sapul, wala na silang bukambibig kundi ang selection. Squadra, Squadra, Squadra... Being a good son, gusto ko lang silang pagbigyan pero ayoko talagang magpunta ng Italia. Marami akong planong gawin dito sa Pilipinas.”
“So that means sinadya mong inisin si Dean Cortez! Tama ako, hindi ba?”
Nang tumango ito ay napaisip siya. “E bakit para kang namatayan sa lungkot kanina na hindi ka pumasa sa…wait, don’t tell me again!”
“You’re right, Madi. For whatever reason, kahit inis na inis si Dean Cortez sa presentation niya, he has still managed to make it,” kompirmasyon ni Althea sa laman ng utak ni Madison.
Napapailing si Yohan habang nakangiti. Siya naman ay nahulog sa isang malalim na pag-iisip.
MABILIS na hinabol ni Madison ang papalayong si Rafael da Rossi. Hindi niya alam kung bakit tila kailangan niyang magmadali. Pakiramdam niya, kasabay ng paglubog ng araw ay maglalaho ang kaniyang ama.
“Papa!” tawag niya rito pero ni hindi ito lumingon. Malalaki ang mga hakbang nito papunta sa direksiyon kung saan papalubog ang haring araw. Itinaas pa nito ang mga kamay, na tila hinahabol ang takip-silim.
Sinubukan niyang tawagin ulit ito pero paos ang tinig na lumabas sa kaniyang lalamunan. Gayonman ay hindi siya nasiraan ng loob. Higit pa niyang binilisan ang pagtakbo upang abutan ang ama. Marami siyang kailangang linawin dito. Bakit ito nawala? Bakit hindi na ito nagbalik sa piling nilang mag-ina? Bakit sila nito iniwan?
“Papaaaaa!” malakas niyang sigaw. Bigla siyang napapikit nang mariin nang may kumalat na liwanag sa direksiyong tinatahak nito. Kasunod niyon ay ang malakas na hangin na siyang dahilan ng pagliliparan ng mga nalagas at natuyong dahon dala ng Autunno. Pakiramdam ni Madison ay tila siya magyeyelo sa ginaw na bumabalot ngayon sa buong paligid. Nang iangat niya ang paningin ay nakita niya ang tila ipo-ipong korteng pabilog na nakalutang sa hangin. Nanlaki ang mga mata niya nang walang ano-ano ay biglang pumasok ang kaniyang ama sa ipo-ipong iyon. Halos malapit na siya roon nang biglang may dalawang pagkalaki-laking mababangis na halimaw na humarang sa kaniyang harapan. Mga taong lobo! Sumisingasing ang mga ito habang kapwa nakaangil sa kaniya. Handang lapain siya ano mang oras.
“Madison! Cara, wake up!”
Bigla siyang napabalikwas kasabay ng marahas na paghahabol sa kaniyang paghinga. Sapo niya ang dibdib habang sinisikap na payapain ang sarili. Panaginip lang ang lahat. Hindi na niya mabilang ang pagkakataong dinadalaw siya ng ama sa panaginip pero kakaiba ang isang iyon. Ang dalawang taong lobo ay palaisipan sa kaniya.
“N-onna…” pagkuwa’y usal niya makalipas ang ilang sandali.
“Cos’è successo, Cara? Tutto bene?” tanong nitong tila alalang-alala.
Sunod-sunod ang ginawa niyang pagtango. Inabot nito sa kaniya ang bote ng tubig na nasa ibabaw ng kaniyang bedside table. Mabilis niyang tinungga iyon at saka lang siya nakahinga nang maluwag.
“Bad dream?” tanong nito.
“Si Papa ulit, Nonna…Napanaginipan ko na naman siya!”
“Take it easy, cara. Hanggang sa panaginip ay dala mo ang iyong papa.”
“I think he needs help. He needs me, Nonna,” niyang nakatulala sa kawalan.
“What? It was just a dream, Madison, hija; huwag mong seryosohin dahil bunga lamang iyan ng madalas mong pag-iisip tungkol sa iyong ama.”
“Puwede ko bang malaman kung ano ang huling pag-uusap niyo ni Papa, Nonna? Nagpaalam ba siya sa inyo? May pinuntahan ba siya? May kilos ba siyang kakaiba?”
Pandalas na iling ang isinukli ng abuela. “To be honest, I was too occupied during that time, hija. Marami kaming inaasikaso ng lolo mo sa family business natin kaya hindi ko napagtuunan ng pansin ang mga aktibidades ng iyong papa.”
Nalaglag ang balikat niya sa narinig. Kung gayon ay mahihirapan siya. Mukhang wala siya talagang magiging lead sa mga pangyayari. Ni hindi niya alam kung saan siya magsisimula.
“But you can ask someone who knows him well, hija. Gayonman ay wala na akong balita sa kaniya mula nang lumipat siya ng tirahan.”
Kunot ang noong napatingin siya sa matanda. Isang makahulugang tingin naman ang isinukli nito sa kaniya.