Pumasok pa rin ako nu'ng Lunes na 'yon. Hindi ko ginawa ang mga gawaing bahay sa tuwing umaga. Kahit bungangaan ako ng tiyahin ko doon sa kabilang bahay, ay pagkatapos kong humigop ng kape't pagkaligo at bihis ay kinuha ko ang iniaabot araw araw na beinte singko pesos kong baon sa maghapon. Hindi ako nagsaing, hindi ako nagpakain ng baboy, hindi ko nilinisan ang koral nito, at lalong hindi ako nagwalis ng mga tuyong dahon sa bakuran at mas lalong hindi nag-igib ng inuming tubig. Humimbing ako ng tulog at 'di ko ginawang gumising ng alas-kuwatro ng madaling araw para isakatuparan ang lahat ng iyon. Sinuklay ko ang aking buhok sa laging ayos nito. Naka-brush up, at mahaba na ang aking patilya, may balahibong pusa sa nguso at may mumunting goatee. May kaitiman dahil misa'y nakikigapas ako ng mais o kaya ay munggo --mas madalas na mais. Makapuno lang ako ng isang sako ay may maliwanag na otso pesos ako. Yun yung raket ko kapag gapasan. Medyo mahirap para sa akin ang pag-ani ng munggo at palay dahil makati sa balat kaya madalas akong echapwera pag ganoon. Sayang malaki pa naman ang bayad!
Paglabas ko ng compound na aking tinitirhan sa lolo't lola ko ay nagmadali akong maglakad para ganap na 'di ko na marinig ang mga pahaging sa akin ng bwisit na bwisit kong tiyahin. Wala akong naririnig. Nilakad ko ang mabato, malubak at sira sirang daan patungo sa may daanan ng jeep. Nu'ng matapatan ko ang malawak na kulos na mababa ng apat na metro mula sa daanan ay bahagya akong lumakad; bumagal ako ng usad para dumama ng kaunting kapayapaan sa isip. Natitibo pa rin kasi ng aking mga mata ang huling pagsasama namin ni Jennifer. Kasing lamig ng humahampas na hangin sa aking mukha, at gumugulo sa aking buhok.
Napapabuntong hininga na lang ako. Binura na ng mga iyak ni Jennifer ang alab na pinagningas at pinagsaluhan namin noong gabing iyon. Pinagbaga namin ang apoy na iyon ngunit nilipol lang ng pagdating ng umaga. Magkita kaya kami ngayong umaga ni Jennifer? Ano... Ate na ba ang ibabansag ko't itatawag ko sa kanya kapag kami'y nagkita?
Tiyempo naman sa paglampas ko sa mga kabahayan ay ang malapad na daanan; ay may isang jeep na huminto upang magsakay pa ng pasahero. Puno na ito ng mga pasahero sa loob, hanggang sa gitna nito na may dalawang bangkuan pa. Karamihan ay mga estudyante rin sa pinapasukan kong eskwelahan. May dalawa nang nakasabit sa magkabilang estribo ng jeep; na parehong dugtong na hagdan paakyat sa bubong. Solo ko doon ng makaayos ng upo. Mas lalo ko pang dinama ang malalakas na sagupa sa akin ng malamig na ragasa ng hangin nang pabiritin na ang jeep sa pagpapatakbo. Ala-sais pasado na ako nagising kung kaya 'di na ako makakaabot sa flag ceremony. Tiyak na pagsasaraduhan kami ng gate, kaming mga late. Hindi ko pa naranasan iyon sa halos magdadalawang taon ko nang estudyante sa eskwelahang ito.
Nakalampas kami ng dako kung saan ko natanaw ang lubaking daan tungo sa bahay nila Jennifer; at ang tapat ng bahay ng tiyahin kong teacher din sa pinapasukan kong eskwelahan. Hanggang sa makalampas kami sa campo santo (sementeryo) at ng PSU Bayambang. Hanggang sa huminto ang jeep sa di kalayuan sa entrada ng eskwelahan.
Hindi ko alam kung anong oras na, pero nakatitiyak akong lampas alas-siyete na dahil marami nang nasaraduhan. At dumating na itong jeep na lulan kaming mga atrasado na rin sa oras ng pasok. Nang makababa na ako ng jeep ay biglang may malaking mama na nag-German. Hindi ko alam at naiintindihan ang mga sinasabi niya. Ganito pala ang eksena kapag nale-late. Hindi ko alam bakit kailangan nila kaming pagsaraduhan. Gusto ba nilang maglakwatsa na lang kami? Mag-inuman na lang o kaya magsiligo sa ilog? Sa may plaza kasi noong taong ito ay may mga dampa dampa ng mga karinderya na nagsisilbi ng beer at gin miski sa mga estudyante. Magkano lang ang beer; sais! Ang gin; trese! Pagtapos uminom ng mga estudyante ay saka mga nagyayaya lumigo sa ilog o kaya ay tumatambay sa mga bahay. Syempre sa mga ganitong kundisyon ng mga kabataan pabor sa kanila na gawin kung anong masisipan nila.
Nang magpulasan na ang karamihan ay nagpaanod na rin ako sa mga kapwa ko estudyante.
"Uy, Chris saan ka pupunta?', si Jeffrey. Kahit papaano naman ay may mga nakakasundo rin akong kaklase. Isa na ru'n si Jeffrey na nakakasundo ko sa ilang bagay gaya ng pagbuo ng lyrics ng kantang napapakinggan namin sa FM radio. Wala kaming tape recorder at umaasa na lang na kada may patugtugin sa FM radio ng tipo naming kanta ay babangon kami at isusulat yung lyrics na maaalaala namin. Meron kaming pareho na notebook na tanging lyrics lang ng tipo naming kanta ang nakasulat. Sa vacant time namin saka kami magko-kopyahan kung ano 'yung mga kantang wala kami. Uso noon ang Michael Learns To Rock, David Pomeranz, April Boys, April Boy Regino, Eraserheads, Rivermaya, Siakol, Rockstar II -- at marami pang mga natitipuhan naming kanta. Mga oldies na rin. Mahilig kami sa mga love songs. Turbo Jologs din ako at korni sa mga tipo ng kanta. E, basta maganda ang melody at madaling tandaan ang lyrics ay kinakabisa ko.
Naroon din at umakbay sa akin si George, kasabay niyang naglalakad sina Lacson, Tamondong at Sison. Mas tanda namin sila sa kanilang apelyido kaysa given name.
"Sa'n ang punta n'yo?", si George
"Ewan", sabi ko.
"'Dun na lang tayo umikot sa Bilid Room", suhestiyon ni Lacson.
"E, may guwardiya dun e...", si Sison.
"Sa likod ng Communication Arts Building kaya?", si Tamondong.
"Subukan natin. 'Dun na lang.", sabi ko. Kasi naalaala ko na may guhong pader doon na nabangga ng truck kaya nagiba. Kaya lang sa kalauyan pa lang mula sa matatanaw namin sa kanto ay napansin namin na binarikadahan na siya ng kawayan na matitinik dahil sa maliliit na tuyong sanga. Aba, e... Talagang ayaw nilang magpapasok ng late!!
"Wala rin e. May harang.", si Tamondong.
"E, 'di Bilid na lang. Gusto n'yo bang pumasok talaga?", usisa ko.
"Wala. Kapag nakapasok na tayo may skip na tayo. Pagagalitan din tayo.", si Sison.
"Tambay na lang tayo sa plaza.", si Sison pa rin.
"Saka na tayo pumasok mamayang tanghali magbubukas naman 'yan dahil kakain ng tanghalian.", dugtong pa ni Sison.
"O, ganun na lang!", trio namin nila Lacson, at George.
Kaya lumakad na kami at humanap ng magandang kainan. Wala pa akong bisyo nang mga panahong ito. Pero nasubukan ko nang mag-sigarilyo ng Champion kaya lang patago; grade 2 pa ako nu'n kaso hindi ko nagustuhan kaya hindi natuloy ang bisyo ko na iyon. Dun ko na lang natuklasan na lahat ng kasama ko ay mga naninigarilyo na.
"O, Chris... Yosi?", alok ni Lacson.
"'Di ako naninigarilyo.", sabi ko.
"Ay! Akala namin naninigarilyo ka. Ta, Tagalog ka.", katwiran ni Lacson.
"Por que Tagalog naninigarilyo na?"
"Akala nga namin mayabang ka e.", si Tamondong.
"'Di naman, Pre... Sino bang niyabangan ko?"
"Ta, ang galing mo sa Science!", si Tamondong.
"Paanong yabang naman 'yun? Favorite subject ko 'yun kaya nag-aaral talaga ko.", hindi alam ng mga 'to na suki ako ng municipal library basta science. Kasi napakalupit ng diskarte ng subject teacher namin dito na ipapa-research sa amin ang definition ng ilang terms na related sa aming topic sa susunod na meeting at dapat mai-recite mo iyon na hindi binabasa sa notebook. At mapapahiya ka sa buong klase kapag wala ka ni anumang maisagot. Okay lang sa kanya kung sablay basta sinubukan mo. Pero mas magandang maibigay mo yung brief meaning na maiintindihan ng lahat; saka niya ie-elaborate pa ang terminology na iyon at saka lang tutungo sa discussion proper. Unabridged dictionary at mga Encyclopedia ang nagsilbing Google namin ng panahon na ito. Kaya mapipilitan kang basahin at unawain ang ibinibigay niyang assignment. Importante na pagkalabas mo ng library ay meron kang notes na babasahin mo uli 15 minutes bago ang time n'ya. Kaya eto ang dahilan at Biological Science ang major ko ngayong tumanda na 'ko! Napakaganda ng impluwensiya sa akin ng teacher kong ito. Siya ang pinaka-istrikta kong teacher ever! Minsan lang niya akong napuri nung ako ang nag-drawing ng mga illustration sa kanyang 3rd Periodical exam. Ipinalagay pa niya sa illustration ko; "illustration by: ". Kaya first time kong maging proud sa sarili ko dahil mas dumami ang naging malapit sa akin. Nakilala nila ang isa ko pang talent; ang mag-drawing. Bukod dun ay +2 ako sa card. Iyon lang ang pinakamataas kong grade sa lahat ng subject. 87.
"Pre, umiinom ba kayo?", yaya ni Lacson.
"Ikaw Chris?", si Lacson uli.
"Hindi pre, e... Tsaka sakto lang pera ko."
"Tara! Sagot ko! Ilang bote lang!", yakag pa ni Lacson. Kaya tigi-tig-isa n'ya kaming binilhan ng malamig na Beer na Beer na di hamak na mas mura kaysa San Miguel Pale Pilsen noon. Parang kwatro pesos lang yata ang SRP. 'Yun yung first time kong uminom at makaramdam ng tama ng alak. Marami kaming naging huntahan na paksa. Nariyan yung usisain nila ang buhay ko; akala daw nila mayaman ako. Ipinaliwanag ko nga sa kanila na nag-aani rin ako ng mais, munggo at pagkaminsan ay palay. Relate si George sa akin dahil siya rin ay ganu'n. Si Lacson ay business nila ang kiskisan ng palay, at pagpapaupa ng makinaryang pangbukid; pagbebenta ng abono at kung anu ano pang may kinalaman sa agrikultura. Si Tamondong ay nalilinya ang pamilya sa pagpapa-renta ng sound system at live band. Si Sison ay sa pamilya ng mga Engineer at Duktor. At ito namang si Jeffrey ay anak ng tricycle driver at labandera. Siguro ay may isang case ang nainom namin at bayad ni Lacson iyon lahat miski mga kinain naming tanghalian. 'Di ko rin namalayan na marunong na rin pala akong manigarilyo.
Saktong labasan na ng mga estudyante para sa kanilang panananghalian. Kaya sumalunghat na kami sa daloy ng mga estudyante na patungo sa plaza. Bumili ng maraming Double Mint si Lascon para mawala yung amoy namin. Bumili na rin siya ng mumurahing cologne siguro mga limang piso. Hindi ko na matandaan ang brand, pero akala niya ay dahil blue ang lalagyan ay panglalake. Ang tatamis ng amoy namin pagkawisik namin sa aming mga damit. Damay damay na kaya ginawa niyang agua bendita ang cologne sa amin.
Iniayos namin ang aming mga sarili at sineryoso ang sinabi ni Lacson na kumilos lang ng normal at sikaping huwag sumuray ng lakad. Wala namang sumusuray sa amin ng lakad pero ramdam kong mauga ang paligid ko. Napasarap ako ng inom kahit first time ko pa ito. Para lang naman talaga siyang softdrinks at kalaunan ay di mo na alintana yung pait! At nakakabusog ang dighay.
Maayos naman kaming nakalampas sa maliit na entrada ng gate at wala 'yung malaking mama kanina na nagtaboy sa amin. Kaya naisip ko, anong saysay ng hindi pagpapapasok sa aming mga late kanina? Tuloy lang kami ng lakad at kasama sa napagkasunduan namin na huwag magusap-usap lalo pa at halata ang boses ng lasing sa ilan sa amin; at kasama na ako dun. Buti ay hindi ako makulit pag nakakainom. At napansin ko ring nawala sa isipan ko ang problema ko. Ewan ko pero baka bulagain na lang ako bigla.
"'Tol, nakagawa ka ba ng assignment sa Values Education?", biglang tanong sa akin ni Jeffrey sa shenglot niyang boses.
"Ha? Meron ba?", ako rin na shenglot.
Hindi na namin nagawang ipirmi ng tikom ang bibig namin at kami nga ay nagkausap usap na at sinisikap ikubli ang kundisyon namin.
"Pre, mukhang 'di tayo pwedeng pumasok ng ganito.", nadidighay dighay ko namang paalaala.
"Daan muna tayo sa cafeteria. Bibili ako ng Ovaltine.", si Lacson na kayang dalhin ang sarili. Ganun din si George na normal pa rin. Silang dalawa ang pumasok sa cafeteria at bumili ng timplang Ovaltine. Du'n kami nag-antay sa labas, sa gilid ng gymnasium. Malilim dun dahil sa mga punong akasya. Ilang higop ng mainit na tsokolateng iyon ay kumalma ako. Dumuyan ng bahagya ang isip ko. Kinilig kilig pa ako. May pinag-uusapan silang paksa noon na wala akong maintindihan. Napako ang mata ko sa napakalayong dako. Bughaw na langit at yung gumuhit na usok ng space shuttle siguro yun. Na-fixate ang paningin ko doon. Dito nagsimula ang madalas kong pag-zoning out. Tipong kahit anong gawin ko ay parang walang laman ang isipan ko. 'Di ko nga maalaala nu'n kung paano ko naubos ang iniinom ko, at kung paanong nasa loob na kami ng Values Education subject. Naging habit ko na ang zoning out. Para akong naka-autopilot habang 'yung kaluluwa ko ay naidlip muna siguro o kaya nag-C.R. Ni hindi ko nga rin napapansin na naroon pala si Jennifer.