“KUMUSTA na kaya si Amor?” kaswal na tanong ni Bianca habang magkakaharap silang lahat sa almusal. Magkatapat ang upuan nila ni Ting, nasa kabisera naman si Alejo. Si Lea ang katabi niya at si Rusty ay nakapuwesto sa tapat nito. Ang tatlo pang lalaki na nalaman na niya ngayon kung sinu-sino ay tahimik na kumakain.
“Tumawag na si Joel. Lalaki raw ang anak nila,” sagot ni Ting.
“Dalawin natin!” suhestiyon ni Bianca.
“Actually, iyan nga ang balak namin ni Ting,” ani Alejo. “Kung gusto rin ninyong dumalaw, sabay-sabay na lang tayo. At wala kayong dapat na alalahanin kung gusto uli ninyong bumalik dito. You’re always welcome here.”
“Maybe some other time,” sabi ni Lea. “Sasama akong dumalaw kay Amor pero hindi na ako babalik dito. Kahit naman ganito ako, hinahanap din ako sa bahay. Baka kung kailan ako tumanda ay saka pa ako mapalo ng inang ko.”
“Gusto ko rin sanang dumalaw, kaya lang kapos na sa oras. Kailangan ko na talagang umalis,” sabi ni Rusty. “Magpapadala na lang siguro ako ng bulaklak sa kanila at regalo sa baby nila.”
Gustong sumimangot ni Bianca pero pinigil niya ang sarili. “Bakit ka naman nagmamadali, Rusty? Don’t tell me, isa ka nang doktor ngayon? Are you on call this time?”
Nagkatinginan ang mga kaibigan nito. “Pare, sabi ko na sa iyo, eh, wala sa hitsura mong doktor ka,” nakangising sabi ng katabi ng binata.
“Doktor ka nga?” hindi makapaniwalang tanong ni Bianca.
Tumawa nang mahina si Alejo. “Ito ang talagang nagagawa ng isang class reunion. Nagkakagulatan ang mga magkakaklase kapag nagkita-kita. Who would expect Rusty would become a doctor? But he indeed is. Pare, para maniwala si Bianca, ipakita mo ang PRC license mo.”
“No need,” maagap na sabi niya. “Nakakagulat lang talaga.”
“Anong specialization mo, Rusty?” tanong ni Lea.
“Ob-gyn,” kaswal na sagot ni Rusty.
Muntik na niyang maibuga ang kapeng hinigop. “R-really?”
“Puno talaga ng sorpresa si Rusty,” nakangiting sabi ni Ting. “Sa dami ng puwedeng maging specialization ng isang doktor, pagiging obstetrician-gynecologist pa ang pinili. Pilyo ka talaga, Rusty.”
Nagkatawanan ang mga naroon. Pero napansin ni Bianca na kahit ngumiti si Rusty, halatang nakikisakay lang ito sa usapan.
“Pare, sabihin mo nga sa amin. Advantage ba o disadvantage sa profession mo na lalaki ka?” tanong ni Alejo.
“Oo nga,” ani Lea. “Kung ako ang pasyente, siyempre, gusto ko babae rin ang doktor ko. Hindi bale sana kung kamay o paa ko lang ang ipapakonsulta ko. Eh, `pag ob... alam n’yo na.”
“I won’t mind kung babae o lalaki,” mabilis na sabi ni Bianca. Siniguro niyang nakatitig siya sa mga mata ni Rusty habang sinasabi iyon. Gusto niyang makita nito na hindi siya nagbibiro. “Ang importante sa akin ay magaling ang doktor. Saan ang clinic mo, Rusty?”
“Magpapakonsulta ka sa kanya? May diperensiya ka ba?” sunud-sunod na tanong ni Lea.
“Not exactly. I might recommend him to my friends,” sagot niya.
“Teka lang. Kung ob-gyn ka, bakit hindi na lang ikaw ang nagpaanak kay Amor kagabi?” tanong ni Lea kay Rusty.
“Siguradong may doktor na si Amor. Hindi naman emergency case iyong sa kanya. Atake lang iyon ng labor pains. Usually, tatagal pa iyon ng hindi kukulangin sa dalawang oras bago siya manganak,” sagot nito.
“Ah,” sambit ni Lea. “Ikaw, Ting, bakit hindi ka na lang kay Rusty magpaalaga? Buntis ka, `di ba?”
Sandaling natigilan si Ting. Napatingin ito kay Alejo, saka ngumiti. “Hindi n’yo ba alam? Seloso si Alejo. Kung hindi nga lang siguro for medical purposes, hindi makakapayag iyan na may ibang hahawak sa katawan ko.”
“Besides, dito kayo nakabase. Sa Maynila ako,” ani Rusty.
“Saan nga ang clinic mo?” tanong uli niya.
“Mayroon ako sa UST Hospital at sa Cardinal Santos.” Kinuha nito ang puswelo ng kape at sinaid ang laman niyon. “Thanks for everything, Alejo. Hindi na kami magtatagal. May pasyente kasi ako ngayong hapon. For CS operation. Mahaba ang biyahe kaya kailangan ko rin ng kaunting pahinga bago ang operasyon.” Lumingon ito sa kanila ni Lea. “Hindi naman siguro kabastusan na mauna na kami sa inyo.”
Mabilis na tumango si Bianca. Nauna pa nga siya sa mga ito na tumayo. “Of course not. Ingat na lang kayo sa biyahe. Maybe one of these days, we’ll see each other again.”
Tumitig sa kanya si Rusty, pagkatapos ay tumango. “Sure, why not?”
Inihatid nila ang mga ito hanggang sa sasakyan. Ipinasa ni Rusty ang susi sa isang kasama. “Pare, ikaw na ang magmaneho.”
“Sure! Mag-relax ka na lang sa biyahe. Baka mamaya, kapag nag-opera ka, feeling mo nagmamaneho ka pa rin,” kantiyaw nito. “We’ll go ahead. Salamat sa inyo,” paalam din nito sa kanila.
“Shall we?” baling ni Alejo sa kanila nang makalayo na ang sasakyan nina Rusty.
“Sandali, kukunin ko lang iyong pasalubong ko kay Amor,” sabi ni Ting. Bumalik ito sa bahay.
“I’ll just get my things,” sabi naman ni Bianca, saka bumalik na sa cottage.
“ANG HIRAP palang manganak,” salubong agad ni Joel pagdating nina Bianca sa ospital. Nasa private room na ang bagong mommy. Mahimbing na natutulog sa tabi nito ang baby.
“As if siya ang nanganak,” nakangiting sabad ni Amor. “Pasok kayo! Joel, bumili ka ng merienda.”
“Huwag na. Katatapos lang naming mag-almusal,” sabi niya. “Courtesy of these two.” Itinuro niya sina Ting at Alejo. “Nag-overnight kami ni Lea roon.”
“Masaya ba ang reunion? Ano’ng nangyari noong umalis kami?” tanong ni Amor.
“Sabi nga nila, the show must go on. After a while, nabuhay naman uli ang crowd. Halos alas-tres na ng madaling-araw natapos ang party,” sagot ni Alejo.
“Hindi ko na alam iyon,” sabi ni Ting. “Alam mo naman si Alejo. Mula nang magbuntis uli ako, daig pa ang doktor sa higpit ng pagbabantay sa akin. Pinatulog na ako dahil bawal daw sa akin ang mapuyat.”
“Ano nga pala ang pangalan ng baby ninyo?” pag-iiba ni Lea ng usapan.
“Clareun,” mabilis na sagot ni Joel.
“Clareun ka diyan,” nakangiting asik ni Amor sa asawa. “Huwag kayong maniwala diyan. Luku-luko pa rin iyan hanggang ngayon kahit tatay na siya.”
“Clareun ang itatawag ko sa baby natin,” matigas na sabi ni Joel at kinindatan sila. “Biruin ninyong piniling lumabas habang nasa reunion tayo? Itong magaling kong asawa, sabi nang sabi na sa January pa raw ang due niya, niloloko lang pala ako para lang matuloy iyong pangarap niyang class reunion natin. Noong nagle-labor na siya, saka lang umamin. Kaya pala, simula noong nakaraang linggo, mayroon nang naka-prepare na bag sa backseat ng kotse. Bag ng gamit nilang mag-ina.”
“Mas matalino nga sa iyo si Amor,” natatawang sabi ni Alejo.
“Huwag ka nang manisi, sweetheart,” malambing na sabi ni Amor kay Joel. “Naging successful naman ang reunion, `di ba? Ang daming dumating.”
“Yeah. Besides, nakaraos na si Amor,” aniya. “May dumalaw na ba sa inyo bukod sa amin?”
“Wala pa. And since kayo ang mga unang nagsidalaw, ninong at ninang kayo ng baby,” ani Joel. Biglang umiyak ang sanggol. “O, kita n’yo? Nag-react! Payag daw siyang ninong at ninang kayo. I’ll contact Lyndon. Kukunin ko rin siyang ninong. Siya ang matiyagang umalalay sa akin kagabi.”
“Nasaan na nga pala si Lyndon?” tanong ni Bianca. “Natanaw ko siya kagabi. Hindi nga lang ako lumapit. Parang ibang-iba na siya. Nakakailang.”
“Hayaan ninyo na lang `yong tao. May problema lang siguro,” ani Joel.
“Sila ni Princess Grace?” tanong ni Bianca.
Nagkibit-balikat si Joel.
“Kung nandito rin kayo kagabi, matatawa kayo sa hitsura ni Joel,” pagkukuwento ni Amor habang karga ang pinapatahang sanggol. “Daig pa ako. Hindi maipinta ang mukha. Akala mo, siya ang nagle-labor.”
Natawa sila.
“Sige, tumawa ka rin, Alejo,” sabi ni Joel. “Kapag si Ting ang nanganak, ako naman ang tatawa nang malakas.”
“Iba naman ang asawa ko sa iyo,” nakangising sabi ni Alejo, sabay akbay kay Ting. “I’m sure, hindi ako ibibisto ng asawa ko kahit magmukha akong constipated habang nanganganak siya.”
“Nakaka-relate ba tayo sa usapan nila?” nakangiting baling ni Bianca kay Lea. “Out of place na yata tayo rito.”
“Of course not,” mabilis na sabi ni Amor. “Mga babae rin kayo. Darating ang panahon na kayo naman ang mapupunta sa kalagayan ko ngayon.”
“Maghahanap muna ako ng mapapangasawa,” ani Lea.
“Ako, nakahanap na. I’ll just go for it,” makahulugang sabi niya.
“At sino naman ang target mo?” nakakunot-noong tanong ni Lea pero bigla ring nanlaki ang mga mata. “Si Rusty?!”