6

1434 Words
NAUPO si Bianca sa pasamano ng balkonahe ng cottage at doon nagpahangin. Mula roon ay natanaw niya na inililigpit na ang mga gamit sa pinagdausan ng party. Maingay namang nagkukuwentuhan ang mga kaibigan ni Rusty na nasa kabilang cottage. Alam niyang marami-rami na rin ang nainom ng mga ito kahit hindi iyon halata sa hitsura ng mga ito. Ibinaling ni Bianca ang tingin sa dagat. Natatanglawan iyon ng dalawang floodlights. Naeengganyo na siyang lumusong, lalo at payapa ang alon, pero pinigil niya ang sarili. Ayaw niyang maligo nang mag-isa kung ganoon na kalalim ang gabi. Lampas na ng alas-dos ng madaling-araw ayon sa suot niyang relo. Muli niyang nilingon ang katabing cottage. Ang tatlong kaibigan lang ni Rusty ang naroon. Ang dating kaklase ang hinihintay niyang makita. Mayamaya ay napansin niya ang isang paparating na lalaki. Kahit sa likuran nito nanggagaling ang liwanag at mistulang anino lang ito, sigurado niyang si Rusty iyon. Umayos siya ng upo. Habang hinihintay ang pagdaan nito sa tapat ng cottage na kinaroroonan niya ay pinagmasdan pa niya ito. Deretso ang lakad nito. Kung marami man itong nainom kanina base na rin sa obserbasyon niya, mukhang hindi pa ito lasing. “Hi!” bati niya. Nag-angat ito ng tingin, kumunot ang noo. “Hi!” bati nito kahit halatang sinisino pa siya. Bumaba siya mula sa pasamano at bahagyang dumukwang. “Hindi mo na ako natatandaan?” nakangiting tanong niya. “Nagkabanggaan na nga tayo kanina, eh,” kunwari ay nanunumbat na dagdag niya. “Bianca?” “Who else?” nagdiriwang ang kalooban na sagot niya. Bumaba siya sa apat na baitang na hagdan ng cottage. “Mag-o-overnight din pala kayo rito?” Tumango ang lalaki. “Marami nang nainom ang mga kasama ko. Delikado nang bumiyahe pauwi. Ang layo pa naman ng pinanggalingan namin.” “Mas malayo pa sa Maynila?” tanong niya. “From Manila pa ako. Actually, nandito pa rin naman sa Sierra Carmela ang lola ko. Kaya lang, naisip kong samantalahin na rin ang offer nina Alejo at Ting na dito magpalipas ng gabi. Gusto ko rin kasing lumusong sa dagat. I’m with Lea.” “Ah,” sagot lang nito. Parang gustong mapikon ni Bianca. Sa haba ng sinabi niya ay iisang kataga lang ang itinugon nito. Pero hindi siya nagpahalata. “Sa dami ng mga kaklase nating dumalo, mukhang masyado nang seryoso sa buhay ang iba,” patuloy niya. “Ni ayaw magtagal dito kahit isang gabi lang. Look at these cottages. Sa bilang ko ay pitong cottages ang inihanda ni Alejo para sa atin. Mukhang tayo lang ang gagamit.” “We can’t blame them. Mga may pamilya na kasi ang karamihan. Lipas na sa kanila ang mga ganitong gimmick sa buhay.” Sandaling namilog ang mga mata ni Bianca. “You mean, single ka pa ring kagaya ko?” Tango lang ang isinagot ni Rusty. “Bakit barkada mo ang kasama mo? Iyong iba, kung hindi asawa ang kasama, girlfriend,” kaswal na sabi niya. Kailangan niyang malaman ngayon pa lang kung may makakaagaw siya rito. “I’m single and available,” sabi nito at bahagyang ngumiti. “Really?” Pinigil niya ang sariling tumili. “Baka naman nasanay ka lang na mag-deny ng isang relasyon. Sa hitsura mong `yan, imposibleng available ka pa. You could be single, but being available...” Umiling siya. “Mahirap yatang paniwalaan `yon.” “Hindi kita pipilitin. Excuse me, Bianca. Titingnan ko lang ang mga kasama ko sa loob. Puro sugapa sa alak ang mga iyon. Baka hindi pa tumitigil hanggang ngayon.” Nagsimula itong humakbang papunta sa kabilang cottage. Nakadama siya ng inis. Ganoon na lang iyon? Ni hindi pa siya nakakapagsimula sa pinaplano. “Ahm, Rusty...” “Yes?” Lumingon ito kahit patuloy pa rin sa paghakbang papunta sa kabilang cottage. Na-intimidate siya sa kilos nitong iyon. Nangibabaw ang pride niya at hindi na itinuloy ang balak sanang sabihin. “Wala. Goodnight.” Ngumiti ito. “Goodnight. `Nice seeing you again.” Tumango si Bianca at tumalikod na. Nang umakyat sa cottage, pinigil niya ang mga paa na gumawa ng ingay kahit pikon na pikon siya at gusto nang magdabog. Tulog na tulog na si Lea nang pumasok siya sa kuwarto. Pinuntahan niya ang closet at kinuha ang apat na swimsuit na dala niya. “Tingnan ko lang kung hindi mo pa ako mapansin bukas,” mahinang sabi niya pagkatapos piliin sa mga iyon ang pinaka-sexy ang tabas. MABABAW ang tulog ni Bianca kapag may bagay siyang binabalak gawin. Halos tatlong oras pa lang siyang pumipikit ay nagising na siya. Magaan ang pakiramdam niya nang bumangon kahit kulang sa tulog. Madilim pa ang paligid. Nang tumingin siya sa suot na relo, nakita niyang wala pang alas-singko y medya. Nakahanda na sa mesita ang swimsuit na gagamitin niya pero wala naman siyang balak na lumusong sa dagat nang ganoon kaaga. Isa pa, tahimik na tahimik pa ang paligid. Mukhang siya pa lang ang gising. Tulog pa rin si Lea. Banayad pa itong humihilik. Dala na niya ang swimsuit nang magpunta sa banyo. Iyon na ang ginawa niyang underwear nang magbihis. Lumabas na siya ng cottage at nagsimulang maglakad. Malamig ang hangin pero bale-wala iyon sa kanya. Kaya ng katawan niya ang ganoong ginaw. Isa pa, alam niyang kapag naglakad-lakad siya, lalabas ang natural na init ng katawan niya lalo na kapag pinagpawisan siya. Bago tuluyang nagpunta sa tabing-dagat ay sinulyapan ni Bianca ang katabing cottage. Tahimik pa roon. Siguro ay mahimbing pang natutulog si Rusty at ang mga kasama nito. Mahaba ang dalampasigan. Nagsisimula nang sumikat ang araw nang marating niya ang dulo niyon. Medyo pinagpapawisan na rin siya dahil lakad-takbo ang ginawa niya. Nang makadama ng alinsangan, hindi na siya nagdalawang-isip na hubarin ang ternong jogging suit na suot. Ninamnam ni Bianca ang malamig na tubig-dagat. Hindi kalaliman ang parteng kinaroroonan niya kaya nag-enjoy siya sa paglangoy. Tiwala siyang naligo kahit nag-iisa. Kalat na ang liwanag sa paligid nang magpasya si Bianca na umahon. Gustuhin man niyang magbabad pa ay hindi niya puwedeng ipagwalang-bahala ang kanyang “misyon”. Hindi na siya nag-abala pang isuot uli ang jogging suit. Dinampot lang niya iyon at naglakad na pabalik. Malapit na siya sa cottage nang makita ang mga kaibigan ni Rusty na nasa balkonahe at nagkakape. Binilisan niya ang paglakad. “Good morning!” nakangiting bati niya nang malapit na siya sa mga ito. “Tulog pa si Rusty?” kaswal na tanong niya. Bago sumagot ang isa man sa mga ito ay tiningnan muna siya nang mula ulo hanggang paa. She was wearing a skimpy hot pink swimwear. Inaasahan na niya ang ganoong reaksiyon ng mga makakakita sa kanya, lalo na kung lalaki. Pero wala siyang pakialam. Sanay siya sa ganoong kasuotan. May tiwala siya sa sarili na bagay sa kanya ang suot, lalo at wala naman siyang itinatagong imperfection sa kutis. Lalo at mayroon pa siyang ibang dahilan kaya ganoon ang pinili niyang isuot. “Pumunta si Rusty sa bahay nina Alejo. Nagpapaalam na,” sabi ng isa sa mga ito pagkatapos. “Aalis na kayo?” medyo nagulat na tanong niya. Kahit ayaw niyang mahalata ng mga ito na nadismaya siya sa nalaman. “Nandiyan na pala si Rusty,” anang isa pa. Paglingon ni Bianca, magkasabay na naglalakad papunta sa kinaroroonan nila sina Rusty at Alejo. Nang ilang dipa na lang ang layo ng mga ito sa kanila ay natuklasan niyang sa kanya nakatitig si Rusty. Lihim siyang napangiti. “Good morning!” kaswal na bati niya. “Bianca,” ani Alejo. “Ang aga mo namang naligo?” “Naglalakad lang ako kanina kaya lang nainitan na ako. Naligo na ako. You don’t mind, do you?” “Of course not! Naghahanda ng almusal si Ting. Sabay-sabay na tayong mag-almusal sa bahay. Si Lea?” “Malamang tulog pa.” Bumaling siya kay Rusty. “Paalis na pala kayo. Ang bilis naman.” “Mayroon pa akong dapat asikasuhin. Nagpawala lang ng epekto ng alak kaya nagpalipas kami ng gabi rito.” Hindi niya alam kung bakit parang galit ang boses nito. Seryoso rin ang mukha nito. Pero binale-wala niya iyon. May nababasa naman siyang kakaibang emosyon sa mga mata nito. “Pero hindi mo naman siguro tatanggihan ang breakfast na inihanda ni Ting?” tanong ni Bianca. “Siyempre hindi,” sabi nito. Bahagya siyang ngumiti. “Excuse me, magbabanlaw na ako. Nakakahiyang paghintayin ang almusal. Gigisingin ko na rin si Lea.” Nilagpasan niya ang mga ito at pumanhik na sa cottage. Kunwari ka pa, Rustico. Kandaduling ka rin naman sa figure ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD