PUMAILANLANG ang isang tugtog na pamilyar sa kanilang batch. Memorable din iyon sa batch nila. Katunayan doon ang biglang pag-apaw ng mga pareha sa dance floor. Napailing na lang si Bianca.
Nabakante ang maraming mesa. Nakita niya sina Bebeth at Kiko sa dance floor. Ang ibang naroroon ay mag-asawa. Ang iba naman, gusto lang siguro sariwain ang nakaraan kaya nagsayaw na rin.
Hinanap ng mga mata niya si Rusty. Naroroon pa rin ito sa mesa, parang mas interesadong makipagkuwentuhan sa mga dating kaibigan kaya mukhang hindi apektado ng romantic na tugtog na pumapailanlang sa paligid.
Isang ideya ang agad na nabuo sa isip niya.
Napangiti si Bianca. Wala naman sigurong masama kung lalapitan niya ito at yayaing sumayaw. Hindi na bago sa kanya iyon. Sa maraming party na nadaluhan niya, hindi isyu na babae ang magyaya sa isang lalaki para sa isang sayaw.
“Lea, wait lang, ha?” aniya sa kaklase.
Tumango ito.
Determinado ang mga hakbang na tinungo niya ang kinaroroonan ni Rusty. Tiwala siyang hindi ito tatanggi sa kanya. After all, wala pang lalaking tumanggi kay Bianca Arciaga.
Umagaw sa makasaysayang kanta ng batch nila ang isang tili. Boses iyon ni Amor.
“Manganganak na ako!”
Napatitig siya sa kaklase. Kaninang makasalubong niya ito, napansin niyang malaki na nga ang tiyan nito. parang nagkataon pa na sa gabing iyon din ito manganganak.
Parang biglang tumigil sa pag-inog ang mundo at natuon dito ang atensiyon ng lahat. Nang parang mahimasmasan si Joel, mabilis na dinaluhan nito ang asawa. Naging maagap din si Alejo sa pagsasabing ituloy pa rin nila ang party.
Lahat ay nag-alala sa biglang pagle-labor ni Amor pero mga ayaw ring maputol na ang kasayahan kaya nang dalhin ni Joel sa ospital ang asawa kasama si Lyndon, itinuloy na nila ang party.
Pero naudlot na ang balak ni Bianca na paglapit sana kay Rusty. Pinalitan ng masiglang tempo ang tugtog para siguro maalis ang tensiyong nangibabaw nang biglang tumili si Amor kanina.
Pero hindi siya nadismaya. Maraming paraan kapag gusto, iyon ang katwiran niya.
Hinanap niya si Lea. Kausap nito si Elsie pero nang magkatinginan sila, sumenyas ito na babalik sa kanya.
“Bakit?” tanong nito nang makalapit.
“Nothing,” kaswal na sagot niya. “Kakausapin ko nga pala si Ting. Sasabihin ko sa kanyang interesado tayong mag-overnight. Tayong dalawa lang, `di ba?”
“Sandali! Hindi ko pa nagagawa ang misyon ko. Wala pa akong nakakausap na boys. Mamaya mo na siya kausapin para sure na tayo kung may iba pang mag-o-overnight.”
Napangiti siya. “Okay.”
NAGDIRIWANG ang ngiting sumilay sa mga labi ni Bianca nang malaman kung sinu-sino ang mga magpapaiwan para mag-overnight sa mga cottage na ipinagawa ni Alejo. Sila lang ni Lea ang nagpaiwan sa mga babae. At parang umaayon sa kanya ang pagkakataon: ang grupo ni Rusty ang nagpaiwan sa mga lalaki.
Dahil para siyang girl scout, nang patapos na ang party ay sinimulan na niyang ilipat sa cottage na laan sa kanila ni Lea ang mga gamit na nasa sasakyan niya. Mas excited siya na mag-overnight kaysa patuloy na makihalubilo sa mga kaklase. Para sa kanya ay sapat na ang pag-circulate na ginawa niya kanina. Sa palagay naman ni Bianca ay nabati niya ang lahat.
Maliban na lang sa grupo ni Rusty.
At iyon ay dahil mayroon siyang ibang plano.
Pinagmasdan ni Bianca ang kabuuan ng cottage. Maliit lang iyon, may munting kuwarto at banyo. Halatang hindi lang pansamantala ang pagkakatayo niyon dahil katulad iyon ng mga cottage na inuupahan sa mga resort.
“Nice. Very nice,” nakangiting sambit niya nang subukan ang gripo at may lumabas na tubig mula roon.
Ipinasok na niya sa kuwarto ang mga gamit. Kompleto pati sa beddings ang pandalawahang kama na naroroon. At parang isang totoong paupahang kuwarto, may courtesy toiletries ding nakalagay sa mesita. Napaisip tuloy siya kung balak ni Alejo na gawing resort ang lugar na iyon.
“Bianca?” narinig niyang tawag ni Lea sa kanya.
“I’m here!”
“Padala ni Ting,” sabi nito habang ibinababa sa kama ang dalang comforter. “Malamig daw rito kapag madaling-araw. Para hindi tayo ginawin.”
Tumawa siya. “May mga lalaki sa kabila. Parang mas maganda yata kung sila ang yayakap sa atin kapag naging maginaw ang paligid.”
“Ay, gaga! Over naman iyon,” anito. “Wait, ano ang mga iyan? Para kang mag-e-excursion. Ganyan kadami ang baon mong damit?”
“Sabi ko naman sa iyo, I’m always ready. Halos mga bago pa ang lahat ng iyan. Mamili ka ng isusuot mo. Sa iyo na.”
Napanganga ang babae, pagkatapos ay tumayo at sinuri ang mga damit. “Nagbibiro ka ba, Bianca? Pulos signature clothes ang mga ito.” Kinuha nito ang isang blouse. “Ito pa lang, sa pagkakaalam ko, libo na ang halaga.”
“Pinababayaran ko ba sa iyo? Hindi ba, sabi ko, sa iyo na ang magugustuhan mo?”
“Para akong nakapamasko! Are you sure? Type ko ang isang ito.” Itinapat nito ang blouse sa sarili at saka humarap sa salamin. “Bagay ba?”
“Bagay. May pants diyan. Meron ding undies. Sa tingin ko, magkasukat naman tayo. Magsukat ka na rin ng swimsuit. Lahat ng isusuot mo, sa iyo na.”
“Napakagalante mo naman. Thanks. Pero hindi ako mapagsamantalang tao. Tama na itong blouse. Puwede ko pa namang isuot bukas itong pants ko. Pero sige, pahiram na rin ng swimsuit. Hiram lang dahil gustuhin ko mang maging akin iyan, hindi ko naman hilig ang maligo sa dagat. Saka dito, conservative pa rin ang mga tao. Mas tanggap pa rin na pampaligo ang T-shirt at shorts.”
Napangiwi si Bianca. “How about nightwear? Ano ang ipantutulog mo?”
“Ito.” Iniladlad nito ang damit na kasama ng comforter. “Pinahiram ako ni Ting ng pajama set.”
“And undies? Don’t tell me hindi ka magpapalit? Yuck!”
“Medyo girl scout din ako. Hindi ako nawawalan ng extra clean undies sa bag.”
“Ah, okay. So what now? Nag-alisan na ba ang lahat? Kumusta ang mga boys sa kabilang cottage?”
“I don’t know. Pag-alis ko kina Ting kanina, kausap pa ni Rusty si Alejo. Iyon namang mga kaibigan niya, nag-iinuman pa rin. Bianca, tama nga kaya itong ginagawa natin? Mukhang hindi lang basagulero ang pinupuntirya natin. Mga manginginom din.”
“Lea, this is a party. Natural lang na uminom sila. Manginginom sila kung hanggang bukas at sa susunod pang mga bukas, wala pa rin silang ginagawa sa buhay kundi ang uminom.”
“At paano kung ganoon nga?”
“At least, we’ll find it out for ourselves,” bale-walang sagot niya.
Pabagsak na naupo ito sa silyang naroroon. “Bianca, hindi naman natin mga kaklase iyong grupo ni Rusty.”
“I know. Kaya nga naroroon lang sila sa mesa nila at hindi nakikigulo sa reunion.”
“Ibig sabihin, hindi natin talaga sila kilala. Paano kung hindi pala mapagkakatiwalaan ang mga iyon? Baka mamaya, pasukin tayo rito.”
Natawa uli si Bianca. “Praning ka. They won’t do that. Isipin mo na lang si Rusty, mukhang tao na ang mokong na iyon ngayon. I don’t think na gagawa siya ng g**o. Saka hindi ba sila nahihiya kina Alejo? Binigyan sila ng accommodation dito, `tapos, gagawa sila ng kalokohan?”
“Kunsabagay,” ani Lea, pagkatapos ay tumayo na bitbit ang pajama set. “Mauuna na akong gumamit ng banyo. Inaantok na ako, eh.”
Tumaas ang isang kilay niya. “Wala ka nang balak na lumabas uli?” tanong niya habang nakasunod dito. “Paano tayo magbo-boy hunting kung matutulog ka na?”
Namumungay ang mga mata na tumingin ito sa kanya. “Naparami ang inom ko kanina. Mas maganda kung itutulog ko na ito.” Tuluyan na itong pumasok sa banyo.
Nakadama siya ng inis. Bumuntong-hininga na lang siya at tumalikod na.