PROLOGUE

5600 Words
MANILA, PHILIPPINES 1897     Napakadilim ng gabi at walang taong dumaraan sa kahabaan ng isang kalye sa Intramuros. Ang mga bituin ay nagkubli sa mga ulap habang ang buwan ay sumisilip sa mga maiitim na ulap na tila natatakot makita ang mga mangyayari sa paligid. Maalinsangan ang panahon at walang hanging nakikipaglaro sa mga dahon ng mga mayayabong na mga puno sa kahabaan ng kalsada. Ang nakakabinging katahimikan ay hudyat ng mga bali-balitang paglusob ng mga katipunerong Pilipino laban sa mga sundalong Kastila. Halos lahat ng mga kababaihan, bata at matatanda ay maagang nagsipagtago sa kani-kanilang mga tahanan. Karamihan naman sa mga kalalakihan ay matiyagang nakikiramdam sa kung ano ang mangyayari sa napipintong kaguluhan. Ang buong Maynila ay nababalot ng kaba at takot sa posibleng kahihinatnan ng nagbabadyang kaguluhan. Kaguluhang puwedeng magpahamak sa mga inosenteng mamamayan at malagay sa panganib ang kani-kanilang mga buhay.     Mula sa pantalan ay sumakay ang isang dayuhang lalaki sa isang lumang kalesa na nakaparada mula sa harapan Pier Siyete. Matangkad ang dayuhang lalake, may suot itong itim na sumbrero at kapang itim na tumatakip sa suot na puting long-sleeve na polo. Sa kanyang kanang kamay ay hawak-hawak ang itim na tungkod na may naka-ukit na mukha ng isang hindi pangkaraniwang nilalang na ang mga mata ay yari sa mamahaling bato. Sa kadiliman ng gabi ay di gaanong maaninag ang hitsura ng dayuhan. Nagpadagdag ito sa kabang nararamdaman ng pitumpu’t-tatlong taong gulang na kutserong si Victor Dela Cruz. Kaba na hindi maipaliwanag kung bakit niya ito nararamdaman. Kanina pa niya inaaro ang balisa at takot na takot nitong kulay abong kabayo na labis niyang ipinagtataka.     Pagkasakay nang dayuhan sa kalesa ay may iniabot itong maliit na puting papel sa matandang kutsero. Pagkakuha sa papel ay napakamot ng ulo si Victor sa kadahilanang hindi ito marunong magbasa. Itinapat niya ang papel sa mumunting gasera na nakasabit sa itaas na bahagi ng kalesa. Ang gasera na tanging nagbibigay ng mumunting liwanag sa kanila. Ang kanyang noo ay tagaktak ng pawis at patingin-tingin sa pasaherong dayuhan na nakatitig sa kanya. Ibinuka ng matandang kutsero ang bibig para itanong na lamang sana kung saan niya ito ihahatid. Pero, hindi niya ito itinuloy nang maalalang hindi rin niya alam kung paano kakausapin ang dayuhang lalaki.     Tahimik lamang ang dayuhan. Tila naiinip na rin ito sa di pa nila pag-alis sa pier. Halos isang buwan din ang itinagal nang kanyang paglalakbay sa karagatan bago narating ang Pilipinas. Ito ay para sa importanteng pakikipagkita sa isang mayamang hacienderong Kastila sa bansa. Pakikipagkita na magpapabago sa buhay niya.     "Ha..." ang tanging salitang namutawi sa bibig ng matandang kutserong si Victor. Sabay kamot sa nakakalbong ulo at nakangiting tumingin sa dayuhan. “Paano na ba ito? Anong gagawin ko?” ang sabi niya sa sarili.     Tila napansin naman siya ng dayuhan at inilapit nito ang mukha sa matandang kutsero. Sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang nakaramdam ng kakaibang takot Si Victor nang makita ang nagliliwanag na mga mata ng lalaki. Napansin din niya ang mala-papel na puting balat nito na parang hindi na dinadaluyan ng dugo. Pero pinilit pa ring ngumiti sa dayuhan kahit na kinakabahan.     "Bu-buenas noches amigo." Ang isa sa mga iilang salitang Kastilang alam ni Victor, nagbabakasaling maintindihan siya nito. Ngumiti naman sa kanya ang lalaki at tumango bilang tugon sa kanyang pagbati. Inilapit ng dayuhan ang mukha ng lalaki sa matandang kutsero at naamoy ni Victor ang napakabangong amoy nito.     "Old man, I don't speak Spanish. We can talk in English if you want." Ang saad ng lalake at muling ngumiti sa matandang kutsero. Kinuha ng dayuhan ang papel na ibinagay sa matanda at itinuro ang nakasulat. "Can you take me in this address please?" dagdag pa ng dayuhan habang nakaturo ang naka-guwantes na kamay sa maliit na puting papel na may napakagandang sulat-kamay.     Lalong natulala ang matanda sa di maintindihang salita na sinabi sa kanya ng lalaki. Nagkamot uli ito sa kanyang maubang buhok at tumingin sa dayuhan.     "Señor, amigo..." Ang naka kunot-noong sabi ni Victor. "Naku, paano ito?" Ang pabulong na dugtong ng matanda habang kinakamot ang kanyang ulo.     Parang naunawaan naman siya ng dayuhan at muling itinuro ng kanyang daliri ang nakasulat sa papel.     "This." Sabay turo sa nakasulat at tumingin sa matandang lalake. "Take me here, Escolta."     "Escolta, Señor?" ang tila nabuhayang loob na sabi ni Victor. Tumango lamang ang dayuhan pero parang naiirita na rin ito sa matanda.     Muli ay sumandal na ang dayuhang lalake sa may likuran ng kalesa para umidlip at magpahinga. Sinumulan namang hawakan nang mahigpit ng matanda ang lubid na nakatali sa kabayo. Marahan niyang inihampas ito sa katawan ng payat na kabayo, na agad namang nagsimula sa pagtakbo palabas ng Pier Siete.     Mag-iikasampu na rin ng gabi ng mga oras na iyon at sila na lamang ang bumabagtas sa kahabaan ng kalsada. Ramdam na ramdam ng matanda ang kakaibang takot sa kanyang pasahero kay iniiwasan niya itong tignan sa likuran. Minabuti niyang pumito na lamang ng mga nakagisnang mga kundiman na paboritong kantahin ng  asawang si Naty. Pero, hindi pa rin naging kumportable ang matanda dahil pakiramdam niya ay laging nakatitig ang dayuhan sa kanya. Hindi rin tumitigil sa pagkabog ang puso sa kanyang dibdib habang binabagtas ang kalsada sa kadiliman ng gabi.     Hindi sana tatanggapin ni Victor ang pagsundo sa dayuhan. Kung may magagawa lamang sana siyang tanggihan ang utos ng amo ay nasa tabi sana siya nang may-sakit na asawa. Iniwan niyang mag-isa ang pinakamamahal na kabiyak sa mumunting bahay nila sa may Sampalok. Takot kasi si Victor sa among Kastila na nagmamay-ari sa lupang kanilang tinitirhan.     Basang-basa na ng pawis ang puting camisa-de-chinong damit ni Victor na bumabakat sa maliit at payat na pangangatawan. Ang sunog at kulubot na balat ay nagpapatunay lamang ng kanyang katandaan na hindi na nakayang umangat pa sa buhay. Tiniis niya ang lahat ng sakit at hirap sa bilang magsasaka’t kutsero na di kailanman nagkaroon ng sariling lupa. Lalo pa silang nalulugmok sa mataas na buwis na ipinapataw sa kanila ng gobyerno.     Tanging mga yabag mula sa kabayo ang maririnig sa katahimikan ng gabi habang binabagtas ang lubak-lubak na daan papuntang Escolta. Ang huni ng mga paniking naghahanap ng makakain ay parang napipi sa pagdaan nila na tila nagbibigay babala sa napipintong kaguluhan. Parehong tahimik ang matandang kutsero at ang dayuhang pasahero dahil na rin sa problema sa lengwahe. Nagsawa na rin sa pagpito ang matanda kaya itinuon na lamang ang pansin sa pagpapatakbo sa kalesa. Nang bagtasin nila ang mapunong bahagi ng Maynila ay nakaramdam ng matinding pangingilabot ang matanda. Hindi niya alam kung bakit, pero ngayon lamang niya ito naramdaman sa buong buhay niya. Napakatahimik ng kapiligiran at walang kahit man lang huni ng kulisap na maririnig sa paligid. Kabilugan ng buwan nang gabing iyon na siyang bukod-tanging nagbibigay ng liwanag sa daang kanilang dinaraanan. Nakaramdam ng pagsalubong ng malalamig na hangin si Victor na nagpangangatog sa kanyang baba. May napansing kakaibang nangyayari sa kanilang paligid at alam iyon ni Victor. Sa kanyang edad ay kabisado na papalit-palit ng panahon kung kailan magsisimula ang panahon ng tag-lamig at tag-init. Imposibleng magiging malamig ang temperatura sa mga panahong iyon dahil kakatapos lamang ng panahon ng Cuaresma.     Walang anu-ano'y naagaw ang atensyon ng matanda sa malakas na hanging dumaan sa mga sanga ng mga puno na nakayungyong sa kahabaan ng kalsada. Napatingala si Victor sa mga sanga, ngunit wala siyang nakita. Muli ay nakaramdam ng kaba si Victor na hindi niya pa rin maipaliwanag. Naisip niya na baka isang malaking ibon lamang ang lumipad mula sa mga puno.     Misteryoso ang dayuhang lalaki. Sa tingin ni Victor ay galing ito sa mayamang pamilya sa Europa. Pino ang kilos at napaka suplado ng kanyang mukha. Matangos ang ilong na bumabagay sa hugis ng kanyang balbas-saradong mukha. Mabibilog ang kulay luntiang mga mata at kulay mais na buhok na basang-basa ng pamada. May taas na halos anim na talampakan ang lalake at lalong nagbigay tangkad sa kanya ang mga mahahaba niyang biyas at paa. Mamahalin ang suot nitong singsing sa daliri ng kanang kamay, lalo na ang suot nitong magarang damit. Sa mga oras na iyon ay gumuhit ang ngiti sa kulubot na pisngi ni Victor.     Binasa ng kanyang dila ang mga natutuyong mga labi ng matandang kutsero para mapawi ang uhaw na nararamdaman. Naisip niyang malaki rin ang ibabayad ng dayuhan sa kanya at maibibili na rin niya ng panutsa ang may sakit niyang asawa. Dalangin ni Victor na sana ay magaling na ang pinakamamahal niyang si Naty.     Maya-maya ay may narinig na namang malakas na pagaspas mula sa mga puno si Victor. Sa tingin niya ay para itong isang malaking ibon na umaaligid sa kanila. Muli ay tumingala ang matanda sa mga sanga ng mga puno upang tingnan kung anong ibon ang nakakagawa ng ganong kalakas na pagaspas. Pero, binigo pa rin siya ng kanyang mga mata dahil sa kadiliman. Napatingin ang matanda sa kanyang likuran at laking gulat niya ng wala na roon ang dayuhang lalaki. Kinabahan si Victor na baka sa kanilang paglalakbay ay nahulog ang kanyang pasahero sa kalesa. Hinila niya ang lubid sa kabayo para ihinto ang sinasakyan.     “Senior?” Ang medyo nag-aalangang tawag ng matanda sa lalake. Naisip niya na baka nahulog ang dayuhang lalaki nang makatulog ito.     “Senior, nasaan ka?!” Ang muli nitong tawag sa dayuhan, pero walang tugon mula sa lalake.     Naisip ni Victor na bumalik sa kanilang dinaanan para balikan ang dayuhang lalake kung ito man ay nahulog mula sa kalesa. Siguradong mananagot siya sa kanyang amo kapag may nangyaring masama sa sinundo niyang dayuhan.     Isang napakabilis at maitim na bagay ang napansin ni Victor ang biglang lumipad mula sa mga sanga ng puno. Sa tingin ng matanda ay hindi ito ibon ayon na rin sobrang laki nito. Napalunok sa kaba ang matandang kutsero at sinundan niya ito ng tingin. Nanlaki ang mga mata ng matanda nang makita mula sa di-kalayuan ang isang tao na unti-unting ibinababa ng hangin. Nahahawig ito sa dayuhang lalakeng isinakay niya mula sa pantalan ng Maynila kani-kanina lamang. Gumapang sa katawan ni Victor ang kilabot na pakiramdam niya’y lumalaki ang kanyang ulo. Nagsimula na ring maging balisa ang kabayo na sinubukan namang patahanin ng matandang kutsero. Dumamba ito ng makailang ulit at saka tumakbo ng napakabilis papunta sa lalakeng ibinaba ng hangin. Pilit na pinipigilan ng matanda sa mabilis na pagtakbo ang kanyang kabayo pero hindi niya ito magawa. Napakabilis ng mga pangyayari kaya hindi namalayan ni Victor na nakalapit na siya sa lalakeng ibinaba ng hangin. Biglang nailawan ng sinag ng buwan ang lalakeng nakaitim at binalutan ng sobrang takot si Victor sa nakita. Ang lalakeng nakalutang sa hangin at ang dayuhang pasahero niya ay iisa.     Halos atakihin sa puso si Victor sa sobrang takot na naramdaman lalo na nang iniangat ng lalakeng naka-itim ang kanyang mukha at tumingin ito sa kanya. Nakangiti ang lalake habang nakapako ang nanlilisik na pulang mga mata sa kanya.     “Ahhh! Demonyo! Demonyo!” ang malakas na sigaw ni Victor habang kinokontrol ang mabilis na takbo ng kabayo na humihila sa kalesa. “Diyos ko po, Diyos na mahabagin tulungan po ninyo ako!” Ang dasal pa niya habang naiiyak na sa sobrang takot.     Mahigpit ang kapit ni Victor sa lubid ng kabayo para hindi siya mahulog sa bilis ng takbo nito. Halos hindi na siya humihinga pagdaan nila sa lalake na nananatiling nakalutang sa hangin sa gitna ng kalsada. Walang ibang gustong gawin si Victor ng mga sandaling iyon kundi ang makalayo at makauwi ng ligtas sa kanyang asawa. Pero sa di inaasahan, biglang nadaanan ng gulong ng kalesa ang lubak sa kalsada. Nawalan ng balanse ang matanda at nabitawan ang lubid ng kanyang kabayo. Nahulog si Victor sa matigas na sahig ng kalsada at ramdam ang pagtama ng kanyang bewang sa mabatong lupa. Napaiyak sa sobrang sakit na naramdaman ang matandang kutsero na nagkaroon pa ng mga galos sa siko at tuhod. Nanlumo siya nang makitang iniwan na siya ng alaga nitong kabayo na hila-hila pa rin ang kalesang naipundar niya.     Sinubukang tumayo ni Victor mula sa pagkakahulog sa kalesa. Pero isang napakatinding sakit ang naramdaman mula sa kanyang bewang. Napansin niyang lumalapit na ang dayuhang lalake papunta sa kanya na tila umuungol at naglalaway na tulad sa isang aso. Lalong binalutan ng takot si Victor habang papalapit ang lalake kaya tiniis niya ang matinding sakit para makatayo ito. Hindi naman siya binigo ng kanyang mga paa sa pagtayo habang kagat-kagat ang mga labi habang tinitiis ang matinding sakit. Sinubukang inihakbang ng matanda ang kanyang mga paa. Hindi maipinta sa mukha niya ang sobrang sakit na nararamdaman. Kailangan niyang makalayo at humingi ng tulong. Sa unang mga paghakbang ay inakalang hindi makakayanan ni Victor ang sobrang sakit. Pero, sinundan ito ng ikalawa, ikatlo at ikaapat na paghakbang. Mabagal sa umpisa hangang pabilis ng pabilis at namalayan na lamang na tumatakbo na siya papalayo sa lalake. Hindi na siya lumingon pa kung saan naroroon ang lalake.     Muli ay naririnig ni Victor ang malalakas na pagaspas ng tila isang napakalaking ibon mula sa mga mayayabong na sanga ng mga punong-kahoy sa paligid. Lalong bumalot ang matinding takot sa matanda at pilit na ininda ang nararamdamang sakit sa kanyang balakang. Hindi nito alam kung anong klaseng nilalang ang lumilipad sa mga sanga ng puno na sumusunod sa kanya. Naisip niya na baka ito rin ang dayuhang lalaki na may binabalak na masama sa kanya. Sa tanda niyang iyon ay noon pa lamang niya naranasan ang ganong katinding takot sa buhay niya.  Pinilit na bilisan pa ni Victor ang pagtakbo pero, nagiging malaking sagabal ang nabugbog na kalamnan ng kanyang balakang.     Tumigil sa pagtakbo ang matandang kutsero nang maramdaman ang pamumulikat ng kalamnan sa bewang. Marahang minasahe niya muna ito para mabawasan ang p*******t. Nang biglang dumaan ang malakas na hangin mula sa mga sanga ng puno ay napilitang tumakbo muli ang matanda. Nararamdam niya na naroroon lamang ang dayuhang lalaki at nagmamatyag lamang. Pilit na tiniis ng matanda ang matinding sakit na nararamdaman sa paika-ika nitong pagtakbo makalayo lamang sa lugar na iyon. Ayaw man niyang maniwala sa mga sabi-sabi tungkol sa mga aswang, pero sa pagkakataong ito ay ang pasaherong sinundo niya sa piyer ang patunay na totoo sila.     Nang may madaanang bahay sa paligid, ay sinimulang kumatok ni Victor sa mga pintuan para humingi ng tulong. Makailang ulit rin siyang kumatok nang malakas, pero tila nagbibingi-bingihan ang mga nakatira sa bahay at hindi siya pinagbuksan.     “Tulong! Tulungan ninyo ako!” Ang pagmamakaawa ng matanda habang desperado na sa pagkabog sa pintuang yari sa kawayan. “Parang awa niyo na, tulungan niyo ako! Pakiusap, tulong!” hindi niya namamalayan na humahagulgol na siya dahil sa tila kawalan ng pag-asa.     Pagod na pagod na rin si Victor ng mga oras na ‘yon at halos mabaliw na sa sobrang takot na nararamdaman. Nagpalipat-lipat ng bahay ang matanda para humingi pa rin ng tulong, pero tulad nang mga naunang ay walang pinto ang nagbukas para sa kanya.     Sa di kalayuan ay biglang natanaw ni Victor ang alagang kabayo na hila pa rin ang kalesa. Nakaparada sa tapat ng isang malaking puno ang kalesa habang abala sa pagkain ng d**o ang kabayo. Gumuhit ang pag-asa sa mukha ng matanda na makakaalis pa siya ng buhay sa lugar na iyon. Di na nagdalawang isip pa ang matanda na puntahan kaagad ang kanyang kabayo at nakahinga ng maluwag nang malapitan niya ito. Agad-agad ay pinilit na sumakay ni Victor sa kalesa at kahit matindi ang p*******t ng napinsalang bewang.  Hinanap ng kanyang mga mata ang lubid na nakatali sa kabayo. Nang makita ang lubid ay kaagad niya itong kinuha at hinampas sa kabayo na natigilan sa pagkain ng d**o. Pero, nakakaramdam pa rin ng takot ang kanyang alagang hayop.     “Tumakbo ka na. Pakiusap, takbo na!” ang humahagulgol na wika ni Victor dahil ayaw tumakbo ng kanyang alagang kabayo.     Biglang nanlamig ang katawan ng matandang kutsero nang may narinig itong pumipito sa gawing likuran ng kalesa. Muling gumapang ang kilabot na nararamdaman ng matanda. Pamilyar sa kanya ang awiting pinipito ng taong nakasandal sa likuran ng kanyang kalesa. Napalunok si Victor at dahan-dahang lumingon sa lalaki na patuloy pa rin sa pagpito sa paborito niyang awitin. Halos lumuwa ang mga mata ng matanda nang makita ang lalakeng dayuhan na nakangiti at takam na takam habang nakatitig sa kanya.     Marahang ikinubli ng maiitim na ulap ang mukha ng buwan sa kalangitan. Tila ayaw ipakita ang mga kaguluhang nangyayari sa paligid niya. Isang malakas na sigaw ng lalaki ang umalingawngaw sa katahimikan ng gabi. Nabulabog ang mga ibong nakikisilong sa mga punong nagbigay ng matutuluyan sa kanila. Mula sa mga maiitim na ulap ay nagsimulang mahulog ang mga butil ng tubig. Tila mga luhang pinagluluksa ang nangyari kay Victor.     Sa isang mumunting dampa ay nakaupo sa isang maliit na mesa ang isang matandang babae. Matiyagang pinagmamasdan ang paligid na parang may hinihintay. Kanina lamang ay inaapoy siya ng lagnat ngunit pinilit pa ring tumayo para ipaghanda ng makakain ang pinakamamahal na asawa. Umaandap-andap ang isang gasera sa maliit na mesa na kung saan nakahapag sa isang maliit na plato ang dalawang piraso ng kamote at nilagang kangkong. Ito ang pagsasaluhan nilang mag-asawa para sa kanilang hapunan sa gabing iyon. Sa tabi niya ay nakikipaglaro ang alagang pusa na ikinikiskis ang ulo at katawan nito sa kulubot at payat niyang kamay. Maya-maya ay hinimas niya ang ulo ng alagang pusa, binuhat niya ito at inilagay sa kanyang kandungan.     "Nining, malapit na siyang dumating. Hintayin na natin si Victor ko, para sabay-sabay na tayo sa pagkain." Ang sabi ng matandang babae sa pusa na tila tao itong kinakausap. Para namang nakikinig sa kanya ang hayop, na nakatingin sa kulubot na mukha niya. Kung biniyayaan lamang sana sila ng sariling anak ng Diyos, hindi sana sila tumanda ng walang kasama sa buhay.     Tumayo ang matandang babae sa kinauupuan at mabilis na tinungo ang pintuan nang may marinig na mga kaluskos. Dahan-dahan ay binuksan ng matanda ang pinto at nakita niya si Marissa, na anak na dalaga ng kanilang kapitbahay. Akma sanang kakatok sa kawayang pintuan ang dalaga para hatiran ng ulam ang mag-asawang matanda. Sa kamay ni Marissa ay dala-dala niya ang isang mangkok na may nakatakip na platito.     "Lola Naty, pinabibigay po ni nanay. Sigurado lang po na pagod na pagod si lolo Victor niyan kaya heto po ang masarap na tinolang manok." Ang nakangiting sabi ng dalaga.     Tuwang-tuwa naman na tinanggap iyon ng matandang babae at kinuha sa dalaga ang iniabot na sabaw.     "Salamat ineng. Wala pa si Victor ko, siguradoong nasa Maynila pa ‘yon at inihahatid ang panauhin ng amo namin. Pakisabi sa nanay mo maraming salamat." Ang tuwang-tuwang wika ni Lola Naty na nanginginig ang mga kamay habang kinukuha ang mangkok kay Marissa.     "Ganon po ba lola? Naku kawawa naman si lolo Victor.” Ang naaawang sabi ng dalaga.     Napansin ni Marissa ang nanginginig na kamay ng matanda habang kinukuha ang dala-dala nitong mangkok na may lamang mainit na sabaw. Nag-aalala siya nab aka matapon ito at mapaso pa ang matanda.     “Hay lola ako na po ang maglalagay sa mesa ninyo." Ang sabi niya at mabilis na pumasok sa bahay ng matanda. Inilagay niya ang sabaw sa ibabaw ng mesa na gawa sa kawayan. Humarap si Marissa kay lola Naty at saka ngumiti. "O sige lola, mauna na po ako." Ang paalam ng dalaga sa matanda. Nakangiti itong hinawakan ang kamay ni lola Naty at saka nagmano.     "Sige apo. Maraming salamat ha?" Ang nakangiting sabi niya sa dalaga. Isang matamis na ngiti rin ang isinukli ni Marissa kay lola Naty at mabilis na nilisan ang bahay nang matandang kapit-bahay.     Muli ay pumasok na ng bahay si lola Naty at umupo sa kinauupuhan niya kani-kanina lamang. Naghihintay ang kanyang alagang pusa na naroroon pa rin sa ibabaw ng mesa. Binuhat niya si Nining at inilagay sa kanyang kandungan. Doon ay hinimas-himas muli ang alagang pusa at umusal pa ng mga paborito niyang tula na ginawa ng kanyang asawa nang nanliligaw pa ito. Nakatingala ang pusa sa matanda na tila nakikinig at nagugustuhan nito ang bawat salitang lumalabas sa bibig ni Lola Naty. Hanggang sa natigilan ito sa pagsambit ng tula at napatingin sa kanilang pintuan.     Sa harapan ng kanilang bahay ay narinig ni lola Naty ang pagtahol ng kanyang alagang aso. Tumayo siya at tinungo ang bintana, binuksan niya iyon at doon siya'y dumungaw. Mula sa kinaroroonan ay nakita niya ang alagang aso na nakaupo sa harapan ng kanilang bahay na parang may hinihintay. Napangiti si Lola Naty dahil alam niyang ang kanyang asawa ang hinihintay ni Andoy, ang kanilang alagang aso.     "Andoy! Sino ba ang tinatahulan mo ha?" Ang tanong ng matanda sa aso. Masayang iwinasiwas ng aso ang kanyang buntot nang marinig ang boses ng among babae. "Salubungin mo si Victor ko pag dumating na siya ha?" Ang dugtong pa niya kay Andoy.     Pagtalikod ni Lola Naty sa bintana ay tinungo na ang kanilang higaan. Kanina pa siya nakakaramdam ng antok ngunit pinipigilan niya para hintayin ang asawa. Sinubukan niyang mahiga muna dahil nakakaramdam pa rin siya ng panghihina dahil sa pagkakaroon ng lagnat bago siya iniwan ng asawa. Ipinikit ni Lola Naty ang mga mata at maka ilang-ulit na rin siyang muntikang makatulog, ngunit nagigising kapag may tinatahulan si Andoy. Nang mga sandaling iyon ay biglang nakaramdam ng pangamba para sa kanyang asawa si Lola Naty. Matanda na rin si Victor, paano kung mayroong mangyaring masama sa kanya sa kalsada? Mabilis na iwinaksi ni Lola Naty sa kanyang isipan ang mga pangamba para sa mahal niyang asawa. Bago siya muling umidlip sa kanilang tulugan ay pumunta muna siya sa harapan ng altar at doon ay lumuhod at nagsimulang magdasal para sa kaligtasan ng asawa.     Mga ilang minuto rin ang nakakalipas nang magsimula si lola Naty sa kanyang pagdarasal. Mula sa labas ay narinig niyang muling tumatahol si Andoy. Gumuhit sa mukha ni Lola Naty ang masayang ngiti at dali-dali niyang tinapos ang ginagawang pagdarasal. Hinalikan muna niya ang puting rosaryo bago ito muling isinabit sa imahen ng Birheng Maria sa kanyang altar. Nagmamadaling tumayo si Lola Naty mula sa pagkakaluhod sa harapan ng altar.  Naririnig pa rin niya ang sunod-usnod na tahol ng kanilang alagang aso. Sa pakiwari ng matandang babae ay parang balisa si Andoy at panay ang tahol nito sa labas ng kanilang bakuran.     Ngunit kakaiba ang mga tahol ni Andoy. Parang mayroon itong kinatatakutan sa labas ng bakuran nila. Dinig na dinig ng matanda ang pagsusumiksik ng aso sa kanilang pintuan para makapasok ito sa loob ng bahay. Mabilis na tinungo ni lola Naty ang pintuan. Pagbukas sa pinto ay mabilis na tumakbo papasok ng bahay si Andoy. Luminga-linga si Lola Naty sa bakuran para tignan kung ano ang kinatatakutan ng alaga nilang aso.     "Andoy!" Ang tawag niya sa alagang aso. "Ano ba ang nangyayari sa'yo ha?" Ang naiinis na tanong nito sa aso.     Biglang umalulong si Andoy sa ilalim ng mesa na kung saan ito nagtago. Kininilabutan naman si Lola Naty sa pag-alulong ng alagang aso na hindi pa nito ginagawa kahit minsan.     "Itigil mo na yan Andoy!" Ang sigaw niya sa aso. Ngunit patuloy pa rin sa pag-alulong ang aso. "Andoy, ano ba?!" Ang medyo naiinis na niyang pagbawal kay Andoy.     Dumampot ng piraso ng kahoy mula sa kusina si lola Naty at dali-dali niya itong ibinato sa aso upang tumigil na ito sa pag-alulong. Tinamaan sa ulo si Andoy. Dahil sa pagkabigla ay mabilis itong tumakbo palabas ng bahay. Dumeretso ito sa kulungan ng mga manok at nanginginig na nagtago kasama ng mga nabulabog na manok.     Biglang nakaramdaman ng unti-unting paggapang ng kilabot sa katawan ni Lola Naty. Lumabas siya sa bakuran at doon ay pinakinggan ang paligid. Kakaiba ang gabing iyon sa lahat ng gabing nasaksihan niya simula ng siya’y magkaisip. Iba ang amoy na dala-dala nang simoy ng hangin. Napakatahimik ng paligid at tanging mga huni ng kulisap at mga kuliglig ang kanyang narinig. Naisip niyang baka nagkakagulo na sa Maynila at tuluyan nang lumusob ang mga Katipunero laban sa mga Kastila.     Lalong nangamba si lola Naty para sa asawang si Victor. Palakad-lakad sa loob ng bahay at hindi mapakali habang nag-aalala sa kanyang asawa. Ramdam niya ang lumalakas na pagkabog ng dibdib sa tuwing naiisip ang kaligtasan ng pinakamamahal niya. Ngayon lamang siya labis na nag-alala sa asawa dahil sa bali-balitang pagsiklab ng kaguluhan sa Maynila.  Gusto niyang maiyak, gusto niyang sundan ang asawa, pero wala siyang magawa. Masyadong malayo ang Maynila para lakarin niya ito lalo na’t matanda na rin siya at hindi na bata para kayanin pa ito.     Sa di kalayuan ay narinig ni lola Naty ang mga mahihinang yabag ng kanilang kabayo. Pansamantalang napalitan ng pagkagalak ang mga pangambang namamayani sa kanyang puso. Parang musika sa kanyang pandinig ang pamilyar na yabag ng kanilang alagang hayop. Lumabas ang matandang babae sa kalsada at doon sinubukang hanapin ng kanyang malalabong mga mata ang kalesang sinasakyan ni Victor. Umaambon ng mga sandaling iyon at may mga pagkislap sa mga ulap na sanhi ng mga kidlat. Pero hindi iyon alintana ng matanda kahit may kaunting sinat pa siya. Nakahinga ng maluwag si Lola Naty nang makita sa di-kalayuan ang kanilang kulay abong kabayo na hilang-hila ang kalesa. Halos hindi na makapaghintay pa si Lola Naty na salubungin ang asawa habang papalapit na ang kalesa sa kanya.     "Salamat po panginoon at ligtas ang aking asawa." Ang tanging naidasal niya at saka nagkrus ng kanyang kamay sa payat na katawan. Ilang saglit lang ay nasilayan na ng maayos ni Lola Naty ang kalesa, ngunit hindi nito sakay ang asawa. Tumigil sa harapan niya ang pagod na pagod nilang kabayo na balisa pa rin at takot na takot.     "Victor!" Ang malakas na sigaw ng matanda.     Inikutan ni Lola Naty ang kalesa para tingnan kung naroroon ang asawa, pero wala roon ang pinakamamahal niyang si Victor. Lalong tumindi ang pangamba ni lola Naty para sa pinakamamahal na asawa. Nasaan si Victor? Nasaan na ang kanyang asawa? Ito ang mga katanungang naghahatid sa kanya hindi lamang pangamba, kundi pati na rin ng takot sa kinahinatnan ng asawa.     Pumukaw sa kanyang paningin ang lubid na nakatali sa kabayo. Nanginginig na hinawakan ni Lola Naty ang lubid upang tingnan ang mga mapupula at malagkit na likido na nakadikit dito. Sinubukang amuyin ng matanda ang pulang likido sa lubid. Biglang nanghina ang mga tuhod ng matanda nang mapagtanto nito kung ano ang nasa lubid. Napaupo siya sa mabatong kalsada dahil sa natuklasan at hindi siya puwedeng magkamali kung ano ito. Napahagulgol si Lola Naty dahil maaaring dugo iyon ng kanyang asawa. Nanginig ang kanyang mga kamay habang tinitignan ang dugo sa mga kulubot na daliri. Pilit na inaalis sa isipan na maaaring hindi naman iyon dugo ng kanyang asawa. Baka may sugat lamang ang kabayo kaya nalagyan ng dugo ang lubid nito.     "Hindi...hindi maaari." Ang pabulong na sabi ni Lola Naty sa sarili habang iginagala kanyang mga mata sa paligid at baka naroroon lamang ang asawa. "Victor!" Ang umiiyak nitong sigaw at saka binitawan ang duguang lubid na yari sa mga hibla ng Abaca.     Tumayo si Lola Naty at nagsimulang lakarin ang kahabaan ng kalsada kung saan nanggaling ang kalesa. Pakiramdam niya ay napakabigat ng kanyang mga paa sa bawat paghakbang na ginagawa. Mabagal at dahan-dahan ang kanyang paglalakad, ngunit di kalaunan ay pabilis nang pabilis hangang sa namalayan na lamang niya na tumatakbo na siya. Hahanapin niya si Victor. Kailangang mahanap niya ang kanyang asawa. Tumakbo siya ng tumakbo hangang sa ang kanyang payat na katawan ay sumuko na. Napa-upo sa kalsada si Lola Naty at doon umiyak at isinisigaw ang pangalan ni Victor.     Sa di kalayuan ay napatingin si Lola Naty at natanaw niya si Victor. Mabagal na naglalakad ito sa kalsada, pasuray-suray at tila hilang-hila ang kanan niyang paa. Ang dating suot na puting damit ay namamantsahan ng natuyong dugo. Ngunit may kakaiba sa kanyang asawa. Nanlilisik ang mga mapupula nitong mata, naglalaway at umuungol na parang aso. Mabilis na tumayo si lola Naty at halos patakbong sinalubong si Victor. Ang kanyang pangamba ay napalitan na ng tuwa dahil buhay at nandito na sa kanyang harapan ang pinakamamahal na asawa.     "Victor!" Ang malakas na sigaw ni Lola Naty sa pangalan ng asawa. Sa sobrang tuwa ay kaagad niyang niyakap ang kabiyak. Nanlaki ang mga mata ni Lola Naty nang mapansin ang dalawang maliliit na sugat sa leeg ng asawa. Parang kinagat ito ng mabangis na hayop na may matutulis na ngipin."Diyos kong mahabagin, sino ang gumawa sa’yo nito? Bakit may sugat ang iyong leeg?" ang buong pag-aalalang usisa ni Lola Naty sa naging hitsura at kalagayan ng asawa. Kaagad na pinunasan ng matandang babae ang dumudugong sugat sa leeg ng asawa gamit ang suot na lumang kamiseta.     Nanatiling nakatitig lamang sa kanya si Victor. Marahil ay pilit nitong inaalala kung sino ang matandang babae sa kanyang harapan. Maaaring pinipilit pa ring pigilan ni Victor ang masidhing pagkagutom ng halimaw na ngayon ay nasa kanyang katawan. Umuungol ang matandang lalake at halos mabaliw sa naiibang amoy ng kanyang asawa. Takam na takam ito at nagsimulang maglaway habang nakatitig sa kulubot na balat ng leeg ni lola Naty.     Sa di kalayuan ay naroon si Andoy, pilit na tinatahulan ang kanyang among si Victor na mahigpit na nakayakap kay Lola Naty. Balisa ang aso, takot na takot ngunit ayaw niyang iwan ang babaeng amo. Umuungol si Andoy at pilit na lumalapit sa dalawang matandang amo. Biglang tumigin si Victor sa aso na nagbigay ng matinding takot sa hayop. Lumayo ng kaunti ang aso sa kanila na nakabahag ang buntot. Naramdaman ni Lola Naty na pahigpit nang pahigpit ang pagkakayakap ng asawa sa kanya. Halos hindi na makahinga ang matandang babae kaya sinubukan niyang itulak ang asawa papalayo sa kanya.     "Victor... bit...bitiwan mo 'ko, nasasaktan na ako." Ang sabi ni Lola Naty sa asawa. Pero, tila hindi siya naririnig nito at lalo pang hinigpitan ang pagkakayakaap nito sa kanya. Nagpupumilit pa ring kumawala ni lola Naty sa asawa. Ngunit wala siyang sapat na lakas para alisin ang mahigpit na pagkakayakap ni Victor sa kanya.     "Victor..." Ang tanging nasambit na lamang ni Lola Naty at nagsisimula na ring dumilim ang kanyang paningin. Biglang nilundagan ni Andoy ang matandang lalake at mabilis na sinakmal ang leeg nito. Nakaramdam ng sobrang sakit si Victor at pinakawalan sa pagkakayakap ang asawang si Naty. Pilit na inaabot ng matandang lalaki ang alagang  aso na lalo pang hinigpitan ang pagkakasakmal sa leeg nito.     Hindi makapaniwala si lola Naty sa nakikitang ikinikilos ng kanyang asawang si Victor. Wala siyang kaalam-alam kung ano ang nangyayari sa asawa. Hindi iyon si Victor, sigurado siya na hindi iyon ang kanyang asawa. Nang makabawi sa paghinga ay pinilit na tumayo ni Lola Naty para awatin si Victor sa ginagawa nito. Nakita niyang nahagip ng mga kamay ng asawa si Andoy at tumilapon ang aso sa mabatong kalsada na labis na nasaktan. Tumayo kaagad si Andoy sa kalsadang kinabagsakan at tinahulan si Lola Naty na animo'y sinasabing tumakas na. Ngunit hindi magawang ihakbang ng matandang babae ang kanyang mga paa. Hindi niya kayang iwan ang kanyang pinakamamahal na asawa.     "Victor! Bakit ka nagkakaganyan?! Tama na! Tigilan mo na yan, pakiusap?" ang umiiyak na sigaw ni lola Naty sa asawa na naging dahilan upang ibaling muli ang pansin nito sa kanya.     Muli ay paika-ikang lumapit si Victor sa kanya, umuungol pa rin at naglalaway na parang asong ulol. Binalutan na nang matinding takot si Lola Naty nang masigurong hindi na talaga ito ang kanyang asawa, kundi isang demonyo na nagbalat-kayong si Victor.     Nilundagang muli ni Andoy ang matandang lalaki upang iligtas sa ikalawang pagkakataon ang among babae. Pero nahagip siya ng mga kamay ng among lalaki. Nagpupumiglas ang aso at pilit na kinakagat ang bawat mahagip ng kanyang panga sa katawan ng matandang amo. Pero hindi na nakakaramdam pa ng ano mang sakit ang matanda. Tuluyan nang kumalat ang kamandag ng bampira sa katawan nito. Hinawakan ni Victor ang ulo ng aso at buong lakas na pinilipit ito at inihagis sa kalsada. Wala ng buhay ang kawawang aso nang bumagsak ito sa damuhang bahagi ng kalsada.     "Andoy!" Ang umiiyak na sigaw ni Lola Naty sa pangalan ng alagang aso. Kitang-kita niya ang ginawa ng asawa sa alaga nilang si Andoy. Napaiyak ang matandang babae nang makita ang wala ng buhay ang asong pilit siyang inililigtas sa kamay ng halimaw na asawa. Noon ay nahimasmasan si Lola Naty at sinubukang tumakbo papalayo. Dahil sa kadiliman ng gabi, hindi niya nakita ang nakausling ugat ng isang puno, dahilan para matisod iyon at bumagsak sa mabatong kalsada.     Parang sinuntok ang sikmura nang bumagsak sa lupa si lola Naty at pilit na hinahabol ang hininga. Natuklap ang balat ng kaliwang tuhod nito at nagsimulang dumaloy ang sariwang dugo. Sinubukang tumayo kaagad ni lola Naty, ngunit matindi ang nararamdaman niyang sakit mula sa dumudugong tuhod. Hindi niya namalayan na naroon na ang asawa sa kanyang likuran, naglalaway at takam na takam sa naaamoy niyang sariwang dugo.     "Vi...Victor?" Ang tanging nasambit ng matandang babae pagkakita sa asawa.     Hinawakan siya sa ulo ng kanyang asawa at buong gahamang sinakmal ang leeg nito gamit ang mga matatalim na pangil. Hindi na nakapalag pa si Lola Naty sa kanyang asawa na nauulol na sa tindi ng pagka-uhaw sa dugo. Sa gabing iyon, sa ilalim ng bilog na buwan. Matitikman ni Victor ang dugo ng una niyang biktima; ang dugo ng sarili niyang asawa.     Mula sa kadiliman ng kalsada na napapalibutan ng mayayabong na mga puno, isang paos na sigaw ang pumunit sa katahimikan ng gabi. Ang buwan ay muling sumilip sa maiitim na ulap na tila ipinagyayabang ang dulot nitong liwanag na gagabay sa muling pagbangon ng mga anak ng buwan. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD