Pagdating ni Calisha sa exit door ng mall ay tumambad sa kanya ang napakalakas na ulan. Wala siyang dala-dalang payong kaya hindi siya makalabas sa mall para makauwi na sana. Kailangan muna niyang patilahin ang ulan para makabiyahe na papunta sa dorm at bukas ng umaga ay kailangan niyang umuwi sa Dinalupihan, Bataan para ihatid ang biniling gamot para sa papa niya. Sa tingin niya ay magtatagal pa ang lakas ng ulan kaya nagdesisyon siyang maglibot muna sa loob ng mall para tumingin-tingin muna sa mga store outlets. Nang mapadaan sa isang bookstore ay naisipan niya munang pumasok sa loob upang tumingin-tingin ng bagong aklat na puwedeng mabasa. Tamang-tama dahil sa pagkakaalam niya, mayroon nang available copy ng bagong novel ni Paulo Coelho na may pamagat na a******y. Kamakailan lang kasi ay naubusan siya ng kopya nito kaya hindi siya nakabili.
Halos mangilan-ngilang tao na lamang ang nasa loob ng bookstore at karamihan ay abala sa pagtingin-tingin ng mga fiction novel at mga reference books. Ang ilan naman ay mga office supplies ang kanilang binibili.
Karamihan sa mga librong gustong basahin ni Calisha ay mula sa mga isinulat ni Mitch Albom o kaya naman ay mga libro ni Nicholas Spark. Pagkakita sa natitirang kopya ng nobelang a******y ni Mitch Albom ay agad-agad niya itong dinampot at halos yakapin ito sa sobrang tuwa. Sabik na sabik na binasa ang mga nakasulat sa likuran ng libro at nang makita nito ang presyo sa ibabang bahagi ng back cover ay nadismaya siya sa taas ng halaga nito.
"Ang mahal naman," ang mahinang sabi niya at mabilis na nawala ang tuwa sa kanyang mukha. "Sayang, kung hindi ko sana ipinambili ng gamot ni papa hindi magkukulang ang pera ko pambili ng libro." Ang sabi niya sa sarili niya habang nakatingin sa librong gustong-gusto niyang bilhin.
Halos hindi mabitawan ni Calisha ang libro dahil na rin sa panghihinayang nito lalo na't nag-iisang kopya na lamang. "Naman kasi eh, talagang malas ang araw na'to sa akin. Pero magkakaroon pa naman siguro ng kopya sa susunod na pagpunta ko rito." At ibinaba niya ang libro sa kinalalagyan nito, ngunit hindi niya kaagad inalis ang pagkakatitig sa iniwang aklat.
Lumipat si Calisha sa iba pang mga nakadisplay na libro sa mga book shelves at tumingin-tingin sa mga aklat ni James Patterson. Hinawakan niya ang mga nobelang Guilty Wives at The Confessions of A Murder Suspect na gustong-gusto rin niyang basahin. Tinignan niya ang mga presyo sa likuran ng mga ito at biglang gumuhit ang ngiti sa kanyang mamula-mulang pisngi.
Agad-agad ay ibinalik niya ang Guilty Wives sa shelf at dumeretso sa may cashier para bayaran na ang librong Confessions of A Murder Suspect. Pagkabayad ay mabilis na lumabas si Calisha sa bookstore. Pansamantalang nakalimutan na niya ang tungkol sa misteryosong lalaki na sumusunod sa kanya.
Kitang-kita sa kanyang mukha ang pagkasabik na mabasa ang biniling libro kaya't mabilis niyang tinungo ang food court para doon siyasatin ang nabiling libro. Pagdating sa food court ay agad na umupo sa isang bakanteng upuan at mesa. Buong pagkasabik niyang inalis ang plastic na nakabalot pa sa aklat at sinimulan nang buksan ang bawat pahina ng aklat. Sinimulan na niyang basahin ang libro hangang sa hindi na namalayan ang paglipas ng oras sa kanyang pagbabasa. Kanina pa pala tumila ang ulan kaya nang mapatingin siya sa orasan ng kanyang cellphone ay halos limang minuto na lamang at magsasara na ang mall. Dali-daling isinara ni Calisha ang biniling libro at mabilis na tumayo sa kanyang kinauupuan. Halos patakbo niyang nilisan ang food court at binilisan ang paglalakad patungo sa labasan ng mall. Pinili niyang sumabay sa mga taong papalabas na rin ng mall para na rin hindi na siya matatakot pang maglakad papunta sa sakayan pauwi sa tinutuluyan. Paglabas niya ay tumambad ang mamula-mulang bilog na buwan sa kalangitan na tila nagbibigay ng misteryo sa kadiliman ng gabi. Sa mga sandaling iyon ay bigla na lamang siyang kinilabutan lalo na't nang sumagi na naman sa kanyang isipan ang lalaking naka sweater na sumusunod sa kanya. Naiisip pa lang niya ang nangyari sa kanya kanina ay gumagapang na ang takot na nararamdaman niya.
Pagdating ni Calisha sa may parking lot ay sinubukan niyang muling sumabay sa mga taong nakasabayan niyang lumabas sa mall. Iyon ang kailangan niyang gawin upang mawala kahit pansamantala ang takot na nararamdan niya. Ngunit pagdating niya malapit sa entrance gate ng mall ay kakaunti na lamang ang mga taong naroroon na naghahabang ng masasakyan.
"Bahala na," ang bulong niya sa sarili at pilit na nilalakasan pa rin ang loob.
Sa mga oras na iyon ay sinisisi ni Calisha ang sarili kung bakit hindi man lang niya namalayan ang oras kaya masyado siyang ginabi sa pag-uwi sa tinutuluyang boarding house.
"Ang tanga-tanga mo Calisha, nakuuuh!" ang nanggigigil na sabi nito sa sarili habang halos patakbong binabagtas ang kalsada. "Kung bakit kasi hindi ka na lang nakuntentong pumasok sa book store, bumili ng libro tapos okay na. Bakit kasi hindi mo na lang binili ang libro at naisipan mo pang magbasa sa kabila ng mga kamalasang nangyari sa’yo mula pa kaninang umaga? Juice ko lord Calisha, ang sobrang tanga mo!" dagdag pa niya
Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa makarating sa main road na kung saan bumper to bumper pa rin ang traffic. Napakaraming mga taong naghahabang ng masasakyan kaya naisip niyang lalo na siyang madidis-oras sa kanyang pag-uwi sa tinutuluyang boarding house.
Ayaw na ayaw niyang dumaraan sa eskinitang papasok sa dorm nila lalo na kapag sa ganong oras dahil tambayan ito ng mga adik sa kanilang lugar.
Pasado alas-nuebe na ng gabi nang mga oras na 'yon at naisipan niyang sumakay na lamang ng tricycle para mas mabilis siyang makakauwi. Tumingin-tingin siya sa mga tricycle na nakaparada malapit sa gasolinahan. Nang may makita pang mangilan-ngilang nakaparadang tricycle, ay halos patakbo siyang tumungo roon.
"Kuya magpapahatid po ako sa may Bagumbayan, magkano po singil niyo papunta 'ron?" ang magalang na tanong ni Calisha sa driver ng tricycle.
Tumingin sa kanya ang nasa edad kwarentang tricycle driver at saka binasa nito ng kanyang dila ang mangitim-ngitim na labi.
"Sevent-five ang singil namin don, miss." ang matigas na tugon ng driver sa kay Calisha.
"Sige po pahatid na'po ako." ang pilit na ngiting wika niya sa driver at kaagad na sumakay sa loob ng tricycle. "Mura lang naman pala eh. Sana nagtricycle na lang ako kanina pa." sabi niya sa sarili.
Bago pa naialis ng driver ang tricycle ay naramdaman ni Calisha na basa ang upuan nito at tumagos ang tubig sa suot nitong pantalong maong.
"Oh s**t!" Biglang labas sa tricycle at kinapa ang suot na pantalon. Tumingin si Calisha sa tricycle driver. "Kuya naman bakit hindi ninyo pinunasan ang upuan ng tricycle ninyo?" Ang naiinis na sabi nito sa driver.
"Pasensya na miss. Hindi ko alam na basa eh. Saka umulan kasi ng malakas kaya hindi maiiwasang mababasa yan." ang katwiran ng tricycle driver na medyo ngingiti-ngiti pa sa harap niya. Ngiti na tila may kasamang pagnanasa sa kanya.
"Nandun na po tayo kuya, pero sana bago naman kayo magsakay ng pasahero ninyo dapat lang i-check man lang kung nabasa ba o hindi yung upuan ng tricycle ninyo nang sa ganon ay hindi rin kami napeperwisyong mga pasahero ninyo." ang naiinis na sabi ni Calisha na napapalakas na rin ang boses.
"Pasensya na miss, pero hindi ko naman alam na uulan." ang katwiran ng driver na nagkakamot sa kanyang kanang pisngi habang nakanganga ang bibig." Ano miss? Sasakay ka pa ba o hindi na? Para hindi na masayang ang oras ko sa'yo. Maraming pasahero pa rin ang sasakay sa tricycle ko." Dagdag pa ng naiinis na driver ng tricycle.
"Aba?! Bakit ikaw pa ang mukhang galit kuya, eh ako na nga ang naperwisyo dito?!" Ang pasigaw na tugon ni Calisha na nagsisimula na ring uminit ang ulo sa bastos na driver.
"Miss ayoko ng away, naghahanap- buhay lang ako dito. Pasensya na kung nabasa ka. Kung hindi ka sasakay may naghihintay na pasahero sa akin doon sa may foot bridge." ang medyo mahinahon na boses ng driver at mabilis na pinaharurot ang tricycle papunta sa ilalim ng foot bridge kung saan tinatawag siya ng lalakeng pasahero.
"Aba't ang bastos mo ha?!" naiwan roon si Calisha at ang isa pang tricycle driver na naghihintay rin ng pasahero.
`"Miss! Ako na lang ang maghahatid sa'yo kung gusto mo?" Ang tanong ng isang maskulado at kalbong driver na ngingisi-ngisi rin habang nakatitig sa kanya na tila may pagnanasa.
Napatingin si Calisha sa kalbong driver na nabastusan sa ginagawang paglalaro nito sa kanyang dila habang titig na titig ito sa kanyang dibdib. Biglang kinabahan si Calisha kaya minabuti na lang niyang huwag na lang pansinin ito at maglakad na lamang. Hind na rin naman kalayuan ang tinutuluyan niyang dormitory.
"Tara miss! Sumakay kana sa akin! Ihahatid kita kahit libre. Tiyak hahanap-hanapin mo ang pagsakay mo sa akin!" Ang pahabol na sabi ng driver at humalakhak ito ng malakas.
Pinigilan ni Calisha ang sarili at huwag nang patulan pa ang bastos na driver. Inis na inis itong nilisan ang lugar at sinimulan na lang ang paglalakad papunta sa ibang sakayan.
Nakakailang minuto pa lamang siya sa kanyang paglalakad nang biglang may humarurot na tricycle at tumigil ito sa kanyang harapan. Napatigil sa paglalakad si Calisha nang makita ang bastos na kalbong driver na pababa sa minamanehong nitong tricycle. Biglang nanumbalik ang takot na naramdaman niya pagkakita sa driver na todo ang nakakabastos na ngiti sa kanya.
"Tara sakay ka na miss!" Ang muling paanyaya ng driver sa dalaga habang hawak-hawak nito ang panga. "Tiyak mahihirapan ka ng makasakay pa kaya sa akin ka na lang sumakay." Dagdag pa ng tricycle driver na may diin ang huling salitang binitawan.
"Huwag! Huwag kang lalapit sa akin!" ang nanginginig na sa takot na sabi ni Calisha sa lalake.
"Ay bakit miss? Nagmamagandang loob na nga ako sa'yo eh." ang wika ng lalaki at dahan-dahan itong lumalapit sa kanya.
"Huwag kang lalapit sabi eh! Tatawag ako ng pulis kapag nagpumilit kang lumapit!" pasigaw na babala ni Calisha sa driver.
Nang marinig ng driver ang tungkol sa pulis kay Calisha ay natigilan ito na tila napaisip. “Pasensya na miss, nagmamagandang loob na nga akong ihatid ka pinag-iisipan mo pa ako ng masama. Sige kung ayaw mo bahala ka sa buhay mo.” ang sabi nito at kaagad bumalik sa sinasakyan nitong tricycle. Pero, nanatili ito sa kalsada at nakangiting pinagmamasdan pa rin si Calisha.
Hindi na nagdalawang isip pa ang dalaga at tumakbo ito ng mabilis sa kahabaan ng trapik papunta sa kabilang bahagi ng daan. Hindi siya tumigil sa pagtakbo kahit ilang ulit pang muntikan nang madapa at mabundol ng sasakyan. Sa sobrang takot, ay pinilit niyang huwag munang tumigil sa pagtakbo kahit na hirap na hirap na siya sa paghinga masiguro lang na hindi na siya masusundan pa ng maniac na tricycle driver.
Nang mapansin ni Calisha na malayo-layo na rin ang kanyang tinakbo ay nagdesisyon siyang tumigil na muna at magpahinga sandali. Halos madapa ito sa konkretong kalsada sa pagtigil niya sa pagtakbo. Hinahabol niya ang kanyang paghinga sa halos sampung minutong walang tigil sa pagtakbo mula sa entrance gate ng mall hanggang sa harapan ng isang kilalang bangko sa Poblacion. Pinagmasdan ni Calisha ang buong paligid para masigurong wala ng sumusunod sa kanya. Nang masigurong wala ay saka pa lang medyo napanatag ang kalooban nito. Bumungad ang liwanag na nanggagaling sa malaking karatula ng bangko na kung saan siya madalas magwithdraw ng pera sa kanyang ATM account kapag pinapadalhan siya ng papa niya mula sa probinsya. Napaupo si Calisha sa konkretong daan at saka naiyak na parang isang bata. Sana ay hindi na lamang siya pumayag na makpagkita kay Maro, para sana wala siya sa sitwasyon niya ngayon. Malas ang araw na 'to sa kanya at iyon ang tanging sinasabi ng isip niya. Lahat ng nangyari sa kanya simula kaninang umaga ay puro na lang kamalasan. Bakit kasi nakalimutan pa niyang magbasa ng kanyang horoscope para nalaman sana na malas ang araw na 'to sa kanya. Naniniwala kasi siya sa kung ano ang sinasabi ng kanyang horoscope, kaya madalas ito ang ginagawa niyang gabay sa kanyang mga desisyon sa buhay.
Naramdaman ni Calisha ang sobrang p*******t ng mga kalamnan sa kanyang mga paa kaya minasahe niya muna ang mga ito. Nang mangawit sa pagkaka-upo sa kalsada ay lumipat siya sa mga hagdanang malapit sa harapang pintuan ng bangko. Buti na lamang at naka running shoes siya at hindi siya nagsuot ng sapatos na may takong, baka hindi na siya nakatakbo ng maayos at hindi niya natakasan ang lalakeng nakasweater at ang driver na kalbo.
Hindi pa rin niya nakalimutan na mag-alala ni Calisha sa kaibigang si Maro kung bakit hindi siya nakarating sa pinag-usapan nilang lugar. Hindi naman kasi ginagawa ni Maro ang hindi sumipot kapag may usapang magkikita sila lalo na’t kung importante at kailangang-kailangan talaga ni Maro ang tulong niya. Dati-rati ay nagtitext ito o kaya naman ay kaagad na tumatawag kapag hindi siya makakarating sa kanilang usapan. Pero, sa araw na iyon ay hindi man lang ito nagparamdam sa kanya kahit maikling mensahe man lang sa text o sa messenger.
"Sana walang nangyaring hindi maganda sa kanya." Ang bulong niya sa sarili. Kapatid na ang turingan nilang dalawa kaya ganun na lamang ang pag-aalala ni Calisha sa kanyang kaibigan.
Ilang saglit lang ay sinimulang muli ni Calisha ang paglalakad pabalik sa boarding house. Binagtas niya ang madilim na kalsada na kailangang daanan, upang makarating na sa sakayan papunta sa tinutuluyan niya sa Bagumbayan. Walang sasakyang dumaraan sa kalsadang iyon dahil pansamantalang isinara muna ito para sa pagpapakumpuni ng city government. Mabibigat ang mga paang sinuong niya ang madilim na kalsada na short cut papunta sa kanilang sakayan. Damang-dama niya ang kilabot na unti-unting gumagapang sa buo niyang katawan at nagpanginig sa kanyang katawan. Gusto pa sana niyang muling tumakbo pero baka bumigay na siya sa sobrang pagod.
Muli, ay pinagmasdan muna ni Calisha ang kadiliman ng paligid para makasigurong wala ng ano mang panganib siyang kakaharapin. Nang makasigurong walang panganib ay saka ito kumaliwa sa kahabaan ng kalsadang patungo sa tinutuluyang silid. Malilikot ang kanyang mga mata at naging alerto sa ano mang gumagalaw sa kadiliman ng kalsada. Pakiramdam niya ay gustong lumabas ng kanyang puso sa kanyang dibdib dala na rin ng sobrang kaba at takot. Maliban sa mga humaharurot na mga sasakyan, ang mabilis na pintig ng kanyang puso ang tanging naririnig ni Calisha kasabay ng kanyang taimtim na pagdarasal na sana'y makauwi siya ng ligtas sa tinutuluyan. Halos maligo na sa pawis at basang-basa na rin ang suot niyang blouse.
Nasa kalagitnaan na ng kalsada si Calisha nang may maaninag siyang isang lalaki na nakatayo at parang siya ang hinihintay nito. Nanlamig ang buong katawan ng dalaga at napatigil sa kanyang paglalakad sa kahabaan ng madilim na kalsadang iyon. Sinubukan niyang bumalik kung saan siya nanggaling kanin, ngunit pagtalikod niya ay may anino rin ng lalaki ang nakatayo sa dulo ng pinanggalingang kalsada. Pamilyar sa kanya ang tindig ng lalake. Hindi siya puwedeng magkamali dahil iyon ang lalaking naka sweater na sumusunod din sa kanya.
Sa sobrang takot na nararamdaman, halos mawalan na sa katinuan si Calisha. Hindi na niya alam kung ano ang susunod na gagawin at saan siya pupunta para magtatago, nang mapako ang tingin niya sa isang masikip na eskinita sa pagitan ng dalawang gusali. Isang masikip na eskinita na pumapagitan sa dalawang palapag na gusali at isang abandonadong sinehan ang puwede niyang pasukin at doon siya magtatago. Hindi na siya nagdalawang-isip pa kaya patakbo siyang pumasok doon at sinuong ang napakadilim na eskinita. Mabilis na kinuha ni Calisha ang cellphone sa kanyang bag at binuksan ang flashlight nito para makita ang kanyang dinaraanan. Lalo pang binilisan ang kanyang pagtakbo nang may narinig siyang mga yabag ng paa sa kanyang likuran.
Kailangan niyang makatakas kung sino man ang humahabol sa kanya. Kailangang makahanap siya ng ligtas na lugar na puwedeng pagtaguan niya. Kailangan ring makahanap siya ng tulong, pero walang tao sa paligid ng abandonadong gusali. Naisip niya na nagkamali siya sa pagpasok sa eskinita sa pagitan ng dalawang gusali.
Pagsapit ni Calisha sa pinakadulo ng eskinita ay nakita niya ang isa pang eskinita sa gawing kanan at hindi na nagdalawang-isip pang pumasok dito kahit hindi pamilyar ang lugar sa kanya. Di na niya pinapansin pa ang napakasangsang na amoy na nagmumula sa nabubulok na mga basura sa basang lupa at mga dumi at ihi ng daga sa tinatapakang tubig.
Sa di inaasahan, ay may kung anong matigas na bagay ang natisod ni Calisha at bumagsak ng nakadapa sa basa at nabubulok na basura sa sahig ng eskinita. Daig pa niya ang nasuntok sa sikmura na naging dahilan para mahirapan siyang huminga. Napahagulgol na lamang si Calisha sa sobrang sakit na naramdaman lalo na nang makita ang duguan niyang kamay. Inilawan niya ang dumudugong kamay gamit ang kanyang cellphone, at napansin ang mahabang galos sa balat ng kanyang kanang bisig. Maaaring hindi napansin ni Calisha na nagasgas ang bisig niya sa pader ng gusali na hindi niya namamalayan habang tumatakbo siya dito. Halos wala mang kalahating metro kasi ang lapad ng eskinitang kanyang dinaraanan at ang masaklap pa nito ay hindi niya alam kung saan ito papunta.
Kinuha ni Calisha ang puting panyo sa bulsa ng suot na pantalong maong at kaagad na ginamit na pantakip sa dumudugong sugat. Pagkatapos ay muling tumayo ito at sinubukang bagtasin muli ang kahabaan ng eskinita. Nakakailang hakbang pa lamang siya nang makita niyang may biglang lumundag mula sa bubong ng magkabilang gusali na kung saan siya naroroon. Hindi siya pwedeng magmali. Sa laki nito ay imposibleng isa lamang itong ibon o pusa, bagkus ay isang tao ang nakita niyang lumundag mula sa bubungan ng dalawang gusali. Muli, ay sinubukan niyang tumakbo nang maaninag ang isang lalaki na nakatayo sa pader ng ikalawang palapag ng gusali. Tila may hinahanap ito at hawig sa lalakeng nakasweater. Kitang-kita niya kahit sa kadiliman ng gabi ang mapupula nitong mga mata na nakapako ang tingin sa kinaroroonan niya. Mabilis na ikinubli ni Calisha kanyang katawan sa pagdikit nito sa pader ng gusali at dahan-dahan itong lumayo sa lalakeng nakamasid. Maingat ang bawat galaw na kanyang ginagawa upang maiwasang makita siya ng lalaki. Pakiramdam ni Calisha na hindi ordinaryong tao ang lalaki sa pader.
Kung hindi ito tao ay anong klaseng nilalang kaya ang lalaking ito na kanina pa siya sinusundan? Iyan ang isa sa mga katanungang naglalaro sa isipan ngayon ni Calisha. Ayaw pa niyang mamatay ngunit paano niya ito matatakasan? Ang nilalang kayang ito ang siya ring pumapatay sa Maynila na laman ng bawat balita sa TV at radyo? O ito na ba ang nilang na tinatawag nilang Aswang na siya ring sinasabing bumiktima sa mga natatagpuang bangkay sa iba’t-ibang parte ng Maynila? Pakiramdam ni Calisha ay halos hindi na nakatapak ang kanyang mga paa sa lupang nilalakaran habang sinisikap niyang makalabas na sa eskinita.
Muling tumingala si Calisha sa pader ng gusali upang tignan ang lalaki. Halos mapasigaw siya sa takot nang makitang nagsimulang gumapang ang lalaki sa pader na parang isang butiki at papunta ito sa kanya. Kitang-kita sa mukha ng lalaki ang pagkasabik kay Calisha na parang masarap na pagkaing nakahapag sa kanya. Kumaripas ng takbo sa masikip na eskinata si Calisha at di niya inaasahang sumalubong sa kanya ang maruming tubig baha na naipon mula sa malakas na ulan. Dinig na dinig niya ang malalalim na paghinga ng lalake habang hinahabol siya nito mula sa paggapang sa pader. Ngunit, nang malapit na sa pinakadulo ng eskinita ay naroroon muli ang isa pang lalaki na pulang-pula rin ang mata. Halos tumigil sa pagtakbo si Calisha dahil sa mga sandaling iyon ay hindi na niya alam kung saan siya pupunta. Hindi na rin niya alam kung ano ang susunod niyang gagawin. Huli na ba ang lahat para sa kanya na mailigtas ang sarili sa dalawang lalaki na kanina pa siya sinusundan at gustong gawan ng masama? Ayaw pa niyang mamatay, pero anong magagawa niya para mailigtas ang kanyang sarili sa dalawang nilalang na gusto siyang patayin? Kitang-kita niya na papalapit na ang lalaking gumagapang sa pader sa kanya. Gusto man niyang sumigaw, pero may makakarinig ba sa kanya sa lugar na iyon?
Minabuti na lamang ni Calisha na ipagsa-Diyos na lamang ang buhay niya at tanggapin na ang kanyang kamatayan. Ipinikit na lamang niya ang kanyang mga mata pagkakita sa lalaking mabilis na gumagapang sa pader. Akmang tatalon na kay Calisha ang lalaking nilalang ng kadiliman, nang isang kamay ang mabilis na humawak sa kanyang balikat at mapwersang hinila siya paloob sa isang nakabukas na pintuan. Hindi na nakuhang makasigaw pa ng dalaga nang isang kamay ang biglang tumakip sa kanyang bibig. Mabilis ding naisara ang pinto, kaya hindi nakapasok sa loob ang lalaki. Ayaw namang buksan ni Calisha ang kanyang mga mata dahil ayaw niyang makita ang nilalang na kikitil sa kanyang buhay. Damang-dama niya ang paglapat ng kanyang katawan sa katawan ng taong humila sa kanya at ramdam na ramdam niya ang mainit na hininga nito sa balat ng kanyang batok. Nang sa di inaasahan ay biglang naidilat ni Calisha ang kanyang mga mata at naaninag ang mukha ng taong nagligtas sa kanya. Nabitawan niya ang dalang cellphone at nailawan ang mukha ng tao sa kanyang likuran. Natulala si Calisha sa pamilyar na mukha nito.
"Maro?"Ang tanging salitang naibigkas ng kanyang mga labi habang ang mga mata nito'y hindi makapaniwala sa kung sino ang nasa kanyang harapan.
Mula sa kadiliman ng gabi ay isang napakalakas na sigaw ng isang babae ang umalingawngaw at pumunit sa katahimikan ng paligid. May mga iilan ang nagbukas ng kanilang mga ilaw at dumungaw sa kani-kanilang mga bintana. Pero karamihan ay di man lang napansin ito.
Saksi ang pulang buwan sa kalangitan sa mga kakaibang kaganapan sa gabing iyon, habang ang mga bituin ay muling nagtago sa mga madidilim na ulap na tila natatakot na sa mga susunod pang mangyayari.