CHAPTER 7

3470 Words
    Makailang beses na ring pabalik-balik sa harapan ng isang convenience store si Calisha Ventura. Hindi siya mapakali dahil wala pa ang kaibigan niyang si Maro. Naging matalik silang magkaibigan nang magkasama sila sa isang kwarto sa isang dormitoryo noong first year college sila sa Saint Therese of Lisseux University. Apat silang magkakasama sa loob ng room pero si Maro lamang ang kanyang naging malapit na kaibigan. Naging mas maganda ang kanilang samahan lalo na sa mga panahong naaasahan nila ang isa't-isa at nagtutulungan sa lahat ng problema. Sa loob ng halos apat na taon ay parang magkapatid na ang turing nila sa isa't-isa.     Nangangawit na rin ang kanyang mga paa sa paroo’t parito habang pilit na tinatawagan ang kaibigan. Kanina pa niya gustong umupo sa isang bakanteng upuan sa bandang likuran, ngunit mas ninais pa niya ang tumayo na lamang. Natakot si Calisha nang makita ang isang taong grasa na pilit na kinakalkal ang mga pinagkainan ng mga kakaalis lamang na mga kostumer.     Tinignan niya ang oras sa kanyang cellphone at kinagat ang kanyang ibabang labi nang makitang halos mag-iikalima na pala ng hapon. Mahigit sa isang oras nang late si Maro at naglalaro na rin sa kanyang isipan ang umalis na't umuwi na lamang. Halos palubog na rin ang araw at ayaw na ayaw niyang gagabihin pa sa kalsada lalo na sa mga panahon ngayon na delikado.     "Ano na kayang nangyari sa babaeng 'yon? Bakit ang tagal naman niya, sabi niya quarter to four andito na siya." Ang sabi niya sa sarili. Sa kanyang paghihintay ay halos nabilang na rin niya ang mga lalakeng tumitingin sa kanya paloob at palabas ng convenience store, na isa ring dahilan kung bakit mas pinili niyang sa labas na lamang niya hihintayin ang kaibigan.      "Grabe naman 'tong babae na 'to. Siya na nga ang nagpapatulong siya pa ang late kung dumating." ang pabulong niyang sabi sa sarili. Napailing na lamang si Calisha at ipinalatok ang kanyangdila.     Tumingin-tingin sa mga jeep na dumaraan sa kalsada si Calisha. Kanina pa niya binibilang ang mga sasakyang dumaraan sa kanyang harapan para mawala ang pagkainip sa kakahintay.                    “Anim na jeep... Oo bibigyan na lang kita ng anim na pampasaherong jeep na daraan sa harap ko, kapag wala ka pa pagkatapos ng ikaanim na pampasaherong jeep, aalis na ako. Pasensyahan na tayo." Ang muling sabi niya sa sarili.     Inalis ni Calisha ang suot na salamin sa mata at marahang pinunasan iyon ng kapirasong tela na galing sa case nito at saka sinipat-ipat iyon ng tingin kung wala ng mga alikabok ang nakakapit dito. Nang masigurong malinis na ay kaagad niyang isinuot ang salamin sa kanyang mga mata. Muli ay iginala niya ang paningin sa kalsada at inumpisahan nang bilangin ang mga pampasaherong jeep na dumaraan sa kalsada. Mula sa gawing kaliwa ay dumaan ang unang pampasaherong jeep, hindi ito huminto sa kanyang harapan kaya hindi nito sakay si Maro. Lima na lang ang kailangan niyang hintayin para umalis na at hindi na niya kasalanan kung hindi niya matutulungan ang kaibigan sa ginagawa nitong research studies.     Wala pang isang minuto nang dumaan na ang ikalawang pampasaherong jeep. Nakaramdam na ng p*******t ng kanyang mga paa si Calisha kaya nang lumabas ang ilang kostumer sa loob ng convenience store ay pumasok siya rito at bumili ng chichiria at softdrink na maiinom saka pumwesto at naupo sa isang bakanteng upuan. Tumingin siya sa labas ng convenience store at doon naalala niya na apat na pampasaherong jeep na lang pala ang kailangan niyang padaanin at lilisanin na niya ang meeting place nila ni Maro. Natuon ang kanyang pansin sa balita sa TV na nakasabit malapit sa cashier na abala sa pagbibigay ng sukli sa kostumer.     “Hanggang ngayon ay nananatiling misteryo pa rin ang pagkamatay ng tatlong kataong natagpuan sa isang bar sa may Ermita, na kung saan kabilang dito ang mayamang negosyanteng Intsik na si Mr. Rodolfo Lee. Base sa initial na pagsisiyasat, suspek pa rin sa pagpatay ang isa nitong body guard na si Randy Evaristo, tubong Tarlac, na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatagpuan..."  Ang salaysay ng lalakeng News Anchor sa TV.     Mahigit isang linggo na rin ang nakakalipas mula nang masaksihan niya sa balita sa telebisyon ang pagpatay sa tatlong tao sa isang bar sa Ermita. Hanggang sa mga oras na iyon ay laman pa rin ng bawat balita ang karumaldumal na sinapit ng tatlong biktima. Halos lahat sinasabing hindi tao ang gumawa ng ganung klaseng krimen. Karamihan sa mga biktima ay walang awang k*****y ng buhay at nawawala halos ang mga mahahalagang bahagi ng kanilang mga inner organs. Ayon rin sa balita sa mga nakalipas na buwan ay dumarami ang mga natatagpuang bangkay na kung hindi nawawala ang mga mahahalagang bahagi ng kanilang katawan ay kadalasan naman ay sahid na sahid naman ang pagkawala ng kanilang dugo. Ayon sa mga nagsasabing nakasaksi sa mga pangyayari ay aswang daw ang bumiktima sa mga ito. Ang sabi naman ng mga doktor na nag-autopsy sa katawan ng mga biktima, maaaring isang malaking sindikato na nagbebenta ng mga iba't-ibang parte ng katawan ang nasa likod ng mga pagpatay. May nagsasabi rin na may gumagala raw na serial killer sa Maynila. Kung sabagay, Maynila iyon at nasa Angeles siya kaya walang dapat ikatakot  si Calisha dahil malayo-layo rin ang Maynila sa Pampanga. Mula sa TV ay ipinakita ang larawan ni Randy Evaristo na pinaghahanap ng mga pulisya.     Sa pag-uulat ng reporter at pagpapakita ng mga video sa telebisyon ay hindi na nakaya pang ubusin ni Calisha ang kinakain. Mabilis siyang tumayo at nagdesisyon na siyang umalis na. Tinignan niya ang kanyang cellphone kung nagreply na si Maro, ngunit laking pagkadismaya niya ng makitang wala ni isa mang text message o chatman lang sa messenger. Hindi niya alam kung mag-aalala ba siya o magagalit sa di pagsipot ng kaibigan lalo na’t gagabihin na naman siya sa pag-uwi.     "Sana man lang tinext niya ako kung hindi pala siya makakarating. Hindi yung para akong tanga na kanina pa naghihintay dito na wala naman palang hinihintay."Ang sabi nito sa sarili, habang itinutulak papalabas ang pintuan ng convenience store. "Kahit di mo 'ko sinipot sana man lang walang nangyari sa'yong masama friend."     Halos madilim na ang kalsada nang magsimulang bagtasin ni Calisha ang kahabaan ng daan papunta sa sakayan sa kanilang dorm. Naisipan niyang tawagan uli ang kaibigan baka sakaling dumating na siya sa convenience store. Mabilis siyang nag-dial sa numero ng kaibigan mula sa phonebook ng kanyang cellphone at kaagad na inilagay ito sa kanyang tenga. "The number you have dialed is either unattended or out of coverage area..."      Kaagad inalis ni Calisha ang cellphone sa kanyang tenga at mabilis na ibinalik ito sa dalang black shoulder bag.     Napakatindi ng trapik sa kahabaan ng nilalakarang kalsada, lalo na ang daan papunta sa kanyang inuupahang kwarto. Minabuti na lamang niya na lakarin na lang ang pabalik sa kanilang dorm kaysa sa mas lalong tatagal ang kanyang biyahe. Exercise din iyon para sa kanya at tamang-tama lang dahil medyo napapansin na rin niyang tumataba na rin siya at kailangan na rin niyang magpapayat. Makakatipid na rin siya ng pamasahe at makakabawas pa sa kanyang timbang ang gagawing paglalakad.  Mga twenty minutes na lakaran lang naman iyon at malamig na rin ang panahon at tuluyan na ring lumubog ang araw. Maraming tao rin ang nakakasabayan niya sa paglalakad para makaiwas na rin sa mahabang traffic.     Sa kanyang paglalakad ay napansin ni Calisha ang isang lalaking naka sweater ng kulay grey ang tila sumusunod sa kanya. Kapansin-pansin sa lalaki ang madalas na pagtitig nito sa dalaga habang nananatiling nasa likuran niya ito. Biglang nakaramdam ng kaba si Calisha nang makitang patuloy pa rin ang lalake sa pagsunod sa kanya. Minabuti niyang makipagsiksikan sa mga taong nagkukumpulan sa isang tindahan ng ukay-ukay sa isang tiangge para mailigaw niya lalakeng nakasweater. Nagkunwaring pumipili siya sa mga second hand na bag na nakadisplay ang dalaga at ikinubli ang sarili sa mga mamimili. Nananatili pa ring alisto si Calisha habang pinagmamasdan nito ang sumusunod na lalaki. Hindi niya maipaliwanag ang takot na unti-unting gumagapang sa kanyang katawan nang dumaan sa harapan niya ang lalaki at ipinako ang namumula nitong mga mata sa kanya. Tumigil ang lalaki sa harapan ng tindahan ng ukay-ukay at nagpanggap din na kostumer na kunwari ay may mamimili rin. Maaaring hindi napansin ng lalaki si Calisha sa pagkubli niya sa mga nagsisiksikang mamimili na paroo't parito sa kahabaan ng kalsada.     Mabilis na kinuha ni Calisha ang kanyang cellphone para kuhanan ng litrato ang lalaki. Pero nawala bigla sa kanyang paningin ang lalaking may mapupulang mga mata. Nang mapatingin si Calisha sa harapan ng kalsada ay naroroon na ang lalaki at nakatayo’t nagmamasid.     Sinubukan kilalanin ng dalaga ang lalaking sumusunod sa kanya, ngunit hindi niya makita ang mukha nito dahil sa nakasuot na hood sa kanyang ulo mula sa kanyang sweater.     “Sino ang lalakeng ito at bakit niya ako sinusundan?” Ang naglalarong tanong sa kanyang isipan.      Halos hindi na makahihinga si Calisha mula sa mga nagsisiksikang mamimili na kanyang pinakukublihan. Hindi na niya alintana ang ‘di kagandahang amoy ng mga taong nagsisiksikan at mga second hand na bag at damit. Ang importante lang naman ay ligtas siya at mawala sa paningin nung lalaki. Nakaramdam ng panginginig ng mga tuhod at panlalamig ng mga kamay si Calisha dala na rin ng sobrang takot. Lalo na nang mapansing nasa harapan lang pala ang lalaking sumusunod sa kanya. Lalong gumapang ang kilabot sa katawan ng dalaga nang makitang tila may inaamoy ang lalaki sa paligid. Para itong aso na inaamoy ang paligid para mahanap ang hinahanap. Ano kaya ang trip ng lalaki bakit niya ito ginagawa? Sa sobrang takot ay halos hindi na makagalaw pa si Calisha lalo na nang makitang tila nahanap na siya ng lalaki gamit ang pang-amoy nito. Lalong bumalot ang kilabot sa dalaga nang magsimulang lumapit ang lalaki sa kanya. Gustong sumigaw ni Calisha ngunit hindi siya makasigaw. Gusto rin niyang tumakbo pero parang may pumipigil sa kanya na gawin niya ito. Halos himatayin ang dalaga nang may maramdamang humawak sa kanyang braso.      "Miss okay ka lang ba?" ang tanong ng isang babaeng namimili kay Calisha. Kitang-kita sa mukha nito ang pag-aalala.     Tumingin siya sa babae at medyo nakahinga ng maluwag. Ibinalik ni Calisha ang paningin sa kanyang harapan upang tignan ang lalaki,  pero wala na siya sa kinaroroonan nito. Pinagmasdan muli ni Calisha ang kahabaan ng daan at ang buong paligid at hindi na niya nakita ang lalakeng nakasuot ng grey na sweater.      "Miss okay ka lang ba?" ang muling tanong ng may edad na babae na tila nag-aalala sa kanya.      "O...opo okay lang po ako." ang kanyang sagot na nanginginig pa ang boses. Huminga ng malalim  si Calisha at sa mga sandaling iyon ay hindi na niya mapigilan pa ang maiyak dahil na rin sa sobrang takot na naramdaman mula sa lalaking sunod ng sunod sa kanya mula pa kanina.     "Namumutla ka at parang takot na takot, sigurado ka ba na okay ka lang ineng?." ang tanong ng medyo may katabaang babae na isa ring mamimili sa ukay-ukay.      "M-may sumusunod po kasing lalake sa akin kanina. Hindi ko po siya kilala kaya sinubukan ko pong magkubli sa mga tao rito. Buti na lang po ay umalis na siya." ang umiiyak na sabi ni Calisha sa matabang babae. Kaagad naman niyang pinunasan ang mga luha sa kanyang mga mata.      "Hay naku ineng, bakit hindi mo sinabi kaagad para sana tinulungan ka naming hulihin ang lokong iyon. Sa dami ng mga tao rito tiyak lang maraming tutulong sa'yo." ang sabi ng matabang babae.     Dahil roon ay mas marami na sa mga mamimili ang nakiusyoso sa kanila at sinubukang pakalahin ang takot na takot na si Calisha. Marami sa mga taong naroroon ang nagpakita ng simpatya sa dalaga.     "Hindi ko po siya kilala at hindi ko nakita ang kanyang mukha dahil nakatalakbong ang hood ng kanyang sweater sa kanyang ulo. Madilim po iyong bahagi ng kanyang mukha." ang paliwanag niya sa mga mamimili na makikita pa rin ang takot sa dalaga.      "Sa panahong ngayon dapat dobleng ingat ineng. Nagkalat ang mga masasamang tao sa paligid. Sa di naman pananakot, kahapon lang isa na namang bangkay ang natagpuan sa ilalim ng tulay sa may Abacan. Bale sa loob ng isang lingo, pang walo na iyon sa natatagpuang patay na katawan dito sa Angeles. Sabi nila nandito na ang sindikatong bumibiktima sa mga tao para ibenta ang mga iba't-ibang parte ng katawan ng mga biktima." ang kuwento ng matabang babae sa kanya.      "Soleng naman, takot na nga siya eh, tinatakot mo pang lalo. Ano nga ba'ng pangalan mo iha?" ang may pag-aalalang tanong sa kanya ng ng isang matandang lalake na siyang nagmamay-ari sa ukay-ukay.     "Calisha po, Calisha Ventura po ang pangalan ko." ang mahinang sagot nito sa matandang lalaki. Kapansin-pansin na sa dalaga ang pagbalik ng kulay ng mukha nito. Hindi tulad kanina ay putlang-putla siya sa labis na pagkatakot.     "Maganda ka ineng kaya dapat dobleng ingat ka. Pasasamahan kita mamaya sa anak ko sa pulisya para maireport mo yung nangyari sa'yo kanina lalo na yung lalakeng sumusunod sa'yo," ang nagmamalasakit na sabi ng matandang lalake sa kanya at iniabot ang isang bote ng tubig. "Heto uminom ka muna para kumalma at mawala na rin ang takot na nararamdaman mo."     "Salamat po." ang tugon ni Calisha at malugod tinangnagap ang iniabot na tubig sa kanya na nanginginig pa rin ang kamay. Pero di tulad kanina ay medyo kalmado na siya at pakiramdam niya ay ligtas na siya sa mga sandaling iyon sa tulong na rin ng mga taong naroroon.     "Siguro po kailangan ko na lang pong makauwi na kaagad. Sa tingin ko po kasi ay hindi na rin po ako susundan ng lalaki kanina. Baka napagkamalan lang po ako siguro."     "Pero kailangan mong ireport yan sa pulisya ineng, para na rin sa'yong kaligtasan." Ang nag-aalalang sabi ng matandang babae na unang nakapansin sa kanya kanina.     "Okay na po ako. Pakiramdam ko po ay ligtas na rin po ako." Ang pagsisinungaling ni Calisha sa mga taong pilit na gustong tumulong sa kanya. Sa totoo lang ay naroroon pa rin ang takot sa kanyang dibdib.     "Sigurado ka ba ineng? Mas mapapanatag kami kung maireport mo ito sa pulisya." Ang sabi naman ng matandang lalaking may-ari sa ukay-ukay.     Tumango si Calisha. "Opo. Maraming salamat po sa tulong ninyo at pagmamalasakit. Pero kailangan ko na rin pong umalis na." Ang pamamaalam ni Calisha sa mga taong naroroon.     "Kung iyan ang desisyon mo ineng at hindi ka na namin mapigilan ay wala kaming magagawa. Doblehin mo na lamang ang pag-iingat iha." Ang malungkot na wika ng matandang babae na bakas pa rin sa kanya ang pag-aalala para kay Calisha.     "Opo." Ang tugon niya sa matandang babae. Pinilit niyang ngumiti at hinawakan ng matandang babae ang kanyang mga kamay.     "Mag-iingat ka sa pag-uwi." Ang pabulong na wika nito sa kanya.     Nagpaalam na si Calisha sa mga taong nagmalasakit sa kanya. Sinimulan na rin niyang maglakad palabas ng tiange kahit nanginginig pa rin ang kanyang mga tuhod sa takot. Gusto na rin niyang maka-uwi kaagad kahit na may takot pa rin sa kanyang dibdib. Nilalakasan na lamang niya ang loob at pinakikiramdaman ang paligid. Nang masigurong wala na ang lalaki ay sinimulan na niyang bagtasin ang kalsadang naiilawan na lamang ng mga ilaw na nanggagaling sa mga poste.      Nang malapit na sa sakayan ay narinig niyang nagri-ring ang kanyang cellphone sa loob ng bag. Biglang nagliwanag ang kanyang mukha nang pumasok sa kanyang isipan na baka si Maro na ang tumatawag sa kanya. Kaagad ay binuksan niya angdalang shoulder bag para kuhanin ang cellphone. Kailangan ay maggalit-galitan siya dahil sa di pagsipot sa oras ng kanyang kaibigan at sa nakakatakot na naranasan kani-kanina lamang. Pagkalabas sa cellphone ay nawala ang pagkatuwa sa kanyang mukha nang makita ang pangalan ng madrasta na nakalitaw sa screen. Hindi naman malupit sa kanya ang kanyang madrasta, kung tutuusin ay napakabait nga niya sa kanilang magkakapatid. Pero hindi niya alam kung bakit mabigat ang dugo niya sa kanya. Marahil ay tuluyan pa rin niyang hindi natatanggap ito bilang kapalit ng kanyang ina na sampung taon pa lamang siya nang mamatay. Hindi sinagot ni Calisha ang tawag ng kanyang madrasta, pero napansin nito ang text message na kanina pa pala ipinadala sa kanya ng asawa ng papa niya. Huminga ng malalim si Calisha at pinindot ang inbox sa text messaging ng kanyang cellphone.      ...Anak, daan ka muna sa botika kung pwede. Pakibili mo muna ng gamot na pang-maintenance ng papa mo sa diabetes niya. Naubusan na kasi. Ang sabi ng message sa text.      Lalong dumagdag sa pagkainis ni Calisha ang mensahe ng kanyang pangalawang ina. Kailangan pa niyang bumalik uli sa nadaanang mall para maibili ang gamot ng papa niya. Hindi niya pwedeng ipagwalang bahala iyon dahil hindi puwedeng hindi uminom ng pang-maintenance sa sakit na diabetes ang papa niya. Kung bakit kasi hindi kaagad nagtext ang tita Gloria niya di sana hindi na niya kailangang bumalik pa. Lalo na hindi pa rin nawawala sa isipan niya ang lalakeng sumusunod sa kanya at maaaring nasa paligid lamang ito at kumukuha lang ng tamang pagkakataon para masundan siyang muli at gawan siya ng masama.     Napansin ni Calisha ang biglang paglakas ng ihip ng hangin sa paligid. Napatingin siya sa nagdidilim na kalangitan at napagtanto niyang kailangan niyang bilisan dahil nagbabadya ang malakas na ulan. Napansin din  niya ang mga mumunting pagkislap sa mga maiitim na ulap at mga mahihinang kulog sa kalangitan.     "Naman kasi eh!" medyo padabog siyang humakbang pabalik sa pinakamalapit na mall sa kinaroroonan niya.     Sa loob ng mall naroroon ang pinakamalapit na botika na madalas binibilhan niya ng gamot. Hindi naman gaanong kalayuan ang mall at kung tutuusin ay maaga pa naman. Yun nga lang ay baka abutin siya ng malakas na ulan at hindi pa man din siya nakapagdala ng payong.      Lalong binilisan at hinabaan ni Calisha ang kanyang mga hakbang para hindi siya madatnan ng malakas na ulan. Hindi siya huminto hangga't hindi niya nararating ang mall. Madilim na ang kalangitan ng makarating siya sa mall. Dali-dali siyang pumasok at sumalubong sa kanya ang napakalamig na hanging nagmumula sa mga air-condition unit ng mall. Nakaramdam siya ng sobrang lamig sa kanyang katawan ang dalaga at nagsimulang manginig ang kanyang panga. Manipis pa man din ang suot niyang blouse na kulay Pink kaya agad siyang tinablan ng lamig. Dumeretso si Calisha sa loob ng mall at binagtas ang gawing kaliwa ng pasilyo at doon naroroon ang botika kung saan niya bibilhin ang gamot na ipinabibili sa kanya ng kanyang tita Glorya.     Bago pa siya bumili ng gamot sa botika ay parang napansin niyang muli ang lalakeng naka sweater na kulay grey sumusunod pa rin sa kanya. Nakatayo ito sa labas ng botika at nakatingin sa kanya. Muling nakaramdam ng kaba si Calisha habang minamasdan ang lalake. Pilit na inaalis niya ang nararamdamang takot dahil baka nagkakamali lamang siya sa kanyang iniisip.     "Ano po iyong sa inyo ma'am?" ang tanong ng nakangiting sales lady sa kanya na dahilan para mawala ang tingin niya sa lalakeng naka grey sa labas ng botika. Sunuklian niya ng ngiti ang sales lady at mabilis niyang kinuha ang reseta sa kanyang shoulder bag.      Iniabot ni Calisha ang reseta ng papa niya sa sales lady na agad naman kinuha iyon ng babae at tinignang mabuti. Ibinalik niya ang tingin sa kinaroroonan ng lalaki ngunit wala na ito sa kinatatayuan kani-kanina lamang. Muling iginala ni Calisha ang mga mata sa paligid pero hindi na nakita pa ang lalaking inaakala niyang sumusunod sa kanya.     "Miss, ilang piraso dito sa binibili ninyo?" ang tanong ng sales lady kay Calisha, pero hindi niya ito narinig at patuloy sa paggala ng kanyang mga mata sa paligid.     "Miss!" Ang medyo napalakas na tawag muli sa kanya ng sales lady at kinalabit siya nito sa balikat. Muntik ng napalundag sa kinatatayuan si Calisha dahil sa pakabigla nang kalabitin siya  ng sales lady.     "Miss okay lang po ba kayo?" Ang tanong ng sales lady sa kanya na ngayon ay may pag-aalala sa kanyang mukha.     "H-ha, oo. Oo okay lang ako pasensya na." Ang tanging naisagot ni Calisha sa babae pagkatapos ay lumingon siyang muli sa kinaroroonan ng lalake,  para makasigurong wala na talaga ito roon. Nang masigurong wala na ang lalake ay tila nabunutan ng tinik si Calisha sa kanyang dibdib.     "Miss bigyan mo ako ng mga 30 tablets." Ang pahabol pang sagot ni Calisha sa sales lady.      "Wait lang po." Ang sabi ng sales lady at tumingin muna ito sa kanya bago ito umalis para hanapin ang binibili niyang gamot.      Kahit na wala na roon ang lalaki ay hindi pa rin nawawala ang kaba sa dibdib ni Calisha. Maya't-maya ay napapatingin pa rin siya sa labas ng botika at pakiramdam niya ay may mga matang laging nakatingin sa kanya.      "Ma'am heto na po ang gamot na binibili ninyo," ang sabi ng sales lady sa kanya habang iniaabot niya sa kanya ang mga gamot.     "Magkano po lahat?" Ang tanong niya sa sales lady.     "Two hundred sixty-five pesos lahat, miss." Ang mabilis na sagot ng sales lady.     Iniabot ni Calisha ang limang daang piso sa sales lady at saka hinintay ang sukli. Sa huling pagkakataon ay iginala ni Calisha ang mga mata sa paligid ng botika para makasigurong wala na talaga ang lalaking nakasweater.     "Ma'am sukli po ninyo." ang nakangiting sabi ng sales lady habang iniaabot ang mga sukli sa kanya. Kaagad namang kinuha ni Calisha ang mga sukli at mabilis na tinungo ang pintuan ng botika para lumabas na. Wala nang inaksayang panahon pa ang dalaga at dumeretso na sa exit door ng mall. Ngunit laking panlulumo niya nang makitang napakalakas ng ulan sa labas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD