CHAPTER 6

2713 Words
    Nagising si Randy sa ilalim ng isang napakalaking puno ng mangga na hitik na hitik sa naglalakihang mga bunga. Nananakit ang kanyang ulo at napansin niya na nakabenda na ito ng malinis na puting tela. Kaagad siyang tumayo at napahawak sa katawan ng puno nang makaramdam ng pagkahilo. Muli ay nakaramdam siya ng paka-uhaw at naalala ang malinis na ilog kung saan siya nawalan ng malay matapos siyang paghampasin ng sungkit ng isang matapang na babae.     Inihakbang ni Randy ang kanyang mga paa habang hawak-hawak ang nananakit niyang ulo. Nanginginig ang kanyang mga kalamnan sa paa habang dahan-dahang inihahakbang ang mga ito papunta sa ilog. Natigilan siya nang may biglang naalala sa lugar na iyon. Nagpalinga-linga muna siya at hinanap ng kanyang mga mata ang matapang na babae sa paligid. Nang masigurong wala ang babae ay nagpatuloy sa paglalakad papunta sa malinis na ilog para matikman muli ang malamig at masarap na tubig nito. Ayaw na rin niya ng gulo at ayaw rin ng away lalo na sa mga babae, kaya pagkainom niya ng tubig ay lilisanin na ang lugar na iyon.     Pagsuong sa ilog ay sinimulan niyang hinilamusan ang kanyang mukha para alisin ang mga natuyong dugo sa kanyang ulo. Gamit ang dalawang kamay ay sumalok siya ng tubig at saka uminom sa kanyang palad. Ninamnam niya ang sarap ng sariwa at malinis na tubig na malayang dumadalaoy sa mga naglalakihang mga buhay na bato. Nang mapawi ang pagka-uhaw ay tumindig si Randy at nilanghap ang sariwang hangin saka pinakinggan ang mga iba't ibang huni ng mga ibon sa paligid. Hindi siya makapaniwala na sa dami na ng mga nangyaring kababalaghan sa buhay niya ay narito at buhay pa rin siya, na labis niyang ipinagpapasalamat sa Diyos.     Umahon na sa ilog si Randy at sinimulan ang pagbagtas sa mapunong lugar upang lisanin na rin ito. Sa kanyang paglalakad ay natisod niya ang kanina'y kinakain niyang papaya at muling sumagi sa kanyang alaala ang matapang na babae. Tumigil sa paglalakad si Randy at saka iginala ang kanyang mga mata sa paligid na tila may hinahanap at hinihintay.     "Nasaan na kaya siya?" Ang tanong niya sa sarili.     Hindi niya maintindihan bakit iniisip pa rin niya ang babae, gayong muntikan na siyang mapatay nito. Biglang gumuhit ang ngiti sa kanyang mukha nang maalalang may magandang mukha ang matapang na babae na umatake sa kanya. Marahil, siya rin siguro ang nagligtas sa kanya sa pagkakalunod sa ilog ng mawalan siya ng malay. Hindi rin mawala sa kanyang isipan kung sakaling magkikita silang muli ng masungit na babae ay ano kaya ang gagawin niya? Natural, hindi na niya hahayaan na hampasin pa siya nito ng kahit na anong bagay pa na puwedeng makapanakit pa sa kanya. Sa ngayon kasi ay kailangan na niya munang makabalik sa Maynila para na rin makuha ang kanyang gamit at naipong pera sa tinutuluyan niyang kuwarto sa kanilang ahensya. Pagkatapos uuwi na rin sa probinsya niya sa Concepcion, Tarlac.     Natatakot na rin siyang abutin pa ng gabi sa gubat lalo na't wala siyang kaalam-alam sa lugar na kinaroroonan niya ngayon. Natatakot na rin siya sa pagkagat ng dilim dahil hindi na niya alam kung ano pang nilalang ng dilim ang puwede pa niyang makita at makasagupa lalu na sa kinaroroonan niya ngayon. Tila nagkaroon na ng matinding phobia si Randy kapag sumasasapit na ang paglubog ng araw, dahil na rin sa mga naranasan niyang mga kababalaghan nitong nakaraang mga araw. Dahil sa mga alalaaning iyon ay naisipan niyang bilisan na ang paglalakad para hindi na siya gabihin pa sa paghahanap ng daan palabas ng kagubatan. Kung hindi lang sana naging masungit at nananakit ang magandang babae na nakaharap niya ay baka naituro pa nito ang daan patungo sa bayan at nasa biyahe na sana ngayon pabalik ng Maynila.     Sa paglalakad ni Randy sa gilid ng ilog ay may namataan siyang taong naliligo. Mabilis na nagkubli sa mga makakapal na d**o sa paligid ng ilog ang binata at doon tumambad sa kanya ang isang babaeng naliligo. Maganda ang hubog ng hubad na katawan ng babae na lalong nagpapatingkad sa kanya ang napakakinis nitong morenang kutis. Napanganga si Randy sa kagandahang kanyang nakikita sa nakatalikod na katawan ng babaeng naliligo. Hanggang bewang ang alon-along itim na buhok at kitang-kita ang matangos na ilong nito sa tuwing napapalingon ito sa kanyang tagiliran habang naglilinis ng kanyang katawan. Halos hindi humihinga si Randy sa panonood sa napakagandang babae na walang kamalay-malay habang naliligo sa ilog. Ngunit nang humarap na ang babae ay mas lalong namangha ang binata sa taglay na kagandahan ng mukha ng babae. Muntikan ng mapasigaw si Randy nang mapansin na ang babaeng naliligo sa ilog at ang matapang na babaeng umatake sa kanya ay iisa. Tinakpan ng binata ang bibig pero hindi pa rin niya inalis ang pagkakatitig sa babae.     "Napakaganda pala niya." ang sabi ni Randy sa sarili habang pinagmamasdan ang walang kamalay-malay na babae.     Lalong bumilis ang mga pagkabog ng puso ni Randy sa kanyang dibdib habang nakatitig pa rin sa hubad na katawan ng magandang dalaga. Magkahalong takot at paghanga ang kanyang nararamdaman habang pinagmamasdan ang napakagandang nilalang sa napakalinaw na tubig.     Walang kamalay-malay naman ang babae na kanina pa siya pinapanood ni Randy kaya nakuha pa nitong umawit habang pinupunasan ang kanyang katawan. Parang nakaramdam naman ng hiya sa sarili ang binata dahil sa ginagawang pamboboso sa magandang babae. Kaya minabuti na lamang na lisanin ang lugar, nang sa di inaasahan ay biglang pumasok sa kanyang ilong ang kani-kanina pa na umaaligid na langaw. Dalawang ulit na bumahing si Randy at nawalan ng balanse sa kinaroroonan kung saan niya pinapanood ang babaeng naliligo. Tuluyang lumusot sa mga damuhan at diretsong nahulog sa ilog ang binata. Lumubog siya sa medyo may kalalimang tubig, buti na lamang marunong siyang lumangoy.     Pagka-ahon sa medyo may mababaw na bahagi ng ilog ay mabilis na sumampa si Randy sa may pampang at doon naghihintay na pala sa kanya ang babaeng binobosohan niya. Pagkasampa sa pampang ay isang malutong na sampal ang sumalubong sa kanya mula sa babae.     "Walang hiya ka, hindi ka lang pala magnanakaw, isa ka ring m******s!" ang malakas na sigaw ng galit na galit na babae kay Randy.     Napahawak sa kanyang mukha ang binata. "Aray! Ang sakit non ha!" ang daing ng nasampal na si Randy. “Hay, heto na naman ang tigresa. Goodluck na lang sa akin.” ang bulong nito sa sarili. Sa tingin ni Randy ay lulusob na naman ang babae para sampalin siya ulit nito kaya inihanda niya ang sarili para rito.     "Ang sama-sama mo! Magbabayad ka sa ginawa mo!" ang nanggigigil na sigaw ng babae sa kanya at sabay kabid sa kanang kamay nito para samapalin niya ng malakas ang lalaki. Ngunit sa pagkakataong ito ay nahagip ni Randy ang kamay ng babae at napigilan niya ang pagsampal sa kanya. Nagpumiglas ang babae sa pagkakahawak ng kamay niya kay Randy.  Akmang isasampal na naman ng babae ang kaliwang kamay sa binata, pero nahagip din niya ang kaliwang kamay nito at hinawakang mahigpit. Lalong nagpumiglas ang babae para makawala ang mga kamay nito sa pagkakahawak sa kanya ng binata.     "Bitiwan mo ako, walang hiya ka! Napakasama mo! Magnanakaw, m******s!" ang muling sigaw na naman ng nagpupumiglas na babae kay Randy.     "Miss sandail, hindi ako masamang tao. Huminahon ka!"     "Bitawan mo ako sabi eh! Sige sisigaw ako! Sisigaw ako ng malakas na malakas!" ang sabi ng nagpupumiglas pa ring magandang babae.     "Miss, eh kanina kapa sigaw ng sigaw! Huminahon ka at bibitawan kita. Hindi ako masamang tao!" Ang pilit na pakiusap ni Randy na malapit ng mapuno at mawalan ng pasensya.     "Bitawan mo ako! Humanda ka sa akin. Bitawan mo ako!" Ang patuloy na sigaw at pagpupumiglas ng babae na tila hindi man lang nakikinig sa pakiusap ni Randy sa kanya. Iyon na nga ang ginawa ni Randy. Binitawan niya ang pagkakahawak sa dalawang kamay ng babae, pero nawalan ng balanse ang magandang dalaga at paupong bumagsak sa damuhan.     "Aray!" ang malakas na sigaw ng babae. Mabilis naman siyang pinuntahan ni Randy para tulungan siya nito.     "I'm sor..." Isang malakas na sampal ang sumalubong na naman sa kanyang mukha.     Nainis na ang binata at hindi makapagtimpi pa, kaya minabuti niyang hawakang muli ang mga kamay ng babae para pigilan ito sa p********l. Muling nagpumiglas ang babae at akmang sisigaw na naman ito nang takpan ni Randy ang bibig nito.     "Hindi kita sasaktan at hindi ako masamang tao, okay?!" ang sabi niya. "Bibitawan kita at pakakawalan basta ipangako mo na huwag mo na akong sasampalin." Tumingin siya sa mga mata ng babae. "Ano, puwede ba yon? Magpapaliwanag ako sa'yo bakit ako naririto sa lupain mo at ipinapangako ko sa'yo na lilisanin ko kaagad ang lugar na ito basta ituro mo sa akin ang daan patungong sakayan ng Maynila. Ano? Okay ba sa'yo yon?" Ang paniniguro ni Randy.Tumango naman sa kanya ang babae at tumigil na rin ito sa pagpupumiglas.     "Ako pala si Randy." Ang pagpapakilala niya sa babae habang dahan-dahang inaalis ang kanyang mga kamay sa bibig at dalawang kamay sa dalaga.     Marahan niyang inilayo ang kanyang sarili sa babae at sinubukang inilalayan sa pagtayo ang dalaga, pero ayaw nitong tumayo.     "S-sorry. Pasensya na sa mga nagawa ko." Ang kaagad na sabi ni Randy sa biglang umiyak na babae. "Umiiyak din pala si Gabriela Silang." Ang wika niya sa sarili.     Nanatiling nakaupo ang babae sa damuhan. Sinubukang umupo naman ni Randy sa tabi niya at iniisip kung ano ang susunod na sasabihin. "Tahan na. Sorry na. Hindi ko naman sinasadya eh." Ang pagsusumamo ni Randy. "Sorry na please?"     Hindi pa rin tumigil sa pag-iyak ang babae at nanatiling nakakubli ang mukha sa kanyang mga kamay habang nakabaluktot ang mga tuhod nito sa kanyang pagkaka-upo. Tumayo naman si Randy sa pagkakaupo at pumunta sa harapan ng babae at doon kinuha niya ang dalawang kamay nito at lumuhod.     "Sige, pagsasampalin mo ako hangga't gusto mo di kita pipigilan kung yan ang magpapatahan at magpapangiti sa'yo!"Ang saad ni Randy sa kanya. Ngunit tila walang epekto iyon sa babae. Muli ay tumayo si Randy at nagdesisyon na umalis na lang at iwan na lamang ang babae. Malungkot niyang tinitigan ang nasaktan niyang babae.     "Sige, kung ang pag-alis ko ang magpapatahan sa'yo aalis na ako. Pasensya na sa nagawa ko." Nakayukong naglakad na papalayo si Randy.     Mabibigat ang mga paang sinimulan sa paghakbang papalayo ni Randy, dahil alam niyang nakasakit siya ng tao na hindi niya sinasadya. Hindi siya masamang tao kaya hindi siya sanay sa ganong pakiramdam. Nakakailang hakbang pa lamang siya ng tumingin sa kanya ang babae at mabilis na pinunasan ang mga luha sa kanyang mga mata.     "Sandali!" Ang malakas na sigaw ng babae kay Randy. Tumayo siya at humarap sa kinaroroonan ni Randy. Lumingon naman ang binata sa kanya at hindi na nagdalawang isip na lumapit ito sa binata.     "Pasensya na kung nahampas kita at nasampal pa kita. Akala ko kasi masamang tao ka." Ang medyo nahihiyang paliwanag ng babae kay Randy.     "Pasensya na rin kung naging agresibo akong masyado at nasaktan kita. Sorry uli." Ang tugon naman ni Randy sa magandang babae na ngayon ay nakangiti na.     "Ako nga pala si Laurea. Nagbabakasyon ako dito sa nabiling lupain ng mga magulang ko." ang sabi niya kay Randy na mayroon ng mga ngiti sa kanyang mga labi. "...saan ka pala galing at bakit ganyan ang hitsura mo?" Ang usisa ni Laurea kay Randy.     "Actually galing ako ng Maynila. Doon ay may nakasagupa kami..." natigilan si Randy. Inisip niya kung sasabihin ba nito kay Laurea ang buong nangyari sa kanya. Baka isipin pa kasi ni Laurea na may tama siya sa ulo.     "Nakasagupa ng ano? Pulis ba ang trabaho mo?" ang patuloy sa pagtatanong ni Laurea kay Randy.        "Ha? Hinde. Isa lang akong body guard. Ang sinasabi kong nakasagupa namin ay ang pumatay sa amo namin. Hinabol ko pero nasugatan ako tapos nawalan ng malay. Nang magkamalay ako nasa loob na ako ng isang kubo sa gitna ng kagubatan na ito. Ni hindi ko nga alam kung saan lugar ito." Ang paliwanag niya kay Laurea na taimtim namang nakikinig sa kanya.     "Ni hindi ko rin alam kung ang nagdala sa akin sa kagubatan na ito ay ang huling babaeng nakita ko nang makasagupa ko ang pumatay sa aming amo." Ang dagdag pa ni Randy. Naisip niya na iyon na muna ang kanyang ikukwento kay Laurea. Sino bang matinong tao ang maniniwala sa mga aswang at iba pang kababalaghan sa modernong panahon ngayon?     "Pasensya na kung hindi man lang kita binigyan ng pagkakataong magpaliwanag bagkus ay muntikan pa kitang mapatay nang mahampas ko ang ulo mo at mawalan ka ng malay dun sa ilog." Ang paghingi ng paumanhin ni Laurea sa binata.     "Eh buti't sinagip mo pala ako at nilunasan mo pa ang sugat ko sa ulo kanina kahit na inaakala mong isa akong masamang tao?" Ang usisa ni Randy kay Laurea. Sa pagkakataong ito ay pareho ng makikita ang ngiti sa kanilang mga mukha.     "Hindi naman kaya ako mamamatay tao 'no? Siyempre gagamutin kita lalo na kasalanan ko bakit ka nawalan ng malay kanina." Ang tugon ni Laurea sa tanong ni Randy.     Ngumiti si Randy. "Salamat." Ang sabi niya habang nakatuon ang mga mata niya kay Laurea.     "Salamat saan?" Ang nagtatakang tanong niya sa binata.     "Na iniligtas mo pa rin ako sa kahit hindi mo pa ako talagang kilala." Ang paliwanag ni Randy sa kanya.     "Wala naman pinipiling tao kapag nagliligtas ng buhay di ba? Nagkataon lang na naguilty rin ako sa ginawa ko sa'yo kaya iniligtas kita." Ang paliwanag ni Laurea.     "Okay, sabi mo eh. Sige huwag na nating pag-usapan yan lalo na lumipas na at nangyari na. Ang importante ay yung ngayon." anang  Randy kay Laurea. "Maiba pala ako. Saan ba ang lugar na'to?" Ang seryosong tanong nito sa kanya.     "Nandito ka sa kagubatan ng bundok ng Arayat dito sa Pampanga." Ang nakangiting sagot ni Laurea sa tanong niya.     "Ha? Sa bundok Arayat? Paano at sino ang nagdala sa akin dito?"     Ito ang mga katanungang naiwan sa kanyang isipan pagkasabi sa kanya ni Laurea. Naisip niya na tama nga ang iniwang talinhaga ng matandang babae sa kanya. Sa kabundukan ni Sinukuan… na hindi na maalala ang iba pang linyang sinabi nito.     "Aba'y malay ko sa'yo. Ikaw yung bigla na lang sumulpot dito at kinain pa ang mga aanihin ko sanang prutas sa taniman namin tapos tatanungin mo ko kung sino at paano ka nakarating ditto? Okay ka lang ba?" ang sabi ni Laurea at tinitigan nito si Randy mula ulo hanggang paa. "...at saka ano'ng nangyari sa'yo? nanggaling ka ba sa costume party ha?"     "Ano'ng costume party ang pinagsasabi mo?" Ang nalilitong tanong ni Randy sa kanya.     "Yan!" sabay turo sa nakabendang dibdib at tiyan ni Randy. "Yan, ano yan?!" Ang pasigaw na tanong niya sa kanya.     Natahimik si Randy, hindi niya alam kung ano ang sasabihin nito sa magandang babae sa harapan niya. Nakalimutan na niya ang naunang sinabing dahilan nito kani-kanina lamang.     "Kaninang ginagamot ko ang sugat mo sa ulo, tinignan ko kung ano ang nasa likod ng mga bendaheng yan, mga malalalim na sugat na natutuyo na. Mga sugat na parang kinalmot ng kung ano mang hayop. Paano mo maipapaliwanag sa akin yan?" Ang usisa ni Laurea kay Randy.     Natigilan ang binata, hindi niya alam kung ano ang isasagot sa tanong ni Laurea. "Ah, ito?" Sabay tingin sa ngayo'y halus nagkukulay lupa nang bendahe na nasa kanyang dibdib at tiyan. Nag-iisip ng panibagong dahilan kung paano niya natamo ang kanyang mga sugat.     "Oo. Ano ba'ng nangyari diyan?" Ang muling tanong ni Laurea.     "Ah... nagtatrabaho ako sa k-karnibal, oo sa karnibal. Inatake ako ng tigre bu-buti na lang hindi ako natuluyang lapain ng leon." ang pagsisinungaling ni Randy kay Laurea.     "Ano? Kanina tigre tapos naging Leon? Okay ka lang?" ang naguguluhang wika ni Laurea sa naging tugon ni Randy.     Napakamot si Randy dahil maging siya ay nalilito na rin sa sinasabi niyang dahilan kay Laurea tungkol sa kanyang mga sugat.     "T-tigre. Tama tigre nga ang dumali sa akin sa perya. Pasensya na, medyo na trauma kasi ako sa aksidente." ang kinakabahang palusot niya kay Laurea.     "Okay, sabi mo eh."     Medyo tumingin sa itaas si Laurea na tila nag-iisip kung paniniwalaan ang sinasabi ni Randy sa kanya. "Medyo hindi pa tuyo ang mga sugat mo. Mabuti pa sumama ka na muna sa bahay para matignan ang mga yan. Marumi na ang mga benda at baka pagmulan pa yan ng impeksyon."ang paanyaya nito kay Randy.     Hindi alam ni Randy kung pauunlakan ba niya ang imbitasyon ni Laurea, ngunit tila may nagsasabi sa kanya na sumama na muna siya sa kanya at kilalanin pang mabuti ang magandang babae sa gitna ng kagubatan ng Arayat na si Laurea.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD