CHAPTER 5

4020 Words
    “Sino ka?!" ang pasigaw na tanong ni Randy sa matandang babae na naglalala ng sumbrerong buri sa may paanan ng hagdan ng bahay. Hindi sumagot ang matanda bagkus ay nagpatuloy lamang ito sa paglalala ng sombrero gamit ang mga tuyong dahon ng buri.      "Sino ka sabi eh?! Paano ako napunta rito?” ang muling tanong ng binata na labis na nagtataka kung bakit siya naroroon.      Ngunit hindi pa rin siya sinagot ng matandang babae ang kanyang mga tanong na lalong nagpainit sa ulo ng binata. Sinubukang tumayo ni Randy mula sa pagkakaupo pero nakaramdam siya kaagad ng panginginig ng tuhod at panghihina ng kanyang katawan. Minabuti na lamang niyang manatili muna sa pagkakaupo at magpalakas ng kanyang katawan. Muli ay ipinako niya ang mga mata sa payat na matandang babae na abala pa rin sa ginagawa nitong sombrero. Halos puti na ang hanggang baywang na kulot na buhok ng matanda. Natatakpan ng mahaba niyang buhok ang luma at may mga punit na bestidang kulay bughaw na suot niya. Parang buto’t-balat na ang pangangatawan ng matandang babae sa sobrang kapayatan nito. Sa tingin ni Randy ay ito na ang pinakamatandang taong nakita niya sa buong buhay niya kahit hindi pa nito nakikita ang mukha ng matandang babae na nakaupo sa mababang luklukan.       "Pakiusap, sino ka?! Bakit ako naririto?” ang ngayo’y malumanay na tanong ni Randy sa matanda.      "Kung ako sa'yo ginoo ay kumain ka muna para manumbalik ang iyong lakas. Sasagutin ko lahat ang mga katanungan mo pagkatapos mong kumain." ang mahinahong sagot ng matanda sa kanya.      Tinitigang muli ni Randy ang dinuguan sa mangkok at ang kanin sa tabi nito. Hindi niya alam kung makakaya niyang kainin ang pagkain sa kabila ng mga nakita niyang kababalaghan. Pero sa sitwasyon niya ngayon ay wala siyang magagawa kung hindi kakainin ito. Sinubukan niyang abutin ang plato na may lamang mainit-init pang kanin at sa pagkakataong iyon ay hindi siya binigo ng kanyang katawan. Ipinuwesto niya ang sarili at umupo sa gilid ng kawayang papag para mas madaling maabot ang pagkain. Sa tabi ng mangkok ay ang isang tabo na may lamang malinis na tubig at sabon. Ibinaba niya ang hawak na plato sa tabi at saka naghugas ng kamay gamit ang malinis na tubig at sabon. Pinatuyo ni Randy ang mga kamay sa malinis na tela na nakasabit sa papag pagkatapos niyang hugasan ang mga ito. Muli ay kinuha niya ang plato na may kanin at dumukot ng iilang maiitim na karne sa dinuguan. Sa buong buhay niya ay ngayon lamang siya kakain na ang ulam ay dinuguan. Lalong nagbigay ng agam-agam sa kanya na kainin ito dahil sa mga nasaksihan niyang pagkain ng aswang kay Bert lalo at ang eksenang nadatnang kalagayan ni Mr. Lee. Inamoy-amoy muna ni Randy ang iilang piraso ng karne na hindi siya sigurado kung anong klaseng karne iyon at saka dahan-dahang isinubo sa kanyang bibig. Napapapikit si Randy at muntikan pang maduwal ng unang malasahan ng kanyang dila ang karne. Pinisil nito ang kanyang ilong at ng malasahan ay nagustuhan niya ang lasa nito. Muli ay kumuha siya ng ilang piraso ng karne at saka isinubo. Sa pagkakataong iyon ay hindi na siya naduwal bagkus ay buong gahaman na niya itong nilantakan dala na rin sa sobrang kagutuman.     Ilang saglit lang ay kaagad naubos ni Randy ang pagkaing nakahapag sa kanya at saka uminom ng tubig mula sa isang baso na bahagi ng sang putol na kawayan. Manamis-namis ang malamig-lamig na tubig na kanyang ininom kaya halos maubos din niya ang isang pitsel ng tubig para mapawi rin ang kanyang pagka-uhaw.      Muling pinagmasdan ni Randy ang matandang babae na tahimik pa rin sa kanyang ginagawang sumbrero. Gusto niya sanang maaninag man lang ang mukha ng matanda, pero nananatili pa ring nakatalikod ito sa kanya.  Sinubukang muling tumayo ni Randy. Pakiramdam niya ay unti-unti ng nagkakaroon ng lakas ang kanyang mga tuhod. Hinawakan niya ang poste ng bahay na katabi lamang ng papag na kung saan siya nakahiga at doon ay hinila niya ang sarili para makatayo. Halos mapasigaw siya sa tuwa ng magawa niyang tumayo at sa pagkakataong iyon ay hindi na nanginginig ang kanyang mga kalamnan. Nawala na rin ang panghihina ng kanyang katawan marahil pinunan iyon ng kinain niya kani-kanina lamang. Sinimulan niyang inihakbang ang mga paa at nararamdaman pa rin niya paminsan-minsang panginginig ng mga tuhod. Pero hindi katulad ng dati na hindi niya magawang makatayo man lang.      Marahan ang bawat hakbang na kanyang ginagawa, kasabay ng pagbalanse sa katawan para hindi siya muling bumagsak sa sahig ng bahay. May pagkakataong umiikot pa rin ang kanyang paningin dala na rin marahil ng pagkawala ng maraming dugo sa mga sugat na natamo sa pakikipagbuno sa babaeng aswang na si Trish.      "Hindi ka pa dapat bumangon ginoo dahil hindi pa lubos na magaling ang mga malalalim na sugat sa iyong katawan." ang malakas na sabi ng matanda sa kanya. Sa pagkakataong ito ay may kalaliman ang boses ng matandang babae na nagbigay ng kilabot kay Randy.      "Sino po ba kayo? Bakit po ako nandito at saan lugar ito?" ang muling tanong ni Randy sa matandang babae.      Sa mga sandaling iyon ay tila nagkaroon ng pagdududa sa binata na baka kampon din ng kadiliman ang matandang babae sa kanyang harapan. Kinapa niya ang bewang ng maalala nito ang kanyang baril. Nang hindi niya ito makapa ay nanumbalik sa kanyang alaala kung paano naagaw iyon ng misteryosong babae sa kanyang kamay ng gabing nakasagupa niya sina Trish at Chelsea.      Hindi pa rin siya sinasagot ng matandang babae, tumayo ito sa kanyang kinauupuan upang ilagay sa isang mababang mesa ang natapos niyang sombrero.      "Nakikiusap po ako sa inyo, sagutin po ninyo ang mga tanong ko! Sino ka at bakit ako nandito?!" ang pakiusap niya sa matanda. Pinipigilan ni Randy ang mawalan ng pasensya kahit na nararamdaman niyang nag-iinit na ang mga tenga sa pagkainis sa hindi pagsagot ng matanda sa kanyang mga tanong.      Lumapit si Randy sa kinaroroonan ng matanda at hinawakan ang balikat nito. Lumingon sa kanya ang matandang babae at napatitig siya sa mukha niya. Napaurong at halos mapasigaw ang binata sa kanyang nakita. Walang laman ang mga mata ng matandang babae. Muling nakaramdam si Randy ng matinding takot at napahakbang ng paurong.      Biglang nanumbalik kay Randy ang naranasan niya nang gabing makasagupa niya sina Trisha at Chelsea. Gusto niyang tumakbo pero tila nakadikit ang mga paa sa sahig ng kubo at hindi niya maiangat ang mga ito. Lumapit sa kanya ang matanda at hinawakan siya sa kanyang pawis na pawis na noo.      BANAUAL… Ang sabi ng boses na tulad sa isang hanging bumulong sa kanyang tenga. Hindi magawang pumikit ni Randy at nanlalamig ang kanyang buong katawan. Kitang-kita niya na nakangiti sa kanya ang kulubot na mukha ng matandang babaeng uka ang mga mata. Sumalubong sa kanila ang malakas na hangin na tila pumipito sa paligid ng kubo. Ayaw maniwala ni Randy sa kanyang nakikita, maaaring nananaginip lang siya at hindi totoo ang lahat ng mga nararanasan niya ngayon. Sinubukang pumalag ni Randy sa pagkakahawak sa kanya ng matandang babae, pero tila bahagi na ng katawan ng babae ang kanyang mga kamay. Sumigaw siya ng paulit-ulit ngunit, maging siya ay walang marinig sa sariling boses.      Biglang nagliwanag ang buong katawan ng matandang babae at humarap ito sa kanya kasabay ng nakakasilaw na liwanag na lumalabas sa blangko nitong mga mata. Naramdaman na lamang ni Randy ang paglutang ng kanilang katawan ng mahigit isang metro mula sa sahig ng kubo. Halos himatayin ang binata sa sobrang takot nang makitang unti-unting nagbago ang hitsura at laki ng matandang babae.   "Sa dakong Aslagan doon hanapin ang kasagutan  Sa kabundukan ni Sinukuan matatagpuan ang gumugulo sa iyong isipan, Kalabanin ang sarili hanapin ang daan palayo sa Albugan, Sundin ang gabay ng Amianan para hindi mailigaw sa kadiliman."       Ang muling bulong ng malamig na hangin kay Randy na nahiwagaan sa mga salitang sinasabi nito sa kanya. Ang boses ay parang mga pinag-samasamang maliliit na mga kampanilyang sabay-sabay na pinatutunog na napakaganda sa kanyang pandinig. Kahit hindi niya maintindihan ang ibig sabihin ng ibinubulong ng hangin ay tila tumatatak ito sa kanyang isipan. Biglang nanginig ang katawan ng matandang babae at sa isang saglit ay biglang sumabog sa napakagandang mga makukulay na liwanag. Napapikit si Randy dahil sa pagkabigla. Nang idinilat ang mga mata ay napanganga siya sa pagkamangha sa makukulay na mga liwanag na kanyang nakikita. Pansamantalang nawala ang takot na nararamdaman ni Randy at nakalimutan ang mga hindi magandang nangyari sa kanya. Pinagmasdan ang buong paligid na sa tingin niya ay ito na ang pinakamagandang bagay na nakita sa buong buhay niya.      Mula sa dingding ng bahay ay isang maliit na puting liwanag ang nabuo. Hinihigop nito ang karimlan sa loob ng kubo. Mula sa dingding ay lumipad ang maliit na liwanag at nagpalutang-lutang ito sa hangin na pumalit sa kinaroroonan ng matandang babae. Tila isang alitaptap itong unti-unting lumayo sa kanya habang paulit-ulit na naririnig ni Randy sa kanyang isipan ang matalinhagang sinabi nito sa kanya.      "Sa dakong Aslagan... sa kabundukan ni Sinukwan..."Ang paulit-ulit na naririnig ni Randy sa kanyang isispan at di makapaniwala sa mga nasasaksihan. Ngunit, ngayon pa ba siya hindi maniniwala sa kabila ng naranasan na niyang mga kababalaghan?  Naramdaman na lamang niya ang pagbagsak ng kanyang katawan sa sahig nang biglang tumahimik ang buong paligid.      Muli ay sinubukang tumayo ni Randy para makaalis na sa kubo. Ang kanina'y bagong lala na sumbrero na gawa ng matanda ay bigla na lamang naging isang malaking ahas na nakamasid sa kanya.      "Diyos ko po, ano na ang nangyayari sa mundo, nababaliw na yata ako?" sabi ni Randy sa sarili.      Maingat na muling tumayo si Randy at iniwasan ang makamandag na ahas na malapit lamang sa kanya. Mabilis niyang tinungo ang nakabukas na pintuan ngunit sa di inaasahan ay bigla na lamang siyang bumagsak sa lupa na may isang metro ang taas. Hindi niya napansin ang kawayang hagdan pababa mula sa bahay. Halos mawalan siya ng hininga pagbagsak niya sa lupa at namilipit sa sobrang sakit. Napakapit siya sa may hagdanan habang hinihintay na mawala ang sakit na nararamdaman mula sa mga sugat sa tiyan at dibdib.      Nakita ni Randy ang sariwang dugo na namumuo sa telang nakabalot sa mga sugat sa kanyang tiyan. Nabalutan ng pag-alala ang mukha ng binata na baka bumukas muli ang mga sugat dahil sa pagkahulog sa hagdan. Nang makatayo ay pinagpagan niya ang kasuotan at muling iginala ang paningin sa paligid. Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapansing nasa gitna siya ng isang masukal na kagubatan. Napaka-kapal ng mga malahiganteng mga puno sa kanyang paligid at halos hindi na nasisilayan ng sikat ng araw ang lugar kung saan siya nakatayo ngayon. At laking gulat din niya nang mapansing wala ang kubo na kung saan siya nagising kani-kanina lamang.      Ikinusot-kusot ni Randy ang kanyang mga mata dahil hindi siya makapaniwalang bigla na lamang nawala ang kubo. Pakiramdam niya ay parang nababaliw na siya sa mga nangyayari. Maaaring pinaparusahan na rin siya ng Diyos kaya nararanasan ang mga kababalaghan. Kailan pa ba siya huling nagsimba o pumasok man lamang sa simbahan para magdasal? Kailan ba siya huling nangumpisal sa kanyang mga nagawang kasalanan? Siya man ay hindi na niya masagot ang mga katanungan. Dahil sa puntong ito ay hindi na rin niya alam kung ano na ang totoo at hindi sa mga nakikita at nangyayari sa kanya.      Dumudugo pa rin ang mga sugat sa tiyan at dibdib ni Randy pero hindi na gaanong masakit tulad ng dati. Sinimulan na niya ang paglalakad para makaalis na sa lugar na iyon. Pero ang malaking problema ay hindi niya alam kung saang direksiyon siya pupunta. Hindi rin kasi sinagot ng matandang babae ang kanyang mga katanungan. Sa tuwing naiisip niya ang tungkol sa matandang babae ay hindi nawawala sa kanya na hindi kabahan at kilabutan. Pinilit niyang kalimutan muna ang lahat ng naranasan at sinimulang bagtasin ang makapal at napakatahimik na kagubatan. Tanging mga huni lamang ng mga ibon ang naririnig at may mangilan-ngilang mga unggoy na lumalambitin sa mga malalaking sanga ng mga puno na kanyang nadadaanan.      Natatakot si Randy na suungin ang kasukalan ng kagubatan lalo na't iyon ang unang pagkakataong makapaglakbay sa isang masukal na lugar na tulad kung saan siya naroroon. Puno ng takot at pangamba ang kanyang isipan na baka hindi na siya makakalabas pa ng buhay sa kagubatang iyon. Pinilit niyang inunawa ang sinabi sa kanya ng matanda. Maaaring iyon ang magtuturo sa kanya para makaalis sa kagubatan.   Sa dakong Aslagan doon hanapin ang kasagutan Sa kabundukan ni Sinukuan matatagpuan ang gumugulo sa iyong isipan, Kalabanin ang sarili hanapin ang daan palayo sa Albugan, Sundin ang gabay ng Amianan para hindi mailigaw sa kadiliman."       Naglalaro sa isipan niya ang mga salitang Aslagan, kabundukan ni Sinukuan, Albugan at Amianan. Ano ba ang kinalaman ng mga salitang ito para makalabas siya sa gubat? Biglang nahinuha niya na ang mga salitang iyon ay pawang mga salitang Kapampangan na siyang lengwahe nila sa probinsya niya sa Tarlac.      “Sandali…sandali, Aslagan. Aslagan ang ibig sabihin nito ay ang direkyon kung saan sumusikat ang araw. Silangan o East.” Ang sabi ng isip niya habang inuunawa ang sinabi sa kanya ng matanda. “Pero saan dito ang Silangan?” Ang tanong niya sa sarili.      Humarap siya sa kanyang kaliwa. Pero nang mapagtantong hindi ito ang gawing silangan ay humarap naman siya sa gawing kanan. Napakamot siya ng ulo dahil hindi niya alam kung saan ang direksyon papuntang silangan.      “Teka…kabundukan ni Sinukuan, isang diwata si Sinukuan mula sa bundok Arayat sa Pampanga. Ibig bang sabihin nito ay nandirito ako sa Pampanga?” Ang naguguluhang tanong sa sarili ni Randy. “Kung nandito ako sa bundok Arayat, ang lugar na ito ay nasa gawing silangan na. Albugan, ito ang Kanluran at kailangan ko lumayo sa kanluran? Salubungin ang Amianan o Amihan. Ibig sabihin sa hilagang-silangan ang daan para makaalis ako sa kagubatang ito?” Biglang lumiwanag ang mukha ni Randy nang mapagtanto kung nasaan at paano siya makakaalis papalabas ng kagubatan. Hindi na mahalaga para sa kanya kung paano at sino ang nagdala sa kanya sa kagubatang ito, ang importante para sa kanya ngayon ay makalabas ng buhay dito.      “Kung ito ang bundok Arayat sa aking kaliwa, ibig sabihin sa kanan ko ang daan papunta sa bayan ng Arayat. Yes!” halos mapatalon sa tuwa si Randy. “Kahit high school graduate ka lang Randy, matalino ka talaga!” ang pagmamayabang sa sarili ng binata, at mabilis na tinungo ang hilagang-silangang bahagi ng kagubatan.      Makalipas ang halos isang oras na paglalakad ay naisipan munang magpahinga ni Randy sa ilalim ng isang malaking puno na hindi niya kilala kung anong klasong puno iyon. Pawis na pawis sa sobrang pagod sa kanyang paglalakad at nakaramdam ng panlalambot sa kanyang katawan dala na hindi pa talaga malakas ang kanyang katawan. Hindi na rin alam ni Randy kung anong oras na sa mga sandaling iyon dahil hindi niya nakikita ang araw sa mga makakapal na sanga ng mga puno sa kagubatan. Sa tingin niya ay tila wala nang katapusan ang mga puno sa kinaroroonan niya at wala pa siyang nakikitang mga bahay sa paligid.      Naalala niya ang itinuro ng kanyang ina noong bata pa siya na kapag naliligaw daw sa isang ilang na lugar, ang pinakamagandang gawin ay baligtarin ang suot na damit. Paano naman niya gagawin ang sinabi ng kanyang ina gayong wala naman siyang suot na damit maliban lamang sa puting benda sa kanyang mga sugat sa tiyan at dibdib? Naisip niya kung ang pantalon niya kaya ang baligtarin na lamang niya. Pero hindi na yata kakayanin ang magiging hitsura niya kung gagawin pa ang naisip niya.      Halos mataas na rin ang sikat ng araw kaya nakakapaso na ang init nito sa kanyang balat. Kumakalam na rin ang kanyang sikmura at natutuyo na ang mga labi sa pagkauhaw. Naliligo na rin siya sa sariling pawis dahil sa sobrang alinsangan ng paligid. Gusto na sanang sumuko ni Randy, pero ayaw pa niyang mamatay at hindi sa ganitong klaseng lugar, hindi sa ganitong sitwasyon siya mamamatay. Kailangan niyang makauwi sa Tarlac, kailangan niyang makita at makasamang muli ang kanyang pamilya kaya titiisin pa rin niya ang hirap sa loob ng kagubatan na kung saan siya naroroon ngayon. Pakiramdam niya ay lalong bumibigat ang bawat hakbang ng kanyang mga paa.      Sa di kalayuan ay tila may naramdaman siyang parang lagaslas ng tubig sa mga mayayabong na kakahuyan ilang metro ang layo mula sa kinaroroonan niya. Tila lumundag ang kanyang puso sa kanyang naririnig na lagaslas ng tubig na papawi sa kanyang uhaw. Binilisan ni Randy ang kanyang mga hakbang na para bang may nagtutulak na bilisan pa at gayon na nga ang kanyang ginawa.      Halos lumipad si Randy sa bilis ng kanyang paglalakad, di na alintana ang p*******t ng kanyang mga paa at masakit-sakit pa ring sugat sa kanyang tiyan at dibdib. Matarik at medyo maputik ang pababa sa ilog kaya minabuti na lamang na bagalan ang kanyang paglalakad para maiwasang madulas sa pagbaba.      Sa kanyang harapan ay sumalubong ang mga makakapal na dahon mula sa mga sanga ng iba't-ibang mga puno na nakatanim roon. Ilang saglit lang ay namangha si Randy sa ganda ng ilog na kung saan dumadaloy ang mala-kristal na linaw na tubig na lalong nagpatindi sa nanunuyu niyang lalamunan. Ang mga naglalakihang mga buhay na bato na nagpapadagdag sa ganda ng kapaligiran ay tila mga taga-bantay sa mala paraisong ganda ng lugar na noon lamang nakita sa buong buhay niya. Napabuntong-hininga si Randy sa kagandahan ng lugar. Marahang pinagmasdan ang paligid baka sakaling may mahingan siya ng tulong sa lugar na iyon. Natuon ang mga mata ni Randy sa napakalinaw na tubig na tila nang-aakit sa kanya para pawiin ang pagka-uhaw na nadarama. Pero iba ang hinahanap ng kanyang katawan para mapawi ang init na nararamdaman. Sa sobrang init ng nakakapasong sikat ng araw ay minabuti ni Randy na bilisan ang paglapit sa ilog at sabay talon sa napakalamig na tubig para maligo. Kakaibang sarap at ginhawa ang naramdaman ni Randy pagkababad ng kanyang katawan sa tubig ng ilog. Kitang-kita niya ng malinaw ang pinakailalim nang may higit sa apat na talampakang lalim nito. Pati ang iba’t-ibang klase ng isda ay malinaw din niyang naaaninag sa tubig na kusa pang lumalapit sa kanya. Gamit ang dalawang kamay ay sumalok ng tubig si Randy at buong pananabik itong uminom ng tubig sa kanyang mga palad. Sa buong buhay niya ay ngayon pa lamang siya nakakita ng ganong ka-linaw at napakasarap na tubig na parang gumuguhit pa sa lalamunan niya habang nilulunok ito.      Nang magsawa sa pag-inom ay sinimulan na niyang linisin ang kanyang katawan. Nakadama siya ng ginhawa at panunumbalik ng kanyang lakas sa paglublob sa malamig at napakalinis na tubig. Hindi niya namamalayan na mabilis na lumilipas ang oras bago niya maisapang umahon at makapagpahinga sa malaking bato malapit sa isang malaking puno. Napakatahimik ng buong paligid at tanging mga huni ng mga iba't-ibang klase ng ibon at lagaslas ng tubig ang tanging maririnig. Sa pakiwari ni Randy ay natagpuan ng kanyang sarili ang kapayapaan at pansamantalang nakalimutan ang mga pangyayari sa buhay niya sa mga nakalipas na araw.      Iginala ni Randy ang kanyang paningin at ninanamnam ang napakapresko at sariwang hangin. Naramdaman niya ang pagbigat ng mga talukap ng kanyang mga mata at tila dinuduyan siya ng mahihinang pag-ihip ng hangin sa kanyang mukha. Sumandal siya sa napakalaking katawan ng puno ng manga para sana umidlip muna. Pero nawala ang kanyang antok ng mahagip ng kanyang mga mata ang mga halamang nakapaligid sa ilog. Napansin niya ang mga puno ng Papaya na hitik na hitik sa naglalakihang mga bunga ang nakabaybay sa paligid ng ilog. Karamihan sa mga bunga nito ay halos hinog na, dahilan para maglaway siya sa nararamdamng gutom. Sa paligid din ng ilog ay nakatanim ang mga ibang pang mga punong-kahoy tulad ng Bayabas, Kaimito, Guyabano at iba pang mga prutas na punong-puno ng mga hinog na bunga. Napabangon si Randy sa mga nakitang makakain at halos mangasim ang kanyang panlasa habang nakikita ang mga manibalang na Mangga.      Mabilis na tinungo ni Randy ang lugar kung saan nakatanim ang mga puno na may mga hinog na bunga. Halos hindi niya alam kung anong prutas ang una niyang pipitasin at kakainin. Pagkapitas sa mga hinog na Papaya at Guyabano ay buong gahaman niya itong kinain. Doon lamang niya napagtanto kung gaano siya ka-gutom na hindi na mapigilan ang sarili sa pagkain ng iba’t-ibang klase ng prutas. Laking gulat niya nang may maramdaman siyang mga kaluskos sa kanyang likuran at halos mabitawan ang papayang kinakain nang may biglang nanghahampas ng panungkit sa kanyang likurang ulo.      "Magnanakaw! Magnanakaw!" ang malakas na sigaw ng isang babae sa kanyang likuran habang walang humpay ang paghampas nito sa kanya ng kanyang panungkit na gawa sa payat na kawayan.      "Aray! Aray! Sandali, hindi ako magnanakaw!" ang sigaw ni Randy habang pilit na sinasangga ang kanyang kamay sa panungkit ng babaeng di pa rin tumitigil sa kakasigaw at paghampas sa kanya.      Sinubukang agawin ni Randy ang kawayang ipinapalo sa kanya ng babae. Nang mahagip  ito ng kanyang kamay ay buong lakas niya itong hinila para maagaw ito sa matapang na babae. Mahigpit din ang pagkakahawak ng babae sa sungkit kaya hindi rin basta-bastang naagaw ito ng binata.      "Sandali sabi eh, nakakasakit ka na, ano ba?!" ang malakas na sigaw Randy habang hinihila ang kawayang panungkit. Biglang binitawan niya ang panungkit dahilan para mawalan ng balanse ang babae sa kanyang harapan. Paupong bumagsak ang babae sa masukal na sahig ng kagubatan. Natulala si Randy sa kanyang nagawa na naging sanhi para makasakit siya ng to.      "S-sorry miss, h-hindi ko sinasadya." ang maikling wika ni Randy na nagsisisi sa kanyang nagawa. Mabilis na nilapitan ni Randy ang babae at kaagad na tinulungan ito sa pagtayo. "Pasensya na miss hindi ko talaga sinasadya." ang taos-puso nitong paghingi ng paumanhin sa kanya.      Nanginginig sa galit ang babae sa ginawa ni Randy lalo na't sa dumi ng kalabaw ito bumagsak. Padabog na inalis ng babae sa kanyang bestida ang kumapit na dumi ng kalabaw at saka ibinato sa binata. Hindi na nakaiwas pa si Randy at napuruan ng dumi ng kalabaw sa mukha.      "Ang sama-sama mo! Ninanakaw mo na ang mga tanim kong prutas at nakuha mo pa akong saktan!" Ang galit na galit na sigaw nito kay Randy at sabay bato pa rin sa mga dumi ng kalabaw sa binata mula sa suot nitong kulay asul na bestida.      Panay naman sa pag-ilag si Randy sa dumi ng kalabaw pero laking malas niya ng pumasok sa kanyang bibig ang dumi ng kalabaw. Nanlaki ang mga mata ni Randy lalo na nang maamoy at malasahan nito ang dumi ng kalabaw na naging dahilan para magsimulang bumaligtad ang kanyang sikmura.      "Pwe! Pwe!" pilit na iniluluwa ni Randy ang pumasok na dumi ng kalabaw sa kanyang bibig. "Ano ba 'to ha?" ang tanong niya at sabay na inamoy ito mula sa kanyang kamay. "Diyos ko po!Tae?!" pagkawika nito  at muling naduwal si Randy na mabilis na tumakbo sa ilog para hugasan ang dumi ng kalabaw sa kanyang bibig. Iniwan niya ang babae na nanggigigil pa rin sa galit.     "Hoy! Saan ka pupunta? Bayaran mo ang mga kinain mo bago ka tumakas!" ang sigaw ng babae at mabilis na tumayo mula sa pagkakabagsak nito sa damuhan at mabilis na sinundan si Randy papunta sa ilog.      Paglusong ng babae sa ilog ay dala-dala pa rin niya ang panungkit na pinanghahampas kay Randy. Nang maabutan ang binata na nagmumumog sa ilog ay muli niyang pinaghahampas ang binata gamit pa rin ang panungkit na halos nagkandabali-bali na.      "Aray! Ano ba?! Tama na! Nakakasakit ka na!" ang sigaw ng nasasaktang si Randy sa ginagawang panghahampas sa kanya ng babae.      "Magnanakaw ka! Buti lang sa'yo!" ang pasigaw na tugon ng babae habang patuloy pa rin ito sa kanyang ginagawang paghampas.      Sa kakaiwas ni Randy sa paghampas sa kanya ay isang malakas na palo ang tumama sa ulo nito dahilan para ito'y masugatan at dumugo. Nahilo si Randy sa malakas na hampas sa kanya ng babae dahilan para matigilan ito sa pamamalo sa kanya. Binitiwan ng babae ang sungkit at tuluyan ng tinangay ito ng tubig sa ilog. Halos mataranta ang babae ng makitang unti-unting nawawalan ng malay ang lalaki.      "Eekk! Hoy lalaki! Huwag kang hihimatayin dito! Malulunod ka, di kita mabubuhat!" ang natatarantang sigaw ng babae kay Randy at mabilis niyang inalalayan ito para hindi ito mawalan ng malay sa tubig."Please, please, please huwag ka munang hihimatayin. Kunsensya ko pa kapag namatay ka." Ginamit nito ang katawan niya para tulungan si Randy na makatawid sa ilog. Halos masubsob sa tubig ang babae ng maramdaman niya ang bigat ng katawan ng lalaki na sa mga sandaling iyon ay tuluyan ng nawalan ng malay. Sa sobrang bigat ng binata ay nabitawan niya sa pagkakahawak sa balikat nito at tuluyan ng lumubog sa tubig si Randy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD