Pabagsak na lumapag sa isang malawak na hardin ng isang malaking mansiyon ang aswang na si Trish. Sunog na sunog ang halos buong katawan nito at di alintana ang matinding sakit na nararamdaman makaabot lamang sa mansiyon bago pa man sumikat ang araw. Umuusok ang buong katawan at amoy na amoy ang sunog na katawan na pilit na umuusad papunta sa pintuan ng magarang mansiyon. Kailangan niyang makausap si Claudius bago pa man siya mamatay. Kailangan niyang ipaalam ang tungkol sa Eskrihala at ang babaeng nakasagupa nila ng kapatid niyang si Chelsea.
Hirap na hirap na gumagapang papalapit sa pintuan si Trish. Hindi na rin siya makasigaw dahil hirap na rin siya sa paghinga. Malapit nang sumikat ang araw at kailangan na niyang magpalit ng anyo para maging tao. Ngunit dahil na rin sa matinding pinsalang natamo mula sa Eskrihala, hindi na kinaya pang magpalit ng anyo. Mahigpit ang bawat kapit ni Trish sa mga damuhan para makausad palapit sa pintuan ng mansiyon. Bawat pag-abante ay katumbas ng napakatinding sakit mula sa kanyang mga sugat na natamo. Gusto pa niyang mabuhay, gusto niyang maghiganti, gusto niyang ipaghiganti ang pagkamatay ng kanyang kapatid na si Chelsea. Ipapalasap niya sa babaeng may hawak sa Eskrihala ang bagsik ng kanyang paghihiganti. Sisiguraduhin niyang magagawa niya ito kapag lumakas na siya sa mga naging pinsala ng Eskrihala sa kanya. Pero, kahit sa sarili niya ay alam niyang imposible ng mabubuhay pa sa kalagayan niya ngayon.
Napahagulgol si Trish nang marating ang pintuan ng mansiyon. Sinubukan niyang kabugin ang pinto para makuha ang atensiyon ng mga kasamahan niya sa loob, lalo na sa kanyang mga magulang. Pero, mahihinang pagkabog na lamang sa pintuan ang kanyang nagagawa dahil nakakaramdam na siya ng pagkahapo at pagkaantok. Maging ang paghinga ay napakahirap na para sa kanyang gawin ito. Ayaw niyang abutan ng kamatayan na hindi nakakapagpalit ng anyo. Lalamunin siya ng sikat ng araw na mas matindi pa ang sakit na ginawa ng Eskriala sa kanyang katawan. Pero, pagod na pagod na siya at gusto ng magpahinga. Minabuti niyang sumandal na muna sa pintuan ng mansiyon at pinagmasdan ang kabuuan ng paligid. Kitang-kita niya sa bahaging silangan na nagsisimula ng sumilip ang haring araw. Ayaw niyang mamatay mag-isa. Muli ay humarap siya sa pintuan at sinubukang lakasan pa ang pagkabog sa antigong pinto. Halos lumiliwanag na ang buong paligid at kailangan nang makapasok man lang sa loob para hindi maabutan ng sikat ng araw. Idinikit niya ang katawan sa pinto at ibinuhos pa ang natitirang lakas sa pagkabog niya rito.
"Trish?"
Isang pamilyar na boses ang narinig ni Trish mula sa likuran. Kaagad siyang lumingon at laking tuwa niya nang makita ang kanyang ina na napasigaw ng malakas nang makita ang kalunos-lunos niyang kalagayan.
"Anong nangyari, anak? Bakit ka nagkaganyan?!" Ang umiiyak at pasigaw na tanong ng ina sa kanyang anak na bago pa siya nawalan ng malay.
Hindi maipinta sa mukha ng ina ang pagkaawa sa sinapit ng anak. Hindi niya inaasahan na sa ganitong kundisyon na makikita ang kanyang anak na dalaga.
"Miguel! Tulungan mo ako dito, dali ang anak natin, si Trisha!" Ang sigaw ni Amanda sa asawa.
Hindi siya makapali kung ano ang gagawin sa pinakamamahal niyang anak sa kundisyon nito. Gusto niyang yakapin si Trish pero hindi nito magawa dahil sa pinsala nito sa halos buong katawan. Hindi niya kayang tignan ang anak sa ganung sitwasyon.
Ilang saglit lang ay dumating na ang humahangos na si Miguel, ang kanyang asawa. Halos mapaluhod ito sa damuhan nang maakita ang sunog na katawan ng anak na si Trish. Bumalot sa lalake ang sobrang galit lalo na nang makitang hindi na gumagalaw ang kanyang anak.
"Sino ang may gawa nito sa anak natin, Amanda? Sino?!" Ang halos dumagundong nitong sigaw sa asawa at paluhod na lumapit sa walang malay na anak.
"Miguel hindi ito ang tamang oras para pag-usapan kung sino ang may gawa nito sa kanya. Dali, tulungan mo akong ipasok siya sa loob. Malapit na ang pagsikat ng araw masama para sa kundisyon niya ang tamaan ng sikat ng araw." Ang tugon ni Amanda sa asawang umuusok ang ulo sa sobrang galit.
Walang sinayang na sandali si Miguel at kaagad na binuhat ang naglalangis na katawan ng anak at kaagad na ipasok sa loob ng mansiyon. Amoy na amoy ng mag-asawa ang nasunog na laman ng anak na nagpasidhi sa kanilang galit sa kung sino man ang gumawa nito kay Trish.
"Si Chelsea." Ang biglang tanong ni Miguel nang maalala ang bunso nilang anak dahilan para matigilan din si Amanda pagkarinig sa pangalan ng bunso nilang anak.
"Nasaan si Chelsea?" Ang muling tanong ni Miguel sa asawa. Napuno ng pangamba ang kanyang puso para sa isa pang anak na hindi niya alam kung nasaan. Inihiga nila si Trish sa isang malambot na sofa na wala pa ring malay ng mga sandaling iyon.
"Magkasama silang umalis kagabi ni Trisha. Ang paalam nila ay maghahanap sila ng mapaglilibangan sa lungsod at bibisitahin ang kanilang mga kaibigan na kalahi rin natin. Matagal na ring panahon na hindi nila nakakasama ang mga kaibigan nila simula nang magkaroon ng agam-agam sa napapabalitang babaeng pumapatay sa mga tulad nating mga Mangcucutod. Hindi ko sila pinayagan pero tumakas pa rin sila kagabi habang abala tayo sa pakikipagpulong sa panginoong Claudius." Ang umiiyak na tugon ni Amanda na gulong-gulo ang isip sa pag-aalala sa isa pa nilang anak na babae.
"Magbabayad ng mahal ang may gawa nito kapag may nangyaring pang masama sa kay Chelsea." Ang nanginginig sa galit na wika ni Miguel kay Amanda.
Pinagmasdan ni Miguel ang kabuuan ng katawan ng anak, at labis ang kanyang pagkabahala dahil hindi kusang naghihilom ang mga pinsala sa katawan ni Trish. May kakayahang maghilom ang kanilang katawan sa mga sugat na likha ng kahit na anong matutulis at matatalim na bagay na gawa ng tao o kahit na sa ordinaryong apoy. Pero sa kundisyon ni Trish ay dapat kanina pa naghihilom ang pagkasunog ng kanyang katawan.
"Bakit ayaw maghilom ng mga sugat niTrish, Amanda?" Ang tanong nito sa nag-aalala ring si Amanda.
"Iyan din ang aking ipinagtataka, Miguel. Hindi rin niya kayang magpalit ng anyo." Ang umiiyak na tugon ni Amanda kay Miguel.
"Paano niya nakuha ang mga sugat na iyan gayong hindi pa man sumisikat ang araw ng makarating siya dito sa Villa Hermanuevo? Masama ang kutob ko Amanda sa nangyayari sa mga anak natin. Hindi kaya…” Natigilan si Miguel sa kanyang gustong sabihin sa asawa at napaisip. Tumingin sa kanya si Amanda at hinihintay ang gustong sabihin ng asawa.
“Huwag naman sana Amanda…huwag naman sana.” Ang muling wika ni Miguel na kapansin-pansin ang pagkabahala sa kanyang mukha. Huminga ng malalim si Miguel at pilit na iwinawaksi ang kanyang isip ang posibleng dahilan sa sinapit ng kanilang anak. Lumapit sa kanya ang hindi pa rin tumitigil sapag-iyak na si Amanda.
“Alam ko kung ano ang nasa isip mo Miguel, natatakot ako para sa anak nating si Trish, at higit ang takot na mararamdaman ko sa kung ano na ang nangyari sa bunso nating si Chelsea.” Ang wika ni Amanda na hindi maalis-alis ang mga mata sa anak na si Trish.
“Tanging mga sandatang gawa ng mga diyos at diyosa ang may kakayahang magdulot ng ganyang klaseng pinsala sa mga tulad nating mga Mangcucutod. Amanda hindi ito gawa ng tao." Ang nababahalang si Miguel habang hinihimas ang sunog na ulo ng anak.
"Ano'ng ibig mong sabihin Miguel?" Ang tanong ni Amanda kahit alam na ang sagot sa kanyang katanungan. Takot siya sa pagkumpirma ng kanyang asawa sa kung ano ang dahilan sa sinapit ni Trish.
"Natatakot ako Amanda para sa dalawa nating anak. Natatakot ako sa puwedeng mangyari kay Trish at kay Chelsea." Ang maluha-luhang sagot ni Miguel sa asawa. "Maaaring ang sino mang may-gawa nito sa ating anak ay gumamit ng sandatang gawa mga diyos ng sinaunang mundo. Dahil walang ano mang sandata na gawa ng tao ang puwedeng gumawa ng ganitong pinsala sa tulad nating mga Mangcucutod." Ang paliwanag ni Miguel sa asawa na patuloy pa rin sa pag-iyak.
"Kailangang ipaalam natin ito kay panginoong Claudius. Kailangan natin ang tulong ng ating panginoon." Ang naging mungkahi ni Amanda na desperado na sa kalagayan ng dalawang anak.
"Si panginoong Claudius?" Napalunok si Miguel sa pangalang binanggit ng kanyang asawa. Si Claudius Rickman ang pinakamakapangyarihang anak ng buwan na itinuring na kalahi nila kahit na ito ay isang Sangre o bampira. Pinamumunuan niya ang mga angkan ng mga Mangcucutod na isa sa pinaka mataas na uri ng mga aswang na kinatatakutan kahit na nang mga diyos at diyosa ng Kalangitan.
"Oo, si panginoong Claudius. Nararapat lamang na malaman niya ang nangyari sa ating mga anak upang tulungan niya tayo sa pagbibigay lunas kay Trish at hanapin si Chelsea. Kailangan din niyang malaman ang nangyari para mabigyan ng babala ang ating mga kalahi tungkol sa kung sino man ang gumawa nito sa ating dalawang anak at kung anong makapangyarihang armas ang ginamit kay Trish. Nandirito lamang malapit sa atin ang nilalang na gumagamit ng kapangyarihan ng mga sinaunang diyos ng mga tao. Kaya nararapat lamang na mabigyan din ng babala ang ating mga kalahi." Ang paliwanang ni Amanda na may halong pait ang bawat salita.
Napansin ni Amanda na unti-unti ng nagkakamalay si Trish. Dumadaing ito sa sobrang sakit na nararamdaman. Ang puting tela na nakabalot sa kanyang hinihigang sofa ay napupuno na ng tila mantikang kusang lumalabas sa kanyang katawan. Bawat pagdaing at pamimilipit sa sakit ay tila nararamdaman din iyon ng kanyang mga magulang na walang magawa para sa kanyang kundisyon.
"Nasaan si Claudius, Amanda?" Ang tanong ni Miguel na hindi na nakayaning makitang naghihirap ang kanyang anak. Alam niya na may maitutulong pa ang kanilang panginoon sa paghihirap ni Trish. Hindi na niya kayang marinig pa ang mga daing at pag-iyak ng kanilang anak.
"Si panginoong Claudius, oo kailangan natin siya, puntahan mo siya dali! Kung wala siya sa kanyang kuwarto maaring naroon siya sa bulwagan kung saan tinitignan niya ang ginagawang paghahanda para sa pagtitipon ng mga kalahi bukas ng gabi." Ang mabilis na sagot ni Amanda sa tanong ng asawa habang pinupunasan ang mga luha sa kanyang mga mata.
"Kung gayon, iiwan muna kita at samahan mo muna ang ating anak. Kailangan kong makausap si Claudius sa lalong madaling panahon. Kailangan niya ang dugo ng ating panginoon para gumaling ang ating anak. Hihingi na rin ako ng tulong sa mga kasama para hanapin si Chelsea." Ang sabi niya. Humalik ito sa pisngi ng asawa at hinawakan ang kamay ng anak na si Trish. Pagkatapos ay mabilis na linisan ang sala ng mansiyon para puntahan si Claudius.
Pagkaalis ni Miguel ay umupo sa tabi ni Trish si Amanda. Patuloy na pinupunasan ang nagmamantikang katawan ng anak na noon ay nakatingin ito sa kanya. Batid niya na hindi na magtatagal ang buhay ng kanyang anak sa nakikitang sitwasyon nito. Alam din niya na sino man anak ng buwan ang madantayan ng kahit alin man sa mga sandata na gawa ng mga sinaunang diyos at diyosa ay hindi na kailan man maghihilom ang pinsala nito sa kanila. Sa kalagayan ng kanyang anak ay lubhang napaka-makapangyarihan ng sandatang ginamit sa kanya para masunog ng ganong katindi ang halos kabuuan ng katawan ni Trish. Awang-awa siya sa anak ngunit wala siyang magawa, kahit na ang dugo ng kanilang panginoong Claudius ay walang magagawa para manuhay pa si Trish. Kung nakayanan sanang makapagpalit ng anyo ng kanyang anak ay mas madali sana niya itong magagamot. Gusto niyang muling yakapin si Trish kahit man lang sa mga nalalabing sandali sa buhay ng anak, ngunit alam niya kung gaano katinding sakit ang maidadagdag niya mahawakan lamang ang sugat nito sa katawan.
Hindi pa rin nawawala sa isipan ni Amanda ang isa pa niyang anak na si Chelsea. Hindi naghihiwalay ang dalawa maliban na lamang sa mga personal na lakad ng bawat isa. Gusto niyang umiyak, ngunit kailangan niyang maging matatag sa mga oras na iyon. Lalo na sa harap ng naghihingalo niyang panganay na anak na si Trish. Gusto man niyang sisihin sa katigasan ng ulo ang anak, pero huli na ang lahat at wala na siyang magagawa pa sa nangyari. Pero isa lang ang sigurado, nalalapit na ang paglipol sa mga tao, at nakahanda na silang gawin iyon. Tumingin siya sa mukha ng kanyang anak at napansin niyang bumibilis ang mabababaw nitong paghinga. Inilapit ni Amanda ang kanyang mukha malapit sa tenga ng anak.
"Trish, nasaan ang kapatid mo?" Ang pabulong na tanong niya sa anak na nakatitig sa rin kanya.
Kitang-kita sa mukha ni Trish ang takot na lalong nagpadagdag sa kanyang pagdadalamhati bilang isang ina. Napansin ni Amanda na bumubilis ang pagtaas at pagba ng dibdib ng anak, senyales na lumalaban pa rin si Trish para mabuhay.
"Nasaan si Chelsea, Trish?" Ang muling tanong nito sa anak.
Iniangat ni Amanda ang ulo nang mapansing biglang tumirik ang mga mata ni Trish at nanigas ang buo nitong katawan. Napahawak ito ng sobrang higpit sa kamay ng kanyang ina at saka kinumbulsiyon. Naging mabilis na mabilis ang paghabol nito sa kanyang paghinga.
"Babae...." Ang mahinang sabi ni Trish sa ina, habang kinakapos ito sa hangin.
"Trish, sinong babae? Sabihin mo anak, sino siya?" Ang tanong ng natatarantang si Amanda sa kinukumbulsiyong anak.
"Babae, kalahi..." Ang halos pabulong na wika ni Trish na lalong pang nanginig ang katawan. Sumisinghap-singhap at nanlalaki ang butas ng kanyang ilong para makalanghap ng hangin. Halos lumuwa na ang mga mata nito dahil sa sobrang nahihirapan na siya sa paghinga. Lalong nataranta si Amanda at hindi alam ang gagawin sa nangyayari ngayon sa kanyang anak. Tinitiis niya ang sakit sa mahigpit na pagkakakahawak ng anak sa kanyang kamay habang patuloy sa pagbaon ang mga kuko nito sa kanyang balat.
"Trish, sino'ng babaeng tinutukoy mo, ang kapatid mo ba? Si Chelsea ba?" Ang muling tanong ni Amanda sa nag-aagaw-buhay niyang anak.
"Babae...kalahi… Babae…Eskrihala..."Ang paulit-ulit na sinasabi ni Trish na tila wala na sa sarili. Paulit-ulit ang pagsambit nito sa mga salitang iyon, papahina ng papahina hanggang sa hindi na siya halos marinig pa ng kanyang ina na si Amanda.
"Eskrihala?" Ang tanong nito sa anak na tila may bumara sa kanyang lalamunan. "Eskrihala...hindi maaari."
Patuloy pa panginginig ang katawan ni Trish at lalong humigpit ang pagkakakapit nito sa kamay ng kanyang ina. Ang halos nagkapunit-punit niyang pakpak ay walang tigil sa pagpagaspas na tila gustong kumawala sa kinaroroonan niya. Hinawakan siya ng kanyang ina para hindi mahulog sa malambot na upuan na kinahihigaan nito. Napahagulgol na lamang si Amanda habang nakikita ang unti-unting pagkawala ng buhay ng panganay niyang anak.
"Miguel, Si Trish!" Ang malakas na sigaw niya para tawagin ang asawa at buong higpit na niyakap niya ang pinakamamahal niyang anak.
Isang napakalakas na sigaw ang kumawala sa bibig ni Trish na nagpatindig ng balahibo sa katawan ni Amanda. Sa isang iglap ay unti-unting nangitim ang buong katawan ng kanyang anak at nagsimulang nagkalagas-lagas ang katawan nito na naging napakapinong itim na abo. Natulala na lamang si Amanda nang makitang tinatangay na ng hangin ang abo ng kanyang anak. Wala na si Trish, wala na ang panganay niyang anak.
"Anong nangyari?" Si Miguel, kasama ang isang matangkad na dayuhang lalake. Natigilan ang dalawa nang makita ang itim at pinong abo sa sofa kung saan naroroon at nakahiga si Trish kani-kanina lamang. Tumingin si Miguel sa asawang nakatulala sa harapan ng mga itim na abo ng kanyang anak na unti-unti pa ring inililipad ng mahinang hangin.
"Paano nangyari ito sa anak natin?" Ang tanong ni Miguel sa nakatulala pa ring si Amanda. Pakiramdam niya ay sumuko ang kanyang mga paa at napaupo na lamang sa paanan ng mga abong mula sa kanyang anak.
"Kung sino man ang gumawa nito sa inyong anak, isinusumpa ko magbabayad siya ng mahal sampu ng kanyang pamilya! Isinusumpa ko sa inyo yan Miguel at Amanda!" Ang dumadagundong na wika ng dayuhang lalake. Inalalayan niya si Miguel ng makitang hindi na mapigilan pa nito ang labis na hinagpis sa kinahinatnan ng pinakamamahal niyang anak.
“Maraming salamat po, panginoong Claudius.” Ang tugon ng naghihinagpis na si Amanda sa dayuhang lalake.
Mula sa bintana ay nagsimula ng sumilip ang haring araw sa paligid ng mansiyon. Umaalingawngaw mula rito ang mga sigaw at hinagpis ni Miguel na nagpabulabog sa mga ibong masayang naglalaro at nakadapo sa mga bintana at sanga ng mga mayayabong na mga puno. Mamula-mula ang sinag ng araw ng umagang iyon, tulad ng galit ng isang ama na handang ipaghiganti ang nangyaring masama sa pinakamamahal na anak.
+ + + + + + + + + + +
Nagising si Randy Evaristo sa mga ingay ng mga batang naglalaro sa labas ng kubo na kung saan siya nakahiga sa isang papag na yari sa mga magugulang na kawayan. Nasilawan siya ng sikat ng araw na nagmumula sa mga butas na nilikha ng mga ibong namamahay sa mga pawid na nagsisilbing bubong ng bahay. Pinilit niyang tumayo ngunit nanginginig ang kanyang mga kalamnan at wala pa siyang lakas para bumangon. Napangiwi siya sa sobrang sakit ng kanyang tiyan na kaniya naman itong hinimas ng marahan sa kanyang mga kamay. Nakabenda ng puting tela ang kanyang tiyan at dibdib at doon ay naalala niya ang pakikipagbuno niya sa babaeng aswang. Ni hindi na niya matandaan kung kailan pa nangyari iyon dahil na rin sa mga halos natutuyo nang mga sugat sa kanyang katawan. Muling sumagi sa isipan niya ang misteryosong babae na nakaharap niya bago pa siya nawalan ng malay. Sino kaya siya? Ang tanong niya sa sarili. Hinding-hindi nawawala sa kanyang isipan ang nakapanghilakbot na pangyayari ng gabing iyon kung paano lapahin ng dalawang aswang ang kaibigan niyang si Bert at ang naranasan din niya bago siya mawalan ng malay. Huminga muna siya ng malalim bago niya sinubukang muling bumangon at saka pinakawalan ang hangin sa kanyang bibig. Makailang-ulit niyang pinilit ang tumayo ngunit hindi nito makayanan ang sobrang sakit sa kanyang mga sugat sa tiyan at dibdib. Sa buong buhay niya ay ngayon lamang siya nakaranas ng ganon katinding sakit na sugat na kanyang natamo.
Iginala ni Randy ang kanyang paningin sa paligid ng bahay na yari sa mga pinagtagpi-tagping mga kawayan, kahoy at sawali. May kalumaan na ang bahay at parang matagal ng walang nakatira rito. Pero, sino ang nagdala at nag-alaga sa kanya sa lugar na ito? Muli ay naalala niya ang babaeng nakaharap niya. Marahil ay siya ang nagdala sa kanya dito at nag-alaga hanggang sa siya ay gumaling. Ngunit bakit naman niya gagawin iyon? Ni hindi siya kilala nito at tinutukan pa niya ng baril ang babae kaya nakuhang makatakas ng sugatang aswang na nakalaban niya.
Nakaramdam ng p*******t ng ulo si Randy kaya minabuti niyang iwaksi muna sa kanyang isipan ang mga katanungang iyon, ang importante ay buhay pa rin siya at kailangan ng makabalik sa kanyang pamilya sa La Paz, Tarlac. Pinilit niyang bumangon uli at sa pagkakataong ito ay nagawa na niyang makaupo mula sa higaan. Iginala niyang muli ang paningin sa paligid at doon ay napansin niya ang pagkaing nakahapag sa tabi ng kanyang higaan. Inalis niya ang takip sa plato. Dinuguan at puto ang nakahapag sa kanyang harapan at sa isang mangkok ay puting kanin na mainit-init pa. Naalala niya ang babaeng may maamong mukha sa bar, si Mr. Lee at si Bert ng makita ang ulam. Hindi niya alam kung makakain niya iyon kahit na kumakalam ang kanyang sikmura. Ngunit wala naman siyang magagawa dahil kailangan niyang lumakas at maibsan ang matinding gutom. Kailangang manumbalik ang kanyang lakas para makaalis na rin sa lugar kung saan siya naroroon ngayon. Nanginginig ang kanyang mga kamay ng sinimulang abutin ang pagkaing nakahapag sa kanyang harapan. Hanggat maari ay iniiwasan niyang maalala ang mga pangyayaring itinuturing na niyang bangungot sa kanyang buhay habang nakatitig sa ulam na kakainin niya ngayon. Ayaw niyang masuka, gusto lang niyang manumbalik ang kanyang lakas. Hindi abot ng kanyang kamay ang pagkain at kailangan talaga niyang tumayo para maabot ito.
Sinubukang tumayo ni Randy, humawak siya sa kawayang poste ng bahay ngunit binigo siya ng kanyang natitirang lakas dahilan para siya ay bumagsak muli sa sahig ng bahay. Huminga siya ng malalim bago niya sinubukang bumangon muli mula sa sahig. Nanginginig pa rin ang kanyang mga kalamnan sa katawan lalo na ang kanyang mga tuhod. Halos maiyak na siya sa nararamdaman niyang sakit, ngunit kailangan niyang lumakas para makauwi na sa kaniyang pamilya na maaaring nag-aalala na sa kanya.
"Kung ako sa'yo ginoo, mas mabuting magpahinga ka muna sa iyong higaan at pagkatapos kumain ka para manumbalik kaagad ang lakas mo bago mo pagtuunan ng pansin ang pag-alis sa lugar na ito." Ang sabi ng isang matandang babaeng nakaupo sa may hagdanan habang naglalala ng sombrero gamit ang mga dahon ng halamang buri.
Napatingin si Randy sa kinaroroonan ng boses. Hindi niya napansin na may matandang babae pala sa may hagdanan na di kalayuan sa kanya.
"Si-sino ka?!" Ang matigas niyang tanong sa matanda.