CHAPTER 3

4480 Words
       Ang lungsod ay hindi natutulog para sa tulad ni MARIA ODESSA DELA ROSA. Marahang naghihintay sa bubungan ng mataas na gusali at matiyagang nagmamasid sa kadiliman ng gabi. Kanina pa siya nakatayo sa kanyang kinaroroonan at halos hindi gumagalaw na tila isang rebulto.         Katamtaman lamang ang kanyang taas at maganda ang kanyang biluging mukha na nasisilawan ng liwanag na nangagaling sa halos bilog na buwan. Ang hubog ng kanyang katawan ay lalong nagpatingkad sa kanyang suot na itim na pantalong yari sa balat na hapit na hapit sa kanyang mahahaba at payat na mga paa. Matangos ang napakaganda niyang ilong na bumabagay sa hugis ng kanyang mga labi at mamula-mulang pisngi. Ang mahabang buhok na kasing itim ng gabi ay nakapusod ng mahigpit sa kanyang likuran na lalong nagpatingkad sa napakaganda at maamong mukha. Alisto ang kanyang mga mata, matalas ang pandinig at maliliksi bawat mga galaw. Dalubhasa sa halos dalawang-daang taong pakikibaka sa mga kampon ng kadiliman, para maprotektahan ang sang-katauhan. Hindi niya alam kung bakit niya ito ginagawa. Ang alam lamang ni Odessa ay kusa lamang niyang sinusunod ang isang tinig na nanggagaling sa kanyang isipan na ipagtanggol ang mga tao sa mundong ginagalawan. Protektahan ang mga tao laban kay Claudius, ang pangkalahatang pinuno ng mga anak ng buwan dito sa Pilipinas.        Walang maalala sa kanyang nakaraan si Odessa. Ang tanging naaalala niya ay nang matagpuan siya sa kagubatan ng kinikilala niyang kapatid na si Laurea. Itinuring siyang kapatid nito at kapwa minahal ang isa’t-isa tulad sa tunay na magkapatid. Hanggang doon lamang ang alam niya sa kanyang nakaraan. Ni hindi niya alam kung saan siya nanggaling at sino ang mga tunay niyang mga magulang. Bukod pa roon ay marami pa siyang mga katanungan na hinahanapan niya ng kasagutan tungkol sa kanyang pagkatao.       Hindi ordinaryong tao si Odessa. Isa siyang Bampirang Sangre na nagmula pa sa mga angkan ng isa sa pinakamatandang bampira sa buong mundo. Mga bampirang nabubuhay sa dugo ng mga tao na nagtataglay ng kapangyarihan sa pag-inom nito. Walang kaalam-alam si Odessa kung paano siya naging isang bampirang Sangre dahil na rin sa pagkawala ng kanyang mga ala-ala.      Hindi nabubuhay sa dugo ng tao si Odessa. Nabubuhay siya sa pag-inom ng pulang likido mula sa nectar ng bulaklak na tinatawag na Myrho. Ito ang ipinapainom sa kanya ni Laurea para hindi mauhaw sa dugo ng mga tao. Ito rin ang dahilan kung bakit sa mahigit isang-daang taon ng pagiging bampira ay hindi pa nagkakaroon ng kapangyarihan si Odessa bilang isang Sangre.     Kapansin-pansin sa likuran ni Odessa ang isang mahaba at napakakinis na metal na nakakapit sa kanyang gulugod. Ito ang ginagamit na sandata sa pakikipaglaban sa mga kampon ng kadiliman. Mga Anak ng Buwan kung tawagin sila na palihim na lumalaganap sa mundo ng mga tao; ang Sansinukop. Ibinigay ni Laurea ang Eskrihala kay Odessa na matagal nang nakatago sa isang lumang baul sa loob ng kanilang bahay.     Mula sa kaliwa ay narinig ni Odessa ang dalawang pares ng paa na nag-uunahan sa pagtakbo na parang may tinatakasan. Mabibilis ang kanilang mga paa at tila inililipad ng hangin ang kanilang bawat galaw. Iyinuko ni Odessa ang ulo at sinubukang amuyin ang halimuyak na nagmumula sa dalawang nilalang na nagmamadaling makalayo sa lugar na iyon. Marahil ay nararamdaman ng dalawang nilalang ang kanyang presensya.     Sinundan ng kanyang ulo ang pandinig kung saan nanggagaling ang mga mahihinang yabag ng mga paa na may dala-dalang kakaibang halimuyak. Nang masiguro ang pinanggagalingan nang bawat mga yabag ay nagsimula itong kumuha ng buwelo mula sa mga paa at buong tapang na nilundagan ang Apatnapu't-apat na palapag na gusali. Parang isang ibon na malayang inilipad ng hangin ang napakagaang katawan ni Odessa mula sa pagtalon niya sa gusali. Bumilis ang pagbulusok niya pabagsak sa lupa, ngunit nakabalanse pa rin itong lumapag sa konkretong kalsada.     Mula sa kanyang harapan ay halos mapalundag sa pagkabigla ang dalawang babae na kani-kanina lamang ay nagmamadaling lumabas mula sa isang bar na tila may humahabol sa kanila. Nanlilisik ang mga mata ng mga ito at may bakas pa ng dugo ang kanilang leeg pababa sa suot-suot nilang over size na putting T-shirt. Tumigil sa pagtakbo ang dalawa, ngunit inihanda ang mga sarili sa posibleng pakikipaglaban sa misteryosong babae na ngayon ay nasa kanilang harapan. Sa di nila inaasahan ay nakaharap nina Trish at Chelsea ang babaeng kinatatakutan ng mga mangcucutod na tulad nila. Nakaramdam ang magkapatid na aswang na may kakaiba sa babae na kailangan nilang mag-ingat.     "Sino ka?!" Ang malakas na sigaw ni Trish kay Odessa.     Hindi sumagot ang babae at nanatili itong nakatayo limang metro ang layo sa kanila. Nagkatinginan sina Trish at ang nakababata niyang kapatid na si Chelsea na nakapako ang mga mata sa misteryosang babae.     "Pampadagdag din yan sa hapunan natin Trish." Ang sabi ni Chelsea habang binasa ng kanyang dila ang nanunuyo nitong mga labi. Tumango si Trish sa kanya at hudyat na 'yon para lusubin nila si Odessa.     Nanatili lamang sa kinatatayuan niya si Odessa habang lumulusob na sa kanya ang magkapatid na mangcucutod na aswang. Ipinuwesto niya ang kanang kamay sa likuran at hinawakan ang makinis na metal na nakakapit sa kanyang gulugod. Mapuwersang hinila ni Odessa ang metal na unti-unting naging isang latigo na dinadaluyan ng kuryente. Inilagay rin ni Odessa ang isa pa nitong kamay para hawakan ang latigo na sa ilang segudo lang ay nahati ito sa dalawa. Inihampas niya ang dalawang latigo na lumikha ng tila napakalakas na kulog na nagpatigil sa paglusob ng magkapatid na aswang. Nabalutan ng takot ang mukha nina Trish at Chelsea pagkakita sa sandatang gamit ng babae sa kanilang harapan. Pamilyar sa kanila ang sandatang iyon at alam nila na wala silang kalaban-laban kapag ginamit ito ng babae sa kanilang magkapatid ang Eskrihala ni Banaual.     Bahagyang ibinuka ni Odessa ang mga paa at ibinaluktot ang mga ito ng kaunti. Sabay na hinihampas ang dalawang latigo sa kanyang harapan at mistulang kidlat na lumikha ng malakas na kulog. Unti-unting binalutan ng napakaraming hibla ng kuryente and dalawang latigo na bumubuo sa Eskrihala.     Ayon sa alamat ang Eskrihala ay ang sandatang ginamit na pampatay sa hari ng mga itim na Diwata na nag-aklas laban kay Bathala ilang libong taon na ang nakakaraan. Ipinagkaloob ito ni Bathala kay Jaro, isang mandirigmang mortal na tumalo kay Anilaokan, ang hari ng mga itim na diwata. Dahil sa kanilang ginawang pagtalikod at pag-aaklas ay kaparusahan ang kanilang napala at sila ay isinumpang mamuhay sa kadiliman. Sila ang mga kauna-unahang lahi ng mga aswang at iba pang nilalang ng kadiliman sa Sanlibutan. Sa kanilang pagkatalo ay isinumpa nilang maghihiganti sa lahat ng mortal sa daigdig, lilipulin ang mga lahi ni Jaro, ang mga nilalang na tinatawag nilang mga tao.     Ginawa ni Bathala ang Eskrihala para sa kanyang bunsong anak na si Banaual, pero dahil sa di pagkakasundo ay pinalayas ni Bathala sa kalangitan ang bunsong anak at naiwan ang Eskrihala sa kanyang pangangalaga. Dahil sa pagmamahal ni Bathala sa mga tao, ipinagkaloob nito ang sandata kay Jaro na naging dahilan sa pagkapanalo nito kay Anilaokan na gustong lipulin ang mga tao sa Sanlibutan.     Ang Eskrihala ay nagpalipat-lipat sa mga kamay ng mga hari ng mga tao na naging kapalit ni Jaro sa pamumuno. Hangang sa bigla na lamang itong naglaho at di na muling nakita libong taon na ang nakakaraan. Walang makapagsabi kung sino ang humawak nito at halos lahat ay nagpaligsahan sa paghahanap dito, ngunit nabigo ang lahat sa paghahanap sa sandata. Lumipas ang maraming taon at nagsawa na ang mga tao sa kakahanap sa Eskrihala at unti-unti na nila itong nakakalimutan hanggang sa iilan na lamang ang nakakaalala nito.     Ngayon ay halos hindi makapaniwala sina Trish at Chelsea na ang babaeng nasa harapan nila ay ang kasalukuyang may hawak ng makapangyarihang sandata. Kailangan na nilang makatakas para maisalba ang kanilang mga buhay. Tanging malalakas na uri ng tulad nilang mga anak ng buwan ang puwedeng makakatagal sa bagsik ng Eskrihala. Maliban sa mga tao, mga makapangyarihang mga aswang at iba pang mga nilalang lamang ang may kakayahang makahawak at matagalan ang bagsik na kapangyarihan nito.     "Tigil!" Ang sigaw ng isang lalaki sa kanilang likuran at sabay putok sa dala nitong baril sa dalawang babae.     Bang! Bang!     Pero mabilis na naka-ilag ang magkapatid na aswang sa mga bala ng baril na pinakawalan ng lalake sa kanilang likuran.     Mabilis na ikinasa ng lalaki ang baril at sabay na itinutok muli sa dalawang babae nang makitang hindi tinamaan ang mga ito. “May kasama pa pala kayo ha?!” Ang dugtong nito pagkakita kay Odessa.     Natatakpan ng dugo ang puting damit ng lalaki na matangkad at matipuno ang pangangatawan. Kani-kanina lamang ay kasama niya ang malapit na kasamahan at kaibigan sa trabaho bilang bodyguard ng isang mayamang Intsik. Ngayon ay siya na lamang ang tumutugis sa magkapatid na pumaslang sa kaibigan niyang sa Bert.     "Hiss!" Ang tila pusang ngumisngis na si Trish at inihanda na ang sarili sa napipintong panganib mula sa babae sa kanilang harapan at sa lalakeng may baril. Samantalang si Chelsea ay nakatuon ang pansin nito sa misteryosong babae sa kanilang harapan. Ibinaluktot naman ng kaunti ni Trish ang kanyang mga paa at punong-puno ng puwersang nilundagan ang lalaki na mabilis namang pinaputakan ng baril nito. Buong bilis namang tumakbo si Chelsea para takasan ang misteryosong babae na may hawak sa Eskrihala. Tila isang gagambang nilundagan ang pader ng sa kanyang kanan at mabilis na gumapang paakyat sa mataas na gusali. Nakatingin lamang sa kanya si Odessa at tila nag-iisip kung ano ang hakbang na gagawin para siya ay tugisin.      Walang inaksayang panahon si Odessa at kaagad na hinabol ang mangcucutod na si Chelsea na mabilis na gumagapang paakyat sa pader ng gusali. Tumalon-talon naman sa mga matataas na puno at mga poste ng kuryente si Odessa. Para itong pusa na napakagaan ng katawan sa pagpalipat-lipat at pagbalanse sa mga kable ng kuryente.     Pagsapit sa pinakatuktok ng gusali ay tumingin si Chelsea kay Odessa na nagsimula na ring umakyat sa gusaling kanyang kinatatayuan. Doon ay naamoy niya ang kakaibang halimuyak ng babae na dala-dala ng hanging sumasalubong sa kanya. Halimuyak na nagpasidhi sa kanyang labis na pagkagutom at nagsimulang magpalaway sa kanya. Sa mga sandaling iyon ay nakalimutan na ng babaeng aswang ang panganib na dala ng Eskrihala sa kanyang buhay. Pilit na pinipigilan ni Chelsea ang sarili sa kakaibang halimuyak na dala ni Odessa, pero sadyang napakahirap para sa tulad niya na tanggihan ito. Wala siyang magawa para pigilan ang sarili sa napakasarap na pagkaing kusang lumalapit sa kanya. Hanggang sa tuluyan na siyang bumigay sa tukso at hindi na mapigilan pa ang sarili. Mula sa mataas na gusali ay lumundag na si Chelsea. Sumalubong sa kanya ang malakas at malamig na hangin habang bumubulusok siya pababa papunta sa babaeng may katakam-takam na amoy.     Sa himpapawid ay biglang lumabas sa likuran ni Chelsea ang napakalapad at napakaitim na pakpak na tulad sa paniki. Nagsimulang lamang bumagal ang pagbulusok niya pababa nang biglang magbago ang isip at kailangan niyang tumakas na. Lalong naging mabagsik ang hitsura ni Chelsea at ang magandang mukha nito ay napalitan ng mga kulubot na balat at halos naging kawangis na ng paniki. Abot-tenga ang biglang pagluwang ng bibig nito at ang mga ngipin ay daan-daang matutulis na karayom na nilalaro ng mahaba at maitim na sangang dila.     Pagkakita sa papaakyat na si Odessa ay buong puwersang ipinagaspas ni Chelsea ang kanyang mga pakpak at mabilis itong lumipad papalayo na sana para makatakas. Pero malakas ang tukso ng kanyang sikmura nang maamoy muli ang katakam-takam na amoy na naggagaling kay Odessa. Nanaig ang labis na pagkagutom kaysa sa kagustuhang makatakas ni Chelsea. Kaya imbes na lumipad papalayo ay lalo itong lumipad papalit kay Odessa para patayin at kainin siya. Dadagitin niya ang babae at wala siyang sasayangin kahit na kapatak na dugo nito. Inihaanda ni Chelsea ang naghahabaan at matatalim na kuko nito nang ilang metro na lamang ang layo niya kay Odessa.     Nang akmang dadagitin na ni Chelsea si Odessa ay laking gulat niya nang biglang lumundag ang babae at sumabay itong bumagsak sa kanya sa kalsada. Nakaiwas si Chelsea sa paglundag sa kanya ni Odessa. Bumulusok sa pagkakahulog ang babae samantalang naiwan sa himpapawid si Chelsea habang patuloy sa pagpagaspas sa napakalapad na mga pakpak.     “Patay ka ngayon.” Ang sabi ni Chelsea sa sarili at tuwang-tuwa sa nakikitang pagkahulog ni Odessa. Pero kaagad na nawala ang tuwa sa kanyang mukha nang makitang lumapag ang babae sa kalsada na tila inilapag lamang ng hangin.     Nagngitngit sa galit si Chelsea dahil sa naunsyami niyang pagkain. Kailangan niyang matikman ang dugo ni Odessa. Hinding-hindi niya palalampasin ang pagkakataong ito manganib man ang kanyang buhay. Mabilis na lumipad pababa ang babaeng mangcucutod para dagiting muli si Odessa na nakamasid din sa kanya mula sa kalsada.     Nananatiling nakatayo lamang sa konkretong kalsada si Odessa. Nagmamasid at naghihintay lamang sa paparating na aswang sa kanya.     "Ten..." Ang mahininang bilang nito at inihakbang ang kaliwang paa sa likuran niya.     "...nine." ipinako niya ang kanyang paningin sa papalapit na aswang mula sa mataas na gusali.     "...eight, seven..." Hinawakan ang Eskrihala mula sa kanyang likuran at unti-unti nitong hinila sa kanyang dalawang kamay.     "...six."     "...five." Kumuha ng buwelo mula sa kanyang dalawang paa.     "...four." Ibinaluktot ang mga paa at saka naghintay ng tamang pagkakataon.     "...three, two." Mapwersa ang pagsikad ng mga paa sa konkretong kalsada gamit ang kanang paa at mabilis na lumipad paitaas pasalubong kay Chelsea. Biglang napatigil sa paglipad ang mangcucutod nang makitang binunot ng babae ang Eskrihala at hinati ito sa dalawa. Ngunit, huli na ang lahat para makaiwas pa siya kay Odessa.     "...one." Ang mahinang bilang ni Odessa at buong puwersa nitong inihampas ng sabay ang Eskrihala kay Chelsea. Parang boltahe ng kuryenteng nagmula sa isang napakalakas na kidlat ang biglang tumama sa babaeng aswang. Biglang nagliyab ang katawan ng babaeng aswang at di na napgigilan ang pagkahulog sa lupa.     Isang napakalakas na sigaw ang tanging narinig mula kay Chelsea at tuluyan nang kumalabog ang katawan pagtama sa kokretong kalsada. Mula sa katawan ng naghihingalong aswang ay dalawang pares ng paa ang lumapag sa tabi niya. Nakapako kay Odessa ang mga mata ni Chelsea na ngayon ay punong-puno ng takot. Halos sunog na sunog ang malaking bahagi ng katawan ng babaeng aswang na hindi na makagalaw pa sa pinsalang natamo sa kanyang pagbagsak sa kalsada.     "Si-sino k-ka?" Ang halos mahinang tanong nito sa kanya.     Hindi tumugon sa tanong ng babaeng aswang si Odessa, bagkus ay nakatingin lamang ito sa naghihingalong si Chelsea. Dinukot niya ang maliit na itim nasupot mula sa kanyang kanang bulsa at mabilis na inilagay sa palad ang maputing pulbos na laman nito. Ngumiti siya kay Chelsea at ibinuka ang kanyang bibig.     "Ako, si Odessa!"  Ang matigas niyang pagkakasabi sa kanyang pangalan.     Biglang nabalutan nang takot ang mukha ni Chelsea pagkarinig sa pangalan ni Odessa. Napagtanto niya na siya nga ang babaeng kinatatakutan ng mga katulad niyang nilalang ng kadiliman. Ang babaeng may hawak sa Eskrihala na ngayon ay nakatayo sa kanyang harapan para siya’y patayin.     "Maawa ka, huwag mo akong patayin!" Ang pagmamakaawa nito sa kanya.     Nagpumilit na gumalaw ang aswang na si Chelsea, ngunit hindi na nito kayang gumalaw pa dahil na rin sa panghihina na dulot ng pagkasunog sa buo niyang katawan.     Itinapat ni Odessa ang pino at puting pulbos sa kanyang kamay sa katawan ng aswang. Pagkatapos ay buong lakas nitong hinipan sa naghihingalong aswang. Pagtama ng pulbos sa katawan ng aswang ay nagsisisigaw ito sa sobrang sakit at biglang tinupok ng apoy ang katawan nito. Nagpupumiglas sa sobrang sakit na nararamdaman si Chelsea habang tinutupok ng apoy ang kanyang katawan. Mula sa likuran ay dahan -dahang muling binunot ni Odessa ang Eskrihala na nasa anyong espada. Isinaksak iyon sa dibdib ng aswang para wakasan na ang paghihirap nito. Lalong nagliyab ang babaeng aswang at tuluyan ng nilamon ng apoy. Ilang saglit lang ay tuluyan nang naabo si Chelsea.     Marahan ang bawat hakbang na ginagawa ni Randy sa madilim na eskinita sa pagitan ng dalawang mataas na gusali. Nanginginig ang mga kamay habang hawak-hawak nito ang kanyang baril. Alam niya na baka ito na rin ang huling sandali ng kanyang buhay gaya ng nangyari sa kaibigang si Bert. Bawat hakbang ng kanyang mga paa ay mga hakbang din ng paglapit sa kamatayan sa kamay ng isang mabangis na nilalang ng kadiliman. Dinig na dinig niya ang bawat pagaspas ng malalaking pares ng pakpak mula sa madilim na himpapawid. Alam niyang sinusundan pa rin siya ng aswang na si Trish. Sa tingin niya ay pinaglalaruan lamang siya ng babaeng aswang na tumutugis sa kanya.  Hindi niya sukat akalain ni Randy na ang magiging dahilan ng kanyang kamatayan ay ang nilalang na hindi niya pinaniniwalaan noon pa man.     Kung hindi sana siya naduwag at iniwan ang kasama niyang si Bert, marahil ay buhay pa ang kaibigan niya. Ang inaalala niya ngayon ang naiwang pamilya ng kaibigan sa Baguio. Nakatakdang manganganak pa man din ang asawa ni Bert sa panganay nila. Hindi pa rin nawawala sa kanyang isipan ang mga nakakakilabot na tagpong nasaksihan niya sa loob ng bar. Ang katawan ng babaeng may maamong mukha na parang hayop na k*****y sa loob ng palikuran ng babae. Ang walang buhay na si Mr. Lee na k*****y na parang hayop sa may Jacuzzi. At ang pagmamakaawa ni Bert sa kanya habang pinagtutulungan siyang lapangin ng dalawang aswang. Ngunit imbes na tulungan ay nagawa pa niya itong iwan dahil na rin sa sobrang takot sa nasaksihan. Anong klaseng kaibigan siya na nagawang iwan ang kaibigan habang ito ay nasa kapahamakan? Wala siyang kuwentang kaibigan, wala siyang kuwentang tao. Noon ay hindi siya naniniwala sa mga aswang. Ayon sa kanya, kabaliwan at imbento lang daw ng malikot na imahinasyon ang mga aswang at bampira. Ngayon, papaano niyang hindi paniniwalaan ang mga tulad nila gayong isa sa mga hindi niya pinaniniwalaan ang gustong bumiktima sa kanya para patayin?     Madilim ang eskinitang kanyang napasukan. Ramdam na ramdam niya ang malalakas na kabog ng kanyang puso sa loob ng kanyang dibdib. Halos maihi na siya sa sobrang takot lalo na kapag naririnig niya ang mga pagaspas ng mga pakpak ng aswang sa himpapawid. Kung hindi na sana siya bumalik pa sa VIP room para tulungan ang kaibigan niya, wala na sana siya ngayon sa ganitong sitawasyon. Pero nakunsensya siya sa ginawa niyang pag-iwan sa kaibigan, kaya pinili niyang balikan pa rin si Bert at nagbabakasakaling buhay pa ito at tulungan sa pagtakas.     Narating ni Randy ang dulo ng eskinita. Sa gawing kanan ay naroon pa ang isang makitid na pasilyo na naiilawan lamang ng mga mumunting ilaw na nanggagaling sa mga bintana ng gusali. Sumilip muna siya mula sa pader at siniguro munang ligtas ang lugar. Maingat niyang inihakbang ang kanyang mga paa papasok sa makitid at madilim na pasilyo. Mula sa kalangitan ay nakita niya ang pagkislap na tila kidlat at kasabay nito ang isang napakalakas na kulog. Maya-maya ay isang napakalakas na sigaw ng babae ang kanyang narinig na nagpatindig sa kanyang mga balahibo sa katawan. Sa kanyang takot ay nabitawan niya ang dalang baril sa maputik na daan. Kaagad na kinapa ni Randy ang baril sa putik kung saan ito nahulog. Pero, lalong nagsitayuan ang balahibo sa kanyang katawan nang marinig niya sa kanyang likuran ang tinig ng isang babaeng nananaghoy.     Gusto niyang lumingon pero parang may pumipigil sa kanyang gawin iyon. Dahil sa kanyang likuran ay ang gutom na gutom na aswang na si Trish.     Amoy na amoy ni Randy ang tila nabubulok na laman na nagpabaligtad sa kanyang sikmura pero pinigilan pa rin niya ang masuka. Gusto niyang tumakbo ngunit hindi niya maiangat ang kanyang mga paa. Ibinuka niya ang kanyang bibig upang sumigaw pero walang boses na lumalabas mula rito. Naunahan na siya ng matinding takot at nagsimula ng manginig ang kanyang mga tuhod na naging dahilan para hindi na maigalaw ang kanyang mga paa.     Sa kanyang likuran ay dahan-dahang ibinubuka ni Trish ang kanyang halos walong metrong lapad na mala-paniking pakpak. Kitang-kita ni Randy ang anino ng babaeng aswang sa kanyang harapan dahil sa liwanag na nagmumula sa buwan. Tuluyan nang naihi si Randy sa kanyang pantalong maong dahil na rin sa sobrang takot na nararamdaman ng mga sandaling iyon. Dahan-dahan siyang lumingon upang makita ang nilalang ng dilim na si Trish. Ngunit, hindi pa man siya nakakalingon ay sinunggaban na siya ng babaeng aswang. Bumagsak si Randy sa maputik na sahig ng eskinita at sa ibabaw nito ang naglalaway na tila asong ulol na si Trish. Ramdam na ramdam ni Randy ang matutulis na mga kuko ng aswang na pumupunit sa kanyang balat sa kanyang tiyan at dibdib. Halos wala siyang magawa sa sobrang lakas ng babaeng aswang kahit ano mang gawin niyang pagpalag. Sinubukan niyang makipagbuno kay Trish, pero higit na mas malakas ang babaeng aswang kaysa sa kanya.     Nakaramdam na ng panghihina at pagkahilo si Randy dahil na rin sa dugong nawawala na sa kanyang katawan mula sa mga sugat na natamo sa tiyan at dibdib. Pumaimbabaw sa kanya si Trisha at lumabas mula sa napakaluwang na bibig ang napakahaba nitong maitim at sangang dila upang lasapin ang dugong lumalabas sa kanyang mga sugat. Walang magawa si Randy para makawala ang katawan at kamay niya sa pagkakadagan ng babaeng aswang. Tila ito na ang hinihintay ni Randy na magiging katapusan niya sa kamay ng aswang na si Trish. Ayaw pa sanang mamatay ni Randy, ngunit wala na siyang sapat na lakas para mailigtas pa ang sarili sa nilalang ng dilim. Ipinikit na lamang ng binata ang mga mata upang tanggapin na ang kanyang kamatayan.     Takam na takam na si Trish sa kanyang sariwang pagkain. Mahina na ang lalaking papawi sa kanyang gutom. Nilalasaan ng kanyang mahabang dila ang bawat dugong lumalabas sa dibdib ng lalake at ayaw niyang may matapon kahit na ka- patak sa dugo nito. Batang-bata pa at sariwang-sariwa pa ang lalake na kanyang kakainin na katulad sa mga naging biktima niya sa mga lugar na napupuntahan nilang dalawa ni Chelsea.     Sa wakas ay nagawang sumigaw at magpumiglas ni Randy, ngunit hindi pa rin siya makawala sa pagkakadagan sa kanya ni Trish. Kahit gaano kalakas ang ginagawa niyang pagsigaw ay tila walang nakakarinig sa kanya. Lalong naglaway naman si Trish sa pagkalam ng kanyang sikmura. Hindi na makakapaghintay pa si Trish sa sobrang pagkagutom niya. Sinong aswang ang makakatanggi sa pagkain sa binatang tulad nang nasa harapan niya ngayon? Sariwa at batang-bata, hindi tulad ng negosyanteng si Mr. Lee na matanda na’t puno pa ng gamot ang katawan.     Itinaas ni Trish ang kanyang kamay at ipinuwesto ang mga matatalim na kuko sa dibdib ng binata upang dukutin na ang puso nito. Pero natigilan ang babaeng aswang nang biglang may kung anong metal ang bigla na lamang pumulupot sa kanyang kamay at maramdaman ang masidhing pagkapaso sa kamay niya. Napasigaw nang malakas ang babaeng aswang sa tindi ng sakit na dinulot ng pumulupot na metal sa kanyang kamay. Nakita niya si Odessa na nakatayo ngayon sa kanyang harapan na kani-kanina lamang ay hinahabol ang kapatid niyang si Chelsea. Nasaan na nga pala si Chelsea, ang nakababata niyang kapatid? Ang tanong niya sa sarili ng makitang wala sa paligid ang nakababatang kapatid.  Nang walang anu-ano'y isa pang latigong metal ang pumulupot sa leeg ni Trish at malakas na puwersa ang humila sa kanya para tumilapon sampung metro ang layo mula sa pagkakadagan nito kay Randy.     Tumama ang aswang na si Trish sa katawan ng isang puno kung saan bumagsak siya sa nakausling ugat nito. Lalong namilipit sa sobrang sakit ang babaeng aswang hindi dahil sa pagtama nito sa puno, kundi sa mga pasong linikha ng Eskrihala sa kanyang kamay at leeg. Halos maiyak siya sa sobrang hapdi ng magsimula ng malapnos ang bahagi ng kanyang katawan na nadampihan ng Eskrihala.     Hindi pa man nakakabawi sa pagtama ng Eskrihala kay Trish ay isa na namang napakalakas na hampas mula sa latigong metal ang pinakawalan ni Odessa sa kanyang likuran. Mas lalong naramdaman ng babaeng mangcucutod ang matinding sakit at pinsala na dinulot ng malakas na boltahe ng kuryente sa kanyang katawan. Mismong si Trish ay naamoy niya ang nasusunog niyang laman na dulot ng Eskrihala.     Halos maiyak naman si Randy at hindi makapaniwalangbuhay pa siya. Ipinikit niya ang mga mata at pansamantalang makahinga ng maluwag dahil wala na ang aswang na si Trish nakadagan sa kanya. Naagaw ang kanyang pansin ng isang babae na hinihampas ang isang nagliliwanag na latigong metal sa likuran ng babaeng aswang na umatake sa kanya. Pagtama ng latigo sa likuran ng aswang ay bumagsak ito sa konkretong kalsada at kinumbulsyon. Nakita rin ni Randy na mayroong hinipang puting pulbos ang babae sa aswang at kasabay nito ang biglang pagliyab ng katawann ng aswang na si Trish. Kasunod nito ang nakakapangilabot na sigaw ng aswang habang patuloy ito sa pangungumbulsyon.     Hindi na pinalampas pa ng binata ang pagkakataong iyon kaya, kaagad itong bumangon at sinubukang kapkapin sa putikan ang kanyang baril. Alam niya na siya ang isusunod na papatayin ng babaeng pumatay sa aswang. Tagaktak nang pawis ang noo ni Randy habang pinipilgilan niyang huwag bumigay ang katawan sa dami ng dugo na nawala na sa kanya. Nanginginig ang mga kalamnan sa katawan at nararamdamang tila lumulutang na siya sa hangin. Kailangan niya ang kanyang baril, kailangang mahanap niya ito kaagad. Mula sa putikan ay sa wakas ay nakapkap ni Randy ang baril at nabuhayan ang loob para mailigtas ang sariling buhay. Dahan-dahan niyang kinuha ang baril at mabilis na ikinasa ito sa nanghihina niyang mga kamay. Kaagad na tumayo ang binata at ipinuwesto ang baril sa babaeng pumatay sa aswang.     "Huwag kang kikilos, Sino ka?!" Ang halos namaos na sigaw nito kay Odessa.     Biglang nararamdaman na ni Randy ang pakawala ng lakas ng kanyang mga tuhod at nagsimulang manlabo ang paningin. Dahan-dahang lumapit ang babae sa kanya ngunit hindi nito makita ang mukha. Nakaramdam na rin ng pagkahilo ang binata na at unti-unti na ring dumilim ang kanyang paningin. Unti-unting bumibigat sa kanyang kamay ang hawak na baril kaya maya’t-maya ay naibababa niya ang pagkakahawak nito. Unti-unti na ring mahirapan sa paghinga ang namumutlang si Randy.     Nanlaki ang mga mata ni Randy ng biglang tumayo ang nasusunog na aswang at pasuray-suray itong lumipad sa himpapawid kahit pa nagliliyab ang buong katawan nito. Mabilis na kumilos si Odessa para makuha ang baril sa kamay ni Randy, ngunit hindi na niya nagawang mahagip ng kanyang Eskrihala ang nakatakas na aswang. Sinubukan pang hinabol ni Odessa ang aswang sa pamamagitan ng paglundag-lundag nito sa mga poste ng kuryente at mga puno. Pero nabigo siyang mapigilan na sa pagtakas ang nagliliyab na babaeng aswang. Napabuntong-hininga na lamang si Odessa habang papalayo ang aswang. Pero alam niya na hindi na rin magtatagal ang buhay nito dahil na rinsa mga pinsalang natamo mula sa Eskrihala.     Nanatiling nakatingin sa himpapawid si Odessa na kung saan nakikita pa rin niyang lumilipad ang nagliliyab pa ring katawan ng aswang. Mula sa kanyang kinatatayuan ay ibinaluktot nitong bahagya ang katawan at sabay lundag sa bubungan ng katabing gusali. Pagkalapag ay patakbo niyang tinungo ang hangganan ng bubong at lumundag muli sa poste ng kuryente bago siya lumapag sa putikang kalsada na kung saan niya iniwan ang sugatang si Randy. Doon ay nakita niya itong nakahandusay sa putikang kalsada at wala nang malay ang lalakeng naging dahilan sa pagkakatakas ng babaeng aswang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD