SUNSHINE
Mabilis akong nagmulat ng aking mga mata dahil sa isang kaluskos mula sa pinto. "N-nako, pasensya na po, Lady! Ginawa ko po ang best ko para hindi kayo magising sa pagpasok ko, pero mukhang pinangunahan ako ng pagiging clumsy ko," sambit ng isang babae na may dalang tray. Sa kanyang itsura ay mukhang hindi nagkakalayo ang aming edad. Ngayon ko lang siya rito nakita simula kahapon.
"Okay lang," pormal kong sambit. Nang maalala si MC ay agad kong tinapunan ng tingin ang kabilang bahagi ng higaan, ngunit wala na siya rito.
"Ang young master po, kanina pa siya umalis. Sabi niya, may mahalaga raw siyang meeting ngayong araw," panimula nito. "Masasanay ka rin sa kanya, Lady. Dahil sa sobrang hardworking niya, kahit masama ang pakiramdam niya hanggang kaya niya ay magtatrabaho siya," pagpatuloy niya.
Napabuntong-hininga na lang ako.
"Okay na kaya siya?" wika ko sa kawalan.
"Mas maayos na po ang pakiramdam niya kung ikukumpara kahapon, nararamdaman ko po iyon," positibong aniya.
Matamis akong ngumiti. "Napalalim ang tulog ko, hindi ko man lang napansin na nakaalis na siya."
"Nako, 'wag niyo pong sabihin iyan! Sa totoo lang ay sinandiya ni young master na hindi ka magising. Ugali niya ang hindi manggising ng tulog, isa pa, lalo na ikaw ang iniingatan niyang makapagpahinga nang maayos." Masasabi kong totoo ang kanyang mga sinasabi, dahilan para gumaan ang pakiramdam ko kahit paano. Pero, naninikip pa rin ang dibdib ko. Paano kung bumalik ang sakit ni MC o mas lumala pa? "H'wag ka na po mag-alala, lalo na't nandito ka, hindi magpapagabi ang young master sa trabaho. Nararamdaman kong uuwi siya agad dahil alam niyang mag-aalala ka." Masigla ang kanyang mga salita.
Matapos marinig ang kanyang mga sinabi, nakahinga rin ako nang maluwag. Sinulyapan ko ang babae saka ngumiti. "Kanina ka pa nandito pero hindi ko pa alam ang pangalan mo," aniko.
Inayos nito ang kanyang tindig.
"Ako po si Angelyn, isa po akong OFW rito sa America." Ngumiti ito. "Pero, siguro po ay napansin niyong napakabata ko pa para maging isang OFW. Mahirap lang po kami at kailangan kong kumita ng malaki para sa pamilya ko, kaya nangibang bansa po ako. Sa unang amo ko ay maayos naman sila, pero after a week, nag-iba sila. Nananakit sila ng kasambahay at ang hindi ko makakalimutan ang pambabastos sa akin ng amo kong lalaki."
"Pambabastos?" Naalarma ako sa sinabi nito. "Sinampahan mo ba siya ng kaso?" usisa ko. Hindi nakakagulat na may magkaroon ng interes sa kanya, lalo pa at maitsura si Angelyn.
"Opo, pero dahil mayaman siya, nabaligtad niya ang pangyayari sa korte."
"Paano ka nakaligtas?" Curious kong sambit. Hindi nakakagulat na gawin iyon ng amo niya, lalo pa at may sapat itong halaga para pagtakpan ang sariling kasalanan.
"Dahil po kay young master kaya ako nanalo sa kaso. Nagkataon na nandoon siya. Nasaksihan niya ang nangyari kaya naman malaki ang pasasalamat ko sa magaling niyang lawyer, nanalo kami dahil sa soporta niya. Masasabi kong mas makapangyarihan ang young master at nagawa niyang halughugin ang nangyari sa maikling oras lang. Isa pa, nang malaman ng korte at ibang naroon na si young master ang nasa likod ko, halos kilabutan sila. Ang cool!" Paliwanag niya. Inaamin kong kahit ako ay hindi makapaniwala sa kapangyarihang mayroon si MC, pero. . .sino ba talaga siya para kilabutan ang mga taong may sapat na yaman dito sa America?
"Kung gano'n, kinuha ka rin ni MC bilang kasambahay niya?"
"Opo, dahil wala na akong mapupuntahan si nanay at ang young master ang kumupkop sa akin. Hindi ko inaasahang tutulungan niya ako sa kaso ko, bukod doon may mabuti rin siyang puso para ilagay ako sa posisyong higit pa sa hinihiling ko." Sa kanyang mga mata nag uumapaw ang kanyang saya. Talaga ngang sinasamba niya ang kabutihang ibinigay sa kanya ni MC. Masasabi kong ang boong loyalty niya ay nandito.
"Pero, 'wag po kayo magagalit sa itatanong ko, saan po ba kayo nagkakilala ng young master? Pakiramdam ko po kase ay mas special ka para kay young master, kung ikukumpara po sa mga babaeng dinala niya rito." Puno ito ng curiosidad.
Hindi ko pinansin ang tanong nito bagkos ay tinoonan ko ng pansin ang bumagabag sa aking isipan.
"Kung gano'n, hindi lang ako ang dinala niya rito?" tanong ko. Hindi na nakakagulat na marami siyang babae, ang gusto ko lang malaman ay kung mayroon pa rin siyang ibang kasintahan bukod sa akin nitong mga nakaraang taon, na nasa relationship pa ako sa kanya.
Tumango ito. "Tama ka po. Pero, naiiba ka sa kanilang lahat."
"Paanong naiiba?" Kunot-noo kong turan.
"Dahil ikaw lang ang may mabuting pag-uugali, lahat sila ay walang modo. Hindi nila ginagalang kahit ang nanay. Ang tanging gusto lang nila ay ang young master," aniya. "Pero, nitong dalawang taon, napansin naming wala na siyang dindala rito na mga babae, pokus siya sa trabaho at sa telepono niya na para bang may kung ano siyang sinusubaybayan," inosente nitong sambit.
"Sino naman ang tinitingnan niya sa telepono?"
Umiling ito." Hindi po namin alam, pero pakiramdam po namin ay siya ang nagpabago kay young master." Malawak ang ngiti nitong sambit.
Napaisip naman ako sa mga sinabi ni Angelyn. Kung gano'n, wala siyang ibang karelasyon kung hindi ako. Pero, hindi ako pwedeng magpauto sa nalaman ko, dahil bukod sa mansion niya ay may iba pang lugar na pwede niyang dalhin ang mga babae niya.
Napailing-iling ako nang mapagtanto ang lalim ng iniisip ko. Bakit ko ba iniisip ang ibang babae? Ano naman ang pakialam ko sa personal niyang mga ginagawa. Ang dapat kong isipin ay kung paano ako rito makakaalis.
Natuon ang paningin ko sa kutsarang nasa harap ko. Kaunti akong napaatras nang mapagtanto kung ano ito. "Kaya kong kumain mag-isa." Nahihiya kong sambit.
Binaba nito ang kutsarang nasa harap ko. "Ang lalim po kase ng iniisip mo, isa pa, pansin ko pong namumutla ka na siguro ay dahil sa pagod at gutom kaya naman tutulungan ko na po kayo."
"Hindi na kailangan." Mabilis kong sabi. "Pasensya na nag-alala ka pa." Matamis akong ngumiti na nirespondihan din niya ng malawak na ngiti. Kinuha ko ang kutsara saka nagsimulang ubusin ang hinanda nitong mga pagkain. Siguro nga ay gutom lang ako kaya naman kahit hindi mahalagang mga bagay ay sumasagi na rin sa isip ko.
"Lady, after kumain gusto mo po bang pumunta sa garden?" yaya niya na agad umagaw ng pansin ko. Garden? Kung gano'n pupunta kami sa labas! Kailangan kong sumama sa kanya at magkunwaring interesado ako, nang sa gano'n ay mapagplanuhan ko ang sunod kong pagtakas.
"S-sige! Matagal na rin akong nasa loob lang, gusto ko namang makalanghap ng sariwang hangin," mabilis kong responde.
"Kung gano'n, kailangan niyo pong ubusin agad ang agahan niyo nang makalabas na po tayo," masayang sambit niya.
Pagkakataon ko na 'to, hindi ko pwedeng palampasin.