“Ano ito? Bakit dala mo ang balabal na ‘to?”
Agad na napalabas ng kwarto si Mortisia nang marinig niya ang sinabi ng ina niyang si Alice, hinablot niya sa kamay nito ang invisible cloak na nilabas nito sa bag na dadalhin niya sana sa unang araw ng klase niya.
“Para sa emergency ito, paano kung may gawin sa’kin ang mga taong iyon?” tanong niya sa inis na tono. Agad na umikot ang mata niya nang ilabas naman ni Alice ang grimoire na nilagay niya rin kanina sa loob ng kanyang bag.
“Inay, bakit mo ba pinapakialaman ang mga gamit ko?”
Napabuntong-hinga ito at pinagmasdan siya. “Ano na lang sasabihin ng mga iyon kapag nakita sa bag mo ang librong ito?”
“Libro lang ‘yan, dinala ko iyan para sa sarili kong kapakanan.” Tinalikuran niya ang ina at pinagmasdan ang sarili sa salamin, naiinis siya sa uniporme ng school nila. Bakit ang hapit nito sa katawan niya?
Lumapit si Alice sa kanya at tinulungan siyang ayusin ang zipper ng palda niyang umabot lamang sa itaas ng kanyang tuhod.
“Normal na mga tao lang ang mga makakasalamuha mo, anong magagawa ng mga iyon sa’yo? May abilidad kang gawin ang mga bagay na para sa kanila ay imposible, kaya bakit matatakot ka sa kanila?”
Napangiti si Mortisia at pinagmasdan ang repleksyon ng ina sa salamin, hinawi niya ang kanyang lagpas bewang na buhok bago magsalita. “Ibig sabihin ay pwede kong gamitin ang kapangyarihan ko sa kanila?”
“Hindi!” agap nito. “Iyan ang pinaka-hinihiling ko sa’yo, Mortisia. Kahit anong mangyari ay wag na wag mong gagamitin ang kapangyarihan mo sa mga normal na tao.”
Mabilis na napawi ang ngiti ni Mortisia, tinalikuran niya muli ang ina. Gusto niyang mainis at magmukmok, gusto niyang malaman kung bakit sa likod ng ginawa ng mga tao sa mga uri nila ay nagagawa pa nito na maging mabait sa mga ito.
“Ang hirap sayo ay masyado kang mabait,” aniya.
Ngumiti ito at inabot na sa kanya ang bag na dadalhin niya sa school. “Hindi naman masama ang maging mabait.”
Hindi na lang siya sumagot, sa pananaw na iyon sila hindi magkasundo ng ina. Kung anong ikinagaan ng loob nito sa mga tao ay ganoon niya naman ang mga ito kamuhian.
Umalis siya ng bahay na masama ang loob, kahit pa hinalikan siya nito sa pisngi bago siya umalis ay hindi niya pa rin ito nginitian. Hindi niya matanggap na pinilit siya nitong gawin ang bagay na kailanman ay hindi niya gustong gawin, iyon ay ang makisalamuha sa mga tao.
Hindi siya dumiretso sa eskwelahan nang umalis siya ng bahay, umupo lang siya sa ibabaw ng mataas na pader na itinayo sa pagitan ng bayan at ng gubat, wala talaga siyang ganang gawin ang bagay na dapat niya gawin ngayon.
Ano ba ang mapapala niya kapag nag-aral siya sa eskwelahan? Naturuan naman siya ng kanyang ina simula bata pa lang siya, nakahiligan niya rin ang libro magmula pa lang ng matuto siyang magbasa.
“Kailangan ko ba talaga ito, Boney?” tanong niya sa itim na uwak na ngayon ay nakadapo sa kaliwa niyang balikat, kanina niya pa ito kasama. Ito kasi ang magtuturo sa kanya ng daan papunta sa eskwelahan.
Si Boney ay ang matagal nang alaga ng kanyang ina, mas nauna pa nga ito sa pusa niyang si Sibyl. Tuwing nawawala siya dati sa kagubatan noong bata siya ay ito ang inuutusan ni Alice na hanapin siya at ito ang nagtuturo sa kanya ng daan pauwi sa kanila.
Ngumiti lang siya at hinaplos ang makintab na balahibo nito, pagkatapos ay bumaba na siya sa mataas na pader na inuupuan niya. Tahimik niya lang itong sinundan, at tuwing may makakasalubong na tao ay agad siyang yumuyuko.
Buong buhay niya ay tatlong beses lang yata siya na nakatuntong sa siyudad, magmula kasi nang gamitin niya ang kapangyarihan niya sa isang lalaki na aksidenteng nabangga ang kanyang ina ay hindi na siya muling pinayagan na sumalo sa mga ito.
Sampung minuto lang yata siyang naglakad nang tumigil siya sa tapat ng isang mataas at malapad na gate, sinundan niya ng tingin si Boney na tuluyan nang lumipad palayo.
“Ano pang ginagawa mo riyan? Sobrang tanghali ka na.”
Napukaw ang atensyon niya ng isang boses na iyon, nilingon niya ang guard na nakatayo sa tabi ng gate. Pinagmamasdan siya nito mula ulo hanggang paa, hindi niya maiwasan na pandirihan ang tingin na iyon.
Hindi na siya sumagot at nilagpasan ito. Pagkapasok pa lang ay nakita na niya ang hindi mabilang na mga estudyante, ang iba ay naglalakad lamang, may mga nagkukwentuhan at nagtatawanan ng malakas, may mga kumakain din.
Lahat ng iyon ay nakasuot din ng uniporme na katulad ng suot niya ngayon. Nandito na nga talaga siya, naisip niya. Saan na nga ba siya pupunta?
Bigla niyang naalala ang papel na ibinigay sa kanya ng ina niya kaninang umaga, listahan ito ng mga gagawin niya pagkarating niya sa eskwelahan.
Una sa listahan, tanungin sa guard kung saan makikita si Miss Fabiano.
Nilingon niya muli ang guard na hanggang ngayon ay nakatingin pa rin pala sa kanya, ngumiti ito ng kakaiba nang magtama ang mata nila. Parang gusto niya biglang manakit.
“Saan ko makikita si Miss Fabiano?” tanong niya.
Napakurap muna iyon bago sumagot. “Si ma’am ba? Sa faculty mo lang siya makikita. Bago ka lang pala rito, kaya pala hindi ka pamilyar sa...”
Nagsasalita pa lang ‘yung guard ay naglakad na siya palayo, hindi na niya narinig ang mga sunod na sinabi pa nito. Nang malayo na siya ay bigla siyang napatigil sa paglalakad, saan naman niya makikita ang faculty na sinasabi nito?
Lumingon siya sa paligid at nagulat nang makitang pinagtitinginan na pala siya ng mga estudyante sa paligid niya, kumunot ang noo niya at bumaling sa babae na nakatayo malapit sa kanya.
“Saan ang faculty?” tanong niya.
“Faculty?” tanong din nito bago itinuro ang mababang gusali na hindi kalayuan sa kanila. “Go to that building, then take the stairs and you’ll see the sign that says faculty.”
Kumunot ang kanyang noo, hindi niya maiwasan magtaka kung bakit ingles ang lenggwahe nito. Hindi niya na lang iyon pinansin at iniwan na ang babae, dumiretso siya ng pasok sa building na itinuro nito saka umakyat ng hagdan.
Pagkarating niya roon ay nakita niya nga ang mahabang kahoy na nakasabit na may nakalagay na faculty. Binuksan niya na agad ang pinto at sumalubong sa kanya ang ilang tao na kumakain, kumunot ang noo ng mga iyon.
“Anong kailangan? We’re having our lunch, bakit hindi man lang kumatok?” tanong ng isa sa mga ito.
Tumaas ang isang kilay niya at inilibot ang tingin sa paligid ng kwarto. “Sino si Miss Fabiano?”
“Ako,” sagot ng isang babaeng may maiksing buhok. “Ikaw ba ang bagong transferee?”
Tumango siya. Ngumiti naman ito, ngunit kitang-kita niya ang pagkadismaya sa mukha ng iba nitong kasama.
“Bakit pinayagan ng school na tumanggap ng estudyante sa kalagitnaan ng school year?” tanong ng isa.
“Oo nga e, tayo lang ang mahihirapan niyan. Sobrang late na niya,” sambit naman ng isa.
“Baka dahil maganda.” Pinagmasdan siya ng isa bago tumawa. “Alam niyo naman ang principal natin, may pagka-ano.”
Hindi niya maintindihan kung anong gustong sabihin ng mga ito, pero hindi niya alam kung bakit may namumuong inis sa loob-loob niya. Hinawakan niya ng mahigpit ang laylayan ng kanyang uniporme para pigilan ang sarili.
“Let’s go, mag-uumpisa na ang klase. Ipapakilala na kita sa mga una mong magiging kaklase,” sabi ni Miss Fabiano.
Hahawakan sana siya nito sa braso ngunit agad niyang inilayo ang sarili, natigilan ito at ilang segundong napatingin sa kanya bago tumango. Nagsimula na itong maglakad kaya’t sumunod agad siya.
“Huwag mong pansinin ang sinabi ng ibang professor na nandoon, nagtataka lang sila dahil nakapasok ka pa kahit pa malapit na ang semestral break.” Lumingon ito sa kanya saglit bago nagpatuloy. “Sana ay hindi ka nasaktan sa mga nasabi nila.”
“Wala naman akong pakialam,” mahinang sabi niya.
Lumingon muli ito sa kanya ng nakakunot ang noo pero nakipagtitigan lang siya rito, maya-maya ay nag-iwas na lang ito ng tingin sa kanya at nagpatuloy sa paglalakad. Tumigil sila sa isang pinto pagkatapos nilang umakyat sa third floor ng isang building.
“Class..” Pagkuha ni Miss Fabiano ng atensyon sa mga estudyante na nasa loob, agad na umupo ang mga iyon sa sari-sariling mga pwesto. Hindi pa man siya itinuturo ng guro ay nakatingin na agad ang lahat sa kanya.
“She will be your new classmate from now on, she just transferred from another school because of private reasons,” anito.
Kumunot ang noo niya. Ito ba ang dahilan na sinabi ng ina niya nang i-enroll siya nito? Galing siya sa ibang lugar at school? Gusto niyang matawa.
Tinignan niya ang bawat isang mukha na nandoon, lahat ng iyon ay nakatingin sa kanya. Naiinis siya, hindi niya gusto ang itsura ng mga ito. Gusto niyang manakit dahil sa pagkaurat! Bakit ba siya pumayag dito?
Nagpabalik sa kanya sa ulirat ang dalawang estudyanteng bigla na lang dumaan sa harapan niya, dinaanan niya ng tingin ang likod ng mga iyon habang papunta ito sa mga upuan nito.
Teka!
Agad na bumalik ang tingin niya sa isa sa mga ito, pamilyar ang bagay na nakasabit sa likuran nito! Kumunot ang noo niya habang pinagmamasdan iyon, at nang makaupo ito ay saka niya lang nakita ang mukha niyon.
Ang lalaki na nagpunta sa Catalonia Forest noong nakaraang linggo! ‘Yung lalaking mukhang tigre! Ang taong ilang araw na niyang iniisip sa hindi maipaliwanag na dahilan, bakit ito nandito?
Nakatingin din ito sa kanya!
“Would you like to introduce yourself to everyone, Mortisia?” tanong Miss Fabiano sa tabi niya.
“Hindi.”
“Uh—”
Hindi na nito naituloy ang sasabihin nang naglakad na siya papunta sa bakanteng upuan sa tapat ng inupuan ng lalaking nakikilala niya, umupo siya roon at hindi alintana ang tingin ng lahat ng nandoon.
“Alright, let’s just start our class.” Iiling-iling na inilabas ni Miss Fabiano ang laptop at nagsimulang magsalita sa klase.
Hindi alam ni Mortisia kung makikinig siya sa klase, alam niya na kasi ang karamihan sa mga sinasabi ni Miss Fabiano. Lalo tuloy siyang tinatamad, pakiramdam niya’y hindi talaga siya nababagay sa lugar na iyon.
Gusto niya nang bumalik sa gubat at mamuhay ng tahimik doon!
Sumimangot siya nang maramdaman na naman ang pagtitig sa kanya ng katabi niya, kanina niya pa napapansin ang pagsulyap ng lalaki na ito. Kung mayroon lang ibang bakanteng upuan kanina ay sa iba na sana siya umupo, ngunit wala!
Tinignan niya ito sa gilid ng kanyang mata, at nang ngumiti ito ng matamis ay gusto niyang gamitin ang kapangyarihan niya upang tanggalin ang nakakainis nitong ngiti. Huminga muna siya ng malalim para pakalmahin ang sarili bago niya ito tuluyan na nilingon.
“Bakit?” tanong niya.
Lalong lumawak ang ngiti nito at inilahad ang kamay sa harapan niya bago nagsalita. “Ruselle nga pala.”
Bumaba ang tingin niya roon, tinitigan ang kamay nito. Hindi siya kumibo, at nang tumawa ito ay lalong nag-init ang kanyang ulo. Pakiramdam niya’y pinagtatawanan siya nito.
“May nakakatawa ba?” tanong niya kaya’t nawala ang ngiti nito. Kumunot ang noo nito at napapahiyang inilayo ang kamay, napairap siya sa hangin at itinuon muli ang tingin sa unahan.
“Ang arte,” bulong nito.
Muli siyang napalingon sa katabi, nakakunot na ang noo niya. Itataas na sana niya ang kanyang kamay nang marinig niya ang marahan na pagtawa, mabilis siyang napalingon sa lalaking nagpipigil ng tawa sa likuran niya.
Humawak siya sa sandalan ng upuan niya, at ang isang kamay niya ay nasa lamesa niya. Sumulyap ito sa kanya at muling nag-iwas, pinipigilan ang matawa.
Nakasandal lang ito, nakapatong ang siko sa lamesa habang tinatakpan ng daliri ang nakangiting labi. Pinasadahan niya ito ng tingin mula sa sapatos nito paakyat sa mukha, tumigil ang tingin niya sa suot na I.D nito at binasa ang pangalan.
Kajel D. Esteban.
Pagka-angat niya ng tingin sa mukha nito ay nagulat siya na hindi na ito nakangiti, ngunit nanatili pa rin na nakapahinga ang daliri nito sa labi nito. Pinagmamasdan na lang din siya nito ngayon, pinapanood ang ginagoawa niyang pagpasada ng tingin sa kabuuan nito.
Naramdaman ni Mortisia ang pagbilis ng t***k ng kanyang puso, kahit na hindi pamilyar ay gusto niya ang pakiramdam na iyon. Pakiramdam niya’y para siyang kinikiliti, para bang nakukuryente ang dulo ng mga daliri. Gusto niyang ngumiti kahit wala namang dahilan, mabuti na lang ay napigilan niya ang sarili.
“May gagawin ka ba pagkatapos ng klase, Kajel?” tanong niya.
Agad na kumunot ang noo nito, naningkit ang mata habang pinagmamasdan siya na para bang nagtataka ito.
May masama ba sa tanong niya? Gusto niya lang naman itong yayain na libutin ang buong eskwelahan pagkatapos ng klase. Iyon kasi ang sabi ng ina niya kanina, sabi nito ay siguraduhin daw niyang alam niya ang bawat sulok ng school nila.
“Samahan mo akong libutin ang eskwelahan na ‘to,” sabi pa niya.
Tumikhim ito at umayos sa pagkakaupo. “Bakit ako?”
“Kung hindi ikaw, sino?”
“Uh, siya na lang,” sagot nito at itinuro ang katabi. Napalingon siya sa katabi nito na nakatingin na rin sa kanya, ngayon niya lang napagtanto na isa ito sa mga nagpunta sa Catalonia Forest.
“Ayoko,” sagot niya. “Ikaw ang gusto ko.”
Napakurap si Kajel. “Ayaw mo sa kanya? Bakit?”
“Kasi mas gusto ko ang mukha mo,” mabilis niyang sagot.
Napaubo si Kajel na animo’y nabulunan, magsasalita pa sana siya pero narinig na niya ang boses ni Miss Fabiano kaya’t napalingon siya sa unahan.
“Bakit imbis na sa’kin ay sa likod ka nakaharap, Mortisia?” tanong nito, halatang iritado ang tono.
“Kajel Esteban’s charm strikes once again,” sambit ng katabi nito sa nakakalokong tono.
Bigla silang kinantyawan ng mga kaklase nila, nagtaka siya sa ginagawa ng mga ito. Muli niyang pinagmasdan si Kajel na pinapaikot ang ballpen sa mga daliri habang napapailing.
“Ano?” Naiinip niyang tanong.
Napatigil ito sa ginagawa at sumulyap muli sa kanya, nakaramdam lalo ng inis si Mortisia nang lalong umingay ang mga kaklase nila. Pero hindi niya iyon pinansin at hinintay lang ang sagot ni Kajel.
Tinignan siya nito ng diretso sa mata bago nagsalita. “May gagawin ako mamaya.”
Hindi siya nakapagsalita sa sinagot nito, bakit ayaw nito?
“May ipapakilala ako sayo na willing samahan ka—” Hindi na naituloy ng katabi ni Kajel ang sinasabi nito nang tignan niya ito ng masama, umayos na lang siya sa pagkakaupo at hinarap si Miss Fabiano na pinapanood sila.
Nginitian siya nito bago nagsalita. “Done, Mortisia? Shall we continue?”
Nagtiim-bagang lang siya at hindi na nagsalita pa, mas lalo lang nasira ang araw niya.