kabanata 2

1319 Words
“Nay, sinabi ko sayo ay ayokong mag-aral sa eskwelahan!” Padabog na lumabas ng bahay si Mortisia at hinarap ang nanay niya na si Alice. Hawak niya ang isang envelope na naglalaman ng ilang papel na katunayan na enrolled na siya sa isang school. Hindi man lang lumingon si Alice, kinuha nito mula sa apoy ang batong kaldero na pinaglulutuan nito ng uulamin nila ngayong tanghalian. Nakasimangot na pinanood niya ang kanyang ina, pero ilang segundo na ay hindi pa rin ito kumikibo. “Ano ba, nay!” Parang bata siyang pumadyak-padyak dahil sa inis. “Mortisia, anak..” Humarap ito sa kanya at ngumiti. “Oras na para makibagay ka sa mga tao—” “Ayoko!” agap niya. “Bakit kailangan kong makisama sa mga hampaslupang iyon? Baka nakakalimutan mo na ang ginawa ng mga iyon sa lahi natin!” “Mortisia,” seryoso na tumitig sa kanya si Alice. “Halos isang-daang taon na ang nakakaraan, wala ka pa sa mundong ito ng mga panahon na iyon pero mukhang mas may galit ka pa sa’kin.” Halos malaglag ang panga niya. “Ang ibig mong sabihin ay gusto mong hindi ako magalit sa kanila dahil hindi ko naranasan ang mga ginawa nila? Kung hindi dahil sa mga tao na iyon ay hindi sana tayo nakatira sa gubat na ‘to! Sana ay maayos akong nakikisalamuha sa mga tao! Sana ay hindi tayo nagtatago! Walang ginawang mabuti sa’tin ang mga iyon!” “Ang sinasabi ko lang naman ay huwag kang magtatanim ng galit sa puso mo.” Nag-iwas ito ng tingin sa kanya at bumuntong-hininga. “Hindi galit ang dahilan kung bakit inilayo kita sa kanila, kundi dahil ayokong mag-sanhi ka ng gulo sa mga makakasama mo.” Bago pa siya makapagsalita ay nagpatuloy pa ito sa sinasabi. “Saksi ako kung gaano ka nahihirapan na kontrolin ang kapangyarihan mo noong bata ka pa lamang, at ayokong dumating sa punto na makasakit ka ng tao. Alam mong espesyal ka..” “Heh, at sa tingin mo ay hindi ko iyon gagamitin ngayon?” Ngumiti si Alice. “Nasa tamang pag-iisip ka na at may tiwala ako sayo.” Hindi sumagot si Mortisia, hindi niya rin naman alam kung ano ang isasagot niya. Dahil sa history ng pamilya nila at ng mga tao ay lumaki siya na kinamumuhian ang mga ito, paminsan-minsan ay lumalabas siya ng Catalonia Forest para magmasid sa mga tao. May mga magsasakang nagtatanim, may mga estudyanteng naka-uniporme, may mga magkasintahan, may pamilyang masayang kumakain at nagtatawanan. Hindi niya man aminin ay naiinggit siya sa mga iyon dahil sa normal na pamumuhay ng mga ito, kahit kailan ay hindi niya naranasan na kumausap ng ibang tao. Hindi naman kasi siya lumalapit, sumisilip lang naman siya sa ibabaw ng pader na itinayo ng mga tao upang makaiwas sa Catalonia Forest. “O’sya, tawagin mo na si Sibyl para mapakain na.” Napakagat na lang siya sa kanyang labi habang pinapanood ang ina na pumasok sa loob ng bahay, bitbit ang nilutong ulam. Gamit ang mga daliri ay umiirap na isinuklay niya ang lagpas bewang niyang buhok. Lumilinga-linga siya sa paligid upang hanapin ang itim na pusa niyang si Sibyl, tinawag niya ang pangalan nito ngunit walang lumapit sa kanya. Mukhang nag-gala na naman ito sa gubat, pumasok siya sa loob ng bahay at hinablot sa sampayan ang kanyang invisible cloak. Mabilis na napalingon sa kanya si Alice dahil sa pagtataka. “Hahanapin ko lang si Sibyl,” paalam niya saka isinuot sa sarili ang balabal. “Bilisan niyo’t lalamig ang pagkain!” Nagdire-diretso lang siya ng lakad palabas, nasa kalagitnaan ng kagubatan ang bahay nila kaya’t madalas na nawawala si Sibyl. Nakakabalik naman ito lagi ngunit gabi na nakakauwi, kaya’t lagi niya itong hinahanap. “Babe, natatakot talaga ako. Parang gusto ko na bumalik!” Mabilis na napatago sa isang puno si Mortisia nang marinig ang matinis na boses na iyon, nakalimutan niyang nakasuot siya ng invisible cloak. Sinilip niya ang mga nag-uusap sa hindi kalayuan sa pwesto niya. May mga estudyante! Anong ginagawa nila rito? naisip niya. Nalaman niyang estudyante ang mga ito dahil sa mga suot na uniporme. May apat na lalaki at isang babae, ang ilan sa kanila ay may dala na flashlight, ang isa ay may dalang tali, ang isa naman ay may bitbit na kung ano sa likuran nito. Anong balak nilang gawin dito? Pupuntahan ba nila ang bahay namin? Hindi niya maiwasan na mainis sa naisip, simula nang bata siya ay ngayon lang siya nakakita ng mga tao na pumunta roon. Nilibot niya ang tingin sa paligid, naningkit ang kanyang mata sa mga puno na may mga tali ang sanga. Ang dami niyon! May balak silang gawin na masama! Namuo ang galit sa dibdib niya, inayos niya ang balabal saka umalis sa pagkakatago. Sinundan niya ng tingin ang babaeng tumakbo paalis, pati ang isang lalaki na sinundan ito. Inangat niya ang kanyang kamay at sumenyas sa hangin gamit ang daliri. “Nawala sila Aspen.” Narinig niyang sabi ng isa sa mga ito. Napangiti siya dahil doon. Hindi nawala ang mga ito, nasa iisang lugar pa rin silang lahat ngunit hindi na nila nakikita ang dalawa. Ginamit niya ang abilidad niya para mangyari iyon. Pinanood ni Mortisia na mataranta ang mga ito, sinisigaw ang pangalan ng isa’t-isa ngunit hindi nagkakarinigan at nagkakakitaan. Hindi niya alam kung bakit nag-eenjoy siya sa nakikita. Bumalik ang mga ito sa nadaanan ng mga ito kanina kaya’t nanlaki ang mata ni Mortisia. Uuwi na agad sila? tanong niya sa sarili. Nawala ang ngiti niya at sinundan ang mga ito, muli niyang itinaas ang kanyang kamay at may iminuwestra sa hangin. “Masyado pang maaga para umuwi,” aniya at ngumiti. Pinanood niya ang mga itong nagpapabalik-balik sa lugar kung saan ang mga ito dumaan kanina, walang kamalay-malay. Hanggang sa tumigil ang isa, makalipas ng halos kinse minuto. Tumigil ang isa sa mga ito at nagsalita. “Ayoko lang sabihin kanina pa pero sa tingin ko ay ineengkanto tayo, ilang beses na tayong dumaan sa lugar na ‘to.” Napansin na nila.. pero engkanto? Kumunot ang noo niya, mabagal siyang naglakad palapit sa nagsalita na may dala na kung ano sa likuran. Lumapit siya sa puno kung saan nakasandal ang lalaki, tahimik lang ito at pinapanood ang pagtatalo ng maiingay nitong mga kasama. Tumigil siya sa tabi nito, gusto niyang tignan ang nakasabit sa balikat nito ngunit hindi niya masyadong makita. Muli sa likod nito ay umakyat ang tingin niya sa mukha ng binata. Hindi ito gaanong kaputian, ang kilay ay makapal at ang pilikmata ay mahahaba, ang labi nito ay katamtaman lang ang kapal. Ang ilong ay mataas, mula sa itim nitong buhok ay may tumulo na pawis pababa sa matalim nitong mata. Ngayon lang siya nakalapit ng ganito kalapit sa isang lalaki. “Mukha siyang tigre,” sambit niya. Hindi alintana ang namuong ngiti sa labi. Napaatras siya at nanlaki ang mata nang bigla itong lumingon sa kanya, nakatingin ito sa kanya! Diretso sa kanyang mata! Napahawak siya sa kanyang dibdib nang maramdaman niya ang pagbilis ng t***k nito, pakiramdam niya’y hihimatayin siya! Nakita niya ba ako? Anong ginawa niya sa’kin? Agad siyang tumalikod at nagmamadaling tumakbo palayo. May kakayahan ba ang mga tao na hindi sinabi sa’kin ni inay? Bakit ang bilis ng t***k ng puso ko? Anong ginawa sa’kin ng taong iyon? Mula sa malayo ay nakita niya ang pusa niyang si Sibyl, pinapanood siya nito at mukhang hinihintay siyang makalapit. Nagbuntong-hininga siya at binuhat ito nang makalapit siya, hindi pa rin nawawala ang kabog sa kanyang dibdib. Mahigpit niyang niyakap si Sibyl at nilingon ang pinanggalingan niya kanina, hindi na niya nakikita ang mga ito. Ayoko talaga sa mga tao, ayoko sa eskwelahan!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD