Chapter 1

1815 Words
"Buwisit ka talagang bata ka! Wala ka nang kuwenta, napakabobo mo pa!" Tahimik lamang akong nakatungo habang tinatanggap ang mga masasakit na salitang ibinabato sa akin ni Aling Tasing. Wala rin namang silbi kung ipagtatanggol ko pa ang aking sarili, kaya mas mabuti nang manahimik na lamang. Baka hindi pa niya ibigay ang huli kong suweldo kung sasagot pa ako. "Umuwi ka na at huwag ka nang bumalik dito. Hindi ko kailangan ang katulad mong walang silbi," dagdag niya, ngunit nanatili pa rin akong walang imik. "Kaya kayo iniwan ni Lorelei dahil pareho kayong walang kuwenta ng tatay mo." Hinagis ni Aling Tasing sa akin ang aking lumang bag na pambisig at isang maliit na sobre na agad ko namang nasalo. Inilagay ko muna ang sobre sa loob ng aking bag bago ko kinuha ang flashlight at tuluyang lumabas. "Aba't talagang napakabastos ng batang iyon!" Malayo na ako sa tindahan ni Aling Tasing, ngunit rinig na rinig ko pa rin ang inis sa kanyang boses. Hindi ko alam kung bakit galit na galit siya sa akin. Dapat sa anak niyang si Romar siya magalit dahil binalak nitong pagsamantalahan ako. Kung may bastos man sa amin, anak niya iyon. Bumuntong-hininga na lamang ako. Bakit ganito na lamang palagi ang nangyayari sa buhay ko? Gusto ko rin namang maranasan ang ginagawa ng mga normal na dalawampung taong gulang. Hindi ko man lang naranasang maglibang o magsaya kasama ang mga kaibigan ko dahil labing-isang taong gulang pa lamang ako nang magsimula akong magbanat ng buto upang mabuhay kami ni Tatay. Simula nang iwan kami ni Nanay, para bang nawala na rin si Tatay. Ako na ang nagtrabaho upang may makain kami. Hindi lang naman siya ang nasaktan sa pag-alis ni Nanay. Tumingala ako at pinagmasdan ang kalangitan. Kitang-kita ang buwan at mga bituin dahil walang ulap na humaharang sa mga ito. Napakaswerte ng buwan dahil may mga bituing handang samahan siya kahit sa gitna ng kadiliman. Kung magiging bituin siguro ako, hindi na ako mag-iisa. "Ang sarap talagang titigan ni Nena. Palaging umaalog ang malalaki niyang s**o tuwing gagalaw siya." "Oo nga, pare, pero mas malaki pa rin iyong kay Heaven. Kahit balot na balot siya, ang sarap pa rin niyang pagnasaan." Agad akong nagtago sa likod ng pinakamalapit na puno nang marinig ko ang malalakas na boses nina Mang Kanor at ng kanyang mga kaibigan. Pinatay ko ang flashlight at pinigilan ko ang aking sarili na gumawa ng kahit katiting na ingay. "Mukhang hindi alam ni Harold na matagal mo nang pinag-iinteresan ang anak niya, Kanor." "Mabuti na lang talaga at wala siyang kuwenta bilang ama." "Sayang nga at matitikman na sana natin si Heaven noon kung hindi lang dumating ang walang hiyang dayong lalaking iyon. Makakatikim talaga sa akin ang gagong iyon kapag nagkita kami ulit." Ilang minuto rin akong nagtago sa aking puwesto bago lumabas. Humina na kasi ang kanilang mga boses, hudyat na malayo na sila, kaya ipinagpatuloy ko na ang naudlot kong paglalakad. Kilalang-kilala sina Mang Kanor at ang kanyang mga kaibigan sa aming baryo bilang mga lasenggo, sugalero, at manyakis. Mabuti na lamang at malalakas ang kanilang mga boses kaya madaling malaman kung naroon sila o paparating pa lamang. Iniiwasan ko talaga sila dahil minsan na nila akong muntikang pagsamantalahan. Mabuti na lamang at may isang estrangherong tumulong sa akin noon. Sinubukan kong sabihin kay Tatay ang binalak nilang gawin sa akin, ngunit hindi siya naniwala. Sa halip na yakapin ako, magalit sa kanila, at magbigay ng mga salitang magpapagaan sa aking loob, sampal at mura ang natanggap ko. Gusto kong magsumbong, ngunit may maniniwala ba sa akin kung ang sarili kong ama ay hindi? "Magandang gabi sa iyo, Heaven. Bakit parang ginabi ka yata?" bati sa akin ni Tatay Isko nang madaanan ko ang kanilang bahay. Nakaupo siya sa sala habang humihigop ng kape mula sa tasang hawak niya. Lumapit naman ako upang magmano. "Nagkaroon po kasi ng problema kina Aling Tasing kaya ako muna po ang nagbantay sa kanilang tindahan," magalang kong sagot. Nasa presinto kasi ang isa niyang anak na si Gabo dahil nahuli itong nagtutulak ng droga. Agad niya itong pinuntahan nang malaman ang nangyari, kaya ako ang naatasang magbantay sa kanilang tindahan kahit dapat ay kanina pa ako nakauwi. Wala na nga akong bayad sa pag-oovertime, sinisante pa niya ako kahit wala naman akong nagawang masama. "Parang nangangayayat ka yata, iha. Inaalagaan mo pa ba ang sarili mo? Kumakain ka pa ba nang tama? Baka naman puro ipon ka?" "Kailangan ko po kasing mag-ipon para maipagpatuloy ko ang pag-aaral ko sa susunod na taon, Tay," sagot ko. Hanggang ikasiyam na baitang lamang ang natapos ko. Kinailangan kong tumigil sa pag-aaral upang maghanapbuhay nang tuluyan para matustusan ang aming pang-araw-araw na pangangailangan ni Tatay. "Sabi ko naman sa iyo, iha, lumapit ka lang sa amin kapag may kailangan ka. Para ka na rin naming anak, Heaven," saad niya. Ngumiti lamang ako bilang tugon. Alam kong tutulungan nila ako, kaya nga ayaw kong lumapit sa kanila. Marami na silang naitulong sa akin at ayaw ko nang madagdagan pa iyon. Kung may mga anghel man sa lupa, sina Tatay Isko at ang kanyang pamilya iyon. Kahit hindi nila ako kadugo o kamag-anak, patuloy pa rin nila akong tinutulungan at tinatrato nang maayos. Sila lamang ang may mabuting pakikitungo sa akin dito sa Sta. Ana. Kung hindi rin dahil sa kanila, matagal na sana akong namatay sa gutom. Sila talaga ay mga hulog ng langit. "Nandiyan na ba si Heaven?" Dumungaw si Nanay Isay sa kanilang pintuan. Nang mapansin niya ako ay agad siyang ngumiti. "O, buti naman at napadaan ka, anak." Lumapit ako sa kanya at nagmano. "Magandang gabi po, Nay." "Magandang gabi rin sa iyo, anak. Sandali lang at may kukunin ako," saad niya. Makalipas ang ilang sandali ay bumalik siya na may dalang malaking plastik. Bilog na bilog iyon at halatang maraming laman. "Bumisita kanina si Miguel. Hinahanap ka niya, pero sinabi naming abala ka sa trabaho," wika niya. "May ipinadala rin si Pablo para sa iyo, at may niluto rin akong ulam para sa inyo ng tatay mo." Si Kuya Miguel ang panganay nilang anak na nakatira na ngayon sa Maynila kasama ang kanyang pamilya. Si Kuya Pablo naman ang bunso nilang anak na nasa Maynila rin dahil doon siya nag-aaral at nagtatrabaho. Para ko na silang mga tunay na kapatid. "Naku, salamat po, Nanay," sambit ko. "Pakisabi rin po kina Kuya Miguel at Kuya Pablo na maraming salamat." Nagpaalam na ako kina Tatay Isko at Nanay Isay. Masaya kong tinahak muli ang daan pauwi habang mahigpit na hawak ang plastik na ibinigay nila. Sabik na sabik na akong makita kung ano ang ipinadala nila para sa akin. Kahit may sarili na silang mga buhay sa Maynila, hindi pa rin nila ako nakakalimutan. Ngunit naglaho ang ngiti sa aking mga labi nang matanaw ko ang aming bahay. Wala itong ilaw at kahit ilang metro pa lamang ang layo ko rito ay naaamoy ko na ang matapang na amoy ng alak. Dapat pala ay hindi na ako umasa na madadatnan kong matino si Tatay. Muntik ko pang makasalubong sina Mang Kanor kanina kaya paniguradong sa amin sila galing dahil kaibigan ni Tatay ang mga ito. Isa rin siyang lasenggo at sugalero, katulad nila. Sa totoo lang, masaya naman kami noon habang narito pa si Nanay. Hindi ako sinasaktan ni Tatay at hindi rin niya ako sinisigawan. Puno ng pagmamahalan ang aming tahanan, ngunit nang iwan niya kami at ipinagpalit sa isang mayamang lalaki, nagbago ang lahat. Ang dati kong amang walang bisyo ay naging lasenggo at sugalero. Ang bahay naming dating puno ng tawanan at halakhakan ay napalitan ng lungkot at pagdurusa. Siguro si Nanay talaga ang pundasyon ng aming pamilya dahil nang umalis siya, gumuho ang lahat. Huminga ako nang malalim bago lumapit sa bahay. Kumatok muna ako bago binuksan ang pinto, at doon tumambad sa akin ang nagkalat na mga bote ng alak. May mga basag ding bote sa sahig kaya dahan-dahan akong naglakad papasok upang hindi masugatan. "Tay!" tawag ko. Inilagay ko sa isang tabi ang mga bitbit ko at sinimulan kong linisin ang kalat. Hindi ko na rin ginising ang aking ama na mahimbing na natutulog sa dati nilang silid ni Nanay dahil sigaw at sampal lamang din naman ang aabutin ko, lalo na kapag nalaman niyang natanggal ako sa trabaho. Pagkatapos kong maglinis, inilabas ko na ang mga ipinadala nina Kuya Miguel at Kuya Pablo. Agad kong binuksan ang maliit na kahong nakita ko kanina. May laman itong kuwintas na may nakaukit na pangalan ko at mukhang galing iyon kay Kuya Pablo. Hindi naman ako bulag para hindi mapansin ang nararamdaman niya para sa akin, ngunit hanggang kapatid lamang talaga ang tingin ko sa kanya, at alam kong hindi na iyon magbabago. Sunod kong sinuri ang mga damit na mukhang galing sa asawa ni Kuya Miguel. Tiningnan ko rin ang sobreng natanggap ko mula kay Aling Tasing. Itinago ko ang kalahati ng laman nito at inilagay naman ang natitirang kalahati sa ibabaw ng sirang pridyider. Kapag kasi wala akong iniiwang pera roon, magwawala si Tatay at hahalughugin niya ang buong bahay. Kaya palagi akong nag-iiwan ng kahit kaunting halaga upang manahimik siya. Inilagay ko rin sa mesa ang ulam na bigay nina Nanay Isay. Ang mga pagkain at damit na ipinadala nila ay inayos ko naman sa loob ng aking lumang aparador. Kumuha lamang ako ng dalawang biskwit bago muling umalis. Balak kong magtungo sa malaking abandonadong tulay na madalas kong puntahan tuwing nais kong mapag-isa. Hindi ko alam kung sino ang may-ari nito o kung tunay nga ba itong abandonado, ngunit wala pa naman akong nakikitang ibang tao o sasakyang napapadpad doon. Pakiramdam ko tuloy ay ginawa iyon para sa akin. Pagdating ko sa tulay ay umupo agad ako sa paborito kong puwesto. Inilaylay ko ang aking mga paa at binuksan ang mga biskwit na dala ko. Nang maubos ang mga iyon ay humilata na ako. Nakalaylay pa rin ang aking mga binti habang ginawa kong unan ang aking mga braso. Tahimik kong pinagmasdan ang mga bituing kumikislap sa kalangitan. Parang gusto ko na lamang ding maging isang bituin dahil kusa silang namamatay kapag nauubos ang kanilang enerhiya. Napapagod na kasi akong mabuhay. Parang kahit anong gawin at pilit ko, hindi na talaga ako makaaalis sa Sta. Ana. Pakiramdam ko, kailangan ko pang maglaho sa mundong ito upang tuluyan nang matapos ang lahat ng aking paghihirap. May iiyak kaya kapag namatay ako? Umiling ako at marahang sinampal ang aking pisngi. "Ano bang iniisip mo, Heaven? Hindi ka pa puwedeng mamatay," sumbat ko sa aking sarili. "Marami ka pang pangarap sa buhay at balang araw ay makaaalis ka rin sa impiyernong ito. Mukha lamang imposible ngayon, pero alam kong kakayanin mo iyon. Kaya lumaban ka lang, Heaven." Napabuntong-hininga ako. Tumatanda na yata talaga ako dahil kung anu-ano na ang pumapasok sa isip ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD