Chapter 2

2000 Words
"Napakawalang-kuwenta mo talagang bata ka!" Hindi ako pumalag nang biglang hilahin ni Tatay ang buhok ko. Hinayaan ko lang siya dahil sanay na ako. "Putangina! Wala ka talagang silbi!" singhal niya at malakas akong itinulak. Ramdam ko ang pagtama ng aking ulo sa pader, ngunit ni katiting na sakit ay wala akong naramdaman. "Dapat talaga namatay ka na lang kung sakit lang sa ulo ang ibibigay mo sa akin." Hindi na bago sa akin ang mga sinasabi niya. Araw-araw kong naririnig mula sa kanya na dapat namatay na lang ako, ngunit hanggang ngayon ay nandito pa rin ako at humihinga. Siguro, malas talaga si Tatay dahil madalas ay hindi nagkakatotoo ang mga gusto niyang mangyari. "Kung ibenta na lang kaya kita kay Kanor? Kahit hindi niya sabihin sa akin, alam kong pinagnanasaan ka no'n," saad niya, kaya biglang nagpantig ang aking tainga. "Hindi ko alam kung anong nakita niya sa isang tulad mo, pero kung tatanggapin ka niya bilang pambayad sa mga utang ko sa kanya, wala na akong pakialam." Naririnig ba niya ang sinasabi niya? Alam kong wala siyang kuwentang ama, pero hindi ko akalain na napakabasura ng utak niya. "Kaya ka iniwan ni Nanay kasi wala ka ring kuwenta. Sa tingin mo, bakit ka niya ipinagpalit sa lalaking may pera?" Bastos na kung bastos, pero hindi dapat nirerespeto ang katulad niya. Kung wala siyang pakialam, wala na rin akong pakialam sa kanya. Wala akong tatay na gago at basura. "Tangina ka talaga!" Inambahan niya ako ng sampal at pumikit lang ako. Wala akong naramdamang sakit nang lumapat ang kanyang palad sa aking pisngi. Kapag siguro sanay ka na sa ganito, nagiging manhid ka na lang. Hinila ni Tatay ang aking kamay at hinayaan ko lang siya. Wala rin namang kuwenta kahit magpumiglas pa ako. "Siguradong matutuwa si Kanor kapag nalaman niyang ikaw ang pambayad-utang ko." Dinala ako ni Tatay sa kuwarto nila ni Nanay at ikinulong doon. Rinig ko ang pagkalansing ng susi habang kinakandado niya ang pinto. Wala akong balak magmakaawa sa tulad niya. Narinig ko ang kanyang mga hakbang papalayo, kaya naupo na lang muna ako sa kama at inilibot ang aking paningin sa paligid. Ganoon na ganoon pa rin ang kuwarto nila. Ang tanging nagbago lang ay ang kobre-kama, kumot, kurtina, at mga punda ng unan. Lumapit ako sa lumang aparador at binuksan ito. Isinara ko rin agad ito nang makita kong nakaayos pa rin dito ang mga iniwang damit at gamit ni Nanay. Kung hindi lang gago si Tatay, maaawa sana ako sa kanya. Alam ko namang mahal na mahal talaga ni Tatay si Nanay at hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago iyon. Ibinigay ni Tatay ang lahat para mapasaya si Nanay, pero hindi pa rin iyon naging sapat para manatili siya. Kita ko kung paano nagmakaawa noon si Tatay para lang hindi siya iwan ni Nanay. Kung nanatili ba si Nanay, magbabago kaya ang buhay namin? Siguro, oo. Siguro kung nandito pa si Nanay, hindi magiging ganito si Tatay. Siguro, nakapag-aaral ako. Siguro, masaya kami. Bumuntong-hininga ako. Imposible nang mangyari iyon dahil hindi na maaaring baguhin ang nakaraan. Hindi na rin magbabago ang katotohanang wala talagang kuwenta ang aking ama ngayon. Lumapit ako sa nag-iisang bintana sa kuwartong iyon at malakas itong sinipa. Agad naman itong nawasak, kaya lumabas na ako. Nakalimutan siguro ni Tatay na gawa lamang sa kawayan ang aming bintana, kaya isang sipa lang ay masisira agad ito. Pagkalabas ko ay dumiretso agad ako sa bahagi ng aming bahay kung saan naroon ang aking mga gamit. Inilagay ko sa lumang backpack ang lahat ng damit at gamit ko. Kumuha rin ako ng isang malaking plastik at inilagay rito ang mga pagkaing bigay sa akin ng pamilya ni Tatay Isko. Sinilip ko rin ang ibabaw ng aming sirang pridyider upang tingnan kung naroon pa rin ang pera at buti na lang ay naroon pa ito. Kinuha ko iyon pati ang lalagyan ng aking ipon at inilagay rin ang mga ito sa aking backpack. Nang masigurado kong dala ko na ang lahat ng kailangan ko para mabuhay, lumabas na ako. "At saan ka pupuntang bata ka?" Naestatwa ang aking katawan nang marinig ang boses na iyon. Hindi ito maaari. Biglang hinawakan ni Mang Kanor ang aking braso at hinila ako papasok ng bahay. Nagpumiglas ako, ngunit dahil mas malakas siya sa akin ay wala itong silbi. "Talagang balak mo pang tumakas, ha." Kinuha niya sa akin ang mga gamit ko at inihagis ang mga iyon sa isang tabi. Tinulak niya ako nang malakas kaya napahiga ako sa sahig. Sinipa niya ang aking tiyan at kahit wala akong naramdamang sakit, nalasahan ko ang dugo sa aking bibig. "Akin ka na ngayon, Heaven." Dinaganan niya ako kaya lalo akong nawalan ng kakayahang makagalaw. Sinubukan ko siyang sipain, ngunit parang wala lang iyon sa kanya. Nagsimulang tumulo ang mga luha ko at kahit ayaw lumabas ng boses ko ay pinilit ko pa ring sumigaw para humingi ng tulong. "Tulong! Parang awa ninyo na, tulungan ninyo ako!" Naramdaman ko ang kanyang kamay na naglalakbay sa aking mga hita. Pinilit kong magpumiglas muli, na naging sanhi ng pagkatumba ng mesa. "Sinusubok mo talaga ang pasensya ko." Sinampal niya muna ako bago niya itinulak ang ulo ko paharap sa sahig. Ibinaba niya ang suot kong saplot na pambaba, kaya lalo pang lumakas ang aking pag-iyak. "Tulong!" sigaw ko habang humihikbi. "Kahit anong gawin mong sigaw diyan, walang tutulong sa iyo," saad niya at saka gumalaw sa aking likuran. Naghalong suka, dugo, plema, at luha ang nalalasahan ko sa aking bibig. Puno rin ng suka at pawis ang sahig kung saan ako nakadapa at nagpupumiglas. Gusto kong lumaban, ngunit ramdam ko ang pagkawala ng lakas sa aking katawan. Dito na ba magtatapos ang lahat? Malapit na akong mawalan ng ulirat nang matanaw ko ang aming kutsilyo sa hindi kalayuan. Mukhang nahulog ito nang matumba ang mesa. Ginamit ko ang natitira ko pang lakas para abutin ito. Nang makuha ko ito ay hinigpitan ko ang pagkakahawak ko rito at buong puwersa ko itong isinaksak sa isang hita niya. Narinig ko ang paglagutok ng buto sa aking kanang braso, ngunit hindi ko iyon pinansin. Mas importante na mailigtas ko ang aking sarili. Kung may mamamatay man ngayon, hindi ako iyon. Nang bumagsak siya sa aking tabi at mapasigaw sa sakit, tumayo ako. Mas lalo kong hinigpitan ang pagkakahawak ko sa kutsilyo at walang emosyon ko siyang tinitigan. Bakas sa kanyang mukha ang takot, ngunit wala akong pakialam. Hindi dapat binubuhay sa mundong ito ang mga taong tulad niya. Hindi ko na siya hinintay na makapagsalita at ang kabilang hita naman niya ang sinaksak ko. Nang mapasigaw siyang muli sa sakit ay agad kong itinarak sa kanyang leeg ang kutsilyo nang ilang beses at nang masigurado kong wala na siyang buhay ay tumigil na ako. "Anak, ano iyong mga naririnig kong sigaw? Ayos ka lang ba?" Napalingon ako at nakita ko si Nanay Isay na mukhang kararating lang. Nabitawan niya ang hawak niyang mangkok nang mapatingin siya sa katawan na nakahandusay sa aking harapan at sa kutsilyong hawak ko. "Anong nangyari, Heaven?" tanong niya at dali-daling lumapit sa akin. Napaupo ako sa sahig at pumalahaw ng iyak. Mukhang naintindihan ni Nanay Isay ang nangyari dahil bigla niya akong niyakap. Ilang minuto rin kaming ganoon bago siya humiwalay sa akin. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at tiningnan nang mabuti. "Kailangan mo nang umalis, anak," saad niya. "Ako na ang bahala rito. Umalis ka na at huwag ka nang babalik pa rito." Tinulungan niya akong tumayo. Marahan niyang inayos ang aking saplot bago pinulot at iniabot sa akin ang mga gamit na inihagis kanina ni Mang Kanor. Wala sa sarili kong tinanggap ang mga iyon. "Ipangako mo sa akin, anak, na hinding-hindi ka na babalik dito sa Sta. Ana. Ipangako mong kakalimutan mo ang baryong ito at mabubuhay ka nang matiwasay, malayo rito." Hindi ako sumagot dahil patuloy lang ako sa pag-iyak. "Heaven!" Nang marinig ko ang nagmamadaling sigaw ni Nanay Isay, bigla akong bumalik sa realidad. Hindi ko pinansin ang kamay kong nababalutan ng dugo at tumango na lamang ako habang humihikbi pa rin. "Umalis ka na. Bilis!" Tumakbo ako upang iwan ang kinalakihan kong bahay. Hindi ko alam ang itsura ko ngayon dahil umiiyak pa rin ako habang pilit na binibitbit ang lahat ng aking mga gamit. Kahit malabo na ang aking paningin dahil sa patuloy kong pag-iyak, hindi pa rin ako tumigil sa pagtakbo. Tumigil lamang ako nang mapansin kong nasa tapat na ako ng abandonadong tulay. Napaluhod na lamang ako rito at muling pumalahaw ng iyak. Lumipas ang ilang oras at nagsimula nang dumilim ang paligid. Nakaupo lang ako sa madalas kong puwesto at parang wala sa sariling pinagmamasdan ang aking mga nakalaylay na paa.. Napunta ang atensyon ko sa aking mga kamay na may bakas pa rin ng dugo kahit pinunasan ko na nang mabuti. Hindi ko akalain na makakapatay ako ng tao. Siguradong hinahanap na ako ng mga pulis ngayon. Wala namang maniniwala sa akin kapag ipinaliwanag ko ang nangyari. 'Ipangako mo sa akin, anak, na hinding-hindi ka na babalik dito sa Sta. Ana. Ipangako mong kakalimutan mo ang baryong ito at mabubuhay ka nang matiwasay, malayo rito.' Bigla kong naalala ang sinabi sa akin ni Nanay Isay. Napabuntong-hininga na lamang ako habang tinititigan pa rin ang mga kamay kong may bahid ng dugo. Paano ako mabubuhay nang matiwasay kung hindi ko nga alam kung saan ako pupunta? Hindi ko rin alam kung hanggang saan ako kayang dalhin ng perang mayroon ako. Tumingala na lamang ako upang panoorin ang pagkutitap ng mga bituin. "Mga bituin sa kalangitan, hiling ko'y inyong pakinggan," bulong ko. Magsasalita pa sana ulit ako nang bigla akong makarinig ng mahinang ugong ng sasakyan. Agad akong tumayo at dali-daling kinuha ang aking mga gamit bago mabilis na tumakbo papunta sa kabilang dulo ng tulay. Baka ang mga pulis na iyon. Nang marating ko ang kabila, nagtago ako sa likod ng isa sa mga punong naroroon. Ilang segundo rin akong naghintay bago tuluyang lumakas ang ugong ng sasakyan, hudyat na papalapit na ito. Tahimik akong sumilip upang tingnan kung mga pulis nga ba iyon, ngunit isang magarang itim na kotse ang tumambad sa akin-isang sasakyang madalas ko lamang makita sa telebisyon. Malayong-malayo ang itsura nito sa mga sasakyan ng pulis. Tumigil ang kotse sa hindi kalayuan at bumaba ang isang lalaki mula rito. Kitang-kita kung gaano siya kakisig sa liwanag na nagmumula sa kanyang sasakyan. Para siyang modelong makikita sa mga katalogo at patalastas, ngunit mas guwapo pa rin siya kaysa sa mga iyon. Pumunta siya sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan at binuksan iyon. Ngayon ko lang napansin ang hawak niyang palakol. Hindi iyon ganoon kalaki, ngunit alam mong napakatalas nito. Magsisibak ba siya ng kahoy? Biglang nanigas ang aking katawan nang makita ang dalawang lalaking nakagapos at may mga tape sa kanilang mga bibig. Tinanggal ng guwapong lalaki ang tape sa bibig ng isa sa kanila at doon ko nasaksihan kung paano ito magmakaawa. Pawis na pawis ito at halatang nagdusa batay pa lamang sa itsura nito. Biglang tumawa nang malakas ang lalaki at tila naglalaro lamang habang pinaikot-ikot ang palakol sa kanyang kamay. Agad kong tinakpan ang aking bibig upang pigilan ang sarili na makagawa ng kahit katiting na ingay. Tinigil ko na rin ang pagsilip, ngunit rinig na rinig ko pa rin ang pagmamakaawa ng lalaking tinanggalan ng tape habang humahagulgol nang malakas, pati ang impit na hikbi ng isa pang may tape pa rin sa bibig. Hindi naman siguro niya gagawin ang iniisip ko. "Pray if you want. It won't change anything," rinig kong sambit niya bago ako makarinig ng isang malakas na sigaw. "After all, there's no God here. Only you, your sins, and me. And unlike Him, I don't look away when people suffer. I enjoy every second of it." Pinigilan kong huwag mag-ingay, ngunit parang imposible iyon dahil sa lakas ng t***k ng aking puso. Gusto kong tumakbo, ngunit ayaw gumalaw ng aking mga paa. "Hatsing!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD