CHAPTER TWO

3215 Words
HINDI namalayan ni Sanya na nakatulugan na niya ang pag-e-edit ng video na sana ay i-u-upload niya mamaya sa Youtube. Ang totoo niyan ay inaantok na siya talaga kanina pero pinipilit lang niya. Nagulat na lang siya nang paggising niya ay madilim na sa kwarto niya. Ang tagal pala niyang nakatulog kung ganoon. Sa pagkakatanda niya ay nagpost pa siya sa kaniyang f******k at Twitter na may ipo-post siyang bagong vlog ngayon. Malapit na naman niyang matapos ang pag-e-edit kaya matatapos na rin niya iyon bago matapos ang araw na ito. Patay na ang screen ng laptop niya. Mukhang naubos na ang battery niyon sa sobrang tagal na naka-standby. Umalis muna siya ng kama para kunin ang charger na nasa drawer na katabi lang naman ng kaniyang kama. Binalikan niya ang kaniyang laptop para i-charge iyon. Ngunit nagtaka siya nang hindi na umiilaw ang light indicator nito para sa charging. Medyo kinakabahan na siya dahil baka nasira ang laptop niya. Pinindot niya ang power button pero hindi na talaga nabuhay ang laptop niya. “Naku… Paano na ito? Nagpromise pa naman ako na mag-u-upload ako ng vlog today…” himutok ni Sanya. Kinuha niya ang kaniyang cellphone. Pag-connect niya sa WiFi ay maraming notifications at messages agad ang pumasok mula sa iba’t ibang social media account niya. Karamihan sa mga iyon ay mula sa f******k at Twitter. Puro nagsasabi ang mga ito sa vlog na I-uupload niya mamaya sa Youtube. Patay na… bulong ni Sanya. Baka isipin ng mga followers niya na paasa siya. Hindi niya dapat binibigo ang mga ito lalo na at marami ang nagsasabi na nawawala ang stress nila kapag napapanood ang vlog niya. Kaya kailangan niyang matapos ang pag-e-edit. Pero paano naman niya iyon magagawa kung nasira na yata ang laptop niya at naroon lahat ng files na kailangan niya. Ugali na rin kasi niya na kapag naipasa na niya sa laptop niya iyong mga video files na kailangan niya para sa vlog niya ay dine-delete na rin niya agad sa camera niya. Tiwala naman kasi siya sa laptop niya pero binigo siya nito ngayon. Muling binalikan ni Sanya ang laptop. Sinubukang ayusin. Pinindot ang lahat ng buttons at inalis sa charger tapos iko-connect ulit pero wala talaga. Hindi na iyon nabubuhay. “Ano ba naman kasi ang nangyari sa iyo? Nagtampo ka ba kasi nakatulugan kita? Sorry na, please… Mabuhay ka na. Please!” Akala mo ay isang tao na kinausap niya ang laptop. Pinanghinaan na siya ng loob. Tinanggap na lang niya na nasira na nga talaga ito. Isinubsob niya ang mukha sa unan ngunit agad din siyang bumangon nang may maisip siyang paraan. “Kung nasira, pwede namang maayos!” Puno ng pag-asang bulalas ni Sanya. Tumayo na siya at kinuha ang kaniyang laptop kasama ang charger nito. Isinilid niya ang iyon sa paborito niyang bag. Isinukbit niya ang bag sa kaniyang magkabilang balikat. Alas nuebe pa lang naman ng gabi kaya may bukas pa naman sigurong computer repair shop sa oras na ito. Sana… Hindi naman masamang umasa. Basta ang gusto lang niya ay maayos ang laptop niya ngayong gabi, matapos niya ang pag-edit sa vlog at ma-upload iyon sa Youtube ngayon. Bago mag-alas dose! Atleast, naihabol niya bago matapos ang araw na ito. Hindi niya pa rin na-break ang pangako niya sa kaniyang followers. Nagmamadali siyang lumabas ng kaniyang kwarto. Pababa na siya sa hagdan nang makasalubong niya ang kaniyang personal na yaya na si Ate Aira. Ito ang nag-aasikaso sa kaniya kapag may kailangan siya. Payat itong babae at kulot ang buhok na hanggang balikat. Ang dalawa pa nilang kasambahay ay sina Ate Cathy at Ate Thalia. Si Cathy ang tagapagluto nila at si Thalia naman ang naglalaba. Tapos magkakatulong ang tatlo sa iba pang gawain sa bahay katulad ng paglilinis at kung anu-ano pa. Sa sobrang tagal na ng mga ito na nagsisilbi sa pamilya niya ay hindi na iba ang mga ito sa kanila. Pamilya na rin ang turing nila sa tatlo. Wala naman din kasi silang problema sa mga ito. Mababait at mapagkakatiwalaan ang tatlo nilang kasambahay. Hinarangan siya ni Aira. Talagang dumipa pa ito para hindi siya makalusot. “Hoy, hoy, hoy! Saan ka naman pupunta at may dala ka pang bag?” usisa nito. “Ate Aira, kailangan kong umalis. Nagmamadali ako. Later ko na sasabihin sa iyo kung bakit--” “Anong aalis? Hindi pwede!” Umiling pa ito. Ganoon lang talaga sila mag-usap. “Ate! Hindi pwede--” “Hindi talaga pwede. Tulog ka na maghapon tapos aalis ka ngayon nang hindi kumakain? Kumain ka sa kusina at kung ano man iyang pupuntahan mo ay ipagpabukas mo na lang.” Mukhang hindi niya madadala sa pakiusap at pagpapa-cute niya si Aira kaya naman gagamitin na niya dito ang kahinaan nito. Lumapit siya dito at binulungan ito. “Kapag pinayagan mo akong lumabas, isasama kita bukas sa ABS-CBN. May dalawa akong special ticket para bukas sa It’s Showtime. Guest nila bukas si James Reid!” Pagkatapos niya iyong ibulong ay nginitian niya ito nang matamis na may kasamang kindat. “Ay, sinusuhulan mo ako, ha. Hindi mo ako madadala sa mga ganiyan mo. James Reid? Oo, crush ko si James Reid pero mas importante pa rin na kumain ka dahil kabilin-bilinan ng mommy at daddy mo na dapat ay kumakain ka sa tamang oras. Pasalamat ka na lang at wala pa sila ngayon kundi sila mismo ang magpapakain sa iyong bata ka!” Inilabas ni Sanya ang cellphone niya at hinanap niya sa gallery ang picture ni James Reid kung saan wala itong suot na pang-itaas. Tanging shorts lang angs suot nito. Kitang-kita ang matipuno nitong dibdib at perpektong bugis ng abs. Tila nahilo si Aira nang ipakita niya dito ang picture na iyon. “Bukas nasa It’s Showtime siya, ate. Ano? Papalampasin mo na lang ba ang chance para ma-meet siya. This is once in a lifetime chance. Ikaw din… bahala ka…” “James Reid, `no?” Tumango-tango si Sanya. Mahilo-hilo ito. Kulang na lang ay maglaway ito sa kakatitig sa picture ng crush nitong aktor sa cellphone niya. “Hindi naman talaga importante iyang pagkain mo, Sanya, e. Pwede ka namang kumain bukas. Kung magkaroon ka man ng ulcer, pagamot ka na lang. Mayaman naman kayo, e. James Reid, `no? Sama mo ako bukas, `no?” “Yes na yes, Ate Aira! Ano? Alis na ako, ha.” “Sige, alis ka na. Ingat ka. Bye!” Talagang nawala ito sa sarili dahil sa picture na ipinakita niya. “Thanks, ate! Babalik din ako agad! Promise!” “Kahit bukas ka na bumalik basta isama mo ako kay James Reid bukas, ha.” Tumabi na ito para makababa na siya. Wala naman talaga siyang special ticket sa It’s Showtime at hindi rin naman siya sigurado kung guest doon bukas si James Reid. Inimbento niya lang iyon para mapapayag niya si Aira na palabasin siya. Paglabas niya sa bahay ay kinuha niya ang kaniyang bike sa may garahe. Lumabas na siya ng gate at saka sinakyan ang bike. Sa oras na ito ay sarado na ang mga malls kaya ang pag-asa na lang niya ay ang mga computer repair shop na malapit sa kanilang subdivision. Sana meron pang bukas. UNTI-UNTI nang nauubos ang pag-asa ni Sanya na makakahanap pa siya ng computer repair shop. Wala kasi palang computer repair shop dito sa subdivison nila. Kahit sa kabilang subdivision ay wala din. Isang oras na rin siyang nagba-bike. May dalawang oras na lang siyang natitira. Uuwi na sana si Sanya nang may maisip siyang ideya na maaaring makatulong sa kaniya. Gagamitin niya ang kasikatan niya sa problema niya ngayon. Huminto muna siya sa pagba-bike. Tumambay muna siya sa tapat ng gurad house sa kanilang subdivision. Nagpost siya sa kaniyang f******k. Nagtanong siya sa mga followers niya na kung saan may malapit na computer repair shop sa location niya. Wala pang isang minuto ay marami na ang sumagot sa tanong niya. Isa-isa niya iyong binasa na may pag-asang may sasagot sa tanong niya. Ngunit kahit isa sa mga ito ay puro walang alam ang sagot. Iyong iba naman ay sinasabing pansinin niya at nanghihingi pa ng fansign. Napailing na lang siya. Mukhang wala naman siyang makukuhang matinong sagot sa mga nagko-comment sa post niya. Ang mabuti pa siguro ay I-delete na lang niya iyon. Akmang ide-delete na ni Sanya ang post niyang iyon nang may biglang nagmessage sa Messenger niya. Mula sa isang Vincent Loves Sanya. Sa pangalan pa lang nito ay mukhang fan na fan niya ito. In-open niya ang message at binasa… Vincent Loves Sanya: May alam akong computer repai shop na malapit sa location mo. Gusto ko lang tumulong. Kalakip ng mensahe nito ay isang map. Tiningnan niya ang mapa at iyong location na sinend nito ay thirty minutes kapag nilakad. Mas mabilis siya dahil naka-bike naman siya. Dahil desperada na talaga siyang makahanap ng computer repair shop ay sumakay na siya ulit sa kaniyang bike at inilagay ang cellphone sa holder na nasa unahan ng bike para makita niya kung saan siya dapat dumaan. Binilisan na lang ni Sanya ang pagba-bike habang sinusundan ang mapa. Nilampasan niya ang dalawang subdivision na malapit sa kanilang subdivision. Dumaan siya sa isang kalsada na walang kabahay-bahay sa gilid kundi puro nagtataasang talahib lamang. Medyo kinakabahan na siya pero tuloy pa rin siya. Limang minuto lang at nalampasan na niya ang kalsadang iyon. Malapit na siya sa location na pupuntahan niya. Makalipas lang ang ilang minuto ay narating na niya ang computer repair shop na nakalagay sa mapa. Huminto na siya sa pagpedal at bumaba na ng kaniyang bisikleta. Isang maliit na bahay ang nasa harapan niya. Sa harapan niyon at may tila maliit na tindahan ngunit sarado na. “Nasaan ang repair shop dito?” Mahina niyang tanong. “Oh my, God!” bulalas niya nang mapagtanto niya na niloko lang siya ng taong nagsend sa kaniya sa location na ito. Ang tanga naman niya para maniwala agad dito. Pagdating niya mamaya sa bahay ay iba-block na niya ang nagmessage na iyon. Sasakay na sana si Sanya sa bike nang may makita siyang lumabas mula sa maliit na bahay. Mataba ito at malalaki ang mata na akala mo ay mata ng tarsier sa sobrang laki. Hindi naman sa pagiging judgemental pero nakaramdam siya ng takot paukol sa lalaking iyon. Titig na titig kasi ito sa kaniya. Ipinagpatuloy na niya ang pagsakay sa bike. Magpepedal na sana siya nang biglang magsalita iyong lalaki. “Sandali lang!” anito. Napatingin si Sanya sa lalaki. Hindi niya naituloy ang pag-alis. “A-ako ba ang tinatawag mo?” tanong niya na may kasama pang pagturo sa sarili. Tumango ito. “Oo. Ikaw nga. Ikaw Sanya, `di ba?” “Ako nga…” “Ako `yong nag-message sa iyo kanina.” “Ikaw si Vincent Loves Sanya?” Tumawa ito na parang nahihiya. “Ako nga. Nakakahiya naman. Natandaan mo pa ako, Sanya. I-idol kasi kita, e… Sobra kitang hinahangaan, Sanya. Vincent na lang itawag mo sa akin.” May isang bagay na napansin agad si Sanya sa lalaki. Tila mas bata itong mag-isip sa edad nito. “Ganoon ba? Ano kasi, kailangan ko nang umalis. Akala ko kasi may computer repair shop dito. Iyon kasi ang sinabi mo sa message mo kanina--” “Huwag! Huwag kang umalis. Meron ditong computer repair shop!” pigil ni Vincent sa kaniya. “Nasaan?” “Dito, o…” itinuro nito ang tila maliit na tindahan. “Ako nag-aayos ng mga computer. Marunong ako. Ano bang ipapaayos mo, Sanya?” Iyong tingin nito sa kaniya ay puno ng paghanga. Parang hindi ito makapaniwala na nasa harapan na siya nito. Sa tingin niya ay talagang tagahanga niya ang lalaki. May pagdududa niya itong tiningnan. Wala kasi sa hitsura nito na may kakayahan itong mag-repair ng mga computer. “Sigurado ka ba?” Alam niyang maaaring maka-offend ang tanong niyang iyon pero gusto lang naman niyang makasiguro. Sunud-sunod na tumango si Vincent. “Oo, oo! Halika, Sanya.” May susi itong inilabas mula sa bulsa ng suot nitong pantalon. Gamit iyon ay binuksan nito ang maliit na tindahan. Pinasilip siya doon ni Vincent. Itinabi muna niya ang bike at sumilip siya. Nagsasabi naman pala ito ng totoo dahil computer repair shop nga iyon. May mga sirang computer at mga tools sa pag-aayos ng computer. Masyado niya lang minaliit si Vincent base sa panlabas nitong kaanyuan pero legit naman pala itong nag-re-repair ng mga computer. Nauna na itong pumasok sa kaniya doon. Binuksan nito ang ilaw sa loob. “Halika ka. Pasok ka, Sanya…” Hindi ito makatingin ng diretso sa kaniya. Para itong isang batang nahihiya sa inaakto nito. Pumasok na siya sa loob. Umupo silang dalawa ni Vincent. May isang lamesa sa gitna nila. Medyo maalikabok ang shop nito pero hindi na siya mag-iinarte ngayon. Ito na lang ang pag-asa niya para maayos ang laptop niya ngayong gabi. “Ano bang papaayos mo, Sanya?” tanong ni Vincent. Inilabas niya agad ang sirang laptop at ipinatong iyon sa lamesa. “Itong laptop ko kasi. Naiwanan ko kasi siyang naka-standby ng matagal. Tapos nalowbat yata. No’ng icha-charge ko na sana, hindi na nabuhay. Maaayos mo ba iyan ngayon? Kailangan ko kasi iyan ngayong gabi, e. Saka sana naman hindi mawala lahat ng files ko diyan. Kaya mo ba, Vincent?” Hindi malaman ni Sanya ang magiging reaksyon niya nang hindi magsalita ang lalaki. Bagkus ay nakanganga lang ito sa kaniya kaya naman kitang-kita niya ang madidilaw at ilang bulok nitong ngipin na parang hindi kilala ang toothbrush at toothpaste. Napangiwi si Sanya dahil sa medyo nakakadiring hitsura ng mga ngipin ni Vincent. Masama mang isipin pero parang hindi talaga ito nagto-toothbrush. Titig na titig pa ito sa kaniya at hindi niya alam kung bakit. “May dumi ba ako sa mukha?” untag niya sa pagkakatulala ni Vincent. “Ang ganda mo…” Wala sa sariling sabi nito. Tumulo pa ang laway sa gilid ng bibig ni Vincent kaya mas lalo siyang napangiwi. “T-thank you.” Nag-aalangang sagot ni Sanya. Itinuro niya iyong laptop niya. “Maaayos mo na ba `yan ngayon? Saka sana hindi mawala iyong mga files ko diyan.” Inulit na lang niya ang sinabi niya kanina at baka nakalimutan na nito. Kumurap-kurap ito na parang nagising mula sa isang mahabang panaginip. Pinunasan nito ang laway sa gilig ng bibig gamit ang likod ng kamay. “Oo. Oo naman. Ako ang bahala, Sanya. Maaayos ko ito ngayon at hindi mabubura mga files mo. Magtiwala ka lang sa akin,” anito. May mga gamit itong inilabas at mga CD. Hinayaan lang niya si Vincent sa kung ano ang gagawin nito sa laptop niya. Sa tingin naman niya ay marunong talaga itong mag-ayos. Panay naman ang tingin ni Sanya sa kaniyang wristwatch dahil nababahala siya na baka hindi umabot ang pag-upload niya sa kaniyang vlog ngayong araw. Maya maya ay isinaksak na ni Vincent ang charger sa laptop at nagulat siya nang bigla na lang itong pumalakpak habang masayang tumatawa. “What happened?” Nagtatakang tanong niya. Kung kanina ay medyo inaantok na siya, ngayon ay parang nawala na dahil sa gulat niya sa ginawa ni Vincent. Tumayo si Vincent at hinawakan siya sa kamay. Medyo malagkit ang kamay nito pero hindi naman niya magawang pumigla siya dahil sa palagay niya ay walang malisya iyon para kay Vincent. “Halika, Sanya. Tingnan mo!” Hinila siya nito papunta sa harap ng laptop niya. Nanlaki ang mata niya sa sobrang saya dahil nabuhay na ang laptop niya. “Wow! Ang galing mo naman! Thank you, Vincent! Thank you talaga!” Pasimple niyang binawi ang kamay niya kay Vincent dahil parang wala na itong balak na bitawan iyon. Kinuha niya ang kaniyang wallet sa bag para magbayad. “Magkano pala?” Umiling si Vincent. “Naku, huwag na. Libre na lang. Nakakahiya…” payuko-yuko pa ito na parang nahihiya sa kaniya. “Ano ka ba? You do me a favor at shop ninyo ito kaya dapat lang na magbayad ako. Come on, tell me kung magkano,” giit niya. Kakamot-kamot sa ulo na sumagot ang lalaki. “Kahit selfie na lang at autograph, Sanya.” “Selfie at autograph pero magbabayad pa rin ako. Okay?” “S-sige. Ang bait mo pala, Sanya. Kahit five hundred na lang.” Inilabas nito ang cellphone at nag-selfie silang dalawa. Medyo lumalayo nga lang siya dito dahil umaakbay ito sa kaniya nang walang pasabi. Hindi naman sa nagmamaldita siya pero hindi lang siya kumportable sa paraan ng pag-akbay ni Vincent. Pinipisil siya nito sa balikat na para bang wala lang iyon sa kaniya. Matapos ang selfie nila ay kumuha naman ito ng papel at ballpen upang bigyan ito ng maikling message na may pirma niya. Kasama na doon ang bayad niyang limang daang piso. Tuwang-tuwa si Vincent nang ibigay niya ang papel dito. Parang hindi ito makakatulog sa mga ngiti nito. Biglang naalala ni Sanya ang oras. Napatingin tuloy siya sa kaniyang orasan. Malapit na palang mag-alas dose. “Naku, kailangan ko na palang mag-edit no’ng vlog ko. Uhm, Vincent, pwedeng favor? Okay lang ba na dito muna ako sa shop ninyo. Mag-e-edit lang ako ng vlog ko.” Naisip niya kasi na kung uuwi pa siya sa kanila para mag-edit ay mag-aaksaya siya ng oras. Sunud-sunod itong tumango. “Sige lang! Walang problema! Mag-edit ka na dito!” “Thank you talaga, Vincent!” “May gusto ka bang inumin? Tubig, kape o juice?” Umiling si Sanya. “`Wag ka nang mag-abala. Sige, mag-edit lang ako, ha…” aniya. Umupo na siya sa harap ng laptop. Tiningnan niya ang mga files niya at hindi nga iyon na-delete. Humanga naman siya kay Vincent sa parteng iyon. Mukhang mahusay talaga itong mag-ayos ng mga laptop. Ang creepy nga lang nito ng kaunti. Habang nag-e-edit siya ay nakaupo naman si Vincent sa harapan niya. Hindi niya ito tinatapunan ng tingin dahil abala siya sa kaniyang ginagawa. Nagmamadali na talaga siya. Hanggang sa makarinig siya ng mga tunog ng camera ng cellphone. Sinulyapan niya si Vincent at nahuli niya itong kinukuhaan siya nito ng picture. Bigla nitong itinago ang cellphone nang malaman nito na nakatingin siya dito. Ngumiti na lang siya kay Vincent para hindi nito maramdaman na hindi siya kumportable sa ginagawa nito. Ayaw niya kasing maramdaman nito iyon lalo na at malaki ang naitulong nito sa kaniya ngayong gabi. Dahil sa time pressure ay mabilis na natapos ni Sanya ang ginagawang pag-e-edit ng video. Agad niya iyong in-upload sa Youtube at akala mo’y tumama siya sa lotto nang naging matagumpay ang pag-u-upload niya! “Yes! Umabot ako!” Masayang nag-inat si Sanya dahil medyo nanakit ang likod niya. Wala kasing sandalan ng likod ang upuan na naroon sa shop. Matapos iyon ay sinamsam na niya ang kaniyang mga gamit. “Thank you nga pala, Vincent! Hulog ka ng langit! Oo nga pala, uuwi na ako. Late na rin kasi, e.” Muling pagpapasalamat niya sa lalaki. “Aalis ka na?” Nagtaka si Sanya dahil biglang nangilid ang luha ni Vincent.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD